2018
06 18 (Mon, 8:47 PM)
Bago ako pumunta sa D.O., iniwan ko
muna ang worksheet ng mga bagets sa guardhouse (naka-memo naman yung report;
kaya nag-iwan ako ng gawain kung sakaling di ko sila maabutan sa oras ng klase
ko). Ipinasuyo ko ang worksheets sa mga officers ng aking section, sa tingin ko
ay okay naman, nakasunod. Sa katunayan, tuwing uwian ay nagre-report pa rin si
Jhobert sa akin ukol sa mga nangyari sa klasrum sa maghapon, minsan sumasama pa
ang ibang officers kahit alam kong uwing-uwi na sila. Naka-attend din si
Jhobert sa meeting ng mga president kanina kahit pa hindi ko siya
napaalalahanan. May potensyal naman ang mga batang ito, sana nga.
Pang-anim kami sa listahan, pero
panglima kaming sumalang. Okay naman. Marami kaming natutunan sa pag-present ng
aming papel kanina. Oo, matrabaho. Pero ganun talaga. Experience pa rin ang
mahalaga.
Nakakatuwa si Sir T! Napakatalinong
tao, pero humble. Sabi niya bago kami nag-umpisa (nagkaalukan kasi ng hopia),
paano raw ba malalaman kung ang hopia ay hopiang hapon o intsik? Walang nakasagot
sa amin… Sabi ni Sir T, pag kinagat mo raw ang hopia at walang nalalaglag na mugmog,
hoping hapon iyon; pero kung merong nalaglag sa iyong pagkagat, hopiang intsik
naman. Sa flour daw nagkaiba.
Si Sir T yung tipo ng tao na masarap
kakwentuhan, sobrang approachable at napakatinik pa sa research. Grabe… Grabe.
Naitawid namin ang tanghali sa
pagkain ng hopia habang naghihintay na maisalang. Kaya pagkatapos namin, mga
pasado alas kwatro na ng hapon, ay kumain muna kami saglit.
Gusto ko mang umuwi na, kailangan
kong bumalik sa school. Medyo traffic na pauwi, pero naabutan ko pa rin ang
last period na klase (6:00 - 7:00 PM), may oras pa. Tinapos at tsinekan ang
worksheet, at saka nag-grupo para sa SIP (naku sana magawa namin). Nakakatuwa
rin itong mga batang Rizal (section nila), kahit uwian na, kung di ko pa
aawatin ay hindi pa titigil na mag-usap at magplano sa kanilang mga gawain,
sana magbunga.
Ang daming ganap ng buhay. Pero okay
lang, tinext ko nga sila Eldie at Neri na sana magtuloy-tuloy na ang pasok, at
wag na maantala ng ulan. Dagdag ko pa, kahit mahirap ang ilang mga araw, at
least nakakausad, di tulad ng walang pasok, hindi umuurong ang mga tasks.
Pangalawang homeroom namin bukas…
sana may maisip akong makabuluhang maipapagawa, hahaha.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento