Mareng Maring :)

2013 08 20

            Parang tumigil na naman ang takbo ng buhay dahil sa pagkansela ng mga pasok sa eskwela dahil sa malakas na buhos ng ulan na nagdulot ng pagbaha. Parehong buwan din noon, Agosto, noong halos tumambay na nang husto ang baha sa bahay namin, yung pakiwari mo na bigla na lang nawala sa kabihasnan ang buong komunidad at bigla na lang nag-transform ang buong bayan sa ‘water world’… at wag naman sanang maulit. Kaya sana naman mahabag itong si ‘Maring’ na wag naman pumares kay ‘Habagat’, dahil ‘kokonyatan’ ko talaga siya kapag nag-anyong tao ang bagyong yan! Lols.

            Pero mahirap talaga kapag ang Inang Kalikasan na ang nagdikta ng kanyang lakas. Saan mang lugar, mayaman man o mahirap, kapag hinagupit ka ng lakas ng ulan, wala ka nang magagawa. At parang sirang plaka na lang din ang mga balita na nagsasabi kung anu-anong mga lugar ang binaha, wala namang nabago sa listahan bagkus may nadagdag lang, syempre laging ‘present’ sa listahang iyan ang aming lugar. At in fairness, nauunahan pa kami ng ibang lungsod sa pagsu-suspend ng klase, dati-rati ang aming lugar ang laging ‘first-to-suspend-the-class’ dahil expected na siya tulad ng seasonal na baha.

            Nakalulungkot na mas marami pa ngayon ang binabahang lugar tulad nang sa amin. Ibig sabihin, magkaka-level na lang din ang mga drainage system ng iba’t ibang lugar, na marahil ay puro barado o depektibo. Wala na rin talagang malinis na lugar, lalo na sa Metro Manila, dahil kung pa’no magreklamo ang sambayanan sa mga nagkalat na basura tuwing tag-ulan, eh ganun din naman ang ating kapabayaan bago sumapit ang panahong ito.

            Ilang taon na ang lumipas, pare-parehong problema pa rin ang hinaharap ng bawat lugar na nasasalanta ng bagyo. Baha in the past… baha sa kasalukuyan… at baha pa rin darating na panahon. Anyare? Tradisyon na ba ito?

            Na-miss ko tuloy yung lugar kung saan ako lumaki. Sa Quezon City, sa di kapansin-pansin na Anahaw Street, bumuhos man ang pagkalakas-lakas na ulan ang baha doon ay hanggang talampakan mo lang at kasabay ng pagkawala ng ulan ay ang mabilis ding paglisan na tubig. Never akong na-trauma sa tubig-baha doon. Ngayon kasi, kung nasaan kami (ayaw banggitin lols), mistulang isang kwentong alamat lang ang ga-talampakang baha, dahil ang usual baha dito ay mula tuhod, pa-hita, hanggang dibdib up to the highest level na pwede ka nang mamangka at mag-scuba diving! (walang halong hyperbole).

2013 08 22

            Totoo ngang nauulit ang kasaysayan. Isang linggo nang walang pasok dahil kahit medyo  tumitila na ang pag-ulan, tambay pa rin ang baha… Ganito rin ang nangyari noong nakaraang taon, halos walang ipinasok sa buwan ng Agosto.

            Kaya isang linggo na rin na dito lang sa loob ng bahay umiikot ang mundo ko. Na gagawin mo na lang ang maaari mong gawin wag ka lang ma-bored maghapon. Okay na rin kahit ganito, feeling sembreak lang sa haba ng bakasyon. At least ngayon, pwede kang magpuyat sa gabi, dahil di naman kailangang gumising ng maaga kinabukasan, saka na-eenjoy ko na ulit ang pakikinig ng radio tuwing 8am at 9am- Tambalang Balasubas at Balahura (Nicole Hyala at Kris Tsuper) hehe. Sila lang ang pinakikinggan ko mula pa noong college.


            Napakalawak ng sinalanta ng bagyo. Ang malaking ipinagpasalamat ko ngayon ay hindi naman pumasok sa loob ng aming bahay ang baha. Yun nga lang isang baitang na lang talaga ang pagitan at feeling bwisita na naman ang baha sa amin. Hangad kong makaraos din ang lahat ng nasalanta ng bagyo. Makabangon sanang muli ang lahat…

Mga Komento

  1. nakakalungkot yung baha at nakakapg-alala.. tingin ko naman kahit papaano eh my konting kumikilos pra sa kalikasan.. kaso hindi nga lang sapat...

    hayy.. pilipinas kong mahal

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. sana nga ma-improve naman ang kalagayan ng mga binabahang lugar

      Burahin

Mag-post ng isang Komento