Mga Pahina

Lunes, Hunyo 27, 2016

"Magpapayong na lang muna..."


2016.06.25 - Lakad sa tanghaling tapat. (Ako, Neri, Eldie, at Pawlik)


                Na-miss na namin (o baka ako lang) ang kumain sa karinderya malapit sa eskwelahan (tuwing sabado). Noong mga nakalipas na sem ay mas madalas kaming kumain doon; mura na, lutong-bahay pa, at saka masarap naman. Mas nakakabuhay sa pakiramdam kaysa pagkain sa mga fast food na puro na lang ata “magic sarap” (mga preservatives etc.) ang sangkap.

                Madalas naming orderin sa karinderya ang lumalaban sa lutong (o tigas? hahaha) na lechon kawali; minsan ang panghalina ko ay yung igado na madalas kong napagkakamalan na adobo.

                Kaya lang, sa ngayon, dahil sa sobrang init (lalo pa’t sa mesang nasa labas ang paboritong pwesto namin) kaya doon na lang muna kami sa mga may aircon (fast food); tiis lang ng kaunti sa paglakad sa ilalim ng araw tuwing tanghali (with payong of course, kahit wala namang iniingatan pang kutis lols). Siguro pag dumalas na ang ulan (kapag medyo malamig na ang panahon) ay babalik ulit kami sa pagkain doon. Magpapayong na lang muna, makapunta at makakain lang sa may aircon!


*Ang larawan ay mula sa fb ni Pawlik.



Huwebes, Hunyo 23, 2016

topaz 01: "...nagbaon ako ng acetone!"


Diagnostic test ng mga bagets. Kaya habang wala pa akong maisip na gagawin (kahit meron) ay ito muna… type-type.

Kung bakit ba kasi ang hirap paniwalaan ng mga pasaway na estudyante. Tulad ni Amiel… kinailangan ko pang pasamahin kay Lorie Mae (bise-presidente ng klase) para masiguro ko na sa clinic talaga ang punta. Sa kasawiang palad, sarado pa nung unang punta nila… buti na lang itong si Zurbano ay nakapagbigay ng isang pirasong paracetamol; na-amaze pa ang lahat dahil isang bugkos na plastic ng mga gamot ang dala niya, ang sabe meron daw kasi siyang ubo at sipon.

Naisip ko, sana hindi naman malaking kabawasan yung isang paracetamol na nabigay niya, kasi mukhang binili pa mula sa reseta yung mga gamot niya. Sa susunod, kailangan ko na rin sigurong magbaon ng paracetamol para sa kanila, kung sakaling hindi agad makakuha sa clinic.

Speaking of baon… nagbaon ako ng acetone! Kahapon ay sinabihan ko ang klase (partikular na ang mga babae) na magbabaon ako ng acetone para mga kuko nilang may kyutiks. Good thing, ngayong araw ay wala nang mga pinta ang kuko nila. Sayang tuloy ang dala kong acetone hahaha.

Late ang presidente ng klase na si Storm (na-traffic daw kasi siya sa may ginagawang daan). At mas lalong late naman si Pineda, hindi raw kasi siya ginising ng nanay niya. Pinagsabihan ko si Pineda na malaki na siya at di na niya kailangan pa ng taga-gising. Hindi ko lang tiyak kung binibeybi ba talaga siya ng kanyang ina; noon kasi ay naging estudyante ko na rin si Pineda sa isang back subject nya… at oo, hinahatid pa sya noon ng nanay niya.

8:15 pa lang… mamayang 8:40 pa ang recess.


2016.06.23 (Thu, 7:55 AM)
Sa klasrum.



Lunes, Hunyo 20, 2016

"– lahat na lang gustong isalaysay; itatala kahit pa maliliit na bagay."


                Kung nag-uubos ng oras ang mga “artists” para mapahusay ang kanilang skills sa paglikha, marahil ay ganun din sa pagsulat. Hindi lang kasi ganuon ka-visual ang output ng mga manunulat; ang ibig kong sabihin, kahit saang anggulo mo man tignan, puro titik lang naman ang iyong makikita (di tulad ng mga likhang sining na napaka-visually appealing). Pero, kung susubukang “basahin” ang mga isinulat na kathang-sining, isip mo’y mapupuno ng mga imaheng makukulay na may iba’t ibang anyo rin.

                Hindi rin marahil madali ang magkaroon ng isang “manunulat” (o gusto lang magsulat) na pag-iisip. Kung paanong lagi na lang nangangati ang iyong mga kamay sa paglikha (para sa mga artists halimbawa), ganuon din kalikot ang isip ng mga nais magsulat – lahat na lang gustong isalaysay; itatala kahit pa maliliit na bagay.



Lunes, Hunyo 13, 2016

dagli 12: spaghetti


                Di naman talaga kita kilala. Nakita lang kita habang kumakain akong mag-isa. May nakasuksok na bluetooth earphone device sa iyong kanang tenga; tapus naka shades ka pa, bitbit mo ang tray na may spaghetti, naupo ka at kumain. Naalala ko tuloy si Eldie (at ang paborito n’yang spaghetti)… kaya nag-text na lang ako kay Neri –

                “Hindi masayang kumain mag-isa sa Jollibee.”


Sunday, pasado alas-dose ng tanghali
Jollibee Malanday
2016.06.13



Linggo, Hunyo 5, 2016

dagli 11: "hindi ako stick to one..."


                Nung makalawa, nakita ko yung makapal na novel na binabasa nya, papalapit na s’ya sa mga dulong pahina (sa tingin ko mga ilang araw din ang ginugol nya mula nung umpisahan n’ya itong basahin). Kinabukasan, halos iilang pahina na lang. Tapus ngayon, may bago na naman s’yang hawak na makapal na novel book… Bakit may mga taong ang bilis magbasa? Bakit ako hindi ganun hahaha.

                Na-observe ko lang na hindi ako ‘stick to one’ kung magbasa ng libro. Pupulot ng isa… tyatyagain basahin ng 2 sunod na araw (swerte na kung dere-derecho pero madalang ang ganun). Hindi pa man din nakakatapus, iniisip ko na yung susunod na gusto kong basahin (lalo na kung may bahagi na parang napagod o na-bored akong basahin). Magbabasa muna ng iba, saka na lang ulit babalikan; kung hindi ganun ang mangyari ay naiiwan ko na.


                Natatandaan ko, may isang libro na hindi naman ganuon kakapal (koleksyon ng mga maiikling kwento) ang natapus ko sa loob ng isang sem (na actually ay inumpisahan ko nang basahin noon pa, pero naiwan ko sa ere). Kapag sabado, sa tuwing bibyahe ay yun ang hawak ko sa jeep bago makarating ng lrt. Ayun, natapus ko naman kahit kada sabado ko lang s’ya nahahawakan.


2016.06.03 (Fri, 6:24 PM)


Biyernes, Hunyo 3, 2016

"– si Berto, si Portia at si Ulo."


                ABNKKBSNPLAKo?! Ni Bob Ong –

                Ito ang unang libro ni Bob Ong na nasilayan at nabasa ko (actually ‘medyo’ nabasa lang) na ginawa naming play para sa finals sa isang subject noong kolehiyo (sa Humanities ata kung hindi ako nagkakamali). ‘Medyo’ lang kasi kinailangan ko lang itong basahin para maintindihan ko yung daloy ng kwento sa script na hinango mula sa libro ng kaklase kong si Gilbert na halatang noong oras na iyon ay panatiko ng libro na ito; sa katunayan, siya ang nag-suggest na ito ang gawin naming play; idagdag pa na s’ya rin ang nagsilbing taga-direk sa amin bilang s’ya lang naman ang nakabasa ng buong libro noon.

                Gumanap ako bilang isang karakter sa play namin na iyon (di ko na nga matandaan kung sino eh)… at take note, musical play pa (ni hindi ko nga matiyak kung kumanta ba ako noon o nag-monologue).

                Noong 2014, isina-pelikula na pala ang libro. Sa mga sandaling ito (2016.06.02 / Thu 8:12 PM) ay hindi ko pa rin napapanuod; excited lang talaga ako na alalahanin ang kwento dahil na-download ko ang pelikula, kaya manunuod na muna ako at kapag sinipag ay baka makagawa ng kaunting salaysay.


-o-O-o-


                *Pagpapatuloy – 9:53 ng gabi.

                Maikli lang ang pelikula, lampas ng isang oras pero di hihigit sa isa’t kalahati. Sa umpisa ay may nostalgic effect (maka-english lang ng konti lol) ang narration sa mga unang eksena… naalala ko sa play namin ay may narration din.

                Ang kwento nga pala ay isang autobiography – ni Roberto Ong. Di ko nga lang tiyak kung ilang porsyento o gaano kalaking bahagi ng naisulat ang sadyang totoo… dahil ni hindi ko pa nga nakikita ang anonymous writer na si Bob Ong (o baka huli na ako sa balita, nagpakita at nagpakilala na ba s’ya?).

                Umiikot ang pelikula sa istorya ni Roberto – mula elementarya, hayskul at college. Naalala ko, tatlo nga pala kaming gumanap na Berto para lang ma-portray ang karakter nya sa magkakaibang punto ng kanyang buhay (di ko matandaan pero baka hayskul o college? ang ginanapan ko).

                Di hamak na mas maganda ang pelikula kumpara sa aming play! Di ko masabi ang mga pagkakahawig; sa tingin ko magkaiba sa approach pero parehong kwento ang isinasalaysay (yung sa amin – ‘pilit na isinalaysay’ hehehe).

                Tatlo silang magkakaibigan sa kwento – si Berto, si Portia at si Ulo. At ewan ko kung bakit di ko maalala sa play namin ang mga karakter ni Portia at Ulo (pero natatandaan ko sila sa binasa ko noon). Palagay ko, nag-concentrate lang kami sa karakter ni Berto. Malapit na talaga akong makumbinsi na ang pinaka-matatag na pagkakaibigan ay sa form ng isang triumvirate! Tatluhan talaga ang pinaka-ideal.

                May tagpo na ‘reunion’ sa pelikula / kwento. Kahit kailan di pa ako naka-attend ng reunion na malakihan o maramihan. Puro mga ‘mini’ at ‘cute’ version lang hahaha.

                Maganda naman ang naging film adaptation ng “ABNKKBSNPLAko?!”

                Natural lang na sabihin kong mas okay din kung nabasa mo muna ang libro. Sa libro kasi ay mas detalyado. At lagi naman sigurong ganun.

                Ang pinaka-paborito kong tagpo sa pelikula ay yung Pasko at ibinibigay na ng tatay ni Berto ang kanilang mga regalo (galing ang tatay ni Berto sa abroad), kinuha nya ang regalo at daling pumasok sa kwarto. Isinulat nya (dahil hirap s’yang sabihin ng personal) na kahit pa lumipat na sya ng paaralan sa kolehiyo ay dalawang buwan na rin syang hindi naman pumapasok sa eskwela. Bumalik sya sa hapag-kainan at iniabot ang sulat. Ang expected kong susunod na eksena ay magagalit ang magulang, pero hindi… sinabi ng tatay ni Berto na maaari muna syang huminto kung hindi pa sya palagay sa pag-aaral at wag na nyang alalahanin ang naibayad na matrikula; sinegundahan naman ng kanyang ina sa pagsabi ng – “Hindi ibig sabihin nito na suko na ako sa pangarap kong mapa-graduate ka sa kolehiyo, pangarap ko pa rin iyon para sa iyo.”

                Ganuon sana ang lahat ng magulang…

                At syempre, paborito ko rin ang lahat ng eksenang magkakasama sila Berto, Portia at Ulo!


2016.06.02



Miyerkules, Hunyo 1, 2016

"Pagmulat ng mata, langit nakatawa sa..."


Pagmulat ng mata,
Langit nakatawa
Sa 
Potipot,
Sa 
Potipot
Tayo nang magpunta
Tuklasin sa 
Potipot
Ang tuwa, ang saya!

Doon sa Potipot
Tayo na, tayo na
Mga bata sa Potipot
Maliksi, masigla! (2X)

- Batibot Theme Song -




Potipot Island, Candelaria, Zambales. (2016.04.11 / Mon, 6:15 AM)




            Bago umuwi sa kamaynilaan ay maaari ding dumaan muna sa Zoobic Safari para makita (at pwede ring pakainin) ang mga hayop dito. Narito ang ilan sa kanila -






Zoobic Safari, Subic. (2016.04.12 / Tue, 2:02 PM)








            Pasyal na! It's more fun in the Philippines!


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...