23. lottong adobo


                Pagbaba ko, inisip ko kung iinitin ko pa ba yung ulam naming adobo (na ulam din namin kaninang tanghali hahaha). Habang nasa kwarto pa ako alam ko na may nag-init na ng ulam, naamoy ko eh. Pag-angat ko sa takip ng kawali, tama lang pala na initin ko (ulit) ito kasi namumuo na ang sebo / mantika (hindi kasi kami sabay-sabay kumakain).

                Sa sala, ang palabas sa tv ay Lotto Draw (PTV 4). May taya na naman ang tatay ko. Mula nung bata pa ako ay tumataya na siya sa Lotto, pero wala ata akong matandaan na tumama siya ng bigtime yung tipong pwede na kaming ma-feature sa Ang Pangarap Kong Jackpot! Wala.

                Kaya habang ngumunguya, inimagine ko na lang… ano kaya ang magiging reaksyon namin pag tumama? Siguro, iaabot muna sa akin ng tatay ko yung tiket niya sa Lotto para makumpirma kung eksakto ba yung mga numerong nasa tiket niya at yung pinapakita sa tv, tapus pag sinabi kong “oo” ay tatawagin naman niya si mama sa taas para ipaalam na tumama ang taya niya, tapus syempre hindi muna maniniwala agad si mama hanggat di niya ito nakukumpirma. Mag-iingay siguro silang dalawa sa sobrang saya (pero sana ay wag silang atakihin dahil sa sobrang tuwa hahaha). Ang susunod na mangyayari ay tatawagan nila sila ate para ipaalam ang good news, and the rest is history! Ibabalita ang pagkapanalo ng tatay ko sa tv, malalaman ito ng mga kapitbahay naming mahilig mag-videoke, manghihingi sila ng balato… at magbubuhay milyonaryo na kami hahaha!

                Pero, sabi nung babaeng host, ayon daw sa kanilang database ay walang nanalo. Kakatapus ko lang din kumain… naghugas na lang ako ng plato.


2017 11 15 (Wed, 9:55 PM)


Mga Komento

  1. naisip ko na din kung anong gagawin ko pag nanalo ako. kaso, hindi ako tumataya eh. yun muna ang issue.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. same! mutualism ang symbiotic relationship ng issue natin sa lotto :)
      nangangarap kung ano gagawin sa panalo, di naman tumataya

      Burahin
  2. madaling tumaya, mahirap tumama. pero wala namang masama kung umasa. malay natin, :)

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. subukan ko na kayang tumaya :)
      salamat sa pagdaan, at congrats sir chemist!

      Burahin
  3. maraming beses na akong tumaya ng lotto pero hindi nananalo..mahirap manalo sa lotto...swerte ang mga nananalo...mabuti pa sa suwertres lotto na lang tumaya..

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. ako di pa talaga, nakikigulo lang ako sa pagpili ng numero kapag tumataya yung tatay ko noon pag kasama kami :)

      Burahin
  4. bigla kong na-miss ang uncle ko. Lagi nya kasi kong inuutusan tumaya sa lotto nung nasa Pinas pa ko. Bago ko pa man kunin ang bente pesos nya, magdadrama muna ko... Di pa ba kami sapat na mga amazing "pamangkins at anaks" nya Lagi kong sabi, jackpot na sya! hahaha.. di na kailangan nya pang tumama sa lotto. LOL.

    Pero ipinagtataya ko pa rin sya sa lotto noon. Ngayon, sya na lang laging tumataya kasi wala na syang mautusan. Haha

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. nanalo ba siya? kahit hindi jackpot? :)
      lahat ata ng tatay, tito at ninong ang mga madalas tumaya ng lotto

      Burahin

Mag-post ng isang Komento