(4/5). Panis na kanin, pagtatapos ng 'Da Perks', pagsisimba at ang mga misa sa tv.


Ika-31 ng Marso, 2013
Linggo, 12:19 ng tanghali

            Di pa ako kumakain. Sabi kasi ng tatay ko, napanis daw yung sinaing kong kanin kagabi. Ayoko na magsaing ulit. Nagluto ako ng kanin para sa aming tatlo, pero ako lang ata ang kumain kagabi, ayun dahil sa init ng panahon, mas marami ang nasayang kaysa nakain. Kaya mamayang hapon na lang siguro ako kakain.

            Katatapos ko lang basahin ang ‘The Perks of being a Wallflower’. Tinapos ko na yung huling part ng libro para maisunod ko naman yung ‘The Alchemist’.

            Kahit alam ko na kung paano matatapos ang kuwento ng ‘da perks’ siniguro ko lang na makukuha ko ang mga detalye ng istorya sa libro.

            Sa isip ko, parang alam ko na kung bakit nakaka-‘relate’ ako kay Charlie. Sabihin na natin na tulad ng buwan, isang mukha lang nito ang nakikita natin sa gabi, yung parte lang na nagbibigay liwanag sa atin… yun lang ang ating nakikita. Yung ‘dark side’ ng buwan, dahil di naman ito umiikot sa axis, sana tama ako, yun ang di natin nakikita… at lahat tayo ay may ganung parte sa buhay… yung ‘dark side’ natin na di nakikita ng lahat.

            O kaya sabihin na natin na lahat naman tayo, kahit pa si Charlie na isang karakter lang sa libro, ay may nakaraan na maaaring hanggang ngayon ay di natin maintindihan o matanggap kung bakit yun nangyari. Ganun lang. O sa mas madramang paraan ay yung ‘nakaraan’ na ayaw na nating maalala pero parang multo na bumabalik-balik sa atin.

            Di naman kasing sama nung kay Charlie yung sa akin. Ayoko ding isipin na tulad yun sa kanya. At sa tingin ko di naman ako aabot sa punto, tulad niya, na madadala sa ospital at kakailanganin pa ng psychiatrist. Naiintindihan ko na yun ngayon, sana nga.

            Sabi nga eh, di natin mapipili kung saan tayo nanggaling pero may pagkakataon tayo para marating kung saan man natin gustong mapunta mula sa ating pinanggalingan… basta parang ganyan… di ko na naman ma-recall yung English version J.

            Dahil natapos ko na ang ‘da perks’ at halos tapus na rin ang semana santa dahil ngayon ay pasko ng pagkabuhay, pakiramdam ko bukas babalik na ulit sa normal ang lahat. Pupunta ako ng faculty para mag-report sa school at makisagap ng wifi. Excited na ako sa internet.

            Linggo ngayon pero di ako nakapagsimba. Ewan ko ba kung bakit di na ako nakakapagsimba. Dati ako pa ang nag-aaya sa nanay ko tuwing linggo para magsimba kami, pero ngayon sya na ang nag-aaya sa akin at ako na ang madalas tumanggi.

            Nagising ako kanina dahil sa naririnig kong misa… sa tv. Tuwing linggo, inuubos ata ng tatay ko ang mga misa sa tv. Pag tapus na ang misa sa isang istasyon, ililipat niya yun sa ibang channel na may misa pa. Laging ganun. Pero di rin naman siya pupunta sa simbahan tulad ko. Pwera na lang kung aayain siya ng nanay ko. Pero ngayon, alam kong di siya makakapagsimba, dahil sa lunes o martes pa ata uuwi ang nanay ko galing sa probinsya.

            Ayoko talaga kapag nag-uusap sila sa cellphone. Di ko alam kung nag-aaway ba sila o ano. Laging nakataas ang boses nilang dalawa. Kahit sino pa ang nasa bahay, si mama o si papa, basta kausap nila ang isa’t isa sa cellphone, parang laging may diskusyon, parang nag-aaway. Basta, ewan ko kung ganun lang  talaga sila.

            Nagugutom na ako. Walang nagluto dahil wala nga si mama dito. Baka mauwi na lang to sa pancit canton dahil nasira yung kanin. Kahit ano pa yan oks lang.

            Ang init. Videoke mode na naman ang butihin naming kapitbahay. Buti pa sila.

Mga Komento

  1. buti ng asa cellphone lang sila ganyan nmag usap parents ko everyday parang gyera dito kahit wala naman away haha

    TumugonBurahin
  2. ganun lang talaga siguro ang ating mga magulang :)

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento