“ROOMMATE”
-jepbuendia-
Kinailangan kong manirahan sa
mala-dorm na apartment na ito mula nung mag-aral ako ng kolehiyo. Mas malapit
sa eskwelahan, mas okay yun para sa akin, menos din yun sa gastos. Kaya nga
pinilit ko sila tita at kanyang asawa na nagpapa-aral sa akin dito sa Maynila
na hayaan nila akong magrenta ng matutuluyan para di ako masyadong mahirapan,
at saka nahihiya rin ako na makihalubilo sa kanilang pamilya, mas lalo ko lang nami-miss
sila mama.
Kakaiba ang apartment building na
ito. Mala-dormitoryo para sa mga estudyante ang itsura. Iba-iba rin ang laki ng
mga kwarto, depende kung ilan ang kayang ilagak nito o depende sa kakayahang
magbayad ng uupa. Halimbawa, kung may pambayad ka, pwede mong upahan ang isang
buong kwarto para sa iyo, kung hindi naman, maaari kang makisalo sa iba, parang
bedspacer, hati-hati na lang kayo sa bayad ng upa.
Naisip ko, dahil pinag-aaral lang
naman ako ng aking tita, kailangan kong magtipid, ngunit gusto ko sana ng
sariling matutuluyan kahit maliit lang. Tinanong ako ng landlord kung anu daw
ba ang gusto ko, dahil ilang kwarto na lang naman daw ang bakante. Hiniling ko
sa kanya ang isang maliit na kwarto, hangga’t maaari kasi ayokong may makasamang
iba. Sabi naman niya ay meron pang isang kwarto sa may third floor, sa
pinakadulo ng pasilyo. Pandalawahan nga lang yun dagdag pa niya. Mabuti na lang
yung nauna sa akin dun ay payag din namang magkaroon ng kasalo sa kwarto.
Gustuhin ko man ang mag-isa, wala na akong mahahanap na iba, wala na akong iba
pang mapupuntahan. Ito na ang pinakamalapit na lugar sa pinapasukan kong
eskwelahan. Tumango na lamang ako sa landlord, kinuha ko na ang susi at pumunta
na ako sa bago kong tutuluyan.
Maliit lang talaga ang kwartong ito,
mga ilang dipa lang ang laki, parihaba ang hugis. Pagbukas mo ng pintuan,
bubungad agad sa iyo ang isang double deck na kama, dun ako sa taas na bahagi
natutulog, sa baba naman yung kasama ko. Sa kanan, mula sa pagkakatayo sa
pintuan ay isang maliit na lamesa kung saan pwede akong mag-aral at paghainan
ng pagkain kung meron mang dapat pagsaluhan. Halimbawa, kung napagkasunduan
namin ng kasama ko na magluto para sa aming dalawa o kung may namamahagi ng
kanilang handa tuwing may birthday o kung anu mang okasyon kahit pa tulad lang
ng inuman. Sa dulong kanan na bahagi ng parihabang kwarto na ito, dun mo
makikita ang kaisa-isang bintana ng kwarto, dun na rin namin naisipang maglagay
ng mga kasangkapan na pangluto para mabilis makasingaw ang init sa tuwing
magluluto ang isa sa amin. Ang kagandahan lang sa kwartong ito ay may sarili
itong banyo. Kaya di ko kailangan pang lumabas ng pasilyo para lang maligo at
bawas din sa abala sa pakikisama at paghihintay sa mga gumagamit ng communal na
cr.
Iba’t ibang uri ng tao ang nasa
building na ito. Kaya hinalintulad ko ito sa dorm dahil marami ring estudyante
tulad ko ang pansamantalang namamalagi rito. Yung iba mga barkadang
magkakasama, meron ding tulad ko na kailangang mamuhay mag-isa. May mga
maliliit ding pamilya na ilang taon na rin dito naninirahan. O kaya’y mga
magkakasama sa trabaho tulad ng isang grupo ng mga call center agents na
nangungupahan sa isa sa malalaking kwarto. Meron ding mga nagtatrabaho sa
construction at pati na rin mga security guard, pamilyado ang iba sa kanila, na
lingguhan kung umuwi sa kanilang naiwang pamilya.
Ang kasama ko sa kwartong ito ay si
Mang Victor. Isa siyang security guard sa isa sa mga unibersidad. Sabi niya mas
pinili niya ang magrenta ng matutuluyan kaysa naman daw umuwi siya sa kanyang
pamilya sa Bulacan araw-araw. Saka bawal daw ang ma-late sa kanilang trabaho
kaya mas pinili niya dito, mas malapit at mas tipid sa pamasahe. Sinabi ko sa
kanya na halos parehas lang kami ng dahilan kung bakit din ako narito.
Sa umaga ay walang naiiwan sa aming
kwarto, kaya madalas lang itong naka-kandado. Halos buong araw akong nasa
eskwelahan at gabi na kung umuwi, ganun din naman si Mang Victor, sa umaga kasi
ang kanyang duty at gabi na rin siya kung umuwi.
Kahit pa ‘roommate’ kami ni Mang
Victor, kanya-kanya kami sa lahat ng bagay. Di namin pinakikialaman ang isa’t
isa. Tulad halimbawa ng paggising sa umaga, kahit alam namin na pareho kaming
kailangan pumasok ng maaga, hindi namin gigisingin kung sakaling masyadong
napahimbing ang tulog ng isa. Ayaw na rin niyang intindihin kung kumain na daw
ba ako sa tuwing uuwi ako sa gabi, kaya lagi ko daw siguruhin na naka-kain na
ako bago pa umuwi dahil siya ay laging sa labas na lang kumakain para
pagpapahinga na lang ang kanyang aatupagin pagbalik. Sinabi ko sa kanya na wala
siyang dapat alalahanin sa akin. Sanay na rin naman akong asikasuhin ang
sarili.
Hindi nagkukwento ang matandang ito
tungkol sa kanyang buhay. Minsan, kapag nababagot na ako sa pag-aaral,
nakikipagkuwentuhan muna ako sa kanya. Madalas, siya ang nagtatanong ng kung
anu-ano tungkol sa akin, ang aking pag-aaral, ang pamilyang kinabibilangan ko
pati na rin ang mga pangarap ko sa buhay. Pero kapag siya na ang aking
tinatanong, di niya ito direktang sinasagot. Ang mga kuwento tungkol sa mga
nakakasalamuha niyang estudyante araw-araw ang ibinabahagi niya sa akin, yun
lang at wala nang tungkol sa personal niyang buhay.
Tuwing linggo, ako lamang ang narito
dahil lingguhan kung umuwi si Mang Victor sa kanyang pamilya sa Bulacan. Laging
may bitbit na pasalubong itong si Mang Victor tuwing siya ay uuwi. Sinisiguro
niya na nakapamili siya ng groceries para sa kanyang pamilya at may kasama pang
mga laruan at ilang matatamis na pagkain na para marahil sa kanyang mga anak.
Sa isip ko, wala mang nabanggit si Mang Victor ukol sa kanyang pamilya, isa
siyang mabuting ama. Makikita mo na bakas sa kanyang mga ngiti ang kasiyahan
tuwing darating ang araw ng Linggo. Marahil dahil sa muli niyang masisilayan
ang kanyang mahal na asawa at mga anak. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung
bakit paulit-ulit niyang binabanggit na mapalad ang aking mga magulang dahil
ako ang kanilang anak at kapag nasabi niya na yun ay saka niya isasara ang
pinto at aalis. Laging ganun ang kanyang sinasabi tuwing makakauwi siya ng
Bulacan.
“Daniel,
napakapalad ng iyong mga magulang dahil ikaw ang kanilang anak…” yan ang
madalas niyang sinasabi sa akin.
Tuwing lunes ng umaga, ako lang ang
nagigising mag-isa sa kwartong ito. Dumideretso na si Mang Victor sa trabaho
mula sa Bulacan, at sa gabi na lang ulit kami nagkikita. Kung anung saya ng
ngiti ang masisilayan mo tuwing siya ay aalis pabalik sa kanyang pamilya,
kabaligtaran naman nito ang makikita mo pag-uwi niya tuwing Lunes ng gabi.
Naisip ko, marahil malungkot lamang siya na isang linggo na naman ang
kailangang lumipas bago ang muling pagkikita nila ng kanyang pamilya, o kaya ay
pagod sa mahabang byahe at sa trabaho. Pero laging ganuon, nakakapagduda ang
laging pagbabalik niya na akala mo’y walang mabuting naidulot ang pagkikita
nila ng kanyang mga mahal sa buhay. Ako nga na isang beses lang isang buwan
kung makadalaw kila tita at sa kanyang pamilya ay parang sapat na yun para
maging masaya ako sa susunod na buwan kahit pa di ko sariling pamilya ang aking
nasisilayan. Ang ganung mga kilos ni Mang Victor ay naging isang malaking
palaisipan sa akin.
Tulad nga ng sabi ko, kahit pa
‘roommate’ kami ni Mang Victor ay di namin masyadong pinakikialaman ang bawat
isa. Naging okay na rin ang ganun para makapag-focus ako sa pag-aaral at tulad
nga ng sinabi niya ay ayaw niya rin naman akong idagdag pa sa kanyang mga
iisipin.
Sabado. Pasado alas-otso na ng gabi
pero wala pa ako sa aking tinutuluyan. Inaasahan kong aabutan kong abala si
Mang Victor sa pag-aayos ng kanyang mga bibitbitin pauwi sa Bulacan
kinabukasan. Naisip ko na dumaan sa convenience store para bumili na rin ng
ilang matatamis na pagkain para idagdag sa iuuwing pasalubong ni Mang Victor sa
kanyang mga anak. Masaya ako na para bang di na rin iba sa akin ang pamilya ni
Mang Victor dahil alam kong mapalad din sila tulad ng madalas niyang sabihin sa
akin, dahil alam ko na isa siyang mabuting ama.
Nung narating ko na ang apartment building,
hindi ko alam kung bakit parang napakabigat ng aking mga paa paakyat sa third
floor. Bukas naman ang mga ilaw sa pasilyo pero ako ay nangingilabot pa rin.
Medyo mainit ang panahon pero pinagpapawisan ako ng malamig. Hindi ko na lang
masyadong inintindi ang mga nararamdaman ko. Naglakad na ako patungo sa
inuupahang kwarto.
Pagbukas ko ng pinto, napansin kong
walang kahit na anong pinamili ang nakakalat sa higaan ni Mang Victor na
kanyang inilalagay sa isang kahon tulad ng kanyang nakagawian. Wala rin yung
bag na lalagyan ng kanyang mga inimpakeng damit. Malinis ang kanyang kama.
Walang kahit na anong gamit.
Tanging lagaslas lang ng tubig sa
banyo ang aking naririnig. Sa isip ko, baka ginabi rin ng uwi si Mang Victor at
nagpasyang maligo muna bago bumili ng mga iuuwing pasalubong. Naupo muna akong
saglit dahil sa biglang panghihina ng aking mga tuhod. Inilagay ko muna sa
ibabaw ng lamesa ang aking pinamili. Napansin ko na wala doon ang kanyang baril
na lagi naman niyang iniiwan sa lamesa. Bigla na lang akong nakaramdam ng
matinding kaba.
Dali-dali
akong nagtungo sa banyo, nang buksan ko ang pinto kasamang umaagos ng tubig ang
kanyang dugo. Sa kaliwang kamay ay ang kanyang baril. Humingi ako ng tulong sa
mga kalapit na kwarto, binuhat namin ang lupaypay at duguang katawan ni Mang
Victor. Alam kong kahit umabot pa kami sa ospital ay mukhang di na namin siya
maaagapan…
Di ko lubos na naiintindihan kung
bakit niya yun nagawa. Ang alam ko lang, naniniwala pa rin akong isa siyang
mabuting ama.
waah! grabe matindi siguro problem ni mang victor! ang tragic naman!
TumugonBurahinanyway trip ko masubukan ang ganyan and independent
hehe kwento lang naman ito, salamat sa laging pagbisita :)
Burahin