Ika-28 ng Marso, 2013
Huwebes, 10:18 ng umaga
Nami-miss ko na ang blog ko. Iniisip
ko kung meron pa bang bumibisita dun, o kung meron bang bagong komento na di ko
pa nabibigyan ng reply. O kung meron bang nagtanong kung kamusta na ako, kung
bakit na di na ako nagpo-post, o kung wala talagang nakapansin sa lahat ng mga
nabanggit ko J.
Nakakapanibago talaga kapag wala
kang internet ngayon sa bahay. Masyado na akong nasanay na laging naka-online
at kung saan saan napupunta. Binago na talaga ng teknolohiya ang takbo ng ating
mga buhay. Ngayon di mo na kailangan pang lumabas para lang makipag-socialize,
dahil pwede mo naman gawin yun basta naka-online ka.
Sawa na ako na i-save na lang ang
mga naisusulat ko sa netbook. Ewan ko pero parang nakagawian ko na rin talaga
na kahit paano ay ibahagi kung ano man ang nangyayari sa buhay ko ngayon. Siguro,
iniisip ko na para sa pagtanda ko at sana’y uso pa rin ang blogging sa panahon
na yun, ay meron pa rin akong mababalikan na mga kwento tungkol sa buhay ko.
Malaki na rin talaga ang naitulong
ng pampalipas oras na pagsusulat. Maraming bagay ang mas naiintindihan ko kapag
sinusulat ko. Kaya, nitong holy week, araw-araw akong nakakapagsulat ng tungkol
sa kahit na anong nangyari o naiisip ko sa mga oras na yun. Pakiramdam ko lang,
parang lagi kong kausap ang sarili kapag nagsusulat. Pwede na rin ang ganun,
dahil wala rin naman talaga akong makausap dito sa bahay kahit pa nandito ang
nanay, tatay at kapatid ko. Lahat kami may sari-sariling mundo.
Ramdam ko lang na holy week dahil sa
mga palabas sa tv na puro patungkol kay Kristo o anu pa mang programa na may
kinalaman sa Diyos. Pero kung wala ang tv… baka di ko rin mapansin na holy week
na pala. Hindi naman kasi talaga kami yung pamilya na sarado-katoliko. Katoliko
kami pero mahina ang pundasyon namin sa pagsunod sa mga tradisyon o mga
relihiyosong gawain. Para bang nasanay na ako, mula pagkabata, na ang holy week
ay pinapanuod ko lang sa tv. Ganun lang. Ni hindi ko pa naranasan ang pabasa,
visita iglesia… nasabi ko na ‘to dati, pero inuulit ko na namang banggitin,
siguro kasi paulit-ulit din naman ang nangyayari tuwing holy week. Bakit ba
kasi tuwing semana santa lang nagkakaroon ng mga ganitong palabas sa tv, bakit
hindi araw-araw? Ang dating tuloy sa akin eh ang pagiging mabuti at pagninilay
tungkol sa kabutihan at pagmamahal ng Diyos ay ginagawa lamang sa naitakdang
panahon o oras, matapos nun ay pwede na ulit manumbalik ang lahat sa dati
nilang buhay.
Di na katulad dati ang pagtingin ko
ngayon sa mga pari, pero nandun pa rin ang paggalang ko sa kanila. Nung bata pa
ako napakataas ng tingin ko sa mga pari, na para bang isinugo talaga sila ng
langit para maghasik ng kabutihan at turuan ang lahat ng mabuting pag-uugali.
Yung pakiramdam na tuwing makikita ko sila, para bang di sila dumaan sa
pagkabata kaya para silang walang bahid kasalanan. Pero ngayon, ang ibang mga
pari ay di ko na maikakaila mula sa mga normal na tao. Katulad din naman pala
natin sila. Siguro di ako patas sa pag-iisip ko ng ganito, pero di naman ako
tumitingin lang sa mga nakikita ko. Hindi ako magkakaganito kung wala naman
akong naoobserbahan o nakikita mula sa mga sariling mata ko. Sinasabi ko ‘to
hindi para manghusga. Sino ba ako.
Hindi ako tiyak kung kaya ba nilang
bumaba sa kinalalagyan nila para mas magabayan pa ang mas marami tungkol sa
pananampalataya. Para bang ang pagiging pari ngayon ay wala na ring ipinagkaiba
sa mga posisyong iniluluklok natin sa gobyerno. Ang buong simbahan ay para bang
isang uri na rin ng pulitika. Inilalagay din nila ang kanilang mga sarili sa
pedestal. Kaya nga parang di sila maabot ng mga karaniwan. Masyado na nilang
itinaas ang mga sarili na para bang ka-level na nila ang Diyos. Hindi na sila
marunong lumapit.
Hindi ako kontra sa simbahan.
Kailangan ko rin sila bilang parte ng lipunang kinalalagyan ko. Naghahanap lang
siguro ako ng mas marami pang pruweba na magpapatunay na mali ang aking
sinasabi base sa limitado kong karanasan. Baka meron pa akong di nasisilayan na
mas mabuti ukol sa kanila. Baka naging limitado lang talaga ang aking
pagtingin. Iba ang pambabatikos sa paglalahad lamang ng kung anu ang nasa loob
ko. Ang ginawa ko ay ang huli, kaya wala akong anu mang motibo sa mga inilahad
ko. Ipinaliwanag ko lang dahil ayokong magpanggap na mabuti… at ayoko rin ng
may kaaway J.
Tinitipid ko ang pagbasa ng ‘The
Perks of being a Wallflower’. Yun yung libro na ini-enjoy kong basahin ngayon
na ayokong matapos, kahit pa alam ko na kung anu-ano ang mangyayari pati na ang
ending dahil mas nauna ko pang napanuod ang pelikula kaysa basahin ang libro.
Mas mahusay nga sa libro, dahil mas detalyado ang takbo ng kwento. Hindi ko
naman talaga binili ang librong yun, e-book lang ang aking binabasa. Three
hundred plus ata ang libro na yun, di ko pa mabili dahil pulubi pa ako sa mga
oras na to J.
Natatakot ako na baka hindi ko
magawa lahat ng nais ko sa buhay. Ayokong isipin na pera lang ang kailangan ko
para lang magawa ko ang mga bagay na gusto kong gawin. Nalulungkot ako na baka
dumating yung araw na sa isip at imahinasyon ko na lang mangyari ang lahat…
hindi sa realidad na parte ng buhay. Sa mga panahon na nakakulong lang ako dito
sa kwarto, pakiramdam ko mas lumiliit ang tsansa ko na maisakatuparaan ang
lahat. Pero malakas pa rin ang paniniwala ko na baka bukas at sa mga darating
pang araw, ang bawat paghakbang ko sa labas ay ilalapit ako papunta sa hinahangad
kong landas.
4:09 ng hapon
Wala akong ginawa maghapon kundi
maglaro sa cellphone hanggang sa ma-lowbat na ‘to. Tapus balik ulit sa netbook
at magsusulat ng kung anu-ano. Buryong na buryong na ako dito sa kwarto. Nandito
naman ang tatay at kapatid ko pero di ko magawang makipag-usap sa kanila.
Iniisip ko nga kung kailan ba mapupuno ng kwentuhan ang bahay na ‘to ng kaming
tatlo lang. Pag wala ang nanay ko wala nang nag-uusap dito sa bahay. Nakakaloko
lang. Di ko man lang narinig kahit isang beses ang boses ko ngayon. Kundi pa
ako kakanta ng kahit ano sa CR, aakalain ko na pipi na talaga ako. Kung di pa
nakabukas ang tv, wala ka talagang maririnig na kahit ano dito sa bahay.
Katahimikan lang…
Naiinggit ako sa mga napapanuod ko
sa mga pelikula. Minsan, gusto ko talaga yung set-up ng pamilya sa ibang bansa
tulad ng sa America. Napaka-straight forward ng kanilang pag-uusap, at nasasabi
nila yun ng walang pag-aalinlangan. Naisip ko sana ganun na lang din kami. Pero
pelikula yun eh… at hindi kami artista… uhm ako lang pala ang artistahin sa
amin J,
may maibanat lang.
Ilang araw na akong di humahalakhak
ng malakas tulad ng nagagawa ko sa faculty kapag kasama ko ang aking mga
kaibigan. Ilang araw na din akong di nakkikipag-kwentuhan. Ang weird. Naisip ko
na lang, di bale, semana santa naman. Baka ito na ang aking penitensya.
Hindi ko alam kung dapat ba akong
mainis. O kung dapat ko bang ipaalam kay mama na di ko nagugustuhan ang
ganitong saradong linya ng komunikasyon sa aming bahay. Pero kahit ano pa ang
aking sabihin, mahirap na ‘tong mabago. Ganito na kami pinalaki. Ganito na
talaga ang aming pamilya. Di naman yun miserable para sa kin. Nasanay na rin
naman ako. Kuntento na ako sa ganito.
Kahit itambay ko pa ang pagmumukha
ko sa bintana, pakiramdam ko wala pa ring makikipag-usap sa akin. Maaatim ko
bang makipag-tsismisan sa mga tao dito sa amin. Syempre hindi. Napaka-weird
naman ng kinalalagyan ko. Di ko alam kung pano ako nakakatagal ng ganito. Para
lang may magawa, pati yung mga libro na binili ko dati ay pinagtyagaan ko nang
basahin. Yun yung mga libro na di ko ipinagpatuloy na basahin kasi akala ko
‘corny’ at baka di lang ako matawa… siguro sa sobrang pagka-bored ay pumatok na
rin sa akin ang mga banat ng librong yun, ang mahirap lang, kailangan ko pa
ring gawin ang pagtawa ng tahimik, ngiti-ngiti lang… haynaku… malapit na akong
masiraan dito. Daig ko pa preso. Daig ko pa nasa seminary. Daig ko pa kumbento.
Konti na lang, monastery na tong bahay namin…
Well, siguro ang layunin ng semana santa ayy dilang gunitain ng ilang araw ang kaligtasan nakamit natin buhta sa kanya,
TumugonBurahinbagkus at isang simula para isabuhay ito araw araw.
naiintindihan naman kita sa hinanaing mo pero naniniwala naman ako di naman lahat ng pari ayy ganun, may ilan pa naman na maayos pa,
siguro dumaranas lang ako ng 'spiritual drought'... lilipas din...
TumugonBurahin