Mga Pahina

Lunes, Mayo 26, 2014

"For commercial purposes only?"



            ‘Di natin maitatanggi na may mga komersyal pa ring ipinalalabas sa telebisyon na punong-puno ng pambobola at walang halong katotohanan, o kung meron man, nasaan?

            Halimbawa, isang artista ang mag-eendorso ng isang pampaputing produkto… pero alam naman natin na noon pa man ay maputi na siya!

            Na minsan, masyado na atang OA ang mga commercials na nagiging malayo na ito sa reyalidad. Halimbawa, yung mga komersyal ng pagkain. Ang biskwit na may palaman kapag sa komersyal mo napanuod ay punong-puno ito, lapat na lapat ang palaman hanggang gilid; pero h’wag ka, kapag binili mo na mapapatanong ka kung nasaan na ito napunta… saan pa kundi sa gitna! Hahaha.

            Sa sobrang galing umarte ng mga artista, ang “malutong” ay nagiging “pagkalutong-lutong!” Ang “masarap” ay nagiging “napakasarap”… pero sana ganun din sa totoong buhay lols.

            At hindi ko rin makuha ang dahilan kung bakit kailangan na rin ngayon gawan ng commercial ang isang paaralan. Kukuha pa talaga ng sikat na artista para makahatak ng mga estudyante na mag-enroll sa kanila. Tulad na lamang ni Daniel Padilla sa komersyal ng AMA. Sabi niya nga di ba “AMA ako!” paulit-ulit pa hahaha. Siya nga pala baka magalit sa akin ang mga fans ni Daniel, I have nothing against him (paglilinaw lamang); ganun na rin sa AMA… ito’y isang opinyon lamang.

            Ang sa akin lang, bakit pa sila kukuha ng isang artista para i-endorso ang kanilang paaralan? Buti sana kung yung artista na yun ay nakapagtapos sa paaralang iyon, kumbaga siya ang buhay na ebidensya ng kalidad ng pagtuturo sa paaralang iyon. Pero kung hindi ganuon? Ano? Bakit? Mas matatanggap ko pa na gumawa sila ng komersyal gamit ang mga nagsipagtapos na sa kanilang paaralan na naging matagumpay na sa kanilang larangan, at least first hand evidence ika nga!

            Dagdag pa, maaaring di pa rin sapat yun… kasi paaralan may komersyal? Ano na ba ang edukasyon sa bansa natin ngayon? For commercial purposes only?

            Baka naman mag-rebolusyon sa akin ang mga creative people behind those commercials (o baka hindi naman kasi sino lang naman ba ako hahaha).

Sa panahon ngayon na isang choice na lang ang pagiging mangmang at naging mas mapanuri pa ang mga audience o manunuod, bigyan naman natin ng bigat ang mga ipinalalabas natin sa telebisyon. Iba kasi yung makatotohanan kahit pa sabihin mong may halong creativity o acting, iba pa rin ang isang komersyal na may integridad, iba pa rin ang mga komersyal na nakapagpo-promote ng values kalakip ng pagiging masining o malikhain. Ibang-iba ang isang komersyal na may puso, talino at katotohanan; malayong-malayo sa mga ginawa lamang para kumita at mambola.


x-o-x-o-x


            Parang nakakabobo na rin ang mga tinaguriang “reality shows” na hindi naman talaga “real” hahaha. O mga teleserye na pinapahaba kapag mataas ang rating. Imbes na ma-enjoy mo ang isang napakagandang istorya, nawawalan ito ng saysay… kumbaga parang isang malinamnam na sabaw na nahaluan ng maraming tubig kaya iyon lumabnaw at tumabang… at sa bandang huli sa halip na magmarka ang ang isang soap opera, ayun tuluyan mo na lang itong kamumuhian hahaha.


            Ang TV? Anyare?...


Linggo, Mayo 25, 2014

KORNI ideas?...


Ika-25 ng Mayo, 2014
Linggo, 1:11 ng madaling araw


KORNI IDEAS


1. INSIDE-OUT ITSURA

            Naisip ko lang, napaka-judgmental ng isip ng mga tao partikular na sa ating itsura. Halimbawa, inaakala kaagad nating mabubuti o may busilak na kalooban ang mga taong may ‘itsura’ sa madaling sabi mga gwapo at magaganda… at kapag panget ka wala kang karapatang mag-maganda (so mag-panget meron? haha) o mag-inarte, sa iyo ibibintang ang lahat ng krimen at kamalasan sa mundo, ikaw ang magnanakaw, tsismosa, alipin at kung ano-ano pa… saklap di ba?...

Kaya naman kung may kapangyarihan akong baguhin ang mundo (powerful? lols), gagawin nating congruent, tantamount at proportional ang kagandahan o kagwapuhan ng isang tao batay sa kabutihang loob niya, ika nga eh parang ‘magic’, inside-out ang proseso. Nang sa gayun, kapag panget ang itsura ng isang tao ‘automatic’ na alam na natin na kaya siya nagkaganun ay dahil pangit din ang ugali niya! Hahaha. Sa ganitong paraan, madali na nating madi-determine ang mga mabubuti sa masasama, at maiiwasan pa natin ang pagiging mapanlait at mapanghusga hehehe.

Sa madaling sabi, kung napapansin mong pumapanget ka na, ‘wag ka na magtaka dahil ipinababatid lang nito sa sumasama na rin ang ugali mo.

Kaya kapag ang isang pulitiko ay mukhang ‘baboy’ o mukhang ‘buwaya’ malamang kurakot yan. Dali-dali na natin silang makukulong, madali na para sa atin na sabihin sa kanila na “it shows you know!” (direct evidence ika nga hehe). Yung nga lang, hindi ganito ang ating mundo…


2. ON BEING A WRITER / AUTHOR

            Kung ako man ay makapagsusulat / makapagpapalimbag ng sarili kong libro (dream lofty dreams?) magpapagawa ako ng ilang libong kopya. Hindi ko ito ibebenta, libre ko itong ipamamahagi sa kahit kanino basta ba interesado siya sa aking libro. Kapag ito ay kanila nang nabasa saka lang nila ito babayaran, ipapadala ang bayad thru LBC hahaha, o kaya ay idi-deposito na lang sa aking bank account lols. Walang partikular na presyo silang babayaran, bahala na ang mambabasa kung magkano ang gusto nilang ibigay batay sa kung gaano ba nila nagustuhan ang aking libro.

            Kung hindi man nila nagustuhan ang aking libro… problema na nila yun. Hindi dapat sila kumuha ng kopya. At kung nagustuhan man nila ngunit hindi nagbayad, alalahanin natin ang mga karatula sa loob ng jeep - “God knows H-U-D-A-S not pay!” hahaha.


3. PAGKAIN

            Alam naman natin na maraming nagugutom sa mundo. At marami sa atin ang walang pakundangan kung mag-aksaya ng pagkain. May mga taong lubos na biniyayaan ng makakain at mayroon ding puro hangin na lang ang inilalaman sa tiyan.

            Kaya naman kung ako ulit ay magiging makapangyarihan na baguhin ang mundo (superpowers?), gagawin muli nating tantamount / proportional / equal ang dami ng pagkain na maaari mong kainin sa isang araw batay sa iyong mga kapaki-pakinabang na gagawin. Iprisenta lamang ang listahan ng mga gawain sa inyong “food officer” (may ganito?) at siya na ang bahala sa iyong mga food stabs sa araw na iyon.

Kung mas kapaki-pakinabang ang iyong gagawin (hindi lamang para sa iyong sarili) mabibigyan ka ng pagkakataon na kumain mula sa mga sosyal at glamorosong mga restaurant; kung hindi naman ay pwede na sa mga fast food o karinderya hahaha. Syempre at the end of the day may mga officers din na magtsi-tsek kung na-accomplish mo ba ang mga iprinisenta mong mga gawain, dahil kung hindi wala kang karapatang kumain bukas hahaha.

            Sa ganitong paraan, lahat ay makakakain basta ba’t kikilos sila sa araw na iyon. Hindi na tayo maku-kunsensya na kumain ng masigla gayong alam nating may mga nagugutom, dahil sa ganitong sistema kapag gutom ang isang kasama mo o kakilala, isa lang ang ibig sabihin niyan, isa siyang tamad at walang naisip na mabuting gawain nung araw na iyon, di ba?

Syempre hindi na kasama sa paggawa ang mga sobrang bata pa o sobrang tanda na para kumilos pati na may mga sakit o kondisyon / kapansanan (at ako bilang nakaisip nito haha), sila ay bibigyan natin ng pribilehiyo.

Pwede na ba akong maging pulitiko? Hahaha.


x-o-x-o-x


#MgaKwentoSaTagAraw
#NagKapeKaNaNaman
#TulogLangYan
#BangagIdeas



Biyernes, Mayo 23, 2014

"... baka nasa nilalaman ng iyong puso." (God is NOT a genie)


Ika-23 ng Mayo, 2014
Biyernes, 1:43 ng hapon


            Sa unang taon ko sa kolehiyo, matapos ang first semester ay kailangang dumaan sa isang qualifying exam ang lahat ng mga education students. Ang resulta ng prosesong iyon ang magbibigay sa iyo ng karapatan para magpatuloy sa major na pinili mo. Ako ay kabilang sa mga science major. Na kapag hindi ka pumasa sa qualifying exam ng iyong departamento ay kailangan mong mag-shift sa ibang major (kung maipapasa mo ito) o ang pinaka-masaklap ay ang mag-shift ka sa ibang kurso.

            Tandang-tanda ko noong araw na iyon ang nararamdaman ko ay pagkasabik na may halong kaba. Nai-excite ako sa pagdaraanan naming proseso at kinakabahan kasi halos wala pa nga kaming 40 na science major ay mababawasan pa kami (grumaduate nga pala kaming mga science major sa bilang na 28).

            Nagdadalawang isip ako nung araw na iyon kung magdarasal ba ako na sana ay makapasa ako… sa isip ko kasi halos lahat kami malamang ganun din ang ipinapanalangin… pero batid ko rin naman na sa pagtatapos ng araw na yun ay talaga namang mababawasan din kami. Gusto ko na ayaw kong manalangin. Gusto kong manalangin para sa sarili ko pero sa isip ko kapag pinakinggan ako ni God, paano naman yung mga panalangin ng mga kaklase ko?...

            Then, I remember (wow english hehe) yung nabanggit sa akin ng isa kong kaklase. Sabi niya he never prayed para sa kanyang sarili (which I doubted hahaha)… dagdag pa niya mas ipinapanalangin niya daw ang iba kaysa sa kanyang sarili. Kaya nung araw ng qualifying exam namin nasabi ko na lang sa loob ko… “Sana po pakinggan niyo kami.”

            So I have no choice during that time kundi kumapit sa nalalaman ko at sa mga reviewers na dala-dala ko nung araw na iyon (mga test papers nung high school pa ako hahaha).

            Pagkatapos ng exam ay isang interview… isa sa mga tanong ay (ipa-paraphrase ko na lang)“Bakit deserve mong manatili bilang science major?” Hindi ko in-expect na ganun ang tanong… napatanong din talaga ako sa sarili ko ng “Bakit nga ba?” lols. Wala akong maisip na sagot… Ang nasabi ko na lang ay parang mawawalan ng saysay ang pagiging education student ko kung hindi lang din ako magiging science major hahaha. Matapos kong sabihin yun napangiti na lang ako… na hindi ko rin malaman kung bakit ganun yung naging sagot ko… tapus lumabas na ako ng kwarto.

            At nung announcement na ng result, masaya ako na narinig ko yung pangalan ko sa mga pumasa (kahit pa mukhang tanga lang yung sagot ko sa interview). May mga lumuha dahil hindi nila nagawang manatili sa aming departamento… kaya naitanong ko sa sarili ko… kung ipinagdasal nila na sana sila ay pumasa, nagalit kaya sila nung mga oras na iyon nung malaman nilang hindi natupad ang kanilang panalangin?... Syempre hindi ko na yun nagawang itanong sa kanila, napaka-awkward ko naman kung ginawa ko yun… pero yun yung tanong na nasa isip ko habang nakasakay kami sa jeep pauwi ng mga kasama ko.


x-o-x-o-x


            God is not our genie. Yan yung katagang tandang-tanda ko pa hanggang ngayon mula sa nabasa ko sa dyaryo. Madalas napakadami nating hiling kay God, na para bang ang purpose na lang ng panalangin ay para sa ating mga hiling. Kaya minsan, nahihiya ako humingi kay God… kasi alam kong hindi naman din ako sakdal buting tao. Kaya pakiramdam ko minsan, hayaan na lang natin Siya na magbigay sa atin… at magpasalamat kung naibigay ang isang bagay kahit pa hindi natin ito hiniling.


x-o-x-o-x


            Isang school year na ang nakalipas habang nasa faculty, nag-uusap kaming mga co-teachers ko. Yung isa kong co-teacher noon ay nagpa-rank na sa public school at sa bakasyon ay malalaman na niya ang resulta. Sabi niya, linggo-linggo na nga daw siya ngayong nagsisimba para sa kanyang hiling na makapasok sa public school, dagdag pa niya gagawin na niya ito ng madalas lalo pa’t kapag siya’y nakapasok na sa kanyang in-apply-an. Gusto ko sanang itago ang opinyon ko sa aking sarili pero nasabi ko talaga na hindi dapat ganun, kasi para siyang nakikipag-bribe kay God sa kanyang pagsisimba, sabi ko sa kanya dapat kusa mo itong ginagawa (oh di ba kala mo kung sino akong matuwid haha). Mabuti na lang at marami ring usapan noon kaya nung nasabi ko iyon sa kanya sakto namang biglang nalihis ang usapan. Kaya hanggang ganun na lang.

            Hindi naman sa feeling ko ay tama ako… pero parang napakababaw na mangangako ka sa Panginoon na hindi mo na gagawin ito o kaya gagawin mo na ito para sa isang hiling o panalangin na gusto mong pakinggan Niya at tuparin. Sa aking pananaw hindi ba parang insulto iyon kay God… alam na Niya ang ating mga pangangailangan… at sa kanyang sariling isip at oras ay may mas mabuti siyang paraan.

            O baka sa isang banda… mali rin ang pananaw ko.


x-o-x-o-x


            Sa sarili kong opinyon, mahalaga na magkaroon din ng religious tolerance. Na hindi dahil parte na ito ng tradisyon ay tatanggapin na lamang natin iyon.

            Hindi naman sa hindi ako sang-ayon sa prusisyon ng mga rebulto (pero parang ganun na nga haha), hindi ko lang maintindihan kung bakit ginagawa ito… o baka hindi ko rin kasi inaalam. Pero ano ba kasi yung isang rebulto na dinadamitan at ipinaparada… ano ba ang kahulugan ng pagpahid ng mga panyo sa isang rebulto… ano ba ang nasa isip at puso mo kapag kaharap mo ang mga bagay na iyon?... Sana hindi ito itinuturing na mga Diyos

            Alam kong maselan at mabahang usapin ang tungkol sa relihiyon, paniniwala at pananampalataya. Bilang mga tao hindi naman talaga natin naiintindihan ang lahat. Hindi ko rin alam kung ano ba yung sinasabi nilang sapat na yung alam mong may sarili kang relasyon sa may Lumikha…

            Na napakaraming relihiyon sa mundo pero kita mo hindi naman sila nagkakasundo. Marahil wala talaga sa relihiyong kinabibilangan mo… baka nasa nilalaman ng iyong puso.


x-o-x-o-x


            Isang napakahabang paglalakbay ang alamin kung ano ang katotohanan. Sa akin lang sapat nang dahilan na hindi maarok ng isip ng tao ang lahat para maniwala ako na mayroong isang Makapangyarihang Lumikha sa lahat. Wala namang mawawala kung ikaw ay maniniwala.


x-o-x-o-x


“Trust your hopes, not your fears.”
-David Mahoney


x-o-x-o-x


Question: If at the snap of your fingers, any one of the world’s problems could be SOLVED, which problem would you choose to rid the world of?

Answer: Poverty.


x-o-x-o-x


#MgaKwentoSaTagAraw
#MyOwnPerceptionAboutGod
#ILoveToWonderAboutLife
#PapemelrotiQandA



Huwebes, Mayo 22, 2014

On My Own POV :)


Ika-22 ng Mayo, 2014
Huwebes, 2:29 ng hapon


            “Magsisimba kami, magsisimba ka ba?”… naitanong sa akin ito ng nanay ko linggo ng hapon noong nasa high school pa ako. “Hindi,” ang naging sagot ko sa kanya. Akala ko makukuntento na siya sa maikli kong tugon pero may isinunod pa siyang tanong… “Eh bakit ayaw mong magsimba?”… Di kaagad ako nakasagot kasi baka mabatukan ako ng nanay ko kapag nalaman niya kung ano ang nasa isip ko… pero sinabi ko pa rin… “Ayoko kasi parang inuuto lang tayo ng pari… tatayo, uupo, tatayo tapus luluhod, paulit-ulit,” sinabi ko ito ng hindi nakatingin sa kanya kasi inaabangan ko na ang hampas niya sa akin… but to my surprise (wow ah? hehe), wala akong na-receive na pananakit ng aking mudra. Siguro nagulat din siya sa sagot ko, yung hindi niya alam kung maiinis ba siya o matatawa… basta ang alam ko pagtingin ko sa mukha niya medyo nakangiti lang siya… sabay sabi “Parang engot to! Wag ka ngang ganyan,” at umalis na sila papuntang simbahan. Na-shock din ako kasi di siya nagalit. Nakaligtas! Lols.


x-o-x-o-x


            Nakaka-miss din si Ate Arlene (siya yung katekista namin nung nasa elementarya pa ako). Magaling siyang magturo, malinaw at saka nararamdaman mo ang kanyang mga sinasabi. Hindi nakakaantok, punong-puno ng sigla at nakakabuhay yung napakalaki at buo niyang boses… yung kahit pa nanggaling na siya sa ilang sections bago kami, parang bagong-bago pa rin ang kanyang enerhiya. Siya ang pinakamahusay na katekista na nasaksihan ko sa aking buhay. Mararamdaman mo talaga yung presence at strength ni God sa kanya. At di siya magdadalawang isip na magalit kapag pasaway ang ilan sa amin, dahil bukod sa “ate” ang turing namin sa kanya ay isa rin siyang “ina”.


x-o-x-o-x


            Di katulad nung mga katekista na natunghayan ko nung ako ay nasa high school na. Hindi ko maramdaman yung tulad ng naramdaman ko kay Ate Arlene… yun bang napaka-inviting ng presence niya, na kahit sino ka pa, bibigyan ka niya ng halaga at pagkakataon na makilala kung sino ang itinuturing niyang Diyos at kung paano ito nakakatulong sa kanyang paglalakbay tungo sa kabanalan.

            Yung mga katekista kasi namin nung high school, bukod sa madalang naman pumunta ay paulit-ulit ang itinuturo. Yung gusto mo pa sanang mapalalim yung kaalaman mo tungkol kay God pero ilang linggo na kayo nagkikita at yun at yun pa rin ang topic na ibinibigay nila sa amin. Kaya para kaming nag-uumpisa sa simula. Lagi.

            At ayoko ng dating nila sa amin. Yung para bang ipinararamdam nila sa amin na ang sama-sama naming tao hahaha. Na sila, dahil mga katekista ay dapat naming tularan. Na napaka-proud nila sa kinalalagyan nila na para bang kailangan namin silang abutin… sa halip na sila ang bumaba sa amin.

            Minsan may isang babae ang nagturo sa amin. Dahil iyon na naman ang aming pag-uusapan natural lang na hindi na kami interesado sa mga sasabihin niya. Kaya salita siya ng salita sa harapan… hanggang mapansin niya na walang nakikinig sa kanyang mga sinasabi. Mukhang nainis siya sa puntong iyon at bigla na lang bumulalas sa kanyang bibig na kailangan naming makinig dahil kailangan namin matandaan at matutunan ang kanyang mga sasabihin. Kaya parang napatingin kami sa kanya. Sabi niya yung ibinibigay niya sa aming impormasyon ay makatutulong upang maligtas kami sa pagiging makasalanan. Hindi raw para sa kanyang sarili ang kanyang ginagawa kundi para sa amin. Hindi na niya raw ito kailangan dahil “nailigtas” na siya. Napa-nganga ako nung sabihin niya yun. Kung meron mang “big word” nung mga oras na iyon, tiyak yun na nga iyon. Ang lagay pala eh, siya ay “nailigtas” na at sure na sure na sa heaven na siya mapupunta, naitanong ko sa sarili ko nung araw na yun, “Paano kami ‘te? Ikaw lang?”…

            Sa kabilang banda humanga rin ako na ganun katindi ang kanyang pananampalataya para sabihin sa harap ng marami na “nailigtas” na siya. Ang ibig ko namang puntuhin sa sarili ko noon ay sige marahil maaari niya itong i-claim pero gaano siya nakasisiguro? At ang ending dahil mukhang magagalit na siya, nagpa-sub na lang siya doon sa kasama niyang lalaki.

            Nung estudyante pa ako, marami sana akong gustong itanong. Kaso nung mga panahon namin, kapag madalas kang magtanong feeling ng mga nakararaming matalino (?) ay ang “bobo” mo hahaha. Saka wala pa talaga akong lakas ng loob noon. Isa lamang akong tulalang estudyante lols.


x-o-x-o-x


            Tulad nung nagtanong ang kaklase ko sa chemistry teacher namin tungkol sa “mole”. Ang tanong niya paano daw ba nalaman ng mga scientists / chemists na ang isang (1) mole ay katumbas ng 6.02 x 1023 atoms. Hindi ko na rin matandaan kung paano ito nasagot ng teacher namin, ang alam ko lang nagkaroon ng kaunting pagtatalo, hanggang sa nanahimik na lang din yun kaklase ko haha. Siguro hindi lang din naging maganda yung approach ng pagtatanong niya. Sabihin na lang natin na iba kasi yung nagtatanong para manubok at iba rin ang nagtatanong dahil gusto mo talagang malaman.

            Kaya sa klase ko gusto ko talaga na nagtatanong ang mga estudyante ko. Nai-excite kasi ako kung ano yun at kung paano ko ba yun masasagot sa pinakasimpleng paraan na maiintindihan nila. Siguro mapalad din ako na yung mga tanong sa akin ng mga estudyante ay talagang out of their curiosity (o baka feeling ko lang hahaha), na sa loob ko napapangiti rin ako kasi nung ako yung nag-aaral wala akong ganitong freedom na magtanong sa aking teacher. Gustong-gusto ko yung mga makukulit na tanong mula sa mga hetero sections na hindi ko alam kung nakinig ba sila kasi nandun na rin naman yun sa aking discussion hahaha. At lagi kong inaabangan ang mga creative at challenging questions ng cream section kasi natututo rin ako mula sa kanilang mga ideya. At mula sa mga tanong nila doon mo makikita kung na-absorb ba nila yung itnuro mo o hindi. Dahil sabi nga kapag nagtanong ka sa klase ng “Any questions?” kapag ang sagot ay “None,” dalawa lang yan, it’s either madali nilang natutunan ang lesson or “none” na lang ang sagot para maka-iskapo na sa mahirap na lesson na yan hahaha.


x-o-x-o-x


            Sabi nga nila maaari mong ituro ang lahat sa bata. Pero yung kagustuhan at pagmamahal nila sa pagkatuto, ito ang dapat na mag-ugat mula sa kanilang mga sarili.


x-o-x-o-x


“Never lose a chance of saying a kind word.”
- William Makepeace Thackeray


x-o-x-o-x


Question: What ANIMAL would you like to see face to face?

Answer: Koala Bear! (Phascolarctos cinereus)


x-o-x-o-x


#MgaKwentoSaTagAraw
#MyOwnPointOfView
#ThisIsHowIThink
#PapemelrotiQandA



Biyernes, Mayo 16, 2014

Mahirap bang Matuto mula sa Ibang Tao?


Ika-16 ng Mayo, 2014
Biyernes, 9:33 ng gabi


            Isa sa pinagdaraanan ko ngayon – the agony of waiting.
            This too shall pass...


x-o-x-o-x


            Natutuwa at napapahanga talaga ako ng lubos sa mga taong hinubog ng panahon at karanasan upang maging mahusay na hindi nakalilimot kung saan siya nagmula at nananatiling nakaapak ang mga paa sa lupa. Lagi kong sinasabi sa sarili na kapag naging ‘mahusay’ na rin ako, sila ang aking tutularan.

            Nasabi ko ito kasi naalala ko lang yung isang tagpo na may nakausap ako noon… na nasaktan ako pero sa kabilang banda may natutunan din naman ako. Ayoko na i-detalye kasi tapus na ang pangyayaring iyon (baka akalain pa na hindi pa ako nakapag-move on hahaha). At last year pa ito naganap, ewan ko ba sumagi lang talaga bigla sa isip ko.

            Ayoko lang kasi yung ginawa niyang pasakalye bago niya ako kausapin… na kailangan pa niyang sabihin na nagtapos siya sa ganitong paaralan, na may ganitong degree na siya, na head na siya ng ganitong departamento… na hindi naman daw niya balak o intensyon na ako’y maliitin… nais niya lang daw i-establish ang sarili niya (para ba makilala ko kung sino ang kausap ko?). Pero sa kabila ng sinabi niya na wala siyang ganung intensyon (kahit pa ganun yung naramdaman ko), ay tinanong pa niya sa akin kung saan daw ba ako nagtapos etc… (na habang sinasagot ko ang kanyang mga tanong ay lawak na lang ng pag-unawa ang pinairal ko). Feeling awkward talaga yung moment na yun, hindi pa man din ako sanay ‘makipagpataasan ng ihi’… dahil hindi ko talaga gawain yun.

            Sabihin na natin na may ‘laman’ naman ang kanyang mga sinabi kahit pa ang ilan sa mga ito ay may sangkap ng bumubulang ‘pride’ lols. Naramdaman ko rin (sa gitna ng pag-uusap namin) na marahil napaisip din siya kung bakit sa ganuong paraan pa niya iprinisenta ang kanyang sarili sa akin. Sa loob ko, pakikinggan ko naman siya kahit ano pa ang katayuan niya sa buhay… malalaman at mararamdaman ko naman kung ‘credible’ ang mga sinasabi mo kahit sa paraan mo lang ng pagsasalita… marunong din naman akong tumimbang.

            Kahit nasasaktan ako habang nagsasalita siya, pinili ko pa ring maging mahinahon, at mula sa mga namumutawi sa kanyang bibig pilit kong ina-absorb yung mga katagang may matututunan ako (sabihin na natin na ako’y isang martir hahaha). Alam kong mahusay din ang taong ito (base na rin sa kanyang karanasan bilang mas matanda talaga siya sa akin kaya mas pinili ko na lang na siya’y galangin)… kaya nasabi ko talaga sa sarili ko nung araw na iyon na kung magiging mahusay man akong tao hindi ko siya gagayahin.

            At lagi kong tatandaan itong aral na aking natutunan.

May dalawang magkahiwalay na tagpo na nagkasalubong kami sa daan, ewan ko lang kung natandaan niya ako, pero alam kong naabot ako ng kanyang tanaw. Magaan ko talaga siyang nginitian nung mga tagpong iyon dahil nga hindi ko malilimutan yung natutunan ko nung kami’y mag-usap, wala na ang bigat na aking naramdaman. Pero tanging pagtataka lamang ang nakuha kong reaksyon mula sa kanyang mukha… hindi ko alam kung nagtataka ba siya kung bakit nakangiti ako sa kanya (kasi baka hindi na niya ako natatandaan) o kung natandaan man niya ako marahil nagtataka siya kung para saan ang pag-ngiti ko… anu’t ano pa man… salamat sa kanya.


x-o-x-o-x


            Ano nga bang ginawa ko ngayong araw… gumagana pa pala yung scanner namin… kaya naman inubos ko ang oras ko sa pag-i-scan ng mga larawan hahaha. Mula sa mga ID ko noong elementary, high school, college, hanggang nung nasa trabaho na ako. At sari-sari pang larawan mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan.

            Maniwala ka… ang mga larawan ko na mismo ang ebidensya… totoo ang teorya ng ebolusyon hahaha. Gusto ko sanang ibahagi ito kaso nahihiya ako… dahil isa itong matinding ebidensya ng ebolusyon lols. Pag nagkalakas na siguro ako ng loob. Ganun.


x-o-x-o-x


“Yard by yard, life is hard. Inch by inch, it’s a cinch!”
- Anonymous


x-o-x-o-x


Question: By some twist of fate, you have no choice but to be a professional sports player for the rest of your life. What SPORT would you choose to play?

Answer: Volleyball! (with exclamation point haha)


x-o-x-o-x


#WeCanLearnFromPeople
#MgaKwentoSaTagAraw
#Papemelroti



Sabado, Mayo 10, 2014

Kalam ng Kaluluwa




KALAM NG KALULUWA

Patuloy kang gumuhit,
Ng mga larawang kaakit-akit.
Buong puso mong isulat,
Mga kwentong nakapagpapamulat.

Wag kang tumigil na lumilok,
Ng mga pigurang mapanubok.
Malinaw mong ipinta,
Ang nakikita ng iyong mga mata.

Iparinig mo ang iyong awit,
Hanggang ito’y kanilang masambit.
Buong lakas kang umindak,
Di lamang para sa mga palakpak.

Gawin mo ang iyong nais,
Magpunyagi at magtiis.
Walang hindi magagawa,
Sa kumakalam mong kaluluwa.


x-o-x-o-x


#shorTULA
#SigawNgKaluluwa


Huwebes, Mayo 8, 2014

Panahon at Damdamin




PANAHON AT DAMDAMIN

Nauubos din ba ang damdamin,
tulad ng mga dahong tinatangay ng hangin?
Damdamin ba’y di nagwawakas,
kahit pa panahon na ng taglagas?

Bumabalik din ba ang naranasang pait,
dulot ng mga tagpong sinapit?
Damdaming patuloy kang hinahabol,
Kahit pa panahon na ng tagsibol.

O baka naman puso mo’y nanlalamig
at di na kaya pang umibig?
Mga alaalang hindi mawaglit,
 Animo’y nyebeng bumabagsak buhat sa langit.

Tulad ng isang unos,
Damdamin bigla na lang bumubuhos.
Matatapos din ang mauulang araw,
Bahaghari ay iyo ring matatanaw.


x-o-x-o-x


#shorTULA
#TulalangTumutula


Martes, Mayo 6, 2014

Lagi bang may RAINBOW after the RAIN?


Ika-06 ng Mayo, 2014
Martes, 5:35 ng hapon


            Ako lang ba ang mahilig magkape sa hapon? Yung mainit ang panahon pero nagkakape pa rin ako sa harap ng electric fan (na dinugyot ng panahon hahaha). Nakakaantok kasi sa hapon kaya kailangan ko ng pampagising. Oo alam ko na pwede akong mag-ice-cold-coffee, pero parang di ko na kasi ramdam ang kape kapag malamig. Iba ang aroma at lasa ng kape kapag mainit, lalo na kung bagong kulo pa ang tubig! Hmmm!

            Yung pagkatapos mong uminom ay para kang nag-exercise o nag-jogging, tumatagaktak ang aking pawis. Butil-butil na pawis sa mukha hahaha. Ganun.

            Ang problema nito, mamayang gabi ay gising na naman ako, pero okay lang. Mas gusto ko talaga na gising kapag gabi kaysa umaga. Mas naiintindihan ko ang mga ingles na pelikula hahaha, eh kasi naman tahimik ang paligid kaya damang-dama ko ang panunuod.

            Mas masaya rin matulog ng madaling araw kasi parang humahaba ang isang araw. Kita mo natulog at nagising ka ng parehas na petsa kaya magkakaroon ka ng pakiramdam na parang ang haba ng araw na ito. Try mo!

            Kagabi o kaninang madaling araw ang pinanuod ko ay ang pelikulang “Brave” (pambata hahaha). Taong 2012 pa ata ito pinalabas pero ngayon ko lang napanuod, napanuod ko na siya ng palaktaw-laktaw (yung mga piling eksena lang hehe), saka ko siya pinanuod ng buo. Maganda ang story pati na rin ang mensahe nito. Kaso lang ang di ko talaga nagustuhan ay yung naging “oso” yung mother ni Princess Merida, kasi sa trailer ng pelikula akala ko lumayas sa kaharian si Merida sa kagustuhan niyang sundin o gumawa ng sarili niyang kapalaran, kaya naging interesado ako kung anong nangyari sa kanya, pero yun pala yun, para maibalik sa pagiging tao ang kanyang inang reyna. Yun lang.

            Akala ko ba mahusay magpalakas ng loob ang ating mga ina. Bakit yung nanay ko parang di naman? Hahaha. Nung isang araw tinanong niya ako – “Oh, ano na nangyari sa in-apply-an mo Jeff?”… Di kaagad ako nakasagot, eh wala pa rin kasi akong balita, sinabi ko na lang – “Wala pa Ma eh…”, sabay sabi niya na – “Naku! Wala na yan, TENGGA ka na!” sabay ngisi pa. Oh di ba? Ayoko na ngang isipin yun eh, pero ganyan ka-sensitive ang nanay ko lols.

            ISANG HILING: Sana may makabasa ng mga gawa-gawa kong short story hahaha. Wala kasi akong pormal na training o sapat na kaalaman sa paggawa nito. Wala lang. Pakiramdam ko kasi isang challenge ang gumawa ng isang maikling kwento o ng kahit ano pang uri ng literary work. Gusto kong makahingi ng review / suggestion / constructive criticism (hindi mga panlalait hahaha) mula sa mga gumagawa na nito o may kaalaman tungkol dito. Para malaman ko kung itutuloy ko pa ba o ititigil na ang kagustuhan kong gumawa nito hahaha. Tenks!

            May naka-chat akong taga-NZ na nag-aaral ng Chemistry. Syempre tuwang-tuwa ako kasi siya ay alagad ng siyensya. Tanong-tanong at sumasagot naman siya. Kaso di ako makasabay. Nga-nga ako sa level niya hahaha. Kumbaga puro “yes” na lang ang naisasagot ko lols. Meron ding taga-Europa na nagtapos ng environmental engineering na nag-aaral ng psychology, nga-nga rin ako haha, may mga terminologies siyang binabanggit na sini-search ko pa sa google /  Wikipedia para lang magkaroon ako ng “clue” kung ano yun, saka lang ako makakasagot sa kanya. Ang hirap! At meron ding taga-Mexico na nag-aaral ng Biology na gustong maging bihasa sa field ng Ornithology (birds), medyo nakasabay ako sa kanya kasi di siya masyado marunong mag-ingles hahaha, kinailangan pa niyang gumamit ng google translator para maintindihan ako at maka-reply din, siguro mga tatlong minuto muna ako nag-aantay bago ko ma-receive yung sagot niya, nakakainip hahaha.

            At siguro naman nagkaroon na ng ideya ang sino mang makakabasa nito sa kung anu-ano na ang ginagawa ko sa buhay ko ngayon. May mga tagpong ayaw mong mangyari, pero sabi nga ng idol kong si Paulo Coelho, kung gusto mong ma-enjoy ang bahaghari matuto ka munang i-enjoy ang ulan.


x-o-x-o-x


#MgaKwentoSaTagAraw
#WelcomeToMyLife
#AMomentLikeThis



SAYUKI


SABURUKO (SERVING GIRLS)


Pangunahing Tauhan: Sayuki (isang ‘saburuko’ na nabibilang sa mababang antas)

Tagpo / Panahon: 7th century sa bansang Japan kung saan nahahati sa dalawang antas ang mga saburuko. Ang mga nabibilang sa mataas na antas (may mas pinag-aralan) ay nagsisilbi sa mga high-class o aristocratic na mga pagtitipon, samantalang ang mga nabibilang naman sa mababang antas ay nagsisilbi kapalit ng pita ng laman.

Eksena / Oras: Ito ay maikli lamang, walang mga dayalogo na manggagaling mula sa karakter, tanging mga paglalarawan. Isang maulang gabi.




            Lumuluha man ang langit, banayad pa ring pumapatak ang tubig. Natatakpan ng maiitim na ulap ang buwan na dulot ay madilim na kapaligiran… nakikiisa sa kanyang nararamdaman.

            Di malinaw kay Sayuki ang kanyang gagawin. Alam niyang sa pagpasok niya sa silid na ito, ay para na rin niyang itinali ang kapalaran dito. Marahan niyang binuksan ang pinto, naroon na nga’t naghihintay ang isang lalaking nakaupo. Nakangisi sa kanyang pagpasok, para bang nakaamoy ng lamang lalapain ngayon.

            Ang kaunting liwanag sa silid ay para bang nagsasabing maliit na lang din ang pag-asa niyang makaalis. Tumayo mula sa pagkakaupo ang lalaki, humahakbang na ito papalapit, ano mang oras ay handa na siyang sagpangin.

Madali nitong kinalas ang pagkakatali ng kanyang kimono, animo’y isang halimaw ang dumadagan at yumayanig sa kanyang pagkatao. Ang bigat na kanyang nadarama ay di lamang dahil sa nakapaimbabaw sa kanya, nais niyang magalit sa mundo, naibulong niya sa sarili - “Bakit ako nagkaganito?”. Ipinikit na lamang niya ang mga mata, naisip niya ito na marahil ang itinakda ng tadhana.

            Tiniis ang lahat ng hirap, hanggang masiyahan ang halimaw na sumasagpang sa kanyang katawan… Sa matatalim nitong pangil, pagkatao niya'y animo'y nagkagula-gulanit.

            Matapos ang sinapit na delubyo, muli niyang isinuot ang kanyang kimono upang matakpan ang hapo niyang katawan, sa parehas na paraan na kailangan niyang ikubli ang sakit at pighating nararamdaman.

            Kasabay ng paghawi ng maiitim na ulap sa langit ay ang paglabas niya sa mala-impyernong silid. Sa liwanag ng buwan, di maitatanggi ang mapait niyang kapalaran. Ang higpit ng pagkakatali niya sa kanyang damit ay para bang nagsasabing hindi na niya matatakasan pa ang mga pangyayaring sasapit.


x-o-x-o-x


#ShortStoryRaw
#MgaKwentoSaTagAraw
#SubokSubokDinGumawa



Linggo, Mayo 4, 2014

"...because of gravity."



Ika-04 ng Mayo, 2014
Linggo, 6:00 ng umaga


            Achievement ‘to kasi alas-sais pa lang ng umaga ay gising na ako. Pero maaga naman talaga ako nagigising at maaga lang din talaga ako bumabalik sa pagtulog, kaya minsan inaabot ako ng alas-dose ng tanghali hahaha. Tulad nito, malay ba nila na gising na ako, na paggising ko ito na kaagad ang inaatupag ko, napaka-productive ko talaga, kaya bumi-bingo ako kay mudra eh.

            Nung May 1 at 2, hindi ako nakatulog ng maayos. Bonggang-bongga naman kasi yung neighborhood namin, nag-concert ng 2 days! Dinaig pa pabasa! Grabe.

            Kaya nung natapos sila, siya namang pag-resbak ng nanay at tita ko dito sa bahay. Akala nila nakaganti sila sa pagvi-videoke nila, pero ang totoo, itinuloy lang nila ang ingay ng mundo hahaha.


x-o-x-o-x


            Nung nag-aaral pa ako (elem at hiskul), hangang-hanga ako sa mga science teachers ko. Pakiramdam ko kasi pinili sila ng tadhana para maintindihan ang mundong ito hahaha. Damang-dama ko talaga na sila ay mga espesyal na uri ng tao na kayang ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa mundo at buhay.

            Akala ko close talaga nila si Aristotle, Einstein, Newton at iba pa, kasi kung makapag-explain sila ng lesson para bang na-interview nila ang mga taong ito hahaha. Akala ko pag-uwi nila sa bahay ay gumagawa sila ng mga eksperimento sa mga sarili nilang buhay. Sila ang pinaka-wirdong mga tao sa akin. Dahil nga sa tingin ko ay sila ang mas nakakaintindi ng maraming bagay kaya sila rin marahil ang gumagawa nito sa kanilang buhay.

            Pero akala ko lang pala ang lahat (dala lang marahil ng kamusmusan ko ang mga akalang iyon hahaha). Meron sa kanila na pinapangatawanan ang mga natutunan nila mula sa siyensya. Halos lahat naman tayo gumagawa nun, hindi lang tayo marahil ganun ka-conscious na nagagawa pala natin. Pero na-realize ko, na mga normal lang din pala silang mga tao. Na pag-uwi sa bahay, pagiging nanay / tatay / kapatid naman ang kanilang inaatupag.

            Nakalimutan ko, hindi nga pala sila mga siyentipiko lols. Kaya kung papipiliin ako ng makapangyarihang tadhana, magiging science teacher ba ulit o maging siyentipiko… mas pipiliin ko ang huli, para mas haggard sa kasiyahan at kaalaman.

            Naalala ko minsan nung nanunuod ako ng volleyball game sa school tapus tumabi ako sa isang grupo ng mga estudyante. Friendly game iyon sa pagitan ng faculty members at varsity players. Hindi ako sumali kasi wala naman talaga akong mailalaro dun, matutunghayan lang nila ang ka-shungahan ko sa sports hahaha. Sabi nung isang estudyante – “Sir, bakit di kayo sumali? Pag si Sir nandiyan, kokompyutin pa niya yung velocity ng bola, yung force saka yung projectile,” sabay tawa, tuwang-tuwa siya sa mga nabanggit niya nung araw na yun. Nangiti na lang din ako. At least may natutunan din pala itong batang ‘to. At kung anu-ano na rin ang binabanggit ng mga katabi niya, may mai-relate lang, na siya namang pag-alis ko pabalik sa faculty, baka kasi may marinig akong mali, mairita lang ako hahaha, saka baka marinig ko na naman ang pamosong linya nila (kapag walang maisagot o mai-reason) na “…because of gravity.” Lahat na lang because of gravity hehehe.


x-o-x-o-x


            Hanga ako sa mga marunong at mahusay magsulat ng maikling kwento (na di naman talaga maikli) o kaya ng nobela. Wala lang. Sumusubok lang gumawa kaso, di ko kaya yung ganun kahaba, literal na maikli lang talaga ang nagagawa ko hahaha. Iniisip ko kung saan nila hinuhugot ang kabuuan ng kuwento, kung paano nila nakikita at nahihimay ang bawat detalye at parte nito, kung paano nila nabibigyan ng kulay at imahe ang kwento sa pamamagitan ng mga salita. Ganun.

            Sinubukan ko kasing magbasa ng Harry Potter. Di ko maintindihan hahaha. Buti pa sa mga pelikula madali lang, effortless! Minsan di rin maganda na napanuod mo na at saka mo lang babasahin. Sa libro kasi mas detalyado ang mga eksena kaya hindi ko ma-relate sa movie. Saka ang hirap magbasa ng English hahaha.


x-o-x-o-x


“Don’t make the mistake of letting yesterday use up too much of today.”


x-o-x-o-x


Question: Which of these would you DO (if you REALLY had to)?
                        a. sky dive
                        b. walk on live coals
                        c. sing on national TV
                        d. join a Miss Universe or a Mr. Body Beautiful contest
                        e. join a reality TV show

Answer: Parang letter D – join a Mr. Body Beautiful contest hahaha. UMAY.
Letter E talaga. Kaso ayoko na sa PBB. Buti na lang talaga hindi ako nag-audition. ALAM NA.


x-o-x-o-x


#MgaKwentoSaTagAraw
#Papemelroti



Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...