Mga Pahina

Biyernes, Abril 14, 2017

Museo ni Manuel Quezon


                Sabado (April 8);  Mcdonald’s, Puregold – Paso de Blas.

                Habang kumakain kami ng sundae ni Eldie, biglang tumawag ang nanay ni Neri. Ang sagot ni Neri sa kanyang nanay sa tanong na kung saan pa kami pupunta ay “sa QC” at kung bakit ay dahil “pupunta kaming museum…”

                “May museum ba sa circle?” ang naging tanong namin sa isa’t isa; dahil ang alam namin ay gagala at maglalakad-lakad lang naman kami sa Quezon Memorial Circle. Malay ba namin kung may museum dun, hindi naman kami taga-QC. Bahala na, at least nakapag-paalam si Neri.

                Nagkatotoo ang kanyang alibi; nang marating namin ang Quezon Memorial Shrine nakita namin na may labas-masok na mga tao; sa pag-usisa namin, ang ibabang parte ng shrine ay isa palang munting museum, ang Museo ni Manuel Quezon.

                Natawa na lang kami. At least ligtas kami sa pagsisinungaling!

                Narito ang ilan sa inyong makikita kung sakaling inakala rin ninyo na maglalakad-lakad lang kayo sa circle, manunuod sa mga nagpa-practice ng sayaw at ng mga nag-i-skate board, makikitanaw sa family bonding at pagwo-worship pati na fellowship ng ilang grupo, may museum din na maaaring bisitahin nang libre (pwede ring mag-donate):



Ang Museo ni Manuel Quezon ay binubuo ng limang galleries.


Comandante Manuel Quezon, 1901.


Tanggapan ni Manuel Quezon.


Koleksyon ng ilang kagamitan ni Manuel Quezon.


Ang Gold Inlaid Chest na repository ng 1935 Constitution.


Ang Globular Jar.


Ang caricature ni Manuel Quezon na likha ni Luis Lasa.


Ipininta ni Jose Juco, 1947.


Ang sarcophagus ni Manuel Quezon (1878-1944).


Ang rebulto ni Manuel Quezon na makikita sa oculus ng shrine.


                Ang mga larawan na ito at iba pa ay makikita rin sa aking instagram account.
                Mag-follow-an tayo! Lols.


Biyernes, Marso 17, 2017

"hindi ko na lang sasabihin sa iyo..."


Gusto ko sanang ipaalam sa iyo na yung libro na gustong-gusto kong bilhin at basahin noon pang 2014, na isinulat ng idol kong astronaut, ay nabili ko sa di inaasahang pagkakataon! Mabuti na lang talaga may pera ako nung araw yun (March 4 – Sabado).

Nasaktuhan kong 3-day sale sa SM; akala ko mga damit at appliances lang ang sale o bagsak presyo; pauwi na sana ako matapos kong kumain, naisipan ko lang na dumaan sa NBS. Marami ding nag-sale na mga libro, hindi pa nga iyon ang una kong nakita, hinawakan at binuklat-buklat; nung nakapag-decide na ako na bibilhin ko na yung una kong pinili, bigla ko na lang nahawakan yung isang hardbound na libro, muntik ko pang bitiwan at balewalain, pero buti na lang binasa ko yung title, nang ma-realize ko na ito yung libro na matagal ko na gustong magkaroon ng kopya ay na-excite ang bawat body cells ko hahaha!

Gusto ko sana mag-monologue sa NBS ng – “Hindi ako makapaniwala! Ilang taon na ang lumipas, muntik ko na ngang hindi maalala ang libro na ito, tapus dito ko lang pala ito makikita, pambihira!”

Ganun sana ang mga gusto kong sabihin, pero hindi ko nasabi lol. Luminga-linga na lang ako sa paligid. Tiniyak ko na ako lang talaga ang nakakita sa libro, na ako lang talaga ang gustong bumili nun. At oo ako lang talaga! Tapus yung feeling na nag-iisang kopya na lang ito, grabe jackpot ang feeling!

Nadala na ako eh, may pagkakataon noon na sinabi ko sa kasama ko yung isang libro na gusto kong bilhin, hinawakan niya tapus napag-desisyunan nyang bilhin, eh ako ang unang nakakita, sinabi ko lang sa kanya, pero parang in-offer ko pa ata sa kanya ang libro, yung gusto ko sanang bawiin sa kanya kaso hindi na pwede lol.

Mabalik tayo sa iyo.

Siguro hindi ko na lang sasabihin sa iyo ang tungkol sa libro. Baka kasi hindi mo na rin natatandaan. At saka ayokong hiramin mo ang libro hahaha! Di na nga ako masipag magbasa, mauuna ka pa. Di ko na lang ipapaalam. Iku-kwento ko na lang kung kailan ko man ito matapos basahin. Oo, madamot na hahaha.



Lunes, Marso 13, 2017

dagli 19: pagsisipag, paggising at gravity ng 2016


(1)          Pinipilit kong may magawang makabuluhan o basta kahit anong magagawa sa bawat sandali o oras. Ito ay bilang kapalit ng mga panahon na itinunganga ko lang; yung mga oras na pinalipas ng katamaran.

(2)          Kapag ba naging masipag at mahusay na akong nilalang magiging researcher din kaya ako? Lol. Sige lang, mangangarap pa ako, libre eh!

(3)          Siguro tama nga si Eldie (at Neri). Bumibili ako ng libro pero alam naman nilang sa ilalim ng kama ko lang ito itinatago, ang masaklap di naman binabasa (o kaya ay binabasa naman pero hindi tinatapos).

(4)          Kaya hindi muna ako bibili. Magbabasa muna ako. (Ayan na naman ang Pangako Sa’Yo). Walang promise… but I’ll try my best to read.

- “dagling pagsisipag”
2016 02 09 (Tue, 3:28 PM)

o-O-o

(1)          Grabe. Kagigising ko lang. Nakatulog na naman ako ng alanganing oras.

(2)          Saglit na nagambala ang gabi. Nagkaroon ng maikling shooting sa labas. Di ko mawari ang neighborhood namin. Di ko alam kung bakit kapag may sigalot sa kanilang pamilya, lumalabas sila ng bahay para ibulalas ang kani-kanilang mala-soap opera na linya. Grabe sila mag-workshop. Totohanan at live.

(3)          So, anong oras na naman ako makakatulog?

- “dagling paggising”
2016 02 10 (Wed, 10:54 PM)

o-O-o

(1)          Napahaba ang tulog ko kahapon. Mula alas-kwatro ay tulog na ako, partida nagkape pa ako matapos mananghalian 1:30 ng hapon.

(2)          Nagising ako ng 12:50 ng madaling araw. Kaya eto, gising pa rin ang lolo mo.

(3)          Wala nang tulugan ito.

(4)          Ilang oras pa lang ang nakakaraan, marami nang naglabasan na write-ups at video tungkol sa gravitational wave. Nakapanuod ako ng isang video mula sa fb – “It’s official! Gravitational wave has been detected.”

(5)          Kaya mag-abang na lang ulit tayo ng iba pang updates.

- “dagling patungkol sa gravity”
2016 02 12 (Fri, 1:50 AM)



Huwebes, Pebrero 16, 2017

"...kaya naman pala hindi kami nanalo!" (my quiz bee story, pwede ba ito sa Kwentong Jollibee?)


2016 11 20 (Sun, 11:42 AM)

School Year 2012-2013: Una akong nabigyan ng chance na maging coach ng quiz bee sa isang private school kung saan ako nagturo noon. Si Paulo ang una kong na-train para sa science quiz bee ng BulPriSA. First time kong mag-coach sa contest na ito na ang lagi kong sinasalihan noong ako’y estudyante pa. Hindi kami pinalad na manalo ni Paulo.

School Year 2013-2014: Ikalawang beses na naging coach ako sa quiz bee. This time, si Kyle naman. Dahil sa experience ko sa nakaraang school year, kahit paano ay may idea na ako kung ano ang mga dapat na i-review, ang mag-budget ng time at ang maghanap pa ng mga references na pwede maging reviewer. Nagtapos si Kyle sa contest bilang 6th place (masaya ako dahil nagka-medal sya); at kahit paano ay na-improve ang aming rank last year! Ito rin ang huling taon ko sa private school.

Dalawang school year ang lumipas, bago ako ulit nabigyan ng chance na maging coach for quiz bee, this time para sa grade 10 level (nasa public school na ako). Hindi ito tulad noon ng BulPriSA na lahat ng level ay magkakalaban.

School Year 2016-2017: Si Kate naman ang aking na-train. Masasabi ko na si Kate ay kasing bright tulad ni Paulo, at may retentive na learning tulad ng kay Kyle. Sa una pa lang, alam ko na mahusay ang batang ito. Maraming pagkakataon na sa bawat pagtatapos ng review session namin ay feeling dry at haggard na ako hahaha.

Sa una naming pagsabak sa District Level ay nag-2nd place si Kate! Doon pa lang ay masaya na ako; at lalong kakaiba yung experience dahil ang mga coaches ngayon ay halos kakilala ko – mga dati na talagang coach ng quiz bee, mga teachers pa sa pinanggalingan kong high school, mga dati kong kasama sa private school, at ang iba ay mga kaklase ko noong kolehiyo kaya para na rin itong mini-reunion at homecoming! Dahil sa kanyang pagkapanalo ay umusad kami sa Division Level.

Nanalo si Kate ng 1st place sa Division Level, kaya pasok kami sa Regional Level ng science quiz bee. Malaki pa rin ang pag-asa ko kay Kate na maka-pwesto sa regional. Pero naging mahirap ang laban dahil halos lahat ng mga kalahok ay galing sa mga science high school. Nagtapos si Kate bilang pang-siyam sa contest. Masaya pa rin ako, dahil napakahirap din talagang manalo, dahil kung hindi man tabla ay dikitan ang mga score. Kaya salamat pa rin kay Kate sa kanyang husay at tagumpay.

                Sobrang nakaka-inspire na makita ang maraming mahuhusay na bata noong kami’y nasa regional level (noong Nov. 19 sa Marikina HS). Hindi ko naman talaga naisip na magiging coach ako ng quiz bee; ang goal ko nga noon (noong ako’y estudyante pa) ay ang ma-represent ang aming school sa National Quiz Bee ng General Information na pinapalabas sa tv hahaha! (Pero di natupad, naiyak pa ako dahil dun lol).

Sa naging experience ko sa pagiging coach, ang hangad ko ay mas maging mahusay pa at ang makapasok sa National Level! Yun lang. Di man natupad sa akin ang pangarap ko noon, matupad man lang kahit sana sa batang mati-train ko sa quiz bee. At hindi rin naman ako nag-i-expect na maibigay pa sa akin ang task na ito sa susunod na school year, dahil marami rin talagang mahuhusay; ang saya lang ng experience!


2017 02 13 (Mon, 2:23 PM)
Update:

Akala ko ay tapos na ang journey namin ni Kate sa science quiz bee, dahil hindi kami nakakuha ng 1st o kaya ay 2nd place noong regional para umusad sa National Level. Kaya inakala ko na ang kagustuhan kong makasama sa National Level ay baka sa susunod na school year na lang kung papalarin pa. Pero, sa memo na inilabas ng ASEP ay maaaring lumahok sa national level (14th National Science Quest) ang nag-first o second place sa regional o division level. First place si Kate noong division, kaya nagkaroon kami ng chance na lumahok national science quiz bee noong Feb. 11 sa Baguio City Nat’l HS.

Sa isip ko, kaya siguro hindi ko magawang i-post sa aking blog ang nauna ko nang naisulat (noong Nov. 20, 2016 pa) tungkol sa karanasan ko sa quiz bee bilang coach ay dahil meron pa palang isang event na magaganap. Sa madaling sabi, ay nakalahok kami sa national science quiz bee!

Hindi ko maitatanggi na kahit malaking bagay na ang makasama kami sa national level, ay achievement din kung makapu-pwesto kami kahit hindi man first place sa contest. Sa pakiramdam ko ay may chance si Kate, at para na rin sa tagumpay ng school. Umabot sa 96 ang lahat ng bilang ng mga kalahok (36 mula sa private school at 60 mula sa public school) at 5 lang ang magkakaroon ng award. Hindi kami pinalad na maka-pwesto alin man sa lima. Alam ko na agad, dahil umiling-iling si Kate nung makita ko siya  paglabas nya sa room, nasabi ko na lang sa sarili na “Salamat na rin at tapus na.”

Sa bus habang pauwi, nasa isip ko pa rin ang contest. Ang tanong ko sa sarili “Bakit kaya hindi kami nanalo?” at maraming hinuha ang aking naisip -

(1) Marahil ay di sapat ang preparation namin; baka kulang pa yung mga ginamit naming references at reviewer;

(2) Dapat ba ay nag-review kami habang nasa Baguio? Pero mas ok na ma-relax na lang si Kate bago ang contest;

(3) Kinse lang ang naging mga tanong; 5 lang sa bawat category. Sa isip ko ay di sapat ang mga tanong na ito para malaman ang pinakamahusay sa 96 na kalahok; 5-5-5 ang format nila para sa easy, average at difficult round, di tulad noong district hanggang regional na 10-5-5. Labinlimang tanong lang, kumpara sa dami ng nirere-view ng isang kalahok sa quiz bee.

(4) Kung naging mas-organized kaya ang contest ay mas naging maganda ang laban? Exhausted na ang mga kalahok bago pa man ang kompetisyon. Pinagkasya sa isang usual na public classroom size ang 96 na kalahok! May mga nakatayo na sa likod, at may mga nakaupo na sa sahig, hanggang sa magkabilang gilid ng quiz master ay may nakasalampak sa sahig na contestant, at dikit-dikit pa silang lahat. Sa madaling sabi, hindi naging convenient sa mga contestant ang venue. At iisang room lang ang ginamit sa dami ng classroom na maaaring gamitin. Isang room lang mula grade 7-11. Isipin na lang ang hirap sa paglabas at pagpasok ng mga kalahok sa tuwing matatapos ang laban ng isang grade level. Talagang siksikan. Dinaig pa sa pagiging organisado at sistematiko ng district, division at regional science quest ang national science quest na ito.

Sa byahe pauwi lulan ng bus, pinatahimik ko na lang ang aking isip sa pagbabasa ng Tuesdays with Morrie. Ang aral ng ‘detachment’ ang pinaka-natandaan ko sa aking pagbabasa. Kakaiba ang naging paliwanag ni Morrie ukol sa kahalagahan ng detachment. Ayon sa kanya -

“If you hold back on the emotions--if you don't allow yourself to go all the way through them--you can never get to being detached, you're too busy being afraid. You're afraid of the pain, you're afraid of the grief. You're afraid of the vulnerability that loving entails. But by throwing yourself into these emotions, by allowing yourself to dive in, all the way, over your heard even, you experience them fully and completely.” ― Mitch Albom, Tuesdays with Morrie

Kaiba sa literal na pagkakaunawa natin sa pag-’detach’; hindi ito basta lang paghihiwalay ng ating sarili sa kung ano mang bagay. Para kay Morrie, kapag nilunod mo na ang iyong sarili sa ano mang iyong nararanasan (halimbawa ay lungkot, pagmamahal, takot o hindi matanggap na pangyayari) saka mo lang maiintindihan at matututunan na maihiwalay ang iyong sarili sa mga ito.

Parang yung sinabi ni Ma’am Badet sa general psychology class namin noong kolehiyo na kung may kaibigan kang broken-hearted, wag mong sabihing ‘okay’ lang siya, hayaan mo siyang magwala sa sakit na nararanasan niya, dahil pag naubos na ang kanyang pighati ay saka lamang siya makakapag-move on; dahil kung hindi niya mararanasan ang umiyak, magwala, magalit o sumigaw ay maiipon lamang ang ganuong uri ng emosyon sa loob niya, at hindi niya maihihiwalay ang sarili sa pighati niyang nararamdaman.

Kaya, hinayaan ko rin ang isip ko na mag-isip ng kung anu-ano hanggang sa mapagod na ako. At sa dulo ay ang naisip ko na lang ay “better luck next time”. Hanggang sa mabuksan ko nga ulit ang file na ito. Muli kong binasa ang sinulat ko noong Nov. 20 lalo na yung huling paragraph -

“Sa naging experience ko sa pagiging coach, ang hangad ko ay mas maging mahusay pa at ang makapasok sa National Level! Yun lang. Di man natupad sa akin ang pangarap ko noon, matupad man lang kahit sana sa batang mati-train ko sa quiz bee. At hindi rin naman ako nag-i-expect na maibgay pa sa akin ang task na ito sa susunod na school year, dahil marami rin talagang mahuhusay; ang saya lang ng experience!”

Na-ngiti na lang ako kasi natupad naman pala ang goal ko, ang “makapasok sa National Level! Yun lang.” kaya naman pala hindi kami nanalo! Lols.



Lunes, Pebrero 13, 2017

OST ng buhay mo


                Nag-download ako ng mga soundtrack ng ilang pelikula; ang mga iyon kasi ang nagbibigay ng buhay at ‘tama’ sa mga makabagbag-damdaming eksena sa pelikula. Minsan naisip ko, bakit sa totoong buhay walang background music na ipini-play, halimbawa habang nakasakay sa bus at nag-eemote sa may bintana, o kaya naman biglang may upbeat music na maririnig kapag masaya ka! Di ba ang ‘amazing’ ng buhay kung may ‘official soundtrack’ din ang bawat eksena ng life? Laging merong award-winning moments!

                Pero, pano nga pala yun… kapag masaya ba ako, at nag-play ang masayang background music ko, maririnig din ng iba? Paano kung malungkot yung iba? O yung katabi ko? Siguro para hindi nakakalito o agaw eksena ang mga background music natin sa buhay, kanya-kanyang tunog na lang sa kani-kaniyang isip! Lol. O kaya kung parehas kayo ng nararanasan, pwede na ring parehas kayo ng OST ng kaibigan mo o ng kahit sino pang kasama mo sa parehas na tagpo / pakiramdam / eksena.

                Ang na-download kong mga soundtrack ay ang mga sumusunod:

                KissBreakdown (Michael Brook) mula sa The Perks of Being a Wall flower
                Asleep (The Smiths) mula sa The Perks of Being a Wallflower
                GoodbyeSavannah (Deborah Lurie) mula sa Dear John
                SeeYou Soon Then (Deborah Lurie) mula sa Dear John
     I Kept Writing (Deborah Lurie) mula sa Dear John
    The Moon (The Swell Season) mula sa Dear John
    Final Letter (Deborah Lurie) mula sa Dear John
    The Barn (Deborah Lurie) mula sa Dear John
                Paperweight mula sa Dear John
                FirstDate mula sa Dear John
                ThemeOST ng Rabbit Hole

                …karamihan sa mga ito ay mula sa Dear John. Ito lang kasi yung isa sa mga pelikula na feeling ko ang mga soundtracks ay pwede na rin sa ibang emote ng buhay; minsan pakikinggan ko lang para makapag-relax, minsan minumuni-muni ang ilang eksena sa pelikula, pero madalas ay yung may mapakinggan lang na mellow sa tenga.

                Kung ang buhay ay tunay ngang mala-pelikula, ano ang OST ng buhay mo?



Sabado, Enero 28, 2017

'snob'


                “…all you have to do is call, and I’ll be there, you’ve got a friend.”

                - ang kinakanta ng matandang bulag na lalaki malapit sa may Central Station ng LRT.

                Natigil ako bigla sa paglalakad sa gilid ng UDM, hindi kasi ako mapakali. Naisip ko, bakit hindi ako naghulog ng pera sa donation box ng matandang bulag? Bakit ko siya nilampasan?

                Sa mga ganitong pagkakataon, lagi kong iniisip na gawin kung ano ang makapagpapanahimik sa aking saloobin, kaya humugot ako ng isandaang piso para maihulog sa donation box ng matandang bulag. Naglakad ako pabalik.

                Kaso nakita ko na marami rin pala ang namamalimos sa daan. May mag-asawang matanda ang madaraanan ko bago makapunta sa matandang bulag na kumakanta at naggigitara. Tapus sa likod ng poste kung saan sila nakapwesto, naroon naman ang dalawang lalaki na marungis. Nakaupo lang sila doon, mukhang hindi naman sila namamalimos.

                Nang malapit na ako sa matandang bulag, biglang natigil ang kanyang pagkanta. Hindi ko na rin nagawang ihulog yung dapat sana ay ibibigay kong pera. Nakita ko kasi si ate sa may gilid, may bangkito sa tabi niya at payong. Hinuha ko, siya ang kasama at tagabantay ng matandang bulag.

                Hindi ko nagawang ihulog ang pera sa donation box.

                Bigla na lang kasing sumulpot sa isip ko ang mga ito –

                Bakit ang matandang bulag pa ang kailangang maghanap-buhay sa pamamagitan ng kanyang pagkanta, gayong may kasama naman pala siyang mas ‘abled’sa kanya? Bakit hindi ang kasama niya ang magtrabaho?

                Idagdag pa na kung bibigyan ko ang matandang bulag, paniguradong maaawa rin ako sa mag-asawang matanda na namamalimos din malapit lang sa kanya. Hindi ko matitiis na hindi rin sila bigyan.

                At nalungkot ako bigla. Nalungkot ako kasi kahit na makapagbigay ako ng pera sa matandang bulag, alam kong hindi sapat ang gagawin ko para matapos na ang kanyang kalbaryo. Alam kong babalik pa rin siya sa kanyang pwesto hangga’t may nakukuha siya doong donasyon.

                Nalungkot ako dahil napaka-temporary lang ng maibibigay kong tulong.

                Kung meron lang sana na mas pang-matagalan na solusyon.

                Nakaramdam din ako ng pagkahiya. Bakit yun lang ang naisip kong gawing tulong sa matandang bulag? Paano bukas? O sa mga susunod pa?

                Tinawid ko ang kalsada. Naglakad pabalik sa may Central Station. Ibinalik ang perang hinugot ko sa bag. Na-realize kong walang silbi ang naisip kong gawin.

                Marahil may punto ang kasabihang “…teach him how to fish”; sa isang banda, baka tama rin si Gang Badoy sa pagsasabi na may pagka-‘snob’ ang ating kultura. Pinagmasdan ko ang mga tao sa paligid habang naglalakad ako pabalik sa istasyon ng LRT. Ang dami nila. Ang dami-dami namin. Ang dami natin. Pero bakit ini-snob lang natin ang mga taong ito na nangangailangan ng tulong? Paano natin naaatim na magpatuloy sa paglalakad habang nilalampasan lang ang iba na naghihirap?

                At oo, nagpatuloy nga lang ang lahat sa kani-kaniyang lakad.



2017 01 14


Linggo, Enero 22, 2017

"Siguro nga ay tama si Morrie."


                Siguro nga ay tama si Morrie.

                Hindi naman talaga titigil ang mundo para sa kahit na ano pa mang pinagdaraanan o nangyayari sa’yo. Kahalintulad nang malaman ni Morrie ang kanyang sakit. Malalang uri ng sakit.

                Hindi naman titigil sa kani-kaniyang buhay ang mga tao para lang sa kanya… sa’yo at pati na rin sa akin. Iinog pa rin ang lahat nang normal. Tuloy lang ang buhay.

                Sabado noon; lunes ay ang pagbubukas ng school year 2016-2017. Hindi ko naman mauusog ang pasukan kahit pa nagbabantay ako sa ospital noong mga panahon na iyon. Tuloy pa rin ang pasok kahit pagod, medyo puyat at may kaunting emotional stress. Haharap pa rin ako sa unang araw ng klase.

                Na noong Christmas party naming magkakaibigan ay nakita kong nakakatawa pa rin naman si Ma’am A kahit pa halos buong araw niya kailangang bantayan ang may sakit niyang ama. Magsasaya pa rin ang lahat sa aming Christmas party. Kahit saglit, makakatawa rin si Ma’am A sa kabila ng kanyang problema. Ganun din si B…

                Minsan, napakahusay nating magdala ng problema. Idinadaan sa tawa. Ikinukubli sa ngiti.

                Kasalukuyan kong binabasa ang Tuesdays with Morrie (sa e-book). Madalas ay binabasa ko ito tuwing break ko sa klase; minsan habang nasa byahe.

                Isa sa mga paborito kong nabasang linya –

                “So many people walk around with a meaningless life. They seem half-sleep, even when they’re busy doing things they think are important. This is because they’re chasing the wrong things.”

                Kaya, ano nga ba ang mga dapat nating pinagkakaabalahan sa ating buhay?

                Anu-ano ba ang mga kinakailangang gawin upang magkaroon tayo ng purpose at meaningful life?

                I-comment below! (Linyang youtuber lang, lol).



Huwebes, Enero 19, 2017

"Daig pa hangover sa inuman."


                Ipinagsangag kami ng kanin ng nanay ni Tina, at ipinagluto pa ng bagong huling alimango. Dapat sana ay paalis na kami noon ni Olan, pero ipinaghain pa kami ng almusal bago umalis.

                Tig-dalawang tasa ng kape, otap at chicharon. Yan ang pinagsaluhan namin sa magdamag na kwentuhan at panggugulo sa bahay nila Tina, mula pasado alas-dose ng hating gabi hanggang alas-singko ng umaga. Ang tatag naming tatlo; walang tulugan. Napag-kwentuhan na mga ‘ganap’ namin sa buong araw, at kung anu-ano pa wag lang matulugan.

                Nakita na lang namin na may dalang malaking alimango ang tatay ni Tina; kuha sa kanilang palaisdaan. Agad naman itong niluto ng nanay niya, at yun na nga nagsangag pa.

                Hindi na kami nakatanggi. Nang-abala na nga kami magdamag, ipinaghain pa kami ng almusal. Mabuti na lang, mababait ang pamilya nila Tina. Dahil kung sa iba, malamang naipagtulukan na kaming umuwi sa aming bahay.

                Nahiya ako kasabay nang na-appreciate namin ang pamilya nila Tina. Hindi namin naramdaman na nagambala namin sila sa biglaang pagpunta namin na yun (kahit pa ‘paggambala’ talaga ang ginawa namin); na-feel kong welcome kami kahit pa hindi na tama sa oras ang pagpunta at pagtambay namin sa kanila. Isang beses pa lang naman itong nangyari. At malay naman namin, baka maulit!

                Umuwi kaming maliwanag na. Putok na ang sikat ng araw. Naghugas naman ako, pero may kaunting amoy alimango pa rin ang mga daliri ko habang nasa byahe lol. Pero ‘oks’ lang, ‘sogbu’ naman. Ang sakit nga lang ng ulo ko nung araw na yun; baka epekto ng dalawang tasang kape, otap, chicharon tapus alimango sa almusal, dagdag pa ang walang tulugan! Daig pa hangover sa inuman.


2016.12.31



Lunes, Enero 16, 2017

"Sa isip ko ay ‘epal’ lang talaga ang batang ito."


                Gutom ang inabot ko sa mahabang byahe pauwi.

                Magti-take out na lang sana ako sa kainang nasa tapat ng Ever, kaso nang banggitin ko ang aking order, hindi raw ito available. At hindi na rin ako nakapag-isip pa ng iba. Idagdag pa na matagal mag-prepare ng pagkain doon, tapus blockbuster pa ang bilang ng mga kumakain noong araw na yun.

                Sumakay ako ng trike para doon na lang kumain sa Bhoogle Mac (branch ng Mc Domeng). At least doon, alam kong kaunti lang ang customer. Umorder ako ng liemposilog at cheeseburger na pang-take out.

                Habang naghihintay, sa harap ko ay may isang batang lalaki. Nanghihingi ng barya. Hindi naman siya marungis. Hindi naman mukhang pulubi. Sa isip ko ay ‘epal’ lang talaga ang batang ito. Hindi ko siya pinapansin dahil wala nga ako sa mood. Tinignan ko na lang siya ng matalim para malaman niya na hindi ako natutuwa sa ginagawa niya, lalo pa’t gutom ako sa mga oras na yun hahaha! (Ang bad ko pala minsan, pero dulot lang naman ito ng gutom).

                Hindi ko inasahan na matatagalan din pala ang order ko, samantalang kaunti lang naman ang kumakain. Biglang mayroon ulit na lumapit. Nauna siyang pumunta sa table kung saan naroon ang isang grupo ng mga kabataan. Patapos na silang kumain. Nanghihingi ang matandang ale ng pera pambili niya raw ng tinapay. Walang naibigay ang mga bata. May isang babae na naghihintay din ng kanyang order ang nagbigay sa kanya. Tapus ay sa lamesa kung saan ako naroon siya pumunta.

                Hindi ko matiyak kung amoy mapanghi ba at/o amoy alak. Napansin kong nagsusugat-sugat din ang mga daliri niya sa kamay. Parehas ang kanyang sinabi sa akin; barya para pambili niya ng tinapay.

                Hindi ako nakapagbigay.

                Umalis na ang matandang ale sa kainan. Itinulak ang kariton niya.

                “Pa-take out na lang po ng order ko,” banggit ko sa kahera.

                “Ay eto na yung order mo inaayus na lang,” sagot niya.

                “Take out na lang po,” pag-uulit ko.

                Bitbit ko ang liemposilog na dapat sana ay doon ko kinain, at ang tatlong cheeseburger na take out ko (para sa mga kasama ko sa bahay).

                Luminga-linga sa daan. Pero wala akong masakyan. Naisip ko ang matandang ale. Baka hindi pa siya nakalalayo kasi nga alam kong may tulak pa siyang kariton. Naglakad ako.

                Sa may madilim na bahagi ng kalye, nakita ko siyang nangangalakal ng basura. Kinuha ko ang isang cheeseburger sa plastic. Iniabot ko sa kanya.

                “Nay ito po.”

                “Uy, salamat. Kanina pa ako di kumakain eh.”

                Tumuloy na ako sa paglakad matapos kong iabot sa kanya ang pagkain. Ni hindi ko na nga nalingon kung kinain niya agad iyon; isa pa madilim kasi dun sa may poste kung saan siya nangangalakal.

                Habang naglalakad, naalala ko ang batang ‘epal’… sa isip ko, mas deserving naman na bahagian ko ng pagkain ang matandang ale kaysa sa kanya hahaha. (Ang bad ko talaga sa bata).



Biyernes, Enero 13, 2017

'pagpag'-kain


Nakagawian nang manuod ng kahit na anong dokyu tuwing new year’s eve.
Para lang hindi mainip habang naghihintay na maghating-gabi.

Ang napanuod ko ay dokyu tungkol sa mga mahihirap na pamilya na kumakain o nagbebenta ng ‘pagpag’. Mga parte lamang ng magkakaibang dokumentaryo ang napanuod ko; humigit-kumulang tig-sampung minuto. Magkakapareho ang paraan ng pagpo-proseso nila ng pagpag –

1. Kinukuha ang mga tirang pagkain mula sa mga itinapon na ng mga fast food o restaurant.
2. Pinipili ang mga tirang pagkain tulad halimbawa ng manok na may mga laman pang natitira.
3. Hinuhugasan ang mga naipong 'pagpag' at saka ito pinakukuluan.
4. Inilulutong muli ang mga napakuluang 'pagpag'.
5. Sa iba ay hindi lamang ito basta panglaman-tiyan; ibinibenta rin nila ito at pinagkakakitaan.

Ang pagkain ng ‘pagpag’ ay maaaring magdulot ng malnutrisyon at sakit (tulad ng pagtatae, pagsusuka, cholera at hepatitis). Ngunit nakalulungkot na dahil sa kahirapan ay napipilitan ang ilan sa ating kapwa na manguha, mag-proseso, kumain at magbenta ng ganitong uri ng pagkain.



Sabado, Enero 7, 2017

talsikan festival :)


1. Kung may matalsikan man, dedma na lang.
2. Pulutin at ibalik sa bibig.
3. Bigyan ng plus 5!

Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan sa mga maaaring gawin kapag tumalsik ang iyong laway habang nagtuturo ka hahaha.

Ito ay naitala mula sa kwentuhan naming magkakaibigan sa isang kapehan.

o-O-o

1. Pupunasan nang palihim.
2. Matalim na pagtingin.
3. Dedma na lang din.

Ang mga ito naman ang ginagawa ng mga estudyanteng natatalsikan ng laway .
At oo, ito talaga ang isa sa mga naging usapan namin; it’s so interesting! Lols.



Martes, Enero 3, 2017

dagli 18: mema-chicken thought


                Tinawid namin ang highway para makasakay ng jeep pa-Malanday. Habang naghihintay ng masasakyan, dumaan ang dalawang maliit na delivery truck na lulan at napupuno ng mga kulay puting manok. Bukas nga pala ay new year’s eve na, kaya malamang sa katayan ang diretso nila.

                Nung media noche, hindi ko malaman kung bakit napapatingin ako sa kinakain kong fried chicken. Naalala ko ang eksenang pagdaan ng delivery truck. Gaano kalaki ang posibilidad na ang kinain ko ay isa pala sa kanila?

                Hmm… Sarap!



Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...