On My Own POV :)


Ika-22 ng Mayo, 2014
Huwebes, 2:29 ng hapon


            “Magsisimba kami, magsisimba ka ba?”… naitanong sa akin ito ng nanay ko linggo ng hapon noong nasa high school pa ako. “Hindi,” ang naging sagot ko sa kanya. Akala ko makukuntento na siya sa maikli kong tugon pero may isinunod pa siyang tanong… “Eh bakit ayaw mong magsimba?”… Di kaagad ako nakasagot kasi baka mabatukan ako ng nanay ko kapag nalaman niya kung ano ang nasa isip ko… pero sinabi ko pa rin… “Ayoko kasi parang inuuto lang tayo ng pari… tatayo, uupo, tatayo tapus luluhod, paulit-ulit,” sinabi ko ito ng hindi nakatingin sa kanya kasi inaabangan ko na ang hampas niya sa akin… but to my surprise (wow ah? hehe), wala akong na-receive na pananakit ng aking mudra. Siguro nagulat din siya sa sagot ko, yung hindi niya alam kung maiinis ba siya o matatawa… basta ang alam ko pagtingin ko sa mukha niya medyo nakangiti lang siya… sabay sabi “Parang engot to! Wag ka ngang ganyan,” at umalis na sila papuntang simbahan. Na-shock din ako kasi di siya nagalit. Nakaligtas! Lols.


x-o-x-o-x


            Nakaka-miss din si Ate Arlene (siya yung katekista namin nung nasa elementarya pa ako). Magaling siyang magturo, malinaw at saka nararamdaman mo ang kanyang mga sinasabi. Hindi nakakaantok, punong-puno ng sigla at nakakabuhay yung napakalaki at buo niyang boses… yung kahit pa nanggaling na siya sa ilang sections bago kami, parang bagong-bago pa rin ang kanyang enerhiya. Siya ang pinakamahusay na katekista na nasaksihan ko sa aking buhay. Mararamdaman mo talaga yung presence at strength ni God sa kanya. At di siya magdadalawang isip na magalit kapag pasaway ang ilan sa amin, dahil bukod sa “ate” ang turing namin sa kanya ay isa rin siyang “ina”.


x-o-x-o-x


            Di katulad nung mga katekista na natunghayan ko nung ako ay nasa high school na. Hindi ko maramdaman yung tulad ng naramdaman ko kay Ate Arlene… yun bang napaka-inviting ng presence niya, na kahit sino ka pa, bibigyan ka niya ng halaga at pagkakataon na makilala kung sino ang itinuturing niyang Diyos at kung paano ito nakakatulong sa kanyang paglalakbay tungo sa kabanalan.

            Yung mga katekista kasi namin nung high school, bukod sa madalang naman pumunta ay paulit-ulit ang itinuturo. Yung gusto mo pa sanang mapalalim yung kaalaman mo tungkol kay God pero ilang linggo na kayo nagkikita at yun at yun pa rin ang topic na ibinibigay nila sa amin. Kaya para kaming nag-uumpisa sa simula. Lagi.

            At ayoko ng dating nila sa amin. Yung para bang ipinararamdam nila sa amin na ang sama-sama naming tao hahaha. Na sila, dahil mga katekista ay dapat naming tularan. Na napaka-proud nila sa kinalalagyan nila na para bang kailangan namin silang abutin… sa halip na sila ang bumaba sa amin.

            Minsan may isang babae ang nagturo sa amin. Dahil iyon na naman ang aming pag-uusapan natural lang na hindi na kami interesado sa mga sasabihin niya. Kaya salita siya ng salita sa harapan… hanggang mapansin niya na walang nakikinig sa kanyang mga sinasabi. Mukhang nainis siya sa puntong iyon at bigla na lang bumulalas sa kanyang bibig na kailangan naming makinig dahil kailangan namin matandaan at matutunan ang kanyang mga sasabihin. Kaya parang napatingin kami sa kanya. Sabi niya yung ibinibigay niya sa aming impormasyon ay makatutulong upang maligtas kami sa pagiging makasalanan. Hindi raw para sa kanyang sarili ang kanyang ginagawa kundi para sa amin. Hindi na niya raw ito kailangan dahil “nailigtas” na siya. Napa-nganga ako nung sabihin niya yun. Kung meron mang “big word” nung mga oras na iyon, tiyak yun na nga iyon. Ang lagay pala eh, siya ay “nailigtas” na at sure na sure na sa heaven na siya mapupunta, naitanong ko sa sarili ko nung araw na yun, “Paano kami ‘te? Ikaw lang?”…

            Sa kabilang banda humanga rin ako na ganun katindi ang kanyang pananampalataya para sabihin sa harap ng marami na “nailigtas” na siya. Ang ibig ko namang puntuhin sa sarili ko noon ay sige marahil maaari niya itong i-claim pero gaano siya nakasisiguro? At ang ending dahil mukhang magagalit na siya, nagpa-sub na lang siya doon sa kasama niyang lalaki.

            Nung estudyante pa ako, marami sana akong gustong itanong. Kaso nung mga panahon namin, kapag madalas kang magtanong feeling ng mga nakararaming matalino (?) ay ang “bobo” mo hahaha. Saka wala pa talaga akong lakas ng loob noon. Isa lamang akong tulalang estudyante lols.


x-o-x-o-x


            Tulad nung nagtanong ang kaklase ko sa chemistry teacher namin tungkol sa “mole”. Ang tanong niya paano daw ba nalaman ng mga scientists / chemists na ang isang (1) mole ay katumbas ng 6.02 x 1023 atoms. Hindi ko na rin matandaan kung paano ito nasagot ng teacher namin, ang alam ko lang nagkaroon ng kaunting pagtatalo, hanggang sa nanahimik na lang din yun kaklase ko haha. Siguro hindi lang din naging maganda yung approach ng pagtatanong niya. Sabihin na lang natin na iba kasi yung nagtatanong para manubok at iba rin ang nagtatanong dahil gusto mo talagang malaman.

            Kaya sa klase ko gusto ko talaga na nagtatanong ang mga estudyante ko. Nai-excite kasi ako kung ano yun at kung paano ko ba yun masasagot sa pinakasimpleng paraan na maiintindihan nila. Siguro mapalad din ako na yung mga tanong sa akin ng mga estudyante ay talagang out of their curiosity (o baka feeling ko lang hahaha), na sa loob ko napapangiti rin ako kasi nung ako yung nag-aaral wala akong ganitong freedom na magtanong sa aking teacher. Gustong-gusto ko yung mga makukulit na tanong mula sa mga hetero sections na hindi ko alam kung nakinig ba sila kasi nandun na rin naman yun sa aking discussion hahaha. At lagi kong inaabangan ang mga creative at challenging questions ng cream section kasi natututo rin ako mula sa kanilang mga ideya. At mula sa mga tanong nila doon mo makikita kung na-absorb ba nila yung itnuro mo o hindi. Dahil sabi nga kapag nagtanong ka sa klase ng “Any questions?” kapag ang sagot ay “None,” dalawa lang yan, it’s either madali nilang natutunan ang lesson or “none” na lang ang sagot para maka-iskapo na sa mahirap na lesson na yan hahaha.


x-o-x-o-x


            Sabi nga nila maaari mong ituro ang lahat sa bata. Pero yung kagustuhan at pagmamahal nila sa pagkatuto, ito ang dapat na mag-ugat mula sa kanilang mga sarili.


x-o-x-o-x


“Never lose a chance of saying a kind word.”
- William Makepeace Thackeray


x-o-x-o-x


Question: What ANIMAL would you like to see face to face?

Answer: Koala Bear! (Phascolarctos cinereus)


x-o-x-o-x


#MgaKwentoSaTagAraw
#MyOwnPointOfView
#ThisIsHowIThink
#PapemelrotiQandA



Mga Komento

  1. batang simbahan ako dahil sa religious ang family ko. Pero never ako namilit ng tao na maggayak sa simbahan. Ang iniisp ko kasi bawat tayo ay may kanya kanyang paniniwala. Nirerespeto ko kung ano ang paniniwala nila kaya ito. May kaibigan akong muslim, born again, yung best friend ko INC at kung ano ano pang religion.

    Siguro ako baby panda ahaha cute lang

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Kung sabagay, maaari naman talagang magkaayos ang lahat kahit ano pa ang relihiyon kung ang bawat isa marunong tumanggap at gumalang sa ating pagkakaiba :)

      Burahin
  2. classic yung sasagot ng None sa any questions para uwian na agad hahaha.. flashback bigla sa akin ang elementary days...

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. tama! hahaha :)
      ganyan din kami, lalo na kung napakatagal magturo ng teacher lols :)

      Burahin
  3. It is said in the bible that faith cometh by hearing and hearing the word of God. So, if we really want to know God, we have to seek him with all our hearts and meditate on his words and creation.
    the more one seeks God, the more he will became alive to those who seek.
    I agree that we have to respect each other, but if we love someone, di ba natin sasabihin kung ano ang truth, which we can only find in the word of God. Not to judge, but to work together to know the truth.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Sumasang-ayon po ako sa lahat ng inyong nabanggit. :)

      Burahin
  4. Si mommy joy talaga. Classic response ng born-again Christians. Not that I have anything against them. I just want to concur with what mommy joy said.

    Anyway, when I was a kid lagi din ako kinakaladkad sa simbahan. Nung lumaki nako, dumating nako sa point na nawalan nako ng interes sa spiritual life ko dahil wala akong makitang sagot sa mga tanong ko tungkol sa buhay ko. Wala na akong makitang sense sa buhay. Sa una lagi kami nagaaway ng lola ko. Nung nagtagal, hinayaan na niya lang ako. Medyo nagaalala siya noon dahil parang nagrerebelde nako.

    Hindi naman ako blacksheep. I just started to refuse everything about God. Nung tumigil na ang lola ko sa pag convince sa akin na pumunta sa simbahan, medyo nalungkot ako. Ewan. May toyo din kasi ako sa ulo.

    Believe it or not naging parang katekista ako. Hindi nga lang ako katoliko. I'm not egen sure kung catholics lang ang may figure ng katekista. I terrorized the youth. Ewan ko kung may natutunan sila. I was always remembered as the teacher who invoked the wrath of God.

    But I'm leaving all that behind me. I wanna start all over again.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. 'Spiritual drought' bang maituturing yung mga panahon na sinabi mong 'you refuse everything about God'?

      Naging 'turning point' ba ng iyong buhay nung ikaw ay naging 'parang katekista'?

      I wonder kung ano yung mga iniisip at nararamdaman mo nung mga panahon na iyon... parang nabitin ako sa iyong story hehe :)

      Salamat sa pagbisita Mr. Tripster.

      Burahin
    2. Abangan mo na lang sa susunod na kabanata. hehehe! I'm writing something about a part of my so-called spiritual life....

      Burahin

Mag-post ng isang Komento