Mga Pahina

Miyerkules, Disyembre 31, 2014

Ano naman kaya ang maiisip mo kung sila ang kasabay mong kumain?... Ang sa akin ay ito -


Ika-31 ng Disyembre, 2014
Miyerkules, 12:53 ng tanghali


            Kanina ay kasabay kong kumain ng tanghalian ang mga pamangkin ko.
            Apat sila. Kaming lima lang ang sumasakop sa lamesa.
            Nagluluto pa ang mga mas nakatatanda. Ako at sila, ay taga-kain lang. Lol.
            Ang hirap pa lang kumain na ang kasabay ay puro bata.
            Ang gulo! Hehehe.
            Kakain na lang kung anu-ano pa ang ginagawa.
            Naisip ko tuloy, kung magkakaanak man ako…
            …ay hindi muna ngayon.
            Hahayaan ko munang lumaki ang mga pamangkin kong ito.
            Para ‘pag nagkaanak na ako…
            …siya lang ang makulit at magulo.
            Yun ay kung hindi na mag-aanak pa ang mga ate ko.

            Happy New Year!


Huwebes, Disyembre 25, 2014

Syempre, dapat meron ding part 2.


Ika-25 ng Disyembre, 2014
Huwebes, 1:50 ng madaling araw


            Achievement ngayong taon nila papa at mama na makatapos ng simbang gabi. Samantalang ako, never ko pa talaga nagawa yun. Hindi ko matandaan kung anong araw o petsa, pero isang umaga ay may ipinakitang papel sa akin si mudra, sabi niya –

            “Uy! Tignan mo…,” binubuklat niya ang nakatuping bond paper, ipinapakita sa akin habang nagtitimpla ako ng kape.

            “…nililista ko yung mga misa,” yung mararamdaman mo na ‘feeling proud’ si mudra hahaha.

            “Nye!” yan lang ang nasabi ko.

            “Wala lang!” dugtong niya, sabay tawa na lang kaming dalawa hahaha. Feeling ko kasi nagmamabait na naman ang nanay ko lols. (Pero mabait naman talaga, at syempre nanay ko yun hehehe).

            Sa aking parte naman, achievement ko na ngayon lang ako naghanda ng regalo para sa mga pamangkin ko. Makalipas ang maraming taon hahaha.

            Nagising lang talaga ako kasi dumadagundong pa rin ang videoke ng matatag naming neighbor

            At para kunwari ay may part 2 na ang nakaraan taon kong ‘My Krismas Istori’.

            Maligayang Pasko!

            Ano naman ang ‘krismas istori’ mo?


Miyerkules, Disyembre 17, 2014

"...kinalalawitan ng mga bumbilya."


Ika-17 ng Disyembre, 2014
Miyerkules, 7:53 ng gabi


            “Bakit mo kinukunan, eh wala namang dahon yan?”, pag-uusisa ni mudra.
            “Kaya ko nga kinukunan eh kasi walang dahon…”, ang naging sagot ko.
            “Mas maganda yan ‘pag medyo pagabi na, ‘pag nakasindi na yung mga ilaw,” ang kanyang naging suggestion.

            Mukhang bright idea naman ang nabanggit ni mudra, pero di ko siya susundin hahaha. At isa pa, di naman kami magpapaabot ng dilim. 

            “Ang galing noh, pa’no kaya nila nakabit sa puno yung mga ilaw, saan naka-konekta?”, tanong ni mudra.
            “Secret!”, pang-asar ko lang hehehe.

            At dinedma na namin ang punong lagas ang mga dahon na kinalalawitan ng mga bumbilya. Ipinagputuloy namin ang paglalakad patungo sa entrance ng mall para bumili ng pang-exchange gift!


Sabado, Disyembre 13, 2014

Mabuti pa ang masking tape may thoughts to ponder.


Ika-13 ng Disyembre, 2014
Sabado, 9:53 ng gabi


            Lagi akong dumaraan sa mga bookstore pagkatapos ng klase. Ewan ko ba… stress reliever ko na ata ito. Wala lang… gusto ko lang makakita ng maraming libro (kahit di naman talaga ako palabasa). Siguro, noong past life ko ay isa akong librarian! Lol.

            Masaya kayang maghagilap kahit di mo naman alam kung anong libro ang iyong hinahanap. Idagdag mo pa yung kakaibang aroma ng mga libro hahaha. Nakakaadik na ewan.

            Kanina, habang naggagalugad, nakita ko ang mga librong ito –


            …ang isang libro ay may nakadikit na kapirasong masking tape. Luma na. May nakasulat. Ang nakalagay ay –


            …”Life is a matter of choice.”

            Ikalimang sabado. Huling sabadong may pasok para sa taong ito.
           
            Nagpalitan na pala kami ng mga regalo. Hindi ko alam kung nagustuhan ba ni Neri ang ibinigay kong libro hahaha. Malalaman ko rin, baka next year. At si Denise naman ang nakabunot sa akin. Ang natanggap ko mula sa kanya ay –


            …dahil napansin niya na lagi akong may dala na bote ng tubig tuwing sabado. Lagi niya tuloy hinahanap kung may dala akong tubig lol. Nagbalak din naman akong bumili ng lalagyan para hindi na ako bili ng bili ng mineral water, pero dahil sa exchange gift namin, ayan na! Wish granted!

            Alam kong isa ito sa mga nakakaumay at nakakakunot kilay na linya –

            …2015, be good to me! Hahaha.
           
            At least, medyo maaga-aga ko naman ginamit.


Miyerkules, Disyembre 10, 2014

Parang mas ok pa kung wala na lang itong pamagat. Pero lalagyan ko na lang ng kahit na ano. Kasi... sayang.


Ika-10 ng Disyembre, 2014
Miyerkules, 3:57 ng hapon


1. I am longing for someone or something, but I do not know who or what is that I’m longing for. (Nasabi ko na ata sa sarili ko ito dati. May pagka-psychotic na ba ako? lol.)

2. Parang nakakagawian ko na ang magregalo ng libro. Sa totoo lang, yung mga nireregalo kong libro ay gusto ko rin basahin, kaya may ‘hinayang effect’ o ‘separation anxiety’ kapag naibigay ko na hahaha.

Pero, kapag naiisip ko naman na nasa mabuting kamay ang librong ibinigay ko, ‘at peace’ na rin naman ako. It’s like giving or sharing a piece of me to that person (ganun). Minsan, hindi ko masyadong iniisip kung gusto rin ba ng pagbibigyan ko yung librong ibibigay ko sa kanya. Basta interesado ako sa book na nakita ko at sa tingin ko (in some ways) ay ‘swak’ naman sa kanya, yun na ang ibinibigay ko… or I don’t mind na lang hahaha.

Bilang ideya ni Denise na mag-exchange gift (halagang 100 pesos lang naman) kaming lima nila Eldie, Dranreb at Neri sa darating na sabado kaya nababanggit ko ang mga bagay na ito. Ang nabunot ko ay ang mabait na si Neri… kaya dapat mabait na libro rin ang ibigay ko sa kanya.

Higit isang oras din ang naigugol ko sa kahahanap ng libro na kapag nakita ko ay masasabi kong ‘yun na talaga! Muntik na akong umuwing ‘bokya’, halos masalat na ng kamay ko ang lahat ng libro sa tindahang iyon, hanggang sa makita ko ang isang ito –


…unang kita ko pa lang, kinuha ko na agad ang libro na parang may kaagaw pa ako hahaha. Ito ay hango sa totoong buhay. Ang istorya ng batang si Alex Malarkey (ang kanyang near-death experience dahil sa isang aksidente). Sinearch ko sa youtube at google, mukhang nakakaantig at nakaka-inspire ito. Sa katunayan, kanina habang nasa cashier pa ako, tinanong ko kung meron pa silang isang kopya (desperado? hahaha)… at nung sinabi ng babae na nasa cahsier na “wala”… buntong hininga na lang ako.

Kaya, kung nababasa man ni Neri ang blog ko (na mukhang hindi naman mangyayari), alam mo na ang mapapasaiyo! Ipapakwento ko na lang ito sa kanya lol.


Sabado, Disyembre 6, 2014

“Cold, cold water bring me around…"


Ika-6 ng Disyembre, 2014
Sabado, 9:03 ng gabi


            Tirik na tirik ang sikat ng araw kanina –


            …parang nagpapahiwatig talaga. Sabi nila, ganun din daw ang panahon bago humagupit si Yolanda. Animo’y payapa… hindi naman pala.

            Sana lang ay hindi na lumakas pa itong si Ruby. Sana “less hagupit”.

            Ikaapat na sabado.

Sa huling klase, late ako ng tatlong minuto. Oks lang naman. Halos kararating lang din ng prof. Agad kong napansin ang mga nakasulat sa pisara. Akala ko lecture na, buti na lang hindi. Mga naiwang sulat ng huling gumamit at nag-iwan ng kung anu-ano sa board. Mga kakatuwang kowtabol kowts. Mabuti na lang hindi nabura ni sir lahat habang nagpapaliwanag siya kanina. Naka-survive ang dalawa. Nung nag-dismiss na, tyempong kinunan ko ng larawan. Dakilang dedma sa mga kaklase hahaha, kahit pa si klasmeyt ay napatingin at nagtataka kung bakit ko iyon pinipiktyuran –



“Cold, cold water bring me around…
…It’s such a perfect day.”

LSS sa Coldplay’s “Strawberry Swing”.


Sabado, Nobyembre 29, 2014

"sa ngalan ng ‘partial requirement’..."


Ika-29 ng Nobyembre, 2014
Sabado, 8:23 ng gabi


            Isa sa pangarap kong gawin / trabaho ay ang maging isang researcher. Kahit nakadudugo sa pag-iisip ang research, hindi ko alam kung bakit trip ko pa rin ito. Parang ang saya lang kasi na marunong ka mag-research. Marami kang malalaman. Marami kang matututunan. Kaya nga, hinahangaan ko ang mga mahuhusay na researcher sa kanilang napiling field; pati na rin yung mga nagtuturo ng paggawa ng isang matino at magaling na research. Sa tingin ko, bukod sa nakayayaman ito ng isip, nakapagpapalago rin ito ng pagtingin mo sa buhay at sa mundo (wow? lol).

            Kaya sa mga mahuhusay sa research… turuan niyo naman ako! Hehehe.

Mukhang malabo na ring mangyari yung pinapangarap ko na maging part ng isang research team na napapadpad kung saan-saang lugar para sa isinasagawa nilang pag-aaral… hay naku… dream lofty dreams.

            Kanina, kasama ko si Neri sa library


            Kailangan naming humanap ng mga research na may kinalaman sa aming field of specialization, kaya mala-ukay-ukay kaming naghagilap ng mga thesis / research. Kahit nung nasa kolehiyo pa ako, ipinagtataka ko talaga kung papaanong napakaraming research na ang naisasagawa o naisa-submit sa mga unibersidad sa buong Pilipinas pero bakit di pa rin umuunlad ang iba’t ibang larangan tulad halimbawa ng sa edukasyon? Hindi ba’t ang pagri-research ay isinasagawa para makatuklas ng bago o makahanap ng solusyon, pero asan na? Hindi ko alam kung hindi lang ako updated o baka hindi lang din ako na-informed lol.

            Sa tuwing nakakakita ako ng tambak ng mga research sa isang silid aklatan –

Busy si Neri (nakaputi) sa paghahanap... eh ako? Lol.

            …hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili… ang mga research ba na ito ay ginawa para sa ikabubuti at ikayayabong ng ating kaalaman, o sadyang ginawa lang sa ngalan ng ‘partial requirement’ sa kursong iyong kinuha? Nasasayangan kasi ako sa mga papel at na nai-hard bound pa lol.

            Di ko rin maiwasang ma-frustrate kapag may gagawing research. Bukod sa alam kong marami pa akong dapat na matutunan, ay gustong-gusto ko talaga na makagawa ng isang maayos at may husay. Kung may panahon lang. Kung may budget lang. Kung may mentor lang at ako ang protégé lol. Puro na lang ‘kung’.

            Sa parehas na paraan, nakaka-frustrate din kung paano nakadudugyot ng pagkatao at nakaluluray ng katawang lupa ang pagsakay sa LRT! Parang isang panaginip na di mo gugustuhin –

Blurred. hehehe.

            Nga pala, hindi ako nakapag-haggard-selfie ngayong araw sa peyborit kong fresh na cr sa ground floor. Naka-lock na ito. Natuklasan na ata nila na ako lang ang walang habas na gumagamit ng cr na iyon na para lamang sa mga guests / staff! Hay naku. Lol.


Miyerkules, Nobyembre 26, 2014

"Anong pinagkaiba?"


Ika-26 ng Nobyembre, 2014
Miyerkules, 3:05 ng hapon


            Di ko ma-gets.
            Minsan magtataka ka kung paano umabot ang ilang mga bata sa high school.
            Hindi naiintindihan ang binabasa.
            Madalang magbasa.
            Hirap umunawa.
            Hirap magkalkula.
            Walang modo. Tamad.

            Mass promotion?...
            Ewan.

            Sabi kasi, sa iyo magri-reflect kung may mga binagsak kang bata.
            Sa isip ko naman, eh sa amin din naman ang balik kung nagpapasa ng ganun-ganun na lang.
            Anong pinagkaiba?
           
            Hay…
Makakain na nga lang ng Marty’s Baconette Strips.


Sabado, Nobyembre 22, 2014

"...daan patungong langit."


Ika-22 ng Nobyembre, 2014
Sabado, 7:43 ng gabi


            Unang semestre. Ikalawang sabado.

            Habang papunta sa eskwela, naisipan kong kunan ang daan na ito –


            …masaya maglakad dito kapag umaga. Kala mo holiday. Halos walang mga tao at sasakyan. Natuwa lang akong kunan ang kalyeng ito, kasi napakaliwanag sa dulo. Papasikat na kasi ang araw. Di tulad nung nakaraang sabado na makulimlim at medyo maulan ang panahon. Kaya kanina feeling ko, ito na ang daan patungong langit. Lol.

            Pangalawang pagdu-dokumento sa haggard kong pagkatao. Sa parehong salamin at banyo –


            …medyo scary mag-cr dito. Laging nakasara ang ilaw, parang kwarto ko na itong cr sa ground floor, laging ako ang tagabukas at tagapatay ng ilaw. Di tulad ng mga banyo sa ibang palapag, kahit kailan ni wala pa akong nakasabay dito. Siguro ni-reserve ang cr na ito para sa akin hahaha. O baka hindi lang pinapagamit, lagi kasing fresh kumpara sa ibang cr, kaya dito ako nawiwili pumunta para umihi at magpanggap na fresh.

            Unang karinderyang kinainan ko para magtanghalian –


…kasama sila Denise, Neri, Eldie at Dranreb (wala sila sa larawan hahaha). Di ko akalain kahit paano may makakasama naman pala ako. Mukha pa naman akong tanga ‘pag mag-isa.

            Sa ikatlo at huling klase ko ay wala na akong kakilala. Kaya kailangan mag-effort na chumika. Ayun may naka-chikahan naman na isa. Buti na lang… di na ako magmu-mukhang ewan.

            Pag-uwi, bumili ako ng planner mula sa Papemelroti


            …dinalawa ko na ang bili. Nahiya naman sa ako cashier. May planner pa akong nalalaman, eh lahat naman ng naibigay at nabili ko sa Papemelroti ay itinatago ko lang naman. Ganda kasi ng mga design!


Miyerkules, Nobyembre 19, 2014

"Magsasabit ako ng medyas sa krismas."


Ika-19 ng Nobyembre, 2014
Miyerkules, 7:23 ng gabi


            Dahil sa nagtanong pa ako kung ano yung pinapa-try ni Ma’am A kay Sir O… yan tuloy nabasbasan ako ng magic word na “Try mo rin Sir!”… sabay kuha sa kanyang mahiwagang bag ng –



            Akala ko kasi pampatanggal haggardness yung pinag-uusapan nila, yun pala masculine wash. Lol. Ma-try nga bukas para feeling fresh lang hahaha.


x-o-x-o-x


            Leche flan…

            Nung isang araw, pumalakda sa klasrum ang aking cellphone… yun na nga lang yung ang kauna-unahang tatskrin kong phone tapus nawaley pa. Boom na boom ang paglagapak… ang resulta, natigbak! Wala pang dalawang taon ang itinagal. Mabuti pa si Nokia 3500c, apat na taon kong nagamit.

            Kaya ngayon nga-nga… nanghihiram ng cellphone kay mudra…

            Maghihintay na lang kay Santa. Magsasabit ako ng medyas sa krismas.

Sabado, Nobyembre 15, 2014

"sopas na punong-puno ng magic..."


Ika-15 ng Nobyembre, 2014
Sabado, 7:06 ng gabi


            Para sa semestre na ito, sa kolehiyong ito ko inilagak ang haggard kong pagkatao –



            Bukod sa promotion at salary increase na dahilan kung bakit kailangan pang mag-aral ang isang tulad ko sa graduate school… ang personal ko talagang rason ay ang mga sumusunod;

            - ma-experience ang ma-haggard sa byahe;
            - makakita at makasalamuha ang iba pang mga specimen ng tao;
            - makipag-super friends sa mga ‘random pipol’;
            - maramdaman muli ang pagiging estudyante at ang pagkatuto;
            - maglakbay sa usok at polusyon ng lungsod;
            - maigala ang pisikal kong anyo; at
            - para may maikwento tuwing haggard day ng sabado. Lol.

            Ni wala pa sa hinagap ko kung ano pa ba ang dapat kong ipakasiguro sa isip ko. Sabi ko… ito muna sa ngayon.

            Sa klasrum na ito –



…nakasama / nakita / klasmeyt ko ang isang rakistang grupo. Bongga. Akala ko talaga college student lang din ako. Parang first day high! May ‘punk group’, may ‘nerd group’, may ‘young and fresh’ at ‘tulala and haggard’ na ako hahaha.  Dito ko rin nakilala si Denise na napaka-taklesang babae…. pero at least totoo. Bukod sa kanya, kasabay kong kumain ng sopas na punong-puno ng ‘magic’ sila Eldie at Neri (mga kaklase ko noon sa aming pamantasan, at klasmeyt ko ulit sa isang subject sa kolehiyong pinapasukan namin ngayon).

            At dahil first day pa lang, maaga rin namang na-dismiss ang mga klase. Kaya minsan, tambay mode ako sa hallway / corridor



…habang naghihintay na may mag-aya / sasabay na kumain.

            Nakakairita tumambay sa hallway. Lakaran ng lakaran ang mga tao! (Malamang?) Kaya sa sobrang inip ko, nag-selfie na lang muna ako sa isang medyo malabo (o may halong dungis hahaha) na salamin sa banyo –



            … at dahil haggard na may lagnat, ganyan lang ang kinaya. Pasensya na. Hahaha.

            Pagkatapos ng klase, habang naghihintay ng jeep



            … gusto ko na manalangin na sana ay umpisa na ito ng pagbabago. Bagong experience. Bagong mundo.

            Bago umuwi dumaan muna ako sa BookSale. Gusto ko sanang bilhin ang libro na ito –



            …kaso naisip ko, tatapusin ko muna yung mga naunang nabili ko.

            Matapos ang ilang libot, napagdesisyunan ko na ring umuwi. Yun nga lang, magpapadikdik at magpapapitpit muna ako sa LRT



            …mukhang kaunti ang mga tao, pero pagsakay ng tren, dedma na siksikan at init… at lagkit! Lol.

Martes, Nobyembre 11, 2014

"...seryoso ka ba sa tanong mo?”


Ika-11 ng Nobyembre, 2014
Martes, 7:41 ng gabi


Di man tayo magkakilala,
Pero…

Parehas naman tayong naka-DepEd uniform (kahit di tayo galing sa iisang eskwelahan)
Pareho ding naghahanap / nagkakalkal ng mga clearbook sa iisang istante…
Sa likod natin (sa kabilang istante), meron namang taga-NBS na nag-aayos / naglalagak ng mga folder
Nakasukbit naman ang backpack ko…
Haggard look pa rin naman ako…

Ang hindi ko lang ma-gets
Sa akin ka pa rin nagtanong ng –

“Ay, meron pa kayang ibang kulay nito?”
(habang hawak mo ang clearbook)

Natulala ako…
Gusto ko sana sabihin na –

“Hindi nga? Mukha ba akong taga-NBS? May bag ako sa likod oh, mamimili rin ako tulad mo…
Naka-uniform din tulad sa’yo. Ano, seryoso ka ba sa tanong mo?”

Pero,
Wala na lang akong binanggit.
Mas nanaig ang pagka-shock ko sa tanong mo.

Lol.

Martes, Nobyembre 4, 2014

"...magpapak ka na lang ng BreadStix at Eggnog."


Ika-04 ng Nobyembre, 2014
Martes, 5:12 ng hapon


            Himala!

            Wala akong inabutang sermon kay mudra sa kanyang pagbabalik sa bahay. Dati, lahat ng hindi namin naligpit o nalinisan ay ina-identify niya isa-isa. Ngayon wala… as in zero. Di naman kami naglinis ng bahay at di rin naman nagligpit ng mga gamit… ‘for the first time in forever’ wala kaming narinig na sermon mula sa kanya.

            Pagdating ko kaninang hapon masyado siyang abala kakahanap ng mga cd’s na pang-videoke, alam na  daw niya kung paano ikokonek ang tv sa aming dvd player. Nagpaturo daw siya sa isang mall nung siya ay nasa probinsya. Mula kasi nung napalitan ang tv, hindi na nila malaman kung anu-ano ang mga ikakabit. Hindi na rin naman ako nag-effort na makialam pa kasi sila lang naman ang gumagamit ng tv dito. Hehehe.

            Kaya ‘birit-birit din kapag may time’ itong si mudra. Okay na rin, at least payapa ang tenga ko mula sa mga sermon niya.

        Kapag ang buhay ay nagbuhos ng maraming gawain, magpapak ka na lang ng BreadStix at Eggnog!

            …at isang bote ng Cobra (yung Cobra Fit para lasang apple).





Sabado, Nobyembre 1, 2014

"...isipin mo na lang na ‘tomorrow is another day’ bilang pampalubag loob sa iyong nakaraan."


Ika-01 ng Nobyembre, 2014
Sabado, 6:41 ng gabi


            Napakahaba ng dumaang linggo… damang-dama ko ang pagka-haggard ko.

            Minsan pakiramdam ko ay dalawa ang katumbas ng isang araw. Naaalimpungatan ako kapag nakakatulog sa hapon. Nung huwebes, nagising ako ng 6:41 (oras sa aking cellphone), muntik na akong lumipad patungong eskwelahan kasi akala ko late na ako… yun pala 6:41 PM… akala ko kinabukasan na ako nagising (eh 6:00 AM ang pasok ko). Sumakit lang ang aking ulo.

            Hindi ko alam kung masaya o malungkot na eksena ba ang sumakay ng LRT. Nakakatawa kasi na makita mo kung paanong nayuyupi ang mukha ng isang mananakay kapag ipinilit pa niyang makasakay sa tren na punong-puno na ng mga pasahero. Yung tipong pagsara ng pintuan ay dikit na dikit na ang kanyang face sa salamin. Nakakalungkot kasi… ano ba… ganito na lang ba lagi ang kapalaran sa ‘Pinas… masikip… mabagal.

            Ang nagdaang linggo ay nagturo sa akin ng kahalagahan ng pagmu-move on (pero hindi sa pag-ibig dahil wala naman ako nun hahaha). Pag-move on mula sa lahat ng mga ‘haggard things’ na nangyayari sa iyo. Dapat lagi kang makaalpas mula sa mga nangyari sa iyo sa nakalipas na araw, linggo, buwan o taon. Ang pag-iisip mula sa mga bagay na nakalipas na ay walang patutunguhan. Sa halip, isipin mo na lang na ‘tomorrow is another day’ bilang pampalubag loob sa iyong nakaraan.

            At isa pa, wag mong iri-recommend sa kaibigan o kasama mo ang isang libro (na gusto mong bilhin) na nahanap mo habang kayo ay nasa ‘bargain book sale’. Dahil kapag kinuha niya yun, di mo naman gugustuhing agawin yun sa kanya para mapasaiyo ulit. Sa mga ganung eksena, mas pipiliin mong isalba ang inyong pagkakaibigan kaysa sa libro na gusto mo hahaha!!! Di ba…


Biyernes, Oktubre 24, 2014

TICTAC


Ika-23 ng Oktubre, 2014
Huwebes, 4:34 ng hapon


            Malamig sa faculty kaninang umaga (pasado alas diyes ang oras) habang nagri-record ako. Mahina lang naman ang aircon sa faculty pero nakadagdag sa lamig ang medyo maulan na panahon.

            Ang lamig.

            Pati mga tao sa paligid ko, ang pakiramdam ko sa kanila ay malamig.

            May ilan na maaari kong lapitan para kausapin o makipag-chikahan pero mas pinili kong maging busy sa aking ginagawa dahil naisip ko ‘pag umuwi na ako wala na akong magagawa ulit. Tamad.

            Medyo mahirap mag-focus kanina. Kayang kong i-record ang mga hawak kong papel, pero tumatagos ang tingin ko sa mga ito. Parang na-miss ko bigla yung mga dati kong kasama. Yung tipong kahit busy kami sa paggawa ay naisasabay pa rin namin ang daldalan. Ngayon kasi napaka-objective ng mga pakikipag-usap ko. Opinionated naman akong tao, pero hindi ko magawang maitapon ang interes ko sa kanila. May iilan na pwede pero pinili ko ngang mag-busy-busyhan. Ayoko ng small talk.

            Pareho lang naman de-aircon ang faculty na pinanggalingan ko noon at sa ngayon. Pero mas nanunuot ang lamig sa ngayon. Ang emo ko lang.

            Sa dati kasi para kaming mga immatured na nilalang hahaha. Kapag bumanat ng joke ang isa pwede maki-ride on ang lahat, havey man o waley ay keri pa rin!

            Yung makipaglaitan na nakaka-engganyo na manlait pa lalo. Pero walang nasasaktan, may napipikon lang hahaha. Sa mga kasama ko noon inaabangan ang kakaiba / maling pagbigkas ng mga salita, at automatic word of the day na yan! Kaya ingat na ingat kami sa pagsasalita lalo na kung ingles, dahil di ka pwedeng mag-explain o magdahilan, matinik ang pandinig nila hehehe.

            Mas naa-appreciate kong lalo ngayon ang mga foodtrip namin dati ng mga kasama ko. Damang-dama ko na yun talaga ang bonding namin, at hindi para may mai-post sa nakakaumay na fb hahaha. Ngayon kasi, nabababawan ako sa mga sinasamahan kong ‘foodtrip thing’ kasi wala ata na hindi nai-post sa fb, pakiramdam ko – “Yung totoo, bonding o picture? Hindi pwedeng both.” Lol. Nalalabnawan ako sa bonding. Pakiramdam ko mas nananaig sa kanila na may maipakita sa fb kaysa namnamin yung moment na magkakasama kami. Di tulad ng mga kasama ko dati, kahit simpleng chicha lang, nanunuot sa pagsasalo namin ang samahan, kwentuhan at pati na okrayan hahaha.

            Ang tanging ikinasaya ko lang ay yung araw na sabay-sabay kaming kumain ng tanghalian kasama ang ilang seasoned teachers. Gustong-gusto ko ang presensya nila (mga seasoned teachers), may calm and warm effect. Hindi ko alam kung bakit, basta ganun!

            Ilang araw na ang nakaraan, sakay ng mausok na jeep, bigla na lang naibulalas ni mudra

            “Bumabalik na yung kulay mo ah, hindi ka na maputla. Iniinom mo ba yung ferrous sulfate mo?”

            “Oo, di ba bumili ako nung nakaraan… araw-araw umiinom ako,” kahit di naman hahaha. Kung di pa nga niya nabanggit di ko maaalala, mabuti na lang nakapagpapa-pula ng kulay ang masikatan ng araw (pati na rin ang mausukan).



Ang totoong mint flavored tictac (kaliwa),
at ang mga tableta ng ferrous sulfate (kanan)...
...na aking nilalaklak.
Reduce. Reuse. Recyle. Lol.

Miyerkules, Oktubre 22, 2014

"Bakit ang tahimik mo?"


Ika-22 ng Oktubre, 2014
Miyerkules, 5:19 ng hapon


            “Bakit ang tahimik mo?”

            Madalas itong itanong sa akin nung bata pa ako. Na pakiramdam ko ‘abnormal’ ba ako para tanungin ng ganitong tanong… kasi sa loob ko gusto kong sabihin na – “Bakit ikaw di naman kita tinatanong kung bakit ang ingay mo?” Lols.

            Naalala ko lang yung klasmeyt kong transferee noong 2nd year high school – si Rachel. Katabi ko siya sa upuan. Mas tahimik pa siya sa akin. Sa mga ganung pagkakataon, mas kaya kong maging maingay o makipag-usap sa mas tahimik pa sa akin. Alam ko kasi (o baka assuming lang ako hahaha) kung ano ang tumatakbo sa kanyang isip o kung anong uri ng tao ang nasa loob ng ganung personality. In other words, nakaka-‘relate much’ ako. Kaya mas madali kong ma-approach yung mga kauri ko na tinatanong ng nakakainis na tanong na “Bakit ang tahimik mo?”

            Kaya tuwing first day of class, lagi ko na lang ini-introduce ang sarili ko bilang “timid and shy” para wala na magtatanong, pero di ata nila natandaan o naintindihan hahaha.

            Hanggang sa natutunan ko ang tungkol sa introvert and extrovert personality, na how I wish ay alam sana ng marami. Kasi lugi naman yung mga introvert… laging tinatanong ng “Bakit ang tahimik mo?” (paulit-ulit hehehe). Minsan nababansagan pa ngang anti-social.

            Nung high school at college, mahilig akong mag-sagot ng mga personality test kapag nagsu-surf sa internetand as always laging introvert ang interpretation sa mga sagot ko. And through further readings, research and study (wow meron?), mukhang akma naman talaga sa akin yun.

            Kaya naiintindihan ko ang tahimik kong mga estudyante. I know, maingay sa kanilang loob. Hindi dahil nasa loob ang kulo nila (na napaka-judgmental na idea), kundi alam ko na ang kanilang isip ay napupunta sa kung saan-saan, nakakapag-isip ng kakaibang mga ideya, may mga visions at may matinik na paraan ng pag-oobserve. I always like how the introvert people talk… because every word coming out from their mouth makes sense… you know hahaha. (effort maghalo ng english lols)

            I think yung mga kauri ko ay very particular sa details. Minsan nga habang kumakain kami ng mga kasama ko feeling ko nailalabas ko ang sarili ko sitwasyon, yung parang pinapanood ko lang sila. Kaya kong i-describe kung gaano ka kapangit ngumuya hahaha, kung gaano kaayus ka gumamit ng tinidor at kutsara, ang expression ng iyong mukha kapag nagsasalita o tumatawa, kung ano yun ginagawa ng iba habang nagkukwento ang isa, kung may tira pang pagkain sa plato mo, kung lagi ka bang nag-iiwan ng inumin sa baso, yung enjoy na enjoy kumain, yung kung anu-ano ang inihahalo sa pagkain, yung gusto pang kumain kahit tapus na siya hahaha, yung totoong tumatawa sa nakikitawa, yung nakakaintindi sa usapan at yung iba dedma na lang matatapos din ang topic na yan,  at kung anu-ano pa.

            Nung lumalaki na ako (parang hindi akma ang word na lumalaki haha), I feel annoyed kapag may nagtatanong sa akin ng “Bakit ang tahimik mo?”. Hindi ko kasi makita yung reason kung bakit iyon ay tinatanong pa; katumbas nung tanong na “Okay ka lang?” eh nakita mo na nga na hindi naman talaga siya okay. Whenever I feel comfortable sa mga kasama ko bigla na lang malakas na ang tawa ko o kaya ay marami na rin akong kwento. Hindi ko alam kung bakit ganun. Basta nangyayari na lang… at sa iilang grupo ng tao lamang. (choosy?)

            Oo, sabi ko sa mga estudyante ko importanteng tanong ang “Why?” lalo na sa science. Pero minsan ang mga taong nagtatanong ng “bakit?” ay nakakainis ng kaunti (dapat sana ang ilalagay ko ay magpaka-shunga ng kaunti haha, pero ayan na nailagay ko na rin naman), lalo na yung tanong na –

“Bakit ang tahimik mo?”

O baka… hindi ko lang din ma-gets ang tanong na iyon. Paki-explain lol.


Lunes, Oktubre 20, 2014

"...pagkatapos ng sembreak na ito, magpapakilala ulit ko."


Ika-18 ng Oktubre, 2014
Sabado, 4:32 ng hapon


            Isang grading period ko pa lang sila nakasalamuha, natuturuan at kinabubwisitan hehehe. At hindi naman siguro makatarungan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila alam ang aking pangalan o kahit pa ang tamang spelling nito.

            Matapos mangalay ng kamay ko kaka-check ng kanilang periodical test, natawa na lang ako sa sari-saring bersyon ng aking name. Narito –




            1. Jep BuendiaOo, ito ang nakalagay na panglan sa masking tape ko kaya siguro ito rin ang naisulat ng batang ito. Pero nakapa-close naman namin para gamitin niya ang Jep Buendia.

            2. Sir BindiyaParang binastos naman yung apelyido ko. Nasaan ang hustisya! Lols.

            3. Sir GuendiaLokohan na ito.

            4. Sir Gwendia AbuenAba, ako nga ba talaga ang teacher ng batang ito?

            5. Mr. Buendiyamalapit na maging Buwaya.




            6. Sir Jeffeto, close na close kami nito, Sir Jeff lang talaga.

7. Sir Buen Diatama na sana eh, may space pa.

8. Sir Vuendiasosyal, V as in victory.

9. Mr. Bendiyabastusan na talaga hahaha.

10. Sir Guindiahindi ko na ito maatim.

Ang sampung bersyon na yan ng aking panglan ay nanggaling lamang sa 2 out of 5 sections na hawak ko. Hindi ko na hinanapan pa ng ibang bersyon ang natitirang tatlong pangkat, dahil mukhang hahaba pa ang listahan.

Sige… sa umpisa ng 3rd quarter, pagkatapos ng sembreak na ito, magpapakilala ulit ko.

            Mabigyan nga ng plus 5 ang lahat ng tumama sa pangalan ko… in their dreams!


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...