Mga Pahina

Lunes, Disyembre 30, 2013

Last na 'to for this Year! :)

Ika-30 ng Disyembre, 2013
Lunes, 11:28 ng gabi

            Meron na lang akong isang araw para pagbigyan ang pagiging ‘tulala creature’ ko sa mundo. Dahil pagsapit ng bagong taon, balik gawa na naman ng kung ‘anek-anek’ na preparation at paper works. Di ko na ulit mapagbibigyan ang sarili ko na tumunganga sa maghapon, kaharap ang netbook, di na rin ako makakatulog kahit na anong oras na gusto ko, makakalimutan ko na naman ang saya ng panunuod ng telebisyon hehe. Pero okay lang, sapat na sa akin ang panahong binigay ko sa sarili para maging ‘tulala creature’ di naman kasi maaaring maging ganun na lang.

            Sabi nila, para magkaroon naman ng direksyon at purpose ang buhay mo, dapat alamin at gamitin mo ang mga ‘gifts’ na ipinagkaloob sa iyo, di para sa iyong sarili, kundi para sa iba. Ang mundo ay mas magiging mabuti kung lahat ay matututong wag maging makasarili.

            Kaya naisip ko sana makapagbahagi rin naman ako sa mundo para naman magkaroon ng silbi ang pagiging nilalang ko hehe. Kung ano man yun, ay maaaring di ko rin alam o hindi lang ako sure haha, kung may nakukuha man na mabuti ang iba mula sa akin, ipinagpapasalamat ko yun ng lubos.

            Masaya ako kasi isang taon na naman ang matatapos. Masaya ako kasi may mga bagay akong nagawa na hindi ko akalain na magagawa ko o dahil kasi hindi ko man lang pinu-push ang aking sarili hehe.

            Ayoko nang gumawa ng tema ng aking buhay para sa taong 2014. Mas maganda kapag surprise! Napakaarte ko naman kasi para bigyan pa ng theme ang buhay sa bawat taon, eh wala namang nasunod haha. Ang alam ko lang ngayon ay gusto kong mas maging masaya sa susunod na taon!

            Halo-halo ang nararamdaman ko. Mahirap na talikuran o iwanan ang mga nakagawian na pero exciting naman sa kabilang banda yung mapunta naman sa ibang tagpo ang iyong buhay. May kanya-kanya lang talagang time-frame ang bawat bagay o tao sa buhay natin. Hindi talaga marahil lahat ay mananatili pero di naman nangangahulugan iyon ng paglimot.

            Hindi ko alam kung bakit parang ang saya ko kahit hindi naman dapat haha, o kung bakit parang gustong-gusto ko yung buhay ko nitong taon na ito kahit pa di ko naman taglay ang lahat, basta di ko alam.

            Hangad ko na mabuhay ang bawat isa sa paraang gusto nila… gusto ko lang maging masaya yun lang!

            Gusto ko sana gumawa ng year end post tulad ng ibang bloggers, pero di ko masimulan kasi kaunti na lang ang naaalala ko haha. Nakalimutan kong mag-take note o kung meron man baka kasi ako lang din ang maka-relate haha. Kaya hanggang ganito na lang muna…

            Maraming salamat sa taong 2013!!! At halina 2014!!! Hehe.

Jepbuendia

11:54 ng gabi

Miyerkules, Disyembre 25, 2013

My 'Krismas Istori'

Ika-25 ng Disyembre, 2013
Miyerkules, 12:03 ng madaling araw

Ganito ang Pasko sa amin...

1. Hindi kami yung cheesy type na pamilya na pagsapit ng noche buena ay magpapalitan ng pagbati ng merry christmas, with beso-beso at bigayan ng gifts… No! No! No! haha. Pag ginawa mo yan sa aming pamilya, para kang matutunaw sa kakornihan, walang makiki-ride on sa’yo. Kung hindi man ganun ang mangyari, palilipasin na lang ang mga ganung tagpo haha. Mapapaisip ka na lang kung bakit sa ibang pamilya o sa pelikula ay okay naman ang mga ganung moments, pero pag sa amin parang ang awkward lol.

2. Dahil ang totoo, kahit pa may handa kami tuwing pasko, hindi naman talaga kami nagno-noche buena, naghahanda lang talaga eh kasi nga pasko… yung iba sa amin ay tulog na sa mga oras na ito, kinabukasan na lang kumakain ng sabay-sabay eh kasi naman almusal haha.

3. Ganun pa rin naman ang mga tagpo, solid pa rin sa kaingayan ang neighborhood namin, yung akala mo new year na kasi bidang-bida na naman ang videoke nila na basag naman ang tunog, na ayaw nilang paawat kahit pa sumuko na yung mga kasabayan nila sa pagvivideoke, go lang ng go!

4. Na hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakapag-simbang gabi. Never in my life ko talaga na-experience ang bagay na ito. Nahiya naman ako sa status ng isang ka-fb, sabi niya bakit daw napakaraming nagsisimbang gabi pero kapag linggo hindi naman ganun kasing dami. So ipinapalabas niya, ayon sa aking hinuha, na di naman pagsisimba ang pakay ng marami. So, nahiya naman ako, kasi di nga ako linggo-linggo nagsisismba tapus magsisimbang gabi pa ako haha. Napapaisip tuloy ako if mapupunta pa ba ako nito sa heaven lol.

5. Kung hindi siguro ako teacher, baka hindi pa ako makatatanggap ng mga regalo haha. Malaki na rin kasi ako nakakahiya namang mamasko! Saka malayo na rin sa amin ang mga ninong at ninang ko. At kahit may trabaho na ako, wala pa rin akong binibigay na regalo sa mga pamangkin ko haha. Eh sabi naman ni Santa di makaka-receive ng gifts ang mga salbaheng bata, eh mga salbahe naman mga pamangkin ko, so bilang pagsunod sa rule ni Santa, no gifts for them haha.

6. Napaka-usual lang naman ng selebrasyon ng pasko sa amin. Hindi masyadong alinsunod sa mga tradisyon at nakagawian ng maraming pamilyang Pilipino. Parang ordinaryong araw lang din na nagkaroon lang ng munting kasiyahan.

            Kaya napapaisip din ako kung bakit ba talaga ipinagdiriwang ng mga tao ang pasko? Nauunawaan ba ng marami kung ano ang pasko? Na hindi lang ito basta kapanganakan lang ni Hesukristo… Ang pasko ba ay nangangahulugan lamang ng mga handaan sa hapag at mga regalo? Wala na bang ibang paraan para i-celebrate ang krismas? Ano ba talaga ang sini-celebrate? O tayo lang talaga ang nagpapakasaya tuwing pasko? Paki-explain. Lols…

Sabado, Disyembre 7, 2013

My Thoughts and Issues :)

            Hindi ko alam kung awkward bang masasabi kapag gumagala akong kasama ang nanay ko hehe. Eh kasi naman, mga ilang buwan ding hindi ko nakasama ang nanay ko sa galaan, hindi na rin kami masyadong nakakapagkwentuhan dahil lagi na lang akong nakaharap sa netbook, may ginagawa o gabi na kung umuwi.

            Nasabi kong awkward kasi hindi pala magandang gumala kasama ang iyong nanay tuwing araw ng sabado. Yung eksenang nakasakay kami sa jeep at mga 55% ng pasahero ay mag-dyowa haha. Yung mari-realize mo na wala kang lovelife, na isa kang nga-ngang nilalang pagdating sa usaping relasyon o pag-ibig, na yung tanging pampalubag-loob mo na lang ay maaari nilang isipin na kaybuti mong anak dahil sa edad mong bente-kwatro ay kasama mo pa rin sa galaan ang nanay mo lols.

            Gayunpaman, kahit nakakainggit sa puso ang mga nakikita mo sa paligid, masaya pa rin ako dahil nakasama ko ulit ang nanay ko (pampalubag loob haha).

            Moving on sa panibagong topic… dahil sa Disyembre na ngayon, uso na naman ang mga bigayan ng sobre habang nakasakay ka sa jeep. Yung mga nanlilimos sa daan na hindi na palad ang ginagamit sa panlilimos na bigla na lang sasakay ng jeep at magbibigay ng sobre sa’yo (sosyal naka-sobre na). Pero, nakalulungkot talaga yung ganung eksena. Yung hindi mo alam kung kukuha ka ba ng salapi sa iyong bulsa para may maibigay sa kanila gayung alam mo na kapag ginawa mo yun ay para mo na ring sinabi na okay lang na gawin nila ang istilo ng panlilimos na iyon na maaari rin nilang ikapahamak lalo na yung mga bata na bigla na lang sumasampa sa jeep.

            Hindi man masyadong socially relevant na sabihin kong Ms. Venezuela na naman ang nanalo sa Miss Earth 2013 ay babanggitin ko pa rin hehe. Natuwa lang ako sa comment ng isang ka-fb, sabi niya- nakuha na nga ng Venezuela ang Miss Universe, pati Miss Earth kanila pa rin! Ewan ko nga rin kung ano bang meron sa mga taga-Venezuela, marahil yun na ang ultimate essence ng pagiging isang babaeng taga-Venezuela- ang makapag-uwi ng korona mula sa iba’t ibang beauty pageant. Lagi na lang sila, sila na! lols.

            At nung malaman ko na plano ng isang congressman na taga-Valenzuela (magkatunog lang, maipasok lang ang issue hehe) na bigyan ng lifetime tax exemption si Manny Pacquiao napaka-comment talaga ako ng- parang hindi naman dapat! Grabe naman kasi kung bibigyan siya ng ganung privilege dahil sa siya ay nakapagbigay ng karangalan sa ating bansa. Napakakitid naman. Si Pacman lang ba ang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas? Naku, maraming makikipaglaban diyan!

            At the end of the day, ang masasabi ko lang- live your life the way you imagine it!

            Namayapa na pala si Nelson Mandela. Hindi ko siya personal na kilala, di rin masyadong marami ang kaalaman ko tungkol sa kanya, ang alam ko lang isa siyang lider sa Africa na nagdulot ng pagbabago sa lugar na iyon. Ang alam ko lang talaga ay yung mga quotes na nababasa ko na galing sa kanya, at masasabi mo talagang siya’y isang tao na punong-puno ng wisdom! RIP Nelson Mandela…

Linggo, Disyembre 1, 2013

PAPEMELROTI


1. Hindi naman siguro nakakahiya kung aaminin ko na… panatiko ako ng Papemelroti hehe.
2. Kapag may nagbibigay kasi sa akin ng kahit anong bagay na galing sa Papemelroti, napaka-thoughtful ng dating para sa akin. Nagustuhan ko yung ideya na gumagamit sila ng mga recycled materials.
3. Basta, hindi ko alam kung pa’no ko idi-describe yung feeling, parang napaka-warm ng mga items nila dun.
4. Napaka-creative ng pagkakagawa at inspiring pa yung iba, at syempre very affordable!
5. First time kong bumili sa mismong store nila sa SM Manila, gusto ko nga sanang magpa-picture kasama nung mga items nila sa store, kaso baka ma-weird-duhan sa kababawan ko ang mga namimili dun hehe.

Ito yung nakasulat sa isa sa mga notebook na nabili ko:

            Xvxn though my typxwritxr is an old modxl, it works quitx wxll xxcxpt for onx kxy. Thxrx arx twxnty-ninx kxys that function wxll xnough. But just onx kxy not working makxs thx diffxrxncx.
            Somxtimxs it sxxmx to mx that our group is somxwhat likx my typxwritxr. Not all thx kxys arx working propxrly. You may say, “Wxll, I am only onx pxrson, it won’t makx much diffxrxncx.” But you sxx, thx group to bx xffxctivx nxxds thx activx participation of xvxry pxrson.
            So thx nxxt timx you think you arx only onx pxrson and that your xffort is not nxxdxd, rxmxmbxr my typxwritxr and say to yoursxlf, “I am a kxy pxrson and nxxdxd vxry much.”

Nakaka-inspire lang!

(On a lighter side…) Hindi naman sa umaasa ako ng gift certificate o ng kahit ano mula sa Papemelroti… pero bilang panatiko ng Papemelroti sana meron hahaha… pasko naman lol.

Hello sa mga taga-Papemelroti! Ako yung kumaway at nag-smile pa sa harap ng inyong CCTV habang hawak ko yung mga notebook na yan hahaha, paki-review ang video lol. I never thought na magagawa ko yun sa sobrang tuwa ko sa inyong store hehe. Sana mapuntahan ko pa yung mas malalaking branch… hopefully!

Sabado, Nobyembre 2, 2013

Ako at ang Aking Cross Stitch :)

         Noong isang araw (umaga), habang nagliligpit ako ng kumot at unan, iniabot ng nanay ko ang project kong ito, nakita niya nung nag-ayos siya ng mga gamit namin. First year high school ko pa ‘to ginawa. At hindi ko malilimutan ang cross stitch project na ito dahil hindi ko yan tinulugan makaabot lang ako sa huling araw na ibinigay sa amin ni Ma’am Z. para makapagpasa.

            Medyo napatingin ako ng sandali sa project kong ito (hindi dahil sa sobrang ganda o husay ng pagkakagawa), na-amaze lang ako kasi naluma na pala siya haha. Sampung taon na ang nakalipas, nasa bahay pa pala namin ang cross stitch kong ito (parang ang tanda ko na lol).

            Dati kasi naka-frame pa yan, pero kita mo naman after 10 years, wala na yung frame, medyo madungis na at niluma na ng panahon ang sinulid at tela.


           Naitanong ko tuloy… ano ba ang natutunan ko sa cross-stitch project na ito? Hindi naman kasi talaga ako pala-submit ng mga ganitong project lalo na yung pananahi at paggagantsilyo.

            Tiningnan ko ang mga detalye… puro ‘EKIS’ ang nakikita ko (malamang kasi cross stitch lol). Pero ang ikinamangha ko ay kung paano nabuo ang larawan sa tela gamit ang mga ‘EKIS’ na pagtinignan mo sa kabuuan ay di naman halatang mga ‘EKIS’ ang mga iyon…

            Naihalintulad ko tuloy ang project kong ito sa aking sarili. Maraming pagkakataon na hindi ko matanggap ang mga ‘EKIS’ na meron sa aking buhay- mga FAILURES, FRUSTRATIONS at INSECURITIES. Na nagagalit ka sa sarili mo kung bakit kailangan mong maranasan ang mga iyon… lalo na kung paulit-ulit itong nangyayari. Gayunpaman, tulad ng mga ‘EKIS’ sa cross stitch, ang mga ito pala ang maaaring BUMUO sa ating sarili. Na sa bawat ‘EKIS’ na nadarama natin, sa paglipas ng panahon, ito ang magbibigay dagdag na detalye upang lubos nating makita at maunawaan ang ating sarili sa parehas na paraan kung paanong nakikita at naa-appreciate natin ang larawang nabubuo mula sa mga ‘EKIS’ ng cross stitch

            Kaya nais kong payuhan ang sarili ko na wag matakot magkamali, dahil baka dumating ang panahon na hindi ko lubusang makita at makilala ang sarili dahil lang sa ayokong magkamali. So. ‘EKIS-EKIS’ din pag may time! (but not most of the time, haha)

Huwebes, Oktubre 31, 2013

Sembreak Notes

Ika-27 ng Oktubre, 2013
Linggo, 5:18 ng hapon

            Unang araw ng sembreak. Hapon na pero wala pa rin akong plano kung paano ko uubusin ang isang linggo para naman maging makabuluhan ang sembreak ko, hindi yung lagi na lang akong ‘tulala’ at tulog. Marami naman akong naiisip gawin pero di ko masimulan. Sabi nga eh, ang pagsisimula ng isang gawain ang pinakamahirap lalo na kapag mas pinapaboran mo ang katamaran hehe.

            Hindi naman ako makapanuod ng tv, dahil yung nag-iisa naming tv ay nasa kwarto ng ‘best enemy’ kong kapatid. Kaya radio lang at mga music sa cellphone ang napakikinggan ko sa maghapon, pati na rin pala yung ingay ng mga butihing kapitbahay lalo na ang kanilang ‘never-ending-concert’ sa kanilang videoke. Anyway, di naman talaga ako madalas manuod ng tv

            Bukas ay eleksyong pang-barangay. Parang nadarama ko na huwag nang bumoto (bad example hehe). Sila-sila rin naman ang tumatakbo (ni hindi ko pa nga kilala yung iba), tapus pare-parehas lang din ang sinasabi na sila’y maglilingkod kuno, daming sinasabi, di na lang gawin. At saka ‘same-old-ways’ pa rin naman ang pangangampanya dito sa aming lugar, libakan ng mga partido, kala mo naman kaylinis nilang lahat hehe.


Ika-28 ng Oktubre, 2013
Lunes, 4:14 ng hapon

            Kailan kaya darating ang Bayantel para ayusin na ang telephone at internet connection namin. Sayang naman ang sembreak. Ito na nga lang yung panahon na pwede akong makapunta kahit saan basta may wifi hehe. Kainis!

            Kaunti lang ang nagawa ko ngayong araw. Ninanamnam ko kasi yung katahimikan dito sa bahay at saka yung banayad lang na init ng hapon. Simula nang dumating yung pamangkin ko dito sa bahay, di na nagkaroon ng katahimikan at kaayusan, kaya ngayon na natutulog siya, payapa dito sa aking lugar. Sapat lang din ang ingay ng kapitbahay, baka naka-rest mode lang, tapus mamyang gabi bibirit na naman sa videoke lols.

            Bale, tatlong araw na akong di lumalabas ng bahay. Nawiwili na naman ako sa bisyo kong ito ng pagkukulong. Kaya nga gusto ko talagang mag-audition sa ‘Bahay ni Kuya’ kasi feeling ko may advantage ako dun, dahil sanay na sanay na (as in expert level na) akong makulong sa bahay sa loob ng ilang araw hehe. Kaya pakiramdam ko, pagnakapasok na ako dun, wala lang, ‘nothing is new’ ika nga lols.


Ika-31 ng Oktubre, 2013
Huwebes, 10:49 ng umaga

            Huling araw na ng Oktubre. Kaya kahit sa Nov. 4 pa ang resume ng klase, itinuturing ko na itong huling araw ng aking sembreak.

            So anung nangyari? Ayun, kinarir ko ang pagtatago dito sa loob ng bahay haha. Kaya minsan kapag lalabas na ako nasasabihan ako ng-

“oh nandyan ka pala, kala ko nagbakasyon ka di kasi kita nakikita”
(yung medyo nakakainis kasi sa loob nga lang ako ng bahay nagbakasyon haha)

“parang pumuti ka!”
(na di nila alam, namumutla lang ako kasi di ako naaarawan lol)

Gayunpaman…

Sana bago ang pasukan ay maigala ko naman ang katawang lupa ko hehe. Nagkaroon na ulit kami ng internet sa bahay kaya isa siguro isa yun sa mga dahilan kung bakit lagi lang akong nasa loob ng bahay. Pwede namang makipag-socialize sa virtual world lol (pampalubag loob lang).

Gusto ko sanang sumama nung nag-aya na mag-bike-athon yung mga estudyante ko kaso wala na kaming bike (sayang lang). Kaya nakuntento na lang ako na tignan sa facebook at kanilang masayang bonding, at least naging masaya sila, masaya na rin ako (showbiz).

Napakalaki ng pagkakaiba nung 7 months kaming nawalan ng internet kumpara sa ngayon na meron na ulit. At ito ay ang mga sumusunod: (parang lecture lang)

a. Nung nawalan kami ng internet, tuwing linggo bumibili ako ng Manila Bulletin. Ito na yung pang 1 week kong balita, minsan kasi yung mga nasa pang- linggong labas ng Manila Bulletin ay isang linggo ring binabalita sa tv… kaya binabasa ko na lang haha.

b. Tapus, napagtyayagaan kong magbasa ng mga luma kong libro (paulit-ulit lang) o kahit pa ng mga ebook, dahil di naman ako makapag-surf para makapagbasa ng mga blogs.

c. Na medyo gusto ko nang makipag-usap ng madalas sa mga taong nakakasalamuha ko o kaya sa mga co-teachers ko dahil di na ako nakkikipag-chat sa mga nakakabaliw na random people sa mundo haha.

d. Na nakahiligan ko nang manuod ng mga movies o tv series (tulad ng Prison Break) dahil mahirap pag walang internet, walang mapanuoran ng mga pelikula o documentaries (feeling smart lang).

e. At ang pinakamahirap sa lahat ay ang makigamit lang ng wifi sa school. Kasi hanggang 5pm lang ang wifi, paglampas ng 5pm OFF na as in pinapatay na haha, kakaloko talaga! Kaya kapag vacant o 1 hour bago umuwi, nagda-download na ako ng mapapanuod o ng kung anong mababasa. Kaya tuwing vacant lang din ako nakakapag-blog hopping kaso bitin pa, syempre marami ka rin dapat tapusin habang nasa school.


Kaya, ngayon feeling connected na ulit ako sa mundo…  sa sarili kong mundo.


Martes, Oktubre 29, 2013

Kwentong Key Chains

           Isa lang naman ang susi ng locker ko sa school pero sampung key chains ang nakasabit dito hehe. Nakahiligan ko kasi ang pangungulekta ng ‘key chains’. Halimbawa, kung makapunta man ako sa isang lugar, ang hinahanap ko kaagad ay kung saan makabibili ng key chain para remembrance na rin o souvenir na bukod sa mga larawan, ang mga key chains ang nagpapaalala sa akin tungkol sa lugar na yun. Okay lang din kung minsan ay bigay ng mga kamag-anak o kaibigan, yung kahit di pa ako nakapunta kung saan man nagmula ang key chain na ibinigay nila ay okay na rin kasi baka sa hinaharap ay marating ko rin yun.

            Lahat ng nakolekta kong key chains ay inilagay ko sa isang lalagyan. Ni hindi ko nga sila binalak na gamitin para wag maluma o masira, pero nung binagyo yung bahay namin, nung Ondoy pa ata yun, ayun nabulok sa pagkababad sa baha ang lahat ng mga key chains ko, na karaniwan ay gawa pa naman sa kahoy. Mula nun ay itinigil ko na ang pangongolekta ng key chains, nanghinayang kasi ako.

            Kaya sa tuwing may nagbibigay sa akin ng key chain ay isinasabit ko na sa susi ng locker ko. Narito sila hehe:


01. Yung maliit na rosary ay ibinigay sa akin ni Ma’am T.S.A. noong birthday ko. Feeling ko safe ang locker ko dahil sa rosaryong ito. (kahit wala namang kayamanan sa locker ko kundi mga papel at libro)

02. Ang bangkang key chain naman ay bigay ni Ma’am C.A.A. Pasalubong niya yan sa amin nung nag-swimming sila sa Subic.

03. Ang JEFF na key chain ay bigay ng isang estudyante bilang pasasalamat niya sa lahat ng mga guro. Siya ang valedictorian ng kanilang batch. Nakakatuwa lang dahil di ko naman siya naging estudyante pero lahat kami ay binigyan niya ng key chain na may mga pangalan namin.

04. Yung Singapore key chain naman ay bigay ni Ma’am V.O. Minsan naghahalungkat siya sa locker niya tapus nakita niya ang mga key chains na ito, ayun mapalad akong nabahagian haha. Di ko lang alam kung galing nga ba talaga sa Singapore ang key chain na ito lols. Nanggaling man o hindi, ‘it’s-not-a-big-deal’.

05. Pero itong elephant na key chain ay galing talagang Thailand na bigay ni Sir D.G. nung siya ay naglamyerda doon.

06. Ang Pagudpod key chain ay binili ko lang nung mapadpad ako sa lupain ng Ilocos. Pampasalubong lang talaga ang bibilhin ko nun, pero di ko napigilan na bumili ng isa para sa sarili ko lols.

07. Si Bonie ay bigay ni Ma’am D.A. bilang nakunsensya siya nung minsan ay nabagsak niya ang heavy weapon kong key chains at nabiyak sa dalawa ang Pagudpod key chain ko. Dahil di siya nakuntento sa pagra-rugby ng key chain ko na yun, ayun ibinahagi na niya sa akin si Bonie na napigtas na ang isang paa dahil di na niya kinaya ang pakikipagbanggaan niya sa iba pang mga kasaping key chains hehe.

08. Di ko na talaga matandaan kung sino ang nagbigay sa akin ng sapatos na key chain na yan, nalilito ako kung sino haha. Oh baka magtampo.

09. Ang ‘God will watch over your life’ ay bigay naman ni Sir E.N. nakalimutan ko na rin kung anung meron at namigay siya ng mga key chains na may quotes.

10. At ang panghuli, ay ang nag-iisang survivor ko na Jeff key chain na nabili ko pa sa Pandayan nung college pa ako haha! So mga 7 years na yan sa akin, kaya kita naman na dugyutin na di ba hehe.

            At kapag pinagsama-sama sila, heto ang kalalabasan:

(Hanapin ang nag-iisang susi…)

            Dati, kapag pinagmamasdan ko ang koleksyon  ko ng mga key chains, palibhasa’y binili ko lang kung saan man ako mapadpad, tanging mga alaala ng lugar na iyon ang aking nababalikan. Ngayon, kapag kinukuha ko aking susi kakabit ng mga ibinigay na key chains sa akin, pakiramdam ko di ako nag-iisa. Dahil minsan, sa punto ng aking buhay ay nakasama ko rin sila… (makapag-drama lang lols)
            Ikaw, anung kwentong key chain mo? (parang rebisco lang ulit)

Martes, Oktubre 22, 2013

Hopia!

Hindi naman halata na sa larawan pa lang ay isa na ako sa mga ‘die-hard-fan’ ng hopia haha. Kaya nga kung mabubuhay lang sa totoong mundo si Doraemon, magkakasundo kami!

            At isa nga sa mga ‘peyborit’ kong hopia ay ang murang-mura lang at ‘afford’ ng lahat na ‘Baker’s Fair Specialty Hopia’ (ube at mongo, mapa-dice or round pa yan), Php 100 lang per box! Mainit-init pa kung bibilhin, so freshly made talaga. Hindi naman ako binayaran ng Baker’s Fair dito, pero kung mabasa man nila ito, pwede na ang ‘one year supply’ ng hopia lols.

            So, temang kababawan lang naman ang post na ito na patungkol lang sa ating mga minamahal na ‘comfort food’, yung tipong kapag sobrang pinagkait na ng kapalaran ang kaligayahan ay ikakain mo na lang ito ‘to the patay-gutom level’ haha.

Kwentong ‘comfort food’…

1. Kapag badtrip, tatlong pagkain lang ang binibili ko- root beer, potato chips at syempre pa ang hopia! Yang tatlo ang masarap at masayang combi!

2. Meron pa akong isang brand ng hopia na binibili (bukod sa Tipas Hopia, ayan ah promotion na naman), nakalimutan ko yung pangalan, basta 5 pirasong siksik na hopiang mongo yun (meron ding hopiang baboy). Kapag yun ang binibili ko, I challenge myself na ubusin yung 5 na yun, pero hanggang tatlo lang talaga, kasi nakakabusog na. One time, pinilit kong maubos yung lima, ang ending masuka-suka na ako at nakakabundat ng tiyan hahaha.

3. Yung tipong, kahit malayo ang bilihan ng Baker’s Fair Specialty Hopia (todo promote na yan ah), magbibyahe pa rin ako after school makabili lang. (at todo effort pa yan ah, baka dedmahin pa rin ako ng Baker’s Fair lols).

4. Dati ayoko ng hopia mongo ng Baker’s Fair kasi kapag mainit pa, parang lasang ‘cerelac’ - yung pagkain ng mga baby haha, pero masarap pa din! (kaunting kabig, baka di ako mabigyan ng ‘one year supply’)

5. At para sumakto hanggang panlimang bilang, masarap din ang hopia ka-partner ng mainit na kape o tsaa lalo na kung tag-ulan. Nakakaginhawa talaga sa pakiramdam, yung feeling mo may ‘tea ceremony’ sa bahay haha.

The End. Sa mga may-konek sa Baker’s Fair baka magkalimutan, ano po? Haha. Ikaw, anong kwentong Baker’s Fair mo? (parang Rebisco lang lols)

Huwebes, Oktubre 17, 2013

Mula sa 'Selda'

“NANDITO AKO”
(Lyrics by: Paolo Villaluna / Music by: Pike Ramirez / Sung by: Veena Ramirez)

Sana may kasama ako sa paggising
May kasalo sa pagod ng araw ko
May kasama tuwing natatawa
Sabay sa sarap ng ligaya
Alam niya bang nandito ako’t kailangan ko siya
Alam niya bang napakalungkot dito
Alam ba niya?
Di ko kayang isipin na ako’y nag-iisa
At hindi ko siya kasama
Sana may kasama ako sa pagtulog
Katabi kapag maginaw ang gabi
Kaagaw sa kumot ng kamang masikip
Sabay sa sarap ng ligaya
Paano na?
Paano siya?
Paano na ang gabi?
Paano’ng umaga niya?
Nag-iisa na siya
Walang katabi, walang kakampi
Paano na ngayon?
Paano siya ngayon?
Alam niya bang nandito ako’t kailangan ko siya
Alam niya bang napakalungkot dito
Alam ba niya?
Di ko kayang isipin na ako’y nag-iisa
At hindi ko siya kasama…

x-o-x-o-x

1. May bago na akong pampatulog / pampakalma na kanta, ito ay ang “Nandito Ako” mula sa indie film na “Selda”. Pinalitan ko na ang kanta ng The Smiths na “Sing Me to Sleep” hehe. Kumbaga, gasgas na sa aking tenga ang tugtog na yun, saka di na siya nakakaantok, medyo nakakatakot na ang “Sing Me to Sleep” dahil baka di na nga ako tuluyang magising lols.

2. Sa mga hindi pa nakakapanuod ng “Selda”, madali lamang itong hanapin sa YouTube. Rated SPG para sa mga bata (o nag-iisip bata) na manunuod. Gayundin naman, mahahanap din ang kantang “Nandito Ako” sa nasabing website para sa mga gusto itong marinig (kaysa abangan pa habang nanunuod ng pelikula). At hindi naman halatang todo promote ako sa bago kong natipuhang kanta. Di naman di ba?

3. Marami pang iba akong napakinggan na mga soundtrack ng pelikula na hindi madaling hanapin (o sadyang kulang pa ang aking skills sa pag-google lols) tulad ng mga sumusunod: (sana pag nahanap niyo, bigay niyo naman sa akin, thanks! hehe):
           
            “But I Do(Written and Performed by Roxanne Hale)

            “What I Want(Written and Performed by Roxanne Hale)

Lunes, Oktubre 7, 2013

Pauna Lang para Sa Oktubre :)

            Dahil sa tagal ng panahon na hindi na naman ako nakapagsusulat, medyo nahihirapan na ulit akong makapagsimula. Pero okay lang ganun talaga marahil. Eh di naman sa lahat ng oras ay magkakaroon ka ng panahon para gawin ang mga bagay na gusto mo. Inaamin ko na may mga pagkakataon na naipamumuhay ko yung buhay sa paraang kung paano ko siya nai-imagine. At oo, masarap sa pakiramdam, kahit pa di mo alam kung magpapatuloy ba yun hanggang kinabukasan o maghihintay ka na naman ulit ng panahon para maranasan mo iyon. Ang ipagpapasalamat mo na lang ay kahit paano, hindi man palagi, maaari rin pa lang matupad ang buhay na nasa isip mo…

            Nakakatuwang isipin na bawat tao ay gustong magkaroon ng marka o bakas na maaari nilang iwan dito sa mundong ibabaw. Na lahat ay may ganung klase ng struggle. Na alam mo at ramdam mo na kung nasaan ka ngayon ay hindi mo deserve kung meron ka lang ibang choice… yun nga lang hindi lahat ng mapipili mong choice ay dapat o agad-agad na mangyayari… minsan o madalas, kailangan mong maghintay muna. Tulad ko, naghahanap ako ng ibang trabaho bukod sa pagiging guro, yung tipong bukas sana o sa makalawa ay nais ko nang palitan ang aking trabaho pero di ko magawa kasi nga di ko naman pwedeng iwan bigla ang mga estudyante ko at di rin naman pwedeng magpabaya kahit ayaw mo na dahil sila naman ang magsa-suffer kung gagawin mo yun. Kaya nga kahit aandap-andap na ang apoy, pagtyagaan na lang muna sa ngayon. Ayoko rin naman wakasan ng ganun ganun lang ang career na ito. Kapag naiisip ko na baka ito na ang huling pagkakataon na makapagtuturo ako, saka naman parang nadadagdagan yung desire mo na ‘sige pa, baka may topak ka lang’ lols. Kung magkaganun nga baka sa iba naman ako pumunta.

            Napakadami mong pwedeng gawin sa buhay na to. Yun nga lang kung di ka naman kikilos para gawin yun, wala rin, parang hanggang ‘window shopping’ lang ang ginagawa mo. Tingin lang ng tingin pero wala namang nakukuha. (mag-shop lift na lang kaya? Lols)

            Dati naniniwala ako na dapat may magpakitang isang kakaibang tao para maimpluwensayahan ang mga tinatawag nating common people- ito yung mga tao na laging nasa mainstream ideology ng society. Yung mga kakaiba naman ay yung mga taong nasa kabilang direksyon ng mainstream current, lumilihis sa daloy ika nga. Pero, hindi pala ganun… dapat ikaw mismo sa sarili mo ang gumawa ng pagbabago sa mundong ginagalawan mo. Sabi nga ni Paulo Coelho, ang mundong ito ay magbabago sa pamamagitan ng iyong mga example, hindi dahil sa mga opinyong pinuputak ng mga nagsasabing sila’y kakaiba, na magddulot sila ng pagbabago, na hindi sila tulad ng marami. Shut up! Hehe. Paniniwalaan ko lang sila kapag may nagawa na sila ayon sa kanilang mga paniniwala, prinsipyo at pilosopiya. Hangga’t wala pa, ang mga salita’y mananatili lamang na mga salita.

            Kaya nga nakakainis ng todo-todo ang mga pulitiko sa ngayon. Sa kanilang mga commercial lalo na nung campaign period akala mo ang titino at walang bahid dungis ng pulitika, yun pala mga nakakasuka! Puro corrupt din pala… Yung kapag nakita mo sila sa daan, sana pwede mo nang bangasan nang walang humpay ang mga mukha nila haha. Akalain mo yun, ang hirap kumita ng pera sa ngayon at maraming naghihirap tapus sila nagpapasasa sa ating mga pinagsama-samang buwis na dapat sana ay ginagamit nang matiino sa pagpapaunlad ng ating bansa… Pero dahil mga baboy sila, ayun nilamon ng mga gahaman ang salapi ng bayan.

            Parang ang korni at ang sakit sa tenga kapag nakikipatol ka pa sa mga isyung alam mo namang ang tagal tagal as in patay ka na ata ay di pa rin malulutas lols… tulad ng korupsyon na yan at mga pulitikong puro porma. Kung totoo lang sana ang magic at sumpa, how I wish bigla na lang sana silang mag- vanish! Hehe. As in, now na…


            Sana, araw-araw ay maaraw.

Martes, Agosto 27, 2013

Wala nga bang Basagan ng Trip?

            Dulot na rin ng modernong panahon, may dalawang paraan na ng pagi-exist sa mundo: una masasabi mong ikaw ay nabubuhay sa real world at pangalawa ay ang pagiging totoo o pagpapanggap ng panibagong pagkatao sa virtual world. Ano na nga ba ang naging epekto ng social media sa ating buhay? Totoo nga bang ‘walang basagan ng trip’ sa virtual world? Gaano ba dapat kababaw o kalalim ang paggamit natin sa iba’t ibang social media tulad ng facebook, twitter, instagram at sangkatutak pang iba?

            Noong hindi pa masyadong uso ang mga ‘eklat’ na yan hehe, texting ang ‘boom na boom’ dati. Kaya nga naglipana noon ang maraming text clan na nagpapasabog  ng gm (group message) sa inbox mo. At aminado naman ako na nakiuso rin at naki-clan kung kani-kanino, pero di ako sumusulpot sa mga EB (eyeball) dahil nakakatakot din lalo pa’t di mo naman personal na kakilala ang mga ‘pipol’ na iyong nakakatext sa clan. So, ganyan lang kasimple dati, kaya nga tayo nabansagan na ‘texting capital of the world.’

            At sa mabilis na pag-usad ng panahon, para bang walang saysay ang buhay mo kung hindi ka makagagawa kahit isa man lang na account mula sa maraming pagpipiliang social media. Para bang putol ang buhay mo kapag di mo ito naitawid sa virtual na mundo. Naunang sumikat ang friendster, hanggang sa ‘binukbok’ na ang mga testimonials nito at pinalitan na ng palasak at parang ID mong facebook, kasabay ng pagsulpot pa ng ‘many-to-mention’ pang iba. At sa lahat nang yun, dalawa lang ang meron ako- facebook at blogspot. (maisingit lang ang sarili lols)

            Kaya di na rin nakapagtataka kung ngayon ay binansagan na rin tayong ‘social networking capital of the world.’ Tayo pa ba ang papatalo sa padamihan ng facebook o twitter account? Tayo pa ba ang papahuli sa pagpapa-trend ng kung anu-anong mga hash tag? Syempre hindi! Hilig ata ng mga noypi ang magpa-trending! Kaso, ‘eh ano?’ kung tayo na nga ang ‘social networking capital’ ng mundo, nagdulot ba ito ng positibong pagbabago? Ewan ko. Parang tulad lang yan ng economic growth na pinagmamalaki natin (o nila?), nakikita sa numero pero hindi sa pamumuhay ng mga Pilipino.

            Totoo na walang basagan ng trip. Yung wala akong magagawa kung umaapaw na ng pagmumukha ng iba ang news feed ko haha, akalain mo yun nag-facebook pa ako pero ikaw at ikaw lang ang napagmamasdan ko tuwing mag-oopen ako ng aking account lols! (Bakit di ko i-unfriend? Dahil parte na yun ng katotohanan ng buhay haha.)

Na mas pipiliin ko na lang na mag-offline lagi sa chat (pwera na lang kung may kailangan talaga akong i-chat) dahil annoying naman talaga yung icha-chat ka tapus ang ending ‘pa-like’ naman po nito ‘tenkz!’ haha. Ano na ba ang gamit ng chat ngayon? Para sa sapilitang pagpapalike? Yung di mo alam nai-add ka na pala sa mga facebook group na mahahalay, at ang batayan ng pagkakaibigan ngayon ay kapag ni-like ninyo ang post ng isa’t isa hanggang parehas ninyong pasabugin ng sariling mga notification sabay print-screen at share lols!

Yung pati ba naman simpleng ‘gudmorning XD’ ay ipo-post mo pa, for what reason? Hehe. At yung ibabalita mo pa sa buong mamamayan ng facebook na ‘wag na kayong magpapahiram ng rice cooker kung ibabalik din naman ng sira’ (with tag dun sa mga pipol concerned), bakit di mo na lang i-pm? Or i-text? Lols.

            Ilan lang yan sa mga na-obserbahan kong paraan ng paggamit sa facebook. Lahat naman ata tayo ay guilty sa ganyan. Marami na sa ngayon ang naghahanap ng instant gratification mula sa paramihan ng friends sa facebook (as if real friends mo sila), paramihan ng like, makapagpa-trending man lang ng hash tag kahit nonsense kung minsan, yung gawing chat ang pagko-comment with bastusang ‘i-kwento mo sa pagong’ at ‘tanong mo sa buwan’ na mga tugon sa komento. Isipin mo na lang kung ang lahat ng ito ay naitawid na rin sa real world, matino pa kaya nating makakausap ang isa’t isa? At sa tingin ko ay nangyayari na nga rin ito, lalo na sa mga kabataan (tulad ko hehe).

            So, hanggang sa ganitong level na lang ba natin gagamitin ang iba’t ibang social media? Eto na ba ang ibig sabihin ng pagiging ‘social networking capital of the world’? Applicable pa rin ba ang rule na walang-basagan-ng-trip? Hanggang kailan natin pagkakatuwaan ang mga ginagawa ng mga internet bashers? Pati na rin yung mga nambu-bully? Hangga’t trending  ba ay okay pa rin?


            Alam kong marami pa tayong magagawa. At hindi naman maikakaila na kaya nating gawin iyon. Wag puro ‘selfie’, that is ‘so makasarili’.  Marami na ang nagpasimula for a change, tara na baguhin natin ang takbo ng buhay sa social media! (parang campaign lang lols).

Mareng Maring :)

2013 08 20

            Parang tumigil na naman ang takbo ng buhay dahil sa pagkansela ng mga pasok sa eskwela dahil sa malakas na buhos ng ulan na nagdulot ng pagbaha. Parehong buwan din noon, Agosto, noong halos tumambay na nang husto ang baha sa bahay namin, yung pakiwari mo na bigla na lang nawala sa kabihasnan ang buong komunidad at bigla na lang nag-transform ang buong bayan sa ‘water world’… at wag naman sanang maulit. Kaya sana naman mahabag itong si ‘Maring’ na wag naman pumares kay ‘Habagat’, dahil ‘kokonyatan’ ko talaga siya kapag nag-anyong tao ang bagyong yan! Lols.

            Pero mahirap talaga kapag ang Inang Kalikasan na ang nagdikta ng kanyang lakas. Saan mang lugar, mayaman man o mahirap, kapag hinagupit ka ng lakas ng ulan, wala ka nang magagawa. At parang sirang plaka na lang din ang mga balita na nagsasabi kung anu-anong mga lugar ang binaha, wala namang nabago sa listahan bagkus may nadagdag lang, syempre laging ‘present’ sa listahang iyan ang aming lugar. At in fairness, nauunahan pa kami ng ibang lungsod sa pagsu-suspend ng klase, dati-rati ang aming lugar ang laging ‘first-to-suspend-the-class’ dahil expected na siya tulad ng seasonal na baha.

            Nakalulungkot na mas marami pa ngayon ang binabahang lugar tulad nang sa amin. Ibig sabihin, magkaka-level na lang din ang mga drainage system ng iba’t ibang lugar, na marahil ay puro barado o depektibo. Wala na rin talagang malinis na lugar, lalo na sa Metro Manila, dahil kung pa’no magreklamo ang sambayanan sa mga nagkalat na basura tuwing tag-ulan, eh ganun din naman ang ating kapabayaan bago sumapit ang panahong ito.

            Ilang taon na ang lumipas, pare-parehong problema pa rin ang hinaharap ng bawat lugar na nasasalanta ng bagyo. Baha in the past… baha sa kasalukuyan… at baha pa rin darating na panahon. Anyare? Tradisyon na ba ito?

            Na-miss ko tuloy yung lugar kung saan ako lumaki. Sa Quezon City, sa di kapansin-pansin na Anahaw Street, bumuhos man ang pagkalakas-lakas na ulan ang baha doon ay hanggang talampakan mo lang at kasabay ng pagkawala ng ulan ay ang mabilis ding paglisan na tubig. Never akong na-trauma sa tubig-baha doon. Ngayon kasi, kung nasaan kami (ayaw banggitin lols), mistulang isang kwentong alamat lang ang ga-talampakang baha, dahil ang usual baha dito ay mula tuhod, pa-hita, hanggang dibdib up to the highest level na pwede ka nang mamangka at mag-scuba diving! (walang halong hyperbole).

2013 08 22

            Totoo ngang nauulit ang kasaysayan. Isang linggo nang walang pasok dahil kahit medyo  tumitila na ang pag-ulan, tambay pa rin ang baha… Ganito rin ang nangyari noong nakaraang taon, halos walang ipinasok sa buwan ng Agosto.

            Kaya isang linggo na rin na dito lang sa loob ng bahay umiikot ang mundo ko. Na gagawin mo na lang ang maaari mong gawin wag ka lang ma-bored maghapon. Okay na rin kahit ganito, feeling sembreak lang sa haba ng bakasyon. At least ngayon, pwede kang magpuyat sa gabi, dahil di naman kailangang gumising ng maaga kinabukasan, saka na-eenjoy ko na ulit ang pakikinig ng radio tuwing 8am at 9am- Tambalang Balasubas at Balahura (Nicole Hyala at Kris Tsuper) hehe. Sila lang ang pinakikinggan ko mula pa noong college.


            Napakalawak ng sinalanta ng bagyo. Ang malaking ipinagpasalamat ko ngayon ay hindi naman pumasok sa loob ng aming bahay ang baha. Yun nga lang isang baitang na lang talaga ang pagitan at feeling bwisita na naman ang baha sa amin. Hangad kong makaraos din ang lahat ng nasalanta ng bagyo. Makabangon sanang muli ang lahat…

Biyernes, Agosto 16, 2013

Just a Thought...

Hindi ko alam kung ano na ba ang lagay ng lipunan natin ngayon pagdating sa usapin na may kinalaman sa sex. Ang ibig kong sabihin, kung dati ay para bang napakalaking kahihiyan kung meron tayong nabalitaan na kumakalat na sex video ng isang kilalang personalidad o kahit na sino pa man, bakit ngayon para bang usual na balita na lamang ito sa marami. Yung tipong ‘alam na namin yan’… yung para bang ikaw pa ang mahihiya sa sarili mo kapag huli ka na sa balita (at kung di mo pa napapanuod ang video lols).

Alam ko naman na marami na ang updated (at nakapanuod na rin, pero di ko pa napanuod-promise!) ng scandal nila Chito at Neri… happy fiesta sa internet ika nga. Di ko ito isinulat para i-promote ang video, nag-alala lang ako sa mga estudyante o menor de edad na marahil nakapanuod na nito. Hindi naman lingid sa atin na isa si Chito sa mga hinahangaang vocalist ng banda. Ano na lang kaya ang iisipin o tumatakbo sa isip ng mga batang yon… Ang generation pa naman ngayon ay masyadong exposed sa paggamit ng internet, at marami sa kanila ang hindi naman nabibigyan ng kaukulang gabay ng mga magulang.

Baka lang kasi nagiging mababaw na ang ating pang-unawa tungkol sa sex. Baka dumating ang araw na mas maging sarado pa ang ating isip para pag-usapan ito pero gustong-gusto namang i-explore sa mga di makatwirang paraan.

Sabi nga ni Chito sa isang panayam, wala na rin naman siyang magagawa sa pagkalat ng video, dahil totoong hindi mo naman mapakikiusapan ang bawat tao na wag gawin ang kanilang nais- ang panuorin ito at i-share pa sa kung anu-anong social network… Matuto na lamang tayo mula sa ating mga pagkakamali, at wag namang manghusga ng todo-todo dahil baka mahiya naman ang sansinukob sa kabutihang inangkin mong lubos! Lols.

Jepbuendia
20130814


Martes, Agosto 13, 2013

Nuod-nuod din ng FIBA-Asia :)

FIBA-Asia…

            Mas nakaka-excite talagang manuod ng basketball kapag mga international teams ang naglalaro, lalo na kung kasali ang Pilipinas. Parang boxing game lang ni Manny Pacquiao kung makatutok ang mga energetic naming kapitbahay, may kasama pang mga hiyaw sa tuwing makakapuntos ang ating koponan.

            Malaki na nga ang naging improvement ng ating team, malaking tulong na rin siguro yung tayo ang nag-host ng laro kaya ano pa ba ang aasahan natin, syempre pukpukan ang suporta ng maraming noypi sa ipinapakitang gilas ng Pilipinas.

            Masaya na ako nung natalo nila yung Korean team, kasi naman mapa-Asian games o kahit ano pa mang tournament, kapag sila na ang kaharap natin, lagi tayong olats sa kanila. Pero ngayon lang natin sila natalo, at mas marami ang mga larong naging talo tayo sa kanila, kaya di pa natin masasabi na nalampasan na nga natin ang husay ng mga Koreans sa larong basketball.

            Sapat na rin na nakapasok tayo sa finals ngayong taon, dagdag pa yung may ticket na tayo sa FIBA-World Cup 2014. Di ko talaga hinangad na mag-champion pa ang Pilipinas hehe. Hindi naman sa kampi ako sa Iran, pakiramdam ko kasi baka ma-pressure lang sila sa world cup kung sila ang nag-champion sa FIBA-Asia; akalain mo yun, kapag nasa atin ang titulo ang laki ng dapat nating patunayan, kaya baka hindi sila makapaglaro ng maayos. Gaya na lang nung nangyari sa finals, alam nating gustong-gusto nilang manalo, lalo pa at naglalaro sila sa harap ng ating mga kababayan, at dahil dun pumanget ang laro nila hehe, kasi effort na effort tayong magpakitang gilas laban sa mga Goliath na Iranian players. Kaya okay lang ang silver medal at ‘da best’ pa rin naman ang buwis-buhay na laro ng ating team.

            Kaya maraming good luck sa kanila next year, alam kong hindi ganuon kalaki ang tsansa nating makuha ang championship sa FIBA-World, ikaw na ang bumangga sa mas malalaki pang teams tulad ng US at Spain, ewan ko na lang hehe. Pero sana kung tatalunin na rin naman tayo ng ibang mga koponan, sana mahirapan naman sila sa ating team at gamitin ang experience natin sa FIBA-World para mas mapahusay pa ang ating laro sa mga susunod pang paligsahan!

            And I know, at ito ay isang prediksyon, maibabalik din natin ang kinang ng tagumpay sa mahal nating bayan, marami pang mahuhusay na manlalaro ang uusbong at kailangan lang alagaan nang sa gayon darating din ang panahon na di na natin kailangan pang kumuha ng mga naturalized players o mga half-half kunwari na Pinoy para lang maging malakas ang ating team, kung pwede namang sariling atin! Lols.

Jepbuendia

20130812

Bakit pa Babasahin ang isang Same-Old-Story?

            Tatlong araw na walang pasok.
            Ang saklap naman kung magtsi-check lang ako ng mga papel.
            At lalong mas masaklap ang computation ng grades

            Lalo na kung wala ka naman talagang mapiga, ma-record at ma-compute na grado mula sa mga batang pinagpala ng katamaran sa pag-aaral. Wala namang grade ang attendance at mas lalong walang puntos na maibibigay sa ingay at kadaldalang walang saysay.

            Pag binagsak mo naman, sa’yo rin ang sisi. Ako na nga nagturo, ako pa rin mag-aaral? Lols.

            Anyway, lumang tugtugin na ang mga ganyang eksena sa akin. Kung dati naniniwala pa ako na nasa kamay ko ang kasipagan ng mga mag-aaral, ngayon ‘konti na lang’. Kapag binigay mo na ang lahat ng pasensya at pagtitiyaga sa isang mag-aaral na tamad, mahilig mangopya at walang kahit katiting na interes sa pag-aaral, sa bandang huli, kung ayaw pa rin niyang magkusa at magsikap na matuto, hayaan mo siyang matuto sa ibang paraan… hayaan mong makita niya ang epekto ng mga ka-engotan na ginagawa niya sa kanyang buhay lols. At kung di pa siya matauhan sa mga nangyayari sa kanya, haynaku, sabi ng nanay ko walang milagro sa mga ayaw tulungan ang sarili.

            Pero ganuon talaga ang life, kahit ayaw mo na sa mga batang hanggang pagsusuot lang ng uniform ang ibubuga sa eskwela, kailangan mo pa rin silang tanggapin nang buong-buo… malay mo, mali ang nanay ko, baka posible rin naman ang miracle! Tiyaga-tiyaga rin hangga’t kaya, kapag ubos na pasensya, bahala na lols.

            Di naman talaga lahat ay magiging mahusay at matalino sa eskwela. Maaaring magaling sila sa ganyan, pero mahina naman sa ganito. Kaya kung ganun talaga, bakit ba natin pipiliting banatin ang isang banat na banat nang lastiko? Maaaring maging mas mahusay kumpara dati, pero parang hindi maaring gawing mahusay tulad ng iba… Labo nun.

            Kaya, pwede bang ang grade ay narrative report na lang? hehe. Isalaysay na lang natin ang mga kahinaan at kalakasan ng isang mag-aaral, nang sa gayon, walang nang babagsak at ang tunay na hangarin na lamang ng pagpapaunlad sa sarili ang maiiwan sa bawat mag-aaral. Dahil ang mga grado, para sa akin, ay di isang direktang reflection ng kakayahan at kalagayan ng isang estudyante. Mas marami pang dapat ayusin sa isang indibidwal higit pa sa pagpapataas lamang ng marka…

x-o-x-o-x

            Super tamad ako ngayong araw. Sulat-sulat din para alibi sa katamaran. At least di halatang nasasayang ang oras ko. At least binobola ko ang sarili na may nagagawa rin naman akong makabuluhan bukod sa pagtunganga sa bintana. ( at di ko talaga matanggap na pag-alis ko sa keyboard ay mga papel na ang hahawakan ko… no choice! )

Jepbuendia

20130810
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...