Mga Pahina

Huwebes, Disyembre 31, 2015

Sige na nga, sabihin na nating year-end post ito.


                12.31.2015 (9:56 PM)

Dalawang oras na lang bago mag-2016!

                Yey! Di naman talaga ako excited hahaha. I am full of hope (or hopeful, same lang ba yun? Lol) para sa darating na taon pero very usual na lang din ang event na ito. Lagi rin naman akong inaabot ng past twelve midnight bago matulog. Mahirap din naman magkaroon ng event sa labas; ang daming putukan at saka nakakasulasok kaya ang amoy ng pulbura.

                Kaya ngayong gabi, balak ko sanang abutan ng bagong taon na nagbabasa sa gitna ng kaingayan hahaha. Well, balak lang naman; pwedeng di rin matuloy. Ako pa ba!

                Gustong-gusto ko yung statement na nabasa ko sa speech ng isa sa naging prof ko – “…to read as if my life was dependent on it.” May sampal factor sa akin kasi ang tamad kong magbasa hahaha (I mean mag-aral na rin). Tulad ng parang nakatatak na sa isip ko yung sinabi ng isang child prodigy – “Learning is as essential as eating.” Nakakainis sila nang di ko alam kung bakit hahaha.

                Ang kinain ko ay ispageti, prayd tsiken, buko salad na fruit salad (basta)… tapus nagkape ako with tinapay na may ube dyam. Yung mga kinain ko ay wala naman talagang kinalaman.

                Ang korni-korni na dati nag-iisip pa ako ng tema ng buhay ko kada magpapalit ng taon. Gusto ko sanang ibahagi yung iba pero nakalimutan ko na sa kakornihan ng ganung uri ng pakana sa buhay. Ah ok, naalala ko yung isa – “Chasing dreams!” Yak hahaha. Ang ending, puro ako tulog at wala namang dreams na na-achieve.

                Hinahanap ko yung libro ni Ricky Lee na may pamagat na Quiapo (parang ganyan, nakalimutan ko) at saka gusto ko rin mabili at mabasa yung nobelang Tatlong Araw Tatlong Gabi ni Eros Atalia. O baka naman, nag-iipon lang talaga ako ng mga libro sa ilalim ng aking kama. At sama-sama kaming natutulog.

                I cannot recall remarkable moments ng taong 2015 (parang wala naman or alibi ko lang kasi ang ingay eh, torotot and putukan everywhere). Siguro, pag tumatanda ka na, nag-iiba na ang kahulugan sa iyo ng mga salitang remarkable, memorable or special. Maraming masasayang nangyari ngayong 2015, pero sa paglipas ng taon, nag-iba na rin pamantayan ko para maihanay yun sa mga “wow! astig events” ng buhay. Pero I’m so thankful pa rin. Napakaraming blessings kaya! Insensitive lang ako ng slight. Ganyan.

                I’m so excited na parang hindi naman hahaha. Pag nakikita ko ang kwarto ko, kahit maging 2016 na ganun pa rin naman ang itsura – messy. Pero ganun talaga, may tamang oras for things to fall into right places, and so I am waiting for things inside my room to fall into their respective places without me exerting an effort hahaha. Pero syempre, hindi papayag ang law of inertia. Hindi talaga gagalaw ang mga bagay unless may external force na magpapagalaw dito. Pero malay mo (maging masipag ako).

                One and a half hour pa… anu pa bang masasabi ko para kunwari ay may year end post ako.

                I appreciate my hair now (bawat strand lol). Hindi naman taglagas pero ganyan ang season na taglay ng buhok ko hahaha. Kailangan mabigyan ito ng solusyon sa lalong madaling panahon. Pero kung ito ay itinakda na ng aking genes… hindi, hindi pwede. Delete! Oo, pwede nga pa lang magkaroon ng deletion sa ating genes kapag nag-undergo ito ng mutation, at sana ma-delete ang portion na yun, or ma-turn off or ma-inactivate.

                Sniff… Sniff…

                Di pa naman amoy pulbura sa kwarto… pero mamaya sure na yan. Nagiging tinapa ang lahat ng tao dito sa lugar namin tuwing new year’s eve. Tradisyon na eh! Eh! Eh! Eh!

                Speaking of tema para sa taong ito, naisip ko pwede na ba yung – “Reading as a form of procrastination.” Parang di naman tema, parang slogan. Magbasa na lang kaysa matulog lagi. O kaya magbasa na lang kaysa tulala. Magbasa kapag walang maisip, kapag tinatamad or walang magawa.

                Nakaka-conscious magbasa kapag nasa jeep. Nung unang mga subok ko, nakakailang. Nakaka-paranoid nung simula, para sa mga kasabay mo sa byahe na wala namang hawak na libro, ikaw lang ang meron. Pero nakagawian ko na rin, dedma lang din naman ang mga tao eh, ako lang ang praning sa loob ng isip ko hahaha. Tapus tinigilan ko na rin. Kasi ang hirap pa lang magbasa sa byahe, yung pagbaba ko sa jeep may hilo-effect lol.

                Isang oras na lang.

                Happy New Year Na!

                12.31.2015 (10:53 PM)



Miyerkules, Disyembre 30, 2015

Tala-A-Larawan: Bulilit! Bulilit! :)


03.21.2015 (Saturday, 5:47 PM)
"Ayun oh!" : Mga batang namamasyal sa Luneta.
Ito ay habang nakatambay kami sa parke noong huling araw
ng isang nakaka-haggard na sem.



04.11.2015 (Saturday, 8:43 PM)
"Reflection" : Stolen shot sa makulit na pamangkin
habang nasa byahe sakay ng bus papuntang Bicol.



Lunes, Disyembre 28, 2015

3 Uri ng Kwento na Nakaka-Victim ang Feeling After Basahin :)


                (1) Yung kwento na kung tutuusin ay ang ikli lang pala, pero humaba dahil sa mga paligoy-ligoy na naidagdag. Na ikaw naman pilit mong binasa ang bawat ‘palabok’ hoping na may kinalaman yun sa kwentong binabasa mo, tulad ng mga ‘flashback-thingy’ na nagbibigay paliwanag sa mga anek-anek na misteryong meron sa kwento. Pero at the end, feeling mo talaga ay nauto ka lang ng nagsulat. Hahaha. Ako lang ba ang biktima? Pero okay lang din kasi maayos naman ang pagkakahabi at may sense pa rin naman basahin… pero feeling ko talaga, nang-uuto lang sila.

                (2) Yung napakahaba ng tunggalian / conflict sa istorya… yung malapit ka na sa ending pero bakit di pa rin natatapos at hindi pa rin nabibigyan ng solusyon. Ang pinakamasaklap, matapos mong ma-excite na para bang “Eto na! Malapit na ang ending! Malalaman ko na!” pero nagulantang ka na lang na biglang natapos na yung istorya sa isang open-ended na paraan. Shet! Hahaha. Bitin na bitin! Effort pa man din akong magbasa hanggang sa dulo tapus wala naman pa lang konkretong wakas. Sana di ko na lang tinapos yung kwento, ganun din naman pala ang ending – walang ending.

                (3) Yung kwento na napakabagal mag-build up. Nakailang pahina ka na pero parang simula pa rin ang ganap. At nung unti-unti nang kumakapal at lumalalim ang mga tagpo saka na lang biglang nag ending?!! Yung binuklat ko pang mabuti kung yun na ba ang dulo, kasi baka may napunit lang or whatever, pero hindi, last page na talaga! Hindi na nga ako mahilig sa part 2, sequel, trilogy atbp… pero parang gusto ko s’yang hanapan ng ganun kasi nakakaloka na tapus na pala hahaha.



Biyernes, Disyembre 18, 2015

Tala-A-Larawan: Statue, Ilog, Painting, Hagdan at Kampana.


04.16.2015 (Thursday, 5:44 PM)
Isa sa mga estatwa na makikita mo sa sementeryo ng Peñafrancia Church, Naga, Bicol.


04.21.2015 (Tuesday, 5:33 AM)
Ang ilog sa may tulay ng Tawiran, Bulacan. Ito ay noong naisipan kong mag-bike mula sa amin sa Valenzuela. Solo trip lang.


05.07.2015 (Thursday, 12:35 PM)
Isa sa mga paintings na nakita ko nang pumunta kami sa GSIS Museum.
Hindi naman talaga ang musuem ang unang pakay, ang e-card :)


09.26.2015 (Saturday, 2:11 PM)
Ang medyo freaky na hagdanan ng NTC.
Kung naging napaka-freaky nyan, eh di sana 'I Love It!'
Masaya ang horror :)


12.14.2015 (Monday, 7:17 AM)
Tanaw ang kampana ng San Diego Church mula sa 4th floor ng Polo NHS.
Ganda!



Linggo, Nobyembre 8, 2015

Just another 'sirang plaka' kind of story.


Hindi ko alam kung bakit lagi kong nari-recall yung kagustuhan ko na maging isang 'terror' na teacher. Ang bait-bait ko kaya. Hindi bagay.

Siguro kasi yung ugali ng ilang mga mag-aaral ngayon ay higit pa sa isang terror, kaya naisip kong maging mas terrorista pa sa kanila lols. At saka nagbago na rin ang panahon.

Kwento nga ni Pope Franics, nung s'ya daw ay nasa grade four pa, may nasabi s'yang hindi maganda sa isang guro. Pinatawag ng guro ang kanyang magulang. Ang kasama nyang nagpunta ay ang kanyang ina at sinabihan sya ng kanyang ina na humingi ng paumanhin sa guro. At pag-uwi nila, alam nyo na ang nangyari... katakot-takot siguro na sermon ang inabot nya sa kanyang ina. Pero ngayon, dagdag ni Pope, kapag nagpatawag ng magulang ang isang guro, maaaring dalawa pa nga ang magpunta, ngunit ang pinagkaiba, hindi na sa bata ang sisi, kundi sa mismong guro na.

Nagpadala ako ng materials para sa activity ng mga bata. Simple lang – short bond paper, pencil at coloring materials para sa kanilang comic strip. Nung nasa klase na ako, may ilang hindi pa rin nakapagdala. At kung kailan kaunti na lang ang oras saka magpapaalam para bumili. Hindi ko pinalabas. At sa nangyari parang ako pa ang mali, ang sabi pa ng estudyante – “Hindi na ako gagawa! Ayaw naman ako palabasin.” Oh di ba, sa’n ka pa? Sarap paduguin ng nguso di ba hahaha.

Nakakapagtaka talaga. Bakit ganito na ang mga ugali nila?

Lagi ko ring naaalala yung sinasabi ng mga nakakausap kong magulang. Halimbawa, takutin daw ang kanilang anak, ako na daw ang magalit sa kanyang anak, ako na ang magpayo dahil di naman nakikinig sa kanila etc… etc… Naisip ko, magtakutan na lang kaya kami sa klasrum, mag-sermunan na lang kaya kami, at mag-payong-kaibigan portion na lang kaya ako, magbabago na kaya sila? Baka hindi rin.

Minsan, habang may pinapagawa ako sa klase, sinasaglit kong kausapin ang ilang mga pasaway sa klase, pero palasak na talagang papasok at lalabas lang sa kanilang tenga ang mga sinasabi ko. Oo lang, tatango na lang, yung mga dapat nilang gawin ‘bukas na lang’… magbabago na raw, kailan pa, patapus na ang school year di ba… kalokalike!

Ibang-iba na. Ang guro na ang nag-aadjust at nakikibagay sa mga gawi ng estudyante. Samantalang sila dapat ang mag-adjust ng mga pag-uugali dahil nga naturingang nasa paaralan sila. Kapag naghigpit ka, ikaw ang masama, ang guro ang walang konsiderasyon, ang guro ang hindi nakakaintindi, ang guro ang mali sa kabila ng lahat ng pagpapasensya mo at pag-unawa sa kanila.

Parang sirang plaka na ang mga ganitong eksena.


2015.11.06



Huwebes, Nobyembre 5, 2015

Cobra, cinnamon and nuts.


Alam kong marami kang gagawin
kapag may uwi kang Cobra

...yung energy drink.

Iniisip mong Cobra na lang
Kaysa umasim ang tiyan mo sa kape.

Alam kong asar ka sa sekyu ng Mercury,
nakaka-intimidate kasi.

Pero, bili ka pa rin ng bili
ng sliced coffee cake

...wala kasi nun sa bakery.

Pinipili mo pa.
Pinipilit mong makuha.
Yung slice ng coffee cake na
maraming cinnamon and nuts!

Tulad ngayun,
kala mo natuwa ka.
Yung nabili mo kasing sliced coffee cake
may cinnamon and nuts nga

...namumuong tipak ng cinnamon and nuts!

Pero kinain mo pa rin.
Nag-adik ka pa rin sa kendi na bread,
O kaya ay bread na may kendi.
Na cinnamon
and nuts.

Pero bakit ang tawag ay 'coffee cake'?
Eh cinnamon and nuts nga.

Siguro,
da best kapartner ng kape.
Hindi ng cobra.

Baka.
Kape kasi.
Hindi cobra.


2015.11.02


Lunes, Nobyembre 2, 2015

Singkwenta Pesos Story


Sa halagang singkwenta pesos
nakabili ako ng libro na College Algebra and Trigonometry sa National Bookstore.
Di naman ako Math major.

Naisip ko
di na rin ako lugi.
Singkwenta pesos para sa halos 700-pahina na libro na dating Php 645 ang presyo
na may copyright 2008
na nai-reprint noong 2011.
Na ang mga author
ay faculty members ng UP Math Department.

Kaya kahit di ko maintindihan
binili ko na lang din
(so when life gets tough)
meron akong mapaglilibangan!

Ganyan.
Hahaha.


2015.10.18


Martes, Oktubre 6, 2015

#HWTD!



Gaano kasaya?



Ganito...


Teachers' Day eh!


Happy World Teachers' Day!!!


Linggo, Oktubre 4, 2015

let's make it a habit :)


Ako, Neri & Eldie.

After a long day, I wonder how tambay moments like this can be so relaxing...

Eldie, Ako, Neri & Dranreb.
(photo grabbed from Dranreb's fb lol)

So let's make pagtambay a habit! :)


Martes, Setyembre 29, 2015

the fiery general...


Pinagbabaril.
Pinagtataga.

"Mga traydor!"

Sinubukan niyang makaganti,
ngunit walang nahagip
kanyang bala at talim.

Humandusay sa lupa.
Na nagkulay pula.

Ilan pang putok ng baril.
Taga at pagnanakaw din.

Siniguradong walang buhay,
Tiniyak na siya'y mapapatay.

Totoo ang kanyang sinabi,
kalaban nati'y ang sarili.


Lunes, Setyembre 21, 2015

Okra (Lady's Fingers)


OKRA (Abelmoschus esculentus)

First time kong makakita ng okra na nasa halaman pa.
Dati, akala ko, katulad sila ng ibang gulay na parang nakalawit or nakalambitin sa sanga ng halaman.
Yun pala, umuusbong ito na naka-upside down.

Wala eh, ganyan talaga pag nasanay kang nakakakita lang ng semento at polusyon.
Basta, nakakita na ako ng okra na nasa halaman pa, hahaha!

Gusto nyo bang malaman ang 'amazing health benefits' ng pagkain ng okra?
I-click nyo lang ang link na ITO.


Linggo, Setyembre 13, 2015

just like those big photographs...


(sa likod) Denise at Ako, (sa harap) Neri, Eldie at Dranreb.

Isang malaking room na pupunuin ko ng mga black and white pictures.
Just like those big photographs I have seen in the museum.

So that when life seems so weary,
You can just walk inside that room
And instantly recall the many moments when you were happy.


Huwebes, Setyembre 10, 2015

to crop somebody...



You don't know what it's like,
Baby, you don't know what it's like

To crop somebody
To crop somebody
The way I did to you.


x-o-x-o-x


*Hango sa kantang "To Love Somebody" ng Bee Gees.
*Setyembre na! Dami nang agiw sa kwarto at blog kong ito.


Sabado, Hulyo 11, 2015

"Which is which? Who is who?"


            I WONDER. Ano kaya ang pag-uusapan nila Pastor Apollo Quiboloy at ni Vissarion kung sakaling mag-meet silang dalawa?... Papatotohanan o papasubalian ba nila ang isa?...

            Si Pastor Apollo Carreon Quiboloy ay ang founder at leader ng  Kingdom of Jesus Christ na kinikilala ang sarili bilang ang Appointed Son of God. Taga Davao, Pilipinas.

            Si Sergey Anatolyevitch Torop o mas kilala bilang si Vissarion ay ang founder at leader naman ng Church of the Last Testament, siya naman umano ang reincarnation ni Hesus. Taga Siberia, Russia.

            Parehong mabigat na titulo ang kini-claim nila para sa kanilang mga sarili. Magkapareho ba sila ng ‘Diyos’ na pinagsisilbihan? O iisa rin bang ‘Diyos’ ang nag-appoint or nag-reincarnate sa kanila?

            Nakamamangha kung paano sila nagkaroon ng mga tagasunod. Ano bang meron? Ano bang espesyal sa kanila? Bakit sila? Hindi ba’t ang ilang mga disipulo at santo ay dati rin namang masasamang tao, kung gayun, bakit hindi ang pinakamasasama o pinakamabuting tao ngayon sa mundo? Halimbawa, pwede namang isa sa mga lider ng Abu Sayyaf sa Mindanao, o ilang mga teroristang ISIS. O kaya naman ay ang Santo Papa ng Vatican o kaya ay si Cardinal Tagle o iba pang mga religious leaders.

            At dapat ba ay isa lang? Hindi ba pwedeng marami?

Hindi ko naman pwedeng sabihin na baka hindi nakapag-isip ang mga taong umanib sa kanila, mahirap din magparatang ng brainwash. Ano ba naman ang alam ko sa kabutihang dulot ng kanilang ‘church’ sa kanilang mga kaanib, o kung may alam man ako, hindi ko pa rin naman mauunawaan nang lubos.

Ilang libong taon na ang lumipas, may isang Messiah ang isinilang sa bayan ng Bethlehem, Israel. Posible kaya na nung panahon na iyon, ay meron ding kinikilalang Messiah sa lupain ng Pilipinas (o kung ano pa man ang katawagan sa bansa natin noon)? Hindi kaya nag-fail lang ang mga ‘unang tao’ sa pagtatala ng kasaysayan nito na dapat sana ngayon ay naisalibro na maaaring naipamahagi sana natin at naituro sa maraming parte ng mundo.

Hmmm...


Huwebes, Hulyo 9, 2015

Ang Alamat ng Potato Chips :)


            Summer ng taong 1853. Saratoga Springs, New York.

Isang guest ng Moon Lake Lodge restaurant ay hindi nagustuhan ang inorder nyang French fries; aniya masyadong makapal ang pagkakahiwa ng mga patatas. Kaya itong si chef George Crum ay nag-cram (mai-rhyme lang haha) na gumawa ng panibago para sa nagreklamo na guest na itatago natin sa walang pangalan. Ngunit, sa kabila ng effort ni Crum na magprito ng patatas sa mas maninipis na hiwa, tinanggihan pa rin ito ng dinner guest nila. Sa imbyerna ni Crum, mas pinanipis pa niya ang hiwa at napalutong ang kanyang pagkakaprito. Nung nai-serve na ito sa echoserang guest nila, aba nagustuhan! At dahil likas na insekyora ang mga tao sa paligid, umorder din sila ng ganuon kay Crum (kaya nag-cram na talaga siya nung time na yun lol).

Mula noon ay naging popular na ang Crum’s Saratoga chips, na mas kilala at ini-enjoy na natin ngayon bilang potato chips!

Na bukod kay Herman Lay (ng Lay’s) at ng marami pang iba, ang Ligo ngayon ay may potato chips na rin. Ignorante lang siguro ako kasi, sardines lang ang alam kong Ligo lol.

Ang alamat ng potato chips! Bow! *clap *clap *clap


Huwebes, Hulyo 2, 2015

Exciting din pala ang magkaroon ng electric fan.


Ika-02 ng Hulyo, 2015
Huwebes, 7:08 ng gabi


            First time kong ma-excite para sa balita na kahit paano ay naayos na raw ang dalawang electric fan sa room namin, ayon sa text ng ka-partner kong adviser sa room na panghapon, kani-kanina lang. Okay lang kahit kami pa muna ang magpaluwal sa gastos, walang-wala yun sa pakiramdam na excited na akong makita ang advisory class ko bukas na nag-aaral nang may electric fan J Hindi rin kaya biro ang isang buwan na magklase sa loob ng room na halos lahat kami ay nagmumukhang ‘hot’ lol.

            Kaya sana bukas, totoo! Hay… dahil kung hindi, hotness never ends na talaga.



Sabado, Hunyo 27, 2015

Choz.


Ika-27 ng Hunyo, 2015
Sabado, 9:48 ng gabi


            “Dahil parang ang theory of creation ay di na mapapasubalian para sa mga naniniwala, mas pipiliin ko ang theory of evolution na base sa ideya ni Charles Darwin. Hindi ba’t amazing kung paanong nakagawa ang mga evolutionary theorists ng pagpapaliwanag tungkol sa ating pinagmulan? At ito’y nagresulta mula sa kanilang pananaliksik na sinusuportahan ng mga siyentipikong ebidensya. Oo nga’t maaaring kaduda-duda at kwestyonable ito para sa iba, ngunit kung iisipin, ilang milyong taon na kasaysayan ang ating inuunawa ukol sa ating pinagmulan, kaya’t baka sa ngayon ay hindi pa sapat ang ating nalalaman.”

o-O-o

Ang tinagalog na ‘echoz’ kong sagot sa quiz(?) na hindi ko na maalala kung paano ko na-english. Lol.



Huwebes, Hunyo 25, 2015

Sabi.


Ika-25 ng Hunyo, 2015
Huwebes, 6:43 ng gabi


            Sabi ni Dr. Cruz, paborito nyang kasabihan (o bible verse) ang “This too shall pass.” Kung masaya ka ngayon, you have to savor it, alam mo naman it won’t last forever, kasi wala daw forever. Ganun din daw kung malungkot ka, i-savor mo lang din dahil lahat naman ay lilipas.

-o-O-o-

            “Bakit di n’yo pa natapus yan? Di n’yo ginawa sa bahay?”
Sabi ni Ralph, mas ok daw kasing gumawa ng grupo sa school. Kasi sa bahay daw maraming bata, saka nag-i-SPES s’ya after class.

-o-O-o-

            Sabi ni Ricky Lee, wala naman daw sanggol na ipinanganak na malinis na. Parang mga draft, laging madumi ang unang mga draft. Sumulat lang daw, saka na lang pumili.

-o-O-o-

            Ayan may draft na ako para sa buwan ng Hunyo. Smiley!



Linggo, Mayo 24, 2015

pampauMAY


Ika-24 ng Mayo, 2015
Linggo, 1:14 ng hapon

            Unang beses kong mag-Brigada Eskwela noong nakaraang linggo.
            First entry pa lang din para sa buwan ng Mayo.

            I’m so busy… procrastinating.
            I’m excited for this school year…
            … excited na ako for the next vacation. Lol.

            Nakakatuwa maglinis kasama ng mga co-teachers at ilang nag-volunteer na mga magulang at estudyante. Wala kasing ganito nung nasa private school pa ako. Kaya siguro naman pwede na rin ito para makaisa man lang na post sa buwan ng Mayo.

            Yey! Buhay pa blog ko.

            Ito pampauMAY:



The usual haggard look.

Umi-effort sa picture. Lol.

#BrigadaEskwela2015


Biyernes, Abril 17, 2015

"– may coke, royal, sarsi at sprite."


Ika-17 ng Abril, 2015
Biyernes, 8:54 ng gabi


            Isang kulay asul na drum na may itim na takip na dati’y lalagyanan ng tubig ang pinuno ng maraming bote ng softdrinks at yelo – may coke, royal, sarsi at sprite. Naisip ko nun, kung yung mga matatanda ay naglalango sa alak, ako naman kasama ng mga kaibigan ko ay magpapabundat sa pag-inom ng softdrinks!

            Hindi ko matandaan kung pang-ilang kaarawan ko na yun. Ikapito ata o ewan. Basta, pinagsabay-sabay ang birthday naming tatlo – ng kapatid ko at ng tatay ko; tutal iisang buwan lang naman pumapatak ang aming mga kaarawan at tig-isang araw lang naman ang mga pagitan.

            Napakalamig ng mga nalusaw na bloke ng yelo sa loob ng drum. Saglit na mamanhid ang kamay sa kada kuha ko ng maiinom. Yung nasa ilalim pa yung pilit kong kinukuha, para kasing mas may thrill kapag kukunin ko mula sa ilalim; may kaunting surprise dahil hindi ko nakikita kung anung bote ng softdrinks ang mahuhugot ko sa loob ng drum.

            Napakadami namang nasa ibabaw lang na mas madali kong maintindihan at maramdaman.



Huwebes, Abril 9, 2015

Mudra Knows the Hardest! :)


Ika-08 ng Abril, 2015
Miyerkules, 11:58 ng gabi



Hard Scene 01:
Umaga. Sa kwarto. Nagtutupi ng damit.

Me: Ma, sabi sa klase namin sa genetics, kung gusto mo malaman ang future ng hairline mo, tignan mo daw yung buhok ng tatay o kaya mga tito…

Mudra: Oo, kaya tignan mo si Papa mo, yung mga tito mo ang ninipis na ng buhok!

Me: Eh nung nagpagupit ako ang sabi coming soon na daw itong buhok ko. ***lungkot effect lol

Mudra: Ganun talaga! Whether you like it or not! ***may ngiting pang-asar hehehe

Me: Ganun?! Bakit kasi ang naninipis ng buhok niyo, wala bang naligtas?

Mudra: ***dedma, silent mode

Me: ***afraid sa future ng buhok ko lol



Hard Scene 02:
Tanghali. Sa kusina. Kumukuha ng pagkain.

Mudra: Oh, anung nangyari sa mukha mo bakit may butas-butas?

Me: Bakit? Dati pa naman yan ah!

Mudra: Saka naging nognog ka na, kaka-bike mo yan eh.

Me: Eh summer naman, buti nga nagba-bike pa ako eh.

Mudra: Samahan mo na lang kasi ako mag-zumba!

Me: ***eew



Trip na naman ata ako ni mudra ngayong araw.
Hay naku... Lols.



Biyernes, Abril 3, 2015

Valenzuela People's Park! :)


Ika-03 ng Abril, 2015
Biyernes, 11:35 ng umaga


            Noong miyerkules (Abril 01), napagkasunduan namin na magbisikleta papunta sa isa sa mga bagong attraction ngayon sa Valenzuela – ang tinaguriang ‘parke sa gitna ng lungsod’ – Valenzuela People’s Park! Kaya kung magagawi kayo dito sa amin, wag niyong kalimutan na dumaan sa parkeng ito, may open space para sa mga nais mag-jogging / mag-exercise sa umaga, may nakaka-relax na fountain, may amphitheater na may mga pagtatanghal tulad ng dula o film showing na nagaganap na free admission pa, at meron ding lugar kung saan pwedeng mag-muni-muni at lugar palaruan para sa mga bata.

            Sa ngayon ay tinatapos pa ang katabi nitong Valenzuela Town Center, na tiyak kapag natapos na ay mas lalong dadami ang mga uma-aura este bumubisita sa parke hahaha.

            Narito ang ilan sa mga nakakasuya naming pagmumukha lols: (ang mga kuha ay sa bandang bungad lamang ng park, takot kasi kaming iwanan at ma-harbat ang aming mga bike hahaha, pero ang totoo mas feel lang kasi namin sa parteng ito):



Isa sa mga pamosong istruktura ng parke
na halos lahat ata ng Valenzuelano ay mayroong kuha niyan
sa kanilang FB lol.

Kaya ano pa nga ba ang masayang gawin,
eh di ang mag-selfie by group hahaha.

Ang mataray na pose ni Mam A, Tina, ako, Olan at Sarah.


Kami lang ata nung araw na yun ang busy kaka-piktyur
samantalang yung iba nagjo-jogging!


Ang fountain!
Na kakabugin ang dancing fountain ng Luneta tuwing gabi (weh?).


Taho kapag medyo nahahapo.


Matapos ang masaya at nakakapagod na pagbibisikleta,
kami lang ang sumusugod sa kusina ng iba
na akala mo ay may pinatago kaming pagkain hahaha.


***Ang mga larawan ay kuha mula sa FB ni Miss A. Lopez.


Linggo, Marso 29, 2015

"Halina sa Luneta!" :)


Ika-29 ng Marso, 2015
Linggo, 1:19 ng madaling araw


            Sabado ng nakaraang linggo.

Noong huling araw ng klase, kasama ko sila Neri at Eldie na naupo maghapon sa Luneta matapos ang isang mahabang araw ng pasahan ng requirements at finals, ang lakaran at nakalilitong pagtawid sa mga ginagawang daan dahil sa mga buradong linya ng pedestrian.

Sa ganung kasimpleng paraan lang namin idinaos ang pagtatapos ng semestre.

Umupo lang at nagkwentuhan.

Apat na taon kong naging kaklase sila Neri at Eldie noon sa kolehiyo. Matapos ang halos apat o limang taon pa na hindi na kami nagkikita-kita, ngayon ko lang ata sila ulit nakakwentuhan ng ganito. Noong sabado na iyon ko na lang napakinggan ang kanilang mga kwento. Yung tagal ng inupo namin sa Luneta pati na mga kwentuhan at tawanan, higit pa ata yun sa apat na taon na naging kaklase ko sila.

Nakuntento na kami sa pagtingin sa fountain, sa saglit na pakikipag-usap sa mga taong lumalapit, mga nag-aalok ng litrato, batang nanghihingi ng pagkain, pati na nanlilimos.

Pwede pa lang ganun lang. Masaya na rin naman.
           
            Sa pagitan ng aming pagkukwentuhan ay ilang saglit na pagkuha ko ng mga larawan, "Halina sa Luneta!" lols - 

Luneta - 03.21.15 / 5:11 pm


Luneta - 03.21.15 / 5:59 pm


Luneta - 03.21.15 / 6:23 pm 

Lunes, Marso 16, 2015

About Compliments and Being Stranded. (Maka-title lang ng english, yey!)


Ika-16 ng Marso, 2015
Lunes, 2:38 ng hapon


            “Ikaw lang ata yung nakita kong haggard na kalmado,” walang kaabog-abog na pagsabi sa akin ni Sir C na klasmeyt ko sa subject P habang abala ako sa pag-aayos ng report at pagsulat ng sagot sa mga task sheets.

            “Pwede bang kalmado na lang?” banggit ko sa kanya, sabay dugtong ng tawa kong awkward lols.

            Yung mga moment na ganito, na di mo alam kung compliment ba o inuuyam ka na hahaha. Kahit saan talaga, lumulutang ang ka-haggard-an ko. Hahaha!

            Anyways…

            Dinagdagan pa ng pagkasira ng LRT nung sabado ang kadukhaan ng aking pagkatao. Uwian pa naman.

Hindi na bago ang pagkasira ng mga tren, pero first time kong na-experience ito pati na ang sumalampak sa sahig habang naghihintay sa paasang tren… at ang ending waley.

 Nung napagdesisyunan naming bumaba na lang, ang daming taong naglisawan sa kalsada, akala mo nawalan na ng direksiyon sa buhay hahaha. Kulang na lang humarang na kami sa gitna ng daan para lang makapagpara ng jeep, pero laging puno ang mga jeep! Yung nasusulasok ka na sa usok ng mga sasakyan at sa sigarilyo ng mga smokers, na kung pwede lang isupalpal yung sigarilyo sa kanilang mga bibig ay ginawa ko na hahaha! Bad. Pero mas bad kasi yung buga ka ng buga buti sana kung bumabalik ang usok sa bunganga nila.

Nakakatuwa nung nakahanap na kami ng jeep na masasakyan sa tulong ni kuyang kumukumpas sa kalsada. Halos lumakad na kami pabalik sa aming pinanggalingan para lang makapag-abang ng sasakyan. Dun ko nasaksihan na tayo pala ay may lahing ninja hahaha. Da best kung umentra ang mga pasahero sa jeep – juma-jump ang peg, ala-beast mode ang mga pasahero. Yun nga lang tumira na kami sa loob ng jeep sa sobrang tagal, bagal at trapik!

Na pag-uwi mo ay a-attend ka pa ng JS. Kaya kaunting pa-fresh at go pa rin… at ang pinakamasayang parte sa lahat ay yung pagdating mo sa skul ay palabas na ang mga dumalo sa prom… at least nakapunta pa rin ako, I’m so proud hahaha!


Ang mga nagpapanggap na 'fresh' habang stranded sa D. Jose -
ako, Neri, Clang at Eldie.


Biyernes, Marso 6, 2015

CRATER :)


Ika-06 ng Marso, 2015
Biyernes, 2:48 ng hapon


            Ang awkward at sarcastic ng lesson ko kanina – The Sun, Earth and MOON.

            Nag-enjoy ako sa pagdi-discuss tungkol sa parts ng sun at sa pagbibigay ng ilang amazing trivia, ganun din naman sa Earth. Pero sa pagdating sa moon… hay naku… hahaha.

            Sa isang klase ko, ang sabi ni Angelo
           
            “Sir di ba may CRATER ang moon?”
           
            Sa isip ko, ito na ang usaping crater, common knowledge naman na ito kaya maikling

“Oo meron. Kasi walang atmosphere na nagpro-protect sa moon na katulad ng sa Earth.”

Sabay tanong ko ng “By the way, how many days nga ulit nagri-revolve ang moon around the Earth?” Segue?! Hahaha.

            Tapus sa isa pang section, si Kyla naman –

            “Sir! Nakita ko yung moon nung nag-telescope kami dati sa school, meron s’yang ano sa gilid *nauutal kaya hindi maituloy*…”

            ***Sa isip ko, “Sige kaya mo yan Kyla, sasabihin mo bang crater?!”

            “…yung ano sir, may LIWANAG siya sa gilid.” dugtong niya.

            ***Sa isip ko ulit, “Ah, ‘kala ko CRATER na naman.” Kaya sinagot ko si Kyla ng –
           
            “Actually, walang sariling light ang moon, niri-reflect niya lang yung liwanag ng sun.”

            Pagkatapos kong magpaliwanag may nagsumbong –    

            “Sir si Christine, may CRATER sa mukha!” pang-aasar ni Ricardo sa klasmeyt niya.

            Tinignan ko muna sila… nakita kong nagningning ang mga mata ng lokong bata na si Ricardo…. kaya lumakad na lang ako palayo sa asaran nila…

            …baka MADAMAY pa ako! Badtrip!

            Tuloy lang discussion.
            Hahaha!!!


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...