21. pwedeng both?


         Ang lugar na iyon ay parang faculty namin sa tanghali (ang oras kung kailan naghahalo na sa iisang room ang mga AM at PM teachers). Samu’t saring usapan ang iyong maririnig. Parang tiangge ganun. Kung hindi man dedma, natatawa na lang kami kapag nagaganap iyon sa faculty; normal lang naman ang ganung eksena, tatahimik din kapag nakauwi na ang mga AM teachers at kapag nasa klase na ang karamihan sa mga PM teachers.

            Sa ganung sitwasyon ko maihahalintulad ang coffee shop na iyon.

            Hindi naman talaga magkape ang main objective namin; maaaring isa na yun kasi malamang mapaalis kami kung wala naman kaming order lol, pero higit sa lahat kailangan namin ng lugar kung saan kami makakapag-usap at makapagpapalitan ng ideya, makagagawa ng TOS at pre/post test ni Dreb.

Tapus, kung anu-ano na lang ang aking napansin -

            Si ate na nasa kanan namin ay naka-black sweater, nakatali ang buhok, tapus naka-white cap. Masyado siyang busy sa ginagawa niya, nakita ko na ang dami nang guhit at sulat ng hawak niyang papel, tapus may calculator pa siya sa gilid. At naka-earphone.

            Sa harapan ko naman, sa kabilang mesa, mga apat sila doon, lahat nakabukas ang laptop. Sige lang din ang kanilang pag-type; mukha silang mga medical students. Nagbabasa ng pdf tapus click sa ibang tab then type type… kaunting usap kung minsan, tapus basa ulit, then type type again… syempre, may paghigop din ng kape.

            Sa may kaliwa ko naman, isang lalaki na inokupahan yung mesang pandalawahan kung saan naka-pwesto sila Dreb at Neri bago ako dumating. Pagka-order niya, halos iluwa na niya lahat ng laman ng kanyang bag sa mesa – gadget, papel,  at maraming pang papel na may mga underline, highlights at mga sulat din  (tulad nung mga papel ni ate na naka-sweater at naka-white cap, klasmeyt ba sila? lol).

May isang grupo naman sa likod namin na nag-uusap in a very conyo way; pero actually yung isa lang. Yung isang lalaki lang sa kanila ang super conyo; you know, like this and like that, at pagkatapus ganun and this one like duh and stuff.

Hindi ko rin alam sa sarili ko kung bakit ba binigyan ko sila ng pansin hahaha, eh busy rin naman kami, nakiki-library mode din naman kami sa coffee shop na yun. Hindi lang talaga kalakihan ang lugar, kaya kahit pa may ginagawa kami nila Dreb at Neri, hindi ko maiwasang ma-observe ang kung anong meron sa paligid.

Ang busy ng lugar na iyon. Punong-puno ng kwentuhan, kanya-kanyang emote at ganap sa buhay.

Sa lahat, ang pinakamagandang pagmasdan ay yung mga grupo na chill lang. Yung nasa catching up mode lang, o kaya ay family or small group bonding ang peg. Sa isip ko, mas naja-justify nila kung para saan ang lugar na iyon. Sa ginagawa kasi namin at ng iba pang grupo, feeling ko ay nakaka-stress kaming pagmasdan hahaha, at saka na-confuse lang ako kung coffee shop ba ito o library…

O baka kasi pwede namang both!


2017 04 28


Mga Komento

  1. naalala ko tuloy ang nakaraan na nag aaral pa ako..tambay sa canteen pagkatapos mag snack kasama ng barkada..at tingin tingin mga magaganda..

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento