G A L A



            20 May 2018. Pagkatapos ng fun run (kick-off activity ng Brigada Eskwela para sa school year na ito) kasabay kong kumain ng almusal sa Masayang Bee sina Darryl at ang co-teacher niya sa senior high na si Sir D. Masama pala na nag-i-fb si Darryl habang kumakain, kung ano-ano ang nakikita lol. Hindi ko matandaan kung sa fb ba niya nakita na libre ang entrance fee ng Ayala Museum para sa araw na ito, o kung si Sir D ba ang nagbanggit habang kumakain kami. Basta, ang sumunod na eksena ay natagpuan namin ang mga sarili na nasa byahe na patungong Maynila. Nagkaudyukan na kaming gumala. Kahit hindi ko sigurado kung sapat ba yung dala kong pera (dahil wala naman ito sa plano) ay gumora pa rin kami, tutal nandyan naman si Darryl kapag na-out of budget kami ni Sir D. Idagdag pa na wala man lang akong dalang pamalit na damit, o kahit ano like payong kasi summer ang inet, pero dahil parehas lang naman ang aming mga kalagayan, go na!

            Maaga pa para magpunta sa Ayala, kaya napag-desisyunan namin na mag-Intramuros muna, libre din kasi ang Fort Santiago at yung Bahay Tsinoy (pero na-fake news kami sa Bahay Tsinoy, tapos na pala ang pa-free entrance nila). Under the scorching heat of the sun ay nilibot namin ang Walled City. Manila Cathedral yung isa sa aming mga napuntahan. Naligaw kami ng konti sa paghahanap sa Fort Santiago, pa’no kasi ang tanong namin ay kung saan ang Fort Bonifacio lol, kaya na-confuse siguro yung mga napagtanungan namin. Parang may parade ng United Nations, mukhang hindi lang kami ang patola sa mga libreng ganap sa araw na ito; meron ding mga turistang Koreans, Indians, mga mukhang Latin-American, at yung iba mga taga-Europa.

Sa araw ding ito napatunayan namin ni Darryl ang pagiging hospitable ng mga Filipino… sa mga dayuhang turista. Paglabas namin ng Fort Santiago, naghanap kami ng mapagbibilhan ng pamalit na damit. Tumawid kami patungo dun sa isang souvenir shop. Sa madaling sabi pumasok kami dun para tumingin ng maaaring bilhin; sa totoo lang, di kami bumili kasi ang mahal eh para lang sa pamalit na damit, pero maganda yung mga designs nila, mas priority ko lang talaga ang makapaglaan ng pamasahe pauwi hahaha. Kami lang yung customer sa loob, may nag-assist naman sa amin kahit paano, di nga lang ganun kasigla si ate di tulad nung dumating yung ilang foreigner palapit sa kanilang shop. Yung hindi pa nga pumapasok yung mga dayuhan ay may pa-“good afternoon” na banat na si ate at may willingness na papasukin sila sa shop. Napatanong tuloy ako kay Darryl kung natandaan ba niyang binati kami ni ate nung kami yung pumasok sa shop nila, kasi parang walang ganung ganap sa amin eh hahaha. Alam na!

            Nakapagpalit naman kami bago tumungo sa Ayala Museum. May palapag sa museo ng Ayala na hindi maaaring gumamit ng cellphone o ano mang gadget para kumuha ng larawan. Doon sa palapag na ang ini-exhibit ay yung mga gintong pamana ng lahi (Pre-Colonial Treasures in the Philippines). Napanuod ko ang tungkol dito sa isang dokumentaryo, di ko inasahan na makikita ko rin pala ang mga ito ng personal; ang astig ng artistry at designs, masinsin ang pagkakagawa.

            Napagod man, naging masaya at makabuluhan ang araw na ito, marami kaming natutunan mula sa biglaang gala. At ang quote of the day ay – “If friendship is your weakest point then you are the strongest person in the world,” ni Abraham Lincoln.😊

            Narito ang ilang kuhang larawan ko noong araw na iyon (ito lang talaga yung gusto kong i-share eh):

L A M P  |  20 May 2018

G R E E N  |  20 May 2018

S I L A H I S  |  20 May 2018

K A L Y E  |  20 May 2018

Y E L L O W  | 20 May 2018

K A L E S A  |  20 May 2018

S A N  P E D R O  |  20 May 2018


Mga Komento

  1. Ay may pagbabagong anyo dito sa blog :p Anung ganap?

    At pumo-photography!! Naks pero great shots

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. May nagbagong bihis :)
      Idol kasi kita sa photography ate D!

      Burahin

Mag-post ng isang Komento