(2/5). Ang pagsulat ni Charlie, pagpako sa krus, ang pag-iisip ng Diyos at ang wakas ng mundo.



Ika-29 ng Marso, 2013
Biyernes, 3:15 ng hapon

            Tulad ni Charlie ng ‘da perks’, gusto ko rin sanang magsulat. Kaso, di ko rin alam kung tungkol saan ang isusulat ko. Parang napaka-selfish naman kung ang isusulat ko ay ang tungkol lamang sa sarili kong mga kuwento. Di rin naman siguro ako kasing talentado ng mga manunulat tulad nina Matute at Joaquin. Gusto ko sanang malaman kung pa’no at kung saan ba kumukuha ng inspirasyon ang mga manunulat, sa kanila bang mga sarili? Mula sa ibang tao? Sa paligid? Mga karanasan ng mga piling tao? O kaya mga tagpo sa buhay ng iba?

            Marami pang tanong tulad ng isinisilang ba ang isang manunulat? Lahat ba ay maaaring magsulat? May mga kwalipikasyon ba para matawag kang isang tunay na manunulat? O pwede bang sumulat na lang ako ng ganito kalaya?

            Lahat naman ng mga naitanong ko ay alam ko na rin ang kasagutan. Naghahanap lang siguro ako ng iba pang mga ideya na galing sa iba.

Change topic…

            Sa mga oras na ito ay abala ang kapatid at tatay ko sa panunuod ng Passion of the Christ. Mga ilang beses ko na ring napanuod yun, pati na yung ilang mga kahindik-hindik na eksena tulad ng paghagupit kay Kristo ng latigo at saka yung ipinapako na siya sa krus. Madalas kasing gamitin yun tuwing recollection. Totoong nakakaiyak ang mga eksenang yun. Pero, parang kahit ilang beses namang mapanuod yun ng mga tao di pa rin naman sila tuluyang magpapakabanal. Makararamdam lang sila ng sakit at awa habang pinapanuod yun, pero tulad ng sa pagwawakas ng pinapanuod mong pelikula, ganun din naman ang epekto nito sa iba.. pag tapus na, wala na… hanggang dun na lang talaga.

            Iniisip ko lang, bakit kaya di ako isinilang sa mga panahong nangyayari yun? Sadya ba talagang itinakda akong mabuhay sa panahong ito? Yung mga kaluluwa kaya ng mga may kinalaman sa pagpapahirap at pagpapako kay Kristo sa krus ay nasa impiyerno nang lahat? Kasi, pa’no kung di nila ginawa yun, eh di ibig sabihin di rin maiaalay ng Ama ang kaisa-isa niyang anak para maipakita ang lubos na pagmamahal niya sa atin at para mailigtas tayo mula sa ating mga pagkakasala.

            Bakit kaya di naramdaman at nalaman ng mga taong yun na si Kristo na pala ang ipinagsisigawan nilang ipako sa krus. Nabigo ba ang Diyos na ipakilala ang kanyang sarili? O baka naman talagang sarado lamang ang puso at isipan ng mga tao noon kaya di nila iyon napagtanto. At kung ang mga pangyayaring iyon ay naisulat ng mga propeta, kung di man ako nagkakamali, anu kaya ang ginagawa ng mga Pilipino sa mga panahong iyon? O sabihin na nating hindi pa Pilipinas ang lupain kung nasaan ako ngayon, anu kaya ang pinagkakaabalahan ng ibang tao sa ibang parte ng mundo? Nalaman din kaya nila na napako na sa krus ang Anak ng Diyos, muling nabuhay at umakyat sa langit? Nung nangyari ba ang mga bagay na yun ay kumalat ba ang balitang iyon sa buong mundo?

            Sabi nga ni Miriam, mahirap arukin ang isipan ng Diyos. Dahil kung naiintindihan natin ang Kanyang pag-iisip eh di hindi na Siya kaiba sa atin dahil naabot natin ang kanyang kaisipan, kapag nangyari yun, eh di hindi na siya Diyos, kaisa na lamang natin Siya. Kung gayun nga, bakit may mga tao na kung maka-explain ng mga nakasulat sa Bibliya eh kala mo sila ang nagsulat ng mga naitala doon. Na para bang alam nilang lubos ang lahat ng nangyari kahit wala naman sila nung nangyari ang mga yon. Bakit ba ganun na lang ang pagpapanggap nila na maging mabuti gayong alam naman nila sa sila rin ay pwede pa ring magkamali.

            Nahihiwagaan akong lubos tungkol sa relihiyon at maka-Diyos na usapan. Dahil nga wala pa ni isa sa atin ang tunay na nakausap o nakadaupang palad ang Diyos, isa siyang malaking misteryo para sa akin. Pakiramdam ko, napakasarap gumising sa bawat panibagong umaga na may malaking katanungan tungkol sa Kanya. Di naman mali ang magtanong, di naman yun nangangahulugan ng pagsuway o walang pakundangang pagkuwestyun. Dahil kahit ano naman ang gawin ko. Siya ay mananatili pa ring Diyos, at ako ay mananatili pa ring tao na naghahanap ng mga kasagutan tungkol sa kanyang hiwaga.

            Naisip ko nga eh kung mauulit pa ba ang pagpako kay Kristo sa krus? O kung magkakaroon ba ng kahalintulad na pangyayari sa modernong panahon. Ang mundo kung ikukumpara nung mga panahong iyon ay mas naging makasalanan na sa tingin ko. Magkakaroon ba ulit ng pagsasalba para masagip tayong mga makasalanan?

            Inaamin ko na minsan, iniisip ko na sana sa panahon ko mangyari ang wakas ng mundo. Nakakakilabot nga lang, pero gusto kong masaksihan kung paano tayo huhusgahan ng nasa taas. Para ba tayong mga basura na pipiliin isa-isa para ihiwalay ang mga bulok sa hindi? Tuluyan bang impyerno kaagad ang kahihinatnan ng mga makasalanan? Maliligtas din ba ang mga taong walang relihiyon at walang pinaniniwalaan? Kasi paano kung ang isang tao ay walang relihiyon at di naniniwala sa Diyos pero namuhay naman siyang matuwid? Mas masahol pa ba yun sa mga nagsasabing sila’y kaanib ng isang relihiyong sila lamang ang maliligtas, sinasabing naniniwala sa Diyos pero baluktot naman ang pamumuhay? Parehas ba silang mapaparusahan o pareho pa ring tatanggpin dahil sa lubos Niyang pagmamahal?

            Hindi lubos na naiintindihan ng tao ang tungkol sa kanyang buhay. Kaya ipinapagpatuloy na lang niya anu man ang nakagawian. Susunod na lang siya sa mga nakagawian ng marami, kung sabagay, kung katulad ng marami ang iyong ginagawa, aakalain mo na rin itong tama.

Mga Komento

  1. well wala naman akong masyadong alam sa bible pero madame na ko nabasa,
    ang pagkakaintindi ko sa mga nabasa ko nangyari ang lahat dahil yun ang kaloob ng diyos, at naparito sya sa mundi di upang itaas ang sarili oh ipakilalang diyos sya dahil kung ang layunin nya ay ganun edi sana di nanyari sa kanya ang pagkakapako,
    dumating si jesus para mangaral, upang hikayatintayo magblik loob sa panginoon, di dahil sa mga kababalaghan nya kundi dahil ninanais ng puso natin

    TumugonBurahin
  2. uhm, maaring tama ka, pero napakahiwaga talaga Niya...

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento