Mga Pahina

Miyerkules, Mayo 31, 2017

"Para akong thesis na naghahanap ng significant difference…"


(1)
Minsan, iniisip ko “paano kung sa ibang field naman ako magtrabaho?” Pakiramdam ko kasi, para bang masyado na akong pamilyar sa school environment. Maaaring totoo na para sa lahat ng nakaranas maging estudyante (ang mag-aral, ang maggugol ng maraming oras sa eskwelahan, lalo na ang makapagtapos) isa ang eskwelahan sa di malilimutang lugar. Iniisip ko lang, ano kayang “significant difference” ang meron kung sakaling mag-iba ako ng trabaho? Para akong thesis na naghahanap ng significant difference…

(2)
Bakit ba para matuto ay kino-contain natin ang mga sarili sa loob ng classroom? Parang kakaiba na tuloy ang tingin ko sa eskwelahan. Para na nga siguro itong selda? Ewan. Posible kaya yung matuto ka talaga through experience? Yung literal na nasa labas naman ng classroom. Sa tingin ko, kung ganuon ang sistema ng edukasyon, hindi na natin kailangan pa ng grades, ng desisyon kung pass o fail; kasi binigyan ka na ng pagkakataon na matuto sa labas, kaya kung ano man ang natutunan mo, natutunan mo man o hindi, ikaw na ang makapagsasabi at tanging ikaw lang ang dapat na masisi; pero siguro kailangan din ng something na pang-quality control ika nga; pero sana ibang pamamaraan naman, hindi yung puro result lang ng exams.

(3)
Masaya namang ma-involve sa school; pero baka kasi may iba pang paraan ng pag-grow nang hindi ko kailangan na mag-stay dun.

(4)
Siguro nga ay mahirap na kumawala pa sa sistemang nakagawian na; tulad nitong system of education na meron tayo, ito na kasi yung standard, pinaka-concrete as of now. Pwede mo lang itong hamunin at baguhin kung may maipre-present ka rin na bago, kumpleto, at konkreto. Pero di ba nagsisimula naman lahat sa mga ideologies?


2017 05 28



Lunes, Mayo 29, 2017

21. pwedeng both?


         Ang lugar na iyon ay parang faculty namin sa tanghali (ang oras kung kailan naghahalo na sa iisang room ang mga AM at PM teachers). Samu’t saring usapan ang iyong maririnig. Parang tiangge ganun. Kung hindi man dedma, natatawa na lang kami kapag nagaganap iyon sa faculty; normal lang naman ang ganung eksena, tatahimik din kapag nakauwi na ang mga AM teachers at kapag nasa klase na ang karamihan sa mga PM teachers.

            Sa ganung sitwasyon ko maihahalintulad ang coffee shop na iyon.

            Hindi naman talaga magkape ang main objective namin; maaaring isa na yun kasi malamang mapaalis kami kung wala naman kaming order lol, pero higit sa lahat kailangan namin ng lugar kung saan kami makakapag-usap at makapagpapalitan ng ideya, makagagawa ng TOS at pre/post test ni Dreb.

Tapus, kung anu-ano na lang ang aking napansin -

            Si ate na nasa kanan namin ay naka-black sweater, nakatali ang buhok, tapus naka-white cap. Masyado siyang busy sa ginagawa niya, nakita ko na ang dami nang guhit at sulat ng hawak niyang papel, tapus may calculator pa siya sa gilid. At naka-earphone.

            Sa harapan ko naman, sa kabilang mesa, mga apat sila doon, lahat nakabukas ang laptop. Sige lang din ang kanilang pag-type; mukha silang mga medical students. Nagbabasa ng pdf tapus click sa ibang tab then type type… kaunting usap kung minsan, tapus basa ulit, then type type again… syempre, may paghigop din ng kape.

            Sa may kaliwa ko naman, isang lalaki na inokupahan yung mesang pandalawahan kung saan naka-pwesto sila Dreb at Neri bago ako dumating. Pagka-order niya, halos iluwa na niya lahat ng laman ng kanyang bag sa mesa – gadget, papel,  at maraming pang papel na may mga underline, highlights at mga sulat din  (tulad nung mga papel ni ate na naka-sweater at naka-white cap, klasmeyt ba sila? lol).

May isang grupo naman sa likod namin na nag-uusap in a very conyo way; pero actually yung isa lang. Yung isang lalaki lang sa kanila ang super conyo; you know, like this and like that, at pagkatapus ganun and this one like duh and stuff.

Hindi ko rin alam sa sarili ko kung bakit ba binigyan ko sila ng pansin hahaha, eh busy rin naman kami, nakiki-library mode din naman kami sa coffee shop na yun. Hindi lang talaga kalakihan ang lugar, kaya kahit pa may ginagawa kami nila Dreb at Neri, hindi ko maiwasang ma-observe ang kung anong meron sa paligid.

Ang busy ng lugar na iyon. Punong-puno ng kwentuhan, kanya-kanyang emote at ganap sa buhay.

Sa lahat, ang pinakamagandang pagmasdan ay yung mga grupo na chill lang. Yung nasa catching up mode lang, o kaya ay family or small group bonding ang peg. Sa isip ko, mas naja-justify nila kung para saan ang lugar na iyon. Sa ginagawa kasi namin at ng iba pang grupo, feeling ko ay nakaka-stress kaming pagmasdan hahaha, at saka na-confuse lang ako kung coffee shop ba ito o library…

O baka kasi pwede namang both!


2017 04 28


Miyerkules, Mayo 24, 2017

20. talaga ba?


                Sige lang sa pagsasalita ang lalaki na kahilera kong nakaupo sa jeep; ingles ang wika niyang gamit, neutral ang accent niya tulad ng karamihan sa atin. Nilingon ko saglit ang kanyang kausap, hindi naman puti. Pinag-uusapan nilang dalawa ang kaibahan ng kanilang mga estudyante. Mukha silang mga nagtuturo sa kolehiyo. Marahil yung isa, balik-bayan na matagal nang nagtuturo sa abroad. Nag-uusap din sila ng taglish kung minsan.

                Ano raw ba ang kaibahan ng mga estudyante rito sa abroad, tanong ng isa. Dito raw, mas pinaghihirapan ng mga estudyante ang kanilang gawain, hindi raw tulad sa abroad. Mas may focus at halaga raw sa pag-aaral ang mga estudyante rito, at saka kapag may sinabing gawain ay talaga raw na gagawin, kaya mas gusto niya na dito magturo.

                Makikinig pa sana ako, marami pa akong gustong madinig; kaso kailangan ko nang pumara. Tsk!



Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...