Hapag-Kainan


“HAPAG KAINAN”
-jepbuendia-

            Kung nakapagsasalita lamang itong aming hapag-kainan, marahil di sapat ang isang maghapon para sa lahat ng nasaksihan nitong mga tagpo. Ang mga selebrasyon, tawanan, kwentuhan, galit, pangaral pati na mga pagbubunyag at marami pang iba, lahat ng mga ito ay  nangyari dito sa aming munting hapag.

            Bilang isang ina, maligaya ako na napagsisilbihan ko ang aking pamilya. Ang araw-araw na pagluluto at paghahain sa kanila ay naging parte na ng aking buhay.

            Isang pahabang lamesa itong aming hapag. May tig-isang upuan sa magkabilang panulukan, at tig-tatlo naman sa gilid. Naging saksi ako kung paanong unti-tunting napupuno itong aming hapag ng mga umuupo’t kumakain sa paglipas ng panahon. Dati ay ang aking asawa lamang ang nakaupo sa panulukan at ako naman sa kanyang kanan. Hindi nagtagal mayroon na akong katabi sa aking kanan na nadagdagan pa muli ng isa. Makalipas ang ilang panahon, ang kabilang gilid na may tatlong upuan ay mayroon na ring gumagamit. Nagbunga ang pagmamahalan namin ng limang makakasalo sa pagkain.

            Malaki ang kaibahan ng mga tagpong aking nasaksihan sa bawat paglipas ng panahon. Dati’y kailangan ko pang iabot o di kaya’y ilagay mismo sa kanilang mga pinggan ang ulam at kanin. Na habang kumakain, di lamang sarili kong pinggan ang binibigyan ko ng pansin, nariyang kailangan ko pa silang subuan para lang maubos nila ang kanilang kinakain. Simple lang noon ang mga usapan, mga usapin sa gusto nilang laruan, ang pagbili ng kendi pati na ang pagpapaalam para makapaligo sa ulan. Simple lamang noon ang  mga kasalo namin sa hapag. Ang pagkabasag ng baso o kahit pa ng pinggan ay naiintindihan ko pa dahil sadya lamang silang makukulit. Ang makalat na pagkain at ang mga tunog ng kutsara at tinidor sa pinggan habang kumakain, ang malulutong na tawanan at minsang pagkakapikunan, lahat ng mga iyon ay malinaw kong nakita’t narinig. Masaya ang panahon na iyon.

            Ilang taon pa ang lumipas, unti-unti na ring nagbabago ang lahat. Ngayon ay kaya na nilang umabot ng sariling pagkain, nabawasan na rin ang mga tunog ng kutsara at tinidor sa pinggan, medyo naging seryoso na rin ang mga usapan. Ang pag-uusap ukol sa pag-ibig, ang pangangaral at mga kwento ng kanilang karanasan sa eskwela, ang kanilang mga kaibigan at ang paglalahad ng kanilang mga pangarap, lahat ng mga ito ay malinaw kong narinig. Sa tagpong ito, nahaluan na rin ng pagkabigo at luha ang aming pagsasalo. Ang pagkabasag ng pinggan ay di na nangangahulugan ng kapabayaan dahil sa kalikutan, ang pagkabasag na iyon ay tanda ng matinding pagkadismaya at galit. Ang pag-alis sa upuan ay di na nangangahulugan ng paglalaro’t paghahabulan, ang pag-alis sa upuan ang naging tanda ng poot at pagtatampo. Anu’t ano pa man ang mga nangyari, ang pagluha sa harap ng hapag-kainan ay di laging nangangahulugan ng kalungkutan, minsan ito ay tanda ng pagpapatawad at pagkakaunawaan. Masaya pa rin ako sa panahon na ito. Ito ang mga paunang hakbang nila tungo sa pakikipagsapalaran. Ito ay tanda ng kanilang paglaki.

            Kung paano ko nasaksihan na ang bawat isa ay natutong umupo at makisalo sa hapag, ganun din naman ang kanilang pagkawala. Ang una kong nakatabi sa aking kanan ay ang siyang una ring nawala bilang pagsunod sa kanyang mga pangarap. Mula sa pito ay anim na lamang kaming nagsasalo. Hindi nagtagal, ako na lamang mag-isa ang nakaupo sa isang gilid. Gayunpaman, patuloy pa rin ang aking ginagawang paghahain. Masaya pa rin akong nakikita sa aking harapan ang tatlo pa sa lima naming kasalo sa hapag-kainan pati na rin ang aking mahal na asawa. Bagamat alam ko, na darating ang panahon, silang tatlo ay kailangan ding lumisan.

            Unti-unting nababawasan ang mga plato, baso, kutsara at tinidor na kailangan kong ihanda tuwing kakain. Hanggang sa tig-dalawa na lamang ng mga nabanggit ang inilalagay ko sa aming hapag. Pinili ko pa ring maging masaya sa piling ng aking asawa.

            Mas nangibabaw ang saya kaysa lungkot kahit pa dalawa na lamang kami ngayon na nagsasalo. Alam namin, na ganito ang mangyayari. Lahat sila ay may kaniya-kaniyang laya upang sundan at tuparin ang kanilang mga pangarap. Alam namin, na darating din ang panahon na sila’y magbabalik.

            Kasabay ng paglipas ng maraming taon ay ang maraming pagbabago. Naging marupok na ang mga paa ng aming hapag dahil sa katagalan. Ang dating malakas naming pangangatawan ay humina na rin. Kung pa’no namin nasaksihan ang kanilang paglago’t paglakas ay kabaligtaran naman ang inihatid nito sa amin.

            Ang pinakamasayang araw na aking nasaksihan ay ang kanilang pagbabalik. Nung araw na yun hindi lamang lima ang bumalik sa amin. Muli akong nakarinig ng mga tawanan, walang humpay na kwentuhan, pagbabatian at nasilayan ko ang mas maraming mga ngiti. Masaya kami na sila’y muling nagbalik.

Mga Komento

  1. nakakalungkot naman to! well ganun nga ung sistema natin nu
    i mean ganun nman talaga nangyayari kaya sabi ng karamihan mahalin mo ang yong asawa higit sa mga anak kasi siya lang ang makakasama mo sa huli

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. ganun na nga, kaya dapat lamang tayong bumalik sa ating mga magulang bilang pasasalamat sa kanila :)

      Burahin
  2. Simpleng kwento ng buhay Pinoy pero napakaganda ng iyong pagkakalahad. Naalala ko tuloy ang aking Inang...

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. ang nanay ko rin ang nasa isip ko habang sinusulat ko to

      Burahin
  3. Matagal akong nawala pero isang napakagandang kuwento ang sumalubong sa akin. Sana, ito rin ang nasambit ng aking ina ng siya ay may buhay pa. Ito ay isang salamin ng buhay, makatotohanan. Musta ka na?

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. matagal din akong nawala kasi wala kaming internet hehe :)
      ok lang naman ako sir, kaw kmusta na?

      Burahin

Mag-post ng isang Komento