Huli man daw... ikatuTUWA mo pa rin! :)


Ika-14 ng Abril, 2014
Lunes, 6:57 ng gabi

            Tandang-tanda ko pa noong Grade 6, pagkatapos ng klase sa umaga, umuuwi muna ako sa amin ng tanghaling tapat para kumain at magbihis, dahil bandang ala-una ng hapon ay babalik na ulit ako sa eskwela para sa aming training sa campus journalism. Bitbit ko ang isang binder na binalutan ko ng kulay orange na kartolina na ginuhitan ko ng mukha ni Garfield at naka-plastic cover pa hahaha. Hindi ko alam kung bakit si Garfield ang iginuhit ko dun, ang alam ko lang malapit kasi sa orange ang kulay ni Garfield lol.

            Ang laman ng binder ay ilang piraso ng papel at isang bagong People’s Journal na dyaryo. Araw-araw bago sumakay ng tricycle pabalik sa eskwela, bumibili muna ako ng tabloid sa gilid ng terminal. Ako kasi ang naka-assign sa sports writing kaya kailangan kong pag-aralan kung paano ba isinusulat ang isang magandang balitang pampalakasan. Lagi kong kasama noon ang kapareha ko sa pagsulat ng sports, ako sa English yung kasama ko naman ay sa Filipino.

            Sa totoo lang, wala naman talaga akong natutunan sa training namin na iyon sa journalism hahaha. Dahil ang totoo, huli na nang sumali ako sa grupo bilang hindi naman talaga sports writing ang target ko. Sabihin na natin na second best lang ako para sa target kong feature writing. Yung kaklase kong katunog ng apelyido ko ang mas pinili ng gurong tagapagsanay namin noon. Siguro, nanghinyang lang siya sa akin, kaya ako na lang ang ginamit niyang pampuno sa lupon na ilalahok niya sa larangan ng pagsulat, dahil nung oras na yun, kulang na lang siya ng sports writer, so ako na lang ganun lol.

            Pagdating ko sa klasrum kung saan kami nagsasanay, uupo lang ako sa isang upuan, ilalatag ng guro na nagsasanay sa amin ang isang bulto ng broadsheet newspapers. “Oh ayan, hanapin niyo na yung section nyo dyan, basahin niyo at pag-aralan, tapus sumulat kayo ng gawa ninyo, ipakita niyo sa akin pagkatapos.” Ganun lang kaikli ang kanyang instruction, matapos yun ay babalik na siya sa kanyang lamesa at magtsi-check at magre-record. Lalapit naman ako sa kung saan niya nilapag ang mga dyaryo, kukunin ang sports section, at ilalapat sa mukha ko ang isang malaking pahina… nakakalula para sa akin ang mga malalaking dyaryo.

            Nanghihinayang ako kasi hindi ko inabutan yung unang yugto ng pagsasanay nila nung ako ay hindi pa parte ng campus journalism club. Sabi nila (ng mga kaklase ko), noong una daw ay tutok sa kanila ang guro namin, dumaan sila sa proseso kaya nung naituro na niya lahat, panahon naman daw ng pagsulat. Sa loob-loob ko, “Eh pa’no naman ako? Ma’am turuan mo ako, bago lang ako, hugot lang ako hello! Sports ‘to, hindi ko ‘to alam” hahaha. Pero tuwing aattend ako ng pagsasanay, parehong mga instruction lang ang sinasabi niya, “kunin ang dyaryo, basahin at magsulat ng sarili mo”. Kaya madalas sa kasama kong sports writer ako nagtatanong, na hindi ko naman din maintindihan ng lubos. Hindi ko rin magawang magtanong sa kanya (sa aming guro), kasi lagi siyang abala.

            Kaya yung dala kong People’s Journal na tabloid ang ginagamit ko. Kinokopya ko yung nakasulat na isang sports news doon sa aking burador, ipakikita ko sa kanya, tapus titignan niya lang ng ilang saglit, sabay lagay ng isang malaking tsek! Sasabihin pa niya, lalo na kung hindi pa alas-tres (oras ng tapos namin sa training) “Oh sige gumawa ka pa”, ako naman “oh sige kokopya pa ko” hahaha. At ganun palagi natatapos ang training ko sa maghapon hahaha. Minsan kasi sakto yung balita sa broadsheet, kumbaga parang buod yung nasa tabloid na dala ko lol.

            Parang nakakatampo pa dahil sa cartoonist namin todo sipat siya sa ginagawa. Samantalang yung sa akin (at pati na rin sa iba) wala lang. Hindi ko nga alam kung alam niya bang hindi ko yun gawa, o sinasadya nya lang talaga yun para daw marami kaming ma-encounter na sample. Hindi ko talaga noon maintindihan.

            Kaya nung araw ng kompetisyon… ayun, nagmala-feature writer at ako… at ano pa nga ba…“nga-nga”… ligwak sa aking kategorya!

            Kaya nung nasa high school na ako, hindi na ako muli pang sumali. Pero dala na rin na kailangan kong lumahok lalo na’t  4th year kami noon at kailangan kong magkaroon co-curricular activities para sa ‘honors’, ayun sumubok ako sa huling taon ko sa high school, na sabi ko sa sarili, ito na rin marahil ang huling pagkakataon na gagawin ko ito.

            Sumubok ako sa pagsulat ng lathalain… at parang dejavu… bilang dati na siyang manunulat ng lathalain sa aming school publication, siya (kaklase ko) pa rin ang nanatili sa pwesto. Pumangalawa lamang ang gawa ko sa kanya sa pamamagitan ng mga boto.

            Nariyang sa pagli-lay-out na lang daw ako sumali o kaya sa ganito, o kaya sa ganyan. Tiyak pa rin naman daw na makakukuha ako ng panalo. Pero… ayoko na. Umuwi na lang din ako nung araw na yun. Tinanggihan ko ang lahat ng kanilang alok. Ayokong malagay sa hindi ko gusto, kasi baka maulit na naman yung nangyari sa akin nung nasa elementarya pa ako.

            Kaya sa tuwing babasahin ko ang mga gawa ng mga manunulat namin sa official newspaper ng aming eskwelahan (noong high school), minsan naiisip ko sana man lang nakagawa ako ng isang mailalathala dito. Pero mula nung ganun nga ang aking mga naging karanasan, medyo tumamlay ako sa nais kong magsulat. Naisip ko baka hindi lang talaga ako mahusay… iba ang hilig… iba ang mahusay sa hilig lamang gawin.


x-o-x-o-x


            Bigla ko lang naalala ang lahat ng mga ito. Ngayong araw kasi ibinahagi ang huling official newspaper ng eskwelahan (kung saan ako nagtuturo o nagturo lol) para sa school year 2013-2014. Nakakatawa na kung kailan di na ako estudyante saka ko naman nakita ang ilan sa mga gawa ko na nailimbag sa isang babasahing pampaaralan. Nakakatuwa na yung nais kong mangyari noon ay ngayon lang nagkatotoo hahaha. Mabuti nga’t nangyari pa kahit sa pinakahuling pagkakataon…


x-o-x-o-x


P.S.
            Siya nga pala, wala akong sama ng loob sa gurong tagapagsanay namin sa journalism noong nasa elementarya pa ako. Marahil ay di lang talaga siya nagkaroon ng oras sa akin. Bilang huli na rin ang aking pagdating. Marami rin akong natutunan sa kanya sa English class namin, gustong-gusto ko kapag nagpapagawa siya noon ng essay na binabasa namin sa harap ng aming mga kaklase, ang pagre-recite ng tula at ang pagbabasa ng mga short stories. Sa kanya ko natutunan ang halaga ng pagiging palabasa (wide reader). May kasalanan din ako sa kanya, dahil kung anu-ano ang binabasa ko noong kami’y nagsasanay pa. Hindi talaga mga sports news ang kinukuha ko mula sa mga bulto ng dyaryo na binibigay niya sa amin, mga showbiz news at mga cool na cool na science news ang pinagkakaabalahan ko noon hahaha. Lol.


x-o-x-o-x


#MgaKwentoSaTagAraw
#Salamat



Mga Komento

  1. naalala ko din ang ganito. Naging contributor din ako sa school paper namin noong elementary ako. Sa pagkakatandan ko 1 tula, 2 current development sa school at 2 current issues ang nailathala sa school paper namin na sinubmit ko.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. buti ka pa maraming nai-submit at na-publish na mga isinulat mo noong nag-aaral ka pa, ako talaga 'waley' hehehe :)

      Burahin
  2. Binasa ko na eto ng 2x the other day, pero now lang ako magko -comment. Kasi 2am ko na ito binasa that time kaya nakatulugan ko na siya ng di nakapag comment.

    Buti ka nga kahit papano napasali sa campus journalism nyo eh, samantalang ako, I was taken for granted. Never was given a chance to hone my craft due to favoritism.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. talaga... sayang malaki ang nawala sa kanila :)

      kung mababasa lang nila ang iyong mga gawa sa ngayon, pagsisisihan nilang di ka nila kinuha noon...

      Burahin
  3. Sobrang mapalad ako kasi nung ni-train ako ni tita nung high school, ako ang sumusuko sa kanya. Hindi kami sabay pumasok sa school nun, pero bago ko pumasok, babasahin una nya yung mga gawa ko at ieedit, makakailang proofread muna yun bago yun maapprove. Sustentado din ako ng mga natgeo at readers digest at health and home nun. At wala syang ibang bilin kundi magbasa nang magbasa. Naniniwala akong lahat tayo may kakayahan gawin ang mga bagay, kelangan lang talaga meron tayong motivator at makakaappreciate...

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. wow, buti ka pa :)
      ang saya marahil nung mga araw na yun na tinuturuan at tutok talaga sa iyo ang iyong tita :) at ang dami mong mga babasahin ah :) ako bukod sa diyaryo, mga lumang libro sa filipino ng mga kapatid at pinsan ko ang binabasa ko noon, saka ko na lang na-encounter yung reader's digest nung high skul na ako :)

      Burahin

Mag-post ng isang Komento