Mali Talaga ang Umasa

Korni man ang mga promises, biktima pa rin ako nito. Yung tipong tinatanaw mo na ang hinaharap pero lumilingon ka pa rin sa nakaraan. (emo lang)

Magkaibigan kami. Magkaklase sa elementarya. Halos lahat ng sikreto ng bawat isa ay alam namin. Madalas nga kaming tumambay sa bahay nila. Food trip, kwentuhan at tawanan.

Gayunpaman, di ako ang gusto ni Ara. May pagtingin sya sa isa ko pang kaklase na si Rowel. Ok lang naman yun sa akin, at least di man ako ang gusto nya, mas madalas naman nya akong nakakasama kumpara kay Rowel.

Minsan tinabihan ko sya sa upuan. Simpleng daldalan ganun lang. Hanggang sa naitanong ko sa kanya kung bakit ba niya nagustuhan si Rowel. Tawa lang sya ng tawa. Di niya suguro inasahan na sa akin pa manggagaling ang tanong na iyon. Pero sinagot pa rin naman nya ang tanong ko. Sabi niya, nagustuhan niya raw si Rowel dahil matalino, mabait, palangiti at gwapo. Sa loob-loob ko nasabi ko na lang- bakit matalino rin naman ako parehas naman kaming nasa top 10 ni Rowel, mas mataas nga lang ang rank niya sa akin, mabait din naman ako kaya nga nya ako naging kaibigan, pala-ngiti rin naman ako, pero mas gwapo lang talaga sya sa akin lol (pero dati yun, ewan ko ngayon hehe).

Hindi ko naman siya pinilit na magustuhan ako. Naiintindihan ko siya bilang kaibigan. Bago ako bumalik sa upuan nagpahabol pa ako ng isang tanong; tinanong ko siya na panu kung hindi ka pansinin ni Rowel? Si Rowel kasi ay parang heart throb na sa aming klase. Sabi niya ok lang naman daw, alam niya rin na baka hindi siya pansinin nito, sabay ngiti pa ni Ara. Tapus nabigla na lang ako nung idagdag niya na- "oh sige pag malaki na tayo at wala pa rin tayong bf at gf, gusto mo tayo na lang?" Lumaki ang aking mga mata nang marinig ko yun, parang good news lang ang dating. Wala namang halong pag-iimbot ang pagsagot ko sa kanya ng- "sige ba! sabi mo yan ah" sabay tawa naming dalawa. Pagkatapus ng maiksing usapan namin na yun, bumalik na ako sa aking upuan. Sa katunayan, magkatabi pa kami ni Rowel sa upuan, para bang gusto kong sabihin sa kanya na di mapupunta sa kanya si Ara haha.

Di ko alam kung seryoso sya o hindi sa mga nasabi nyang yun. Alam kong bata pa kami, pero marunong na akong umasa sa mga pangako. Umasa ako na balang araw mangyayari rin iyon.

Lumipas ang mga araw, nagtapos na rin kami. Nagkahiwalay na kami ng landas nung high school. Wala na kaming komunikasyon. Wala na akong  balita kay Ara.

Alam kong maraming pagbabago ang magaganap; na sa pagyabong ng aming isip, maaaring ang pangakong iyon ay di na matupad.

Nung kami'y nasa kolehiyo na, nagkaroon ako ng pagkakataon na matext ang mga dati kong kaklase. Magiliw nilang kinukwento ang masasaya nilang bonding nung high school. May panghihinayang din sa akin na hindi ako nakasama sa kanila dahil lumipat kami ng tirahan. Hanggang text na lang ang pag-uugnay namin ni Ara. Sinsero kong sinabi na na-miss ko na ang aming samahan at malulutong na tawanan :) Naitanong ko pa nga kung naging sila ba ni Rowel... kinabahan ako... buti na lang ang sagot niya'y- "hindi naging kami." Mula noon. inasam ko na kami'y magkita muli kasama ang barkada.

Labis kong ikinatuwa ang aming pagkikitang muli. Ganun pa rin ang tropa- masayang kasma, makulit, maloko. Halos di matapos ang aming kwentuhan, tawanan at biruan. Yun ang isa sa mga araw sa buhay kong ayokong magwakas. Nagkaroon ako ng pagkakataon na makausap si Ara. Tinanong ko kung natatandaan pa ba nya ang aming naging usapan. Di naman nya iyon nakalimutan. Pero sabi niya hanapin ko na lang daw ang aking kasiyahan. Di na ako umimik. Di ko man lubos na naintindihan ang nais nyang iparating, may kutob akong alam ko na ang ibig nyang sabihin.

Parehas naming binuo ang pangakong iyon. Pero di ko inasahan na maiiwan akong mag-isa. Maaaring ito talaga ang itinakda nga pagkakataon.

Meron na pala siyang kinakasama. Hindi pa naman sila kasal pero may anak na rin sila. Di ko alam kung ano ang dapat na maging reaksyon ko. Dahil naisip ko, wala akong karapatan na manisi o magalit sa kanya. Masyado lang akong umasa sa pangakong iyon. Gayunpaman, masaya pa rin ako sa aming pagkikta.

Matagal kong pinanghawakan ang pangakong iyon.Sana pala nakinig na lang ako sa paboritong kasabihan ng kalog kong kaibigan; baka nga totoo na promises are meant to be broken...

Ayos lang na naiwan akong nag-iisa. Susundin ko ang kanyang payo na hanapin ang aking kasiyahan.




Mga Komento