Lumaktaw sa pangunahing content

anino atbp.


                Sabado.

                Ang sabi ni Prof. M (tatagalugin ko na lang) “kahit na ang ating anino ay iiwanan tayo sa dilim; kaya nararapat lamang na may mga bagay tayong nagagawa nang mag-isa… yung hindi umaasa sa iba.” Hindi ko alam kung ito ba ay ‘hugot’ nya noong araw na iyon, o sadyang tinadhana na ipatama sa akin hahaha. Kaka-text ko lang din noon kila Eldie at Neri, magpapasama sana akong bumili ng uniform sa SM Manila o North o kahit sa Divi (kung saan meron at kung sila ay available). Ito ay sa kabila nang napakalapit ko naman at madaraanan ko pa pag-uwi ang SM Manila… hindi ko lang talaga feel ang magpunta at maglibot doon nang mag-isa.

                Sakto namang huli na nang mabasa nila Eldie at Neri ang text ko, pauwi na sila (galing sa library ng ibang unibersidad). Maaga ring natapos ang klase; gustuhin ko mang tumambay muna sa library ay lowbat naman itong primitive kong laptop na may anim na keys na hindi gumagana, da best talaga! Kaya minabuti ko na lang na mag-stay sa klasrum at mag-charge muna habang kausap ang isang klasmeyt sa likod about sa kanya at sa ilang mala-MMK na buhay at pakikibaka ng isang buhay-guro. Yung ibang kasama namin ay mas pinili na lamang na matulog (siguro ay may last subject pa sila, o nagpapahinga lang bago sila umuwi; yung iba naman ay nag-ubos na lang muna ng oras sa panunuod ng Korean movie o tv series ba yun (di ko na kasi inusisa eh) sa kanilang mas high-end na laptop, ang alam ko lang emote sa reaksyon ang klasmeyt namin na yun habang nanunuod).

                Lumabas na rin ako ng eskwelahan matapos magpaalam ng aking kakwentuhan; pupunta raw muna siya sa library at gagawa ng assignment sa Statistics. At parang holiday lang ang madalang na pagdating ng mga jeep sa labas. Napansin ko, habang naghihintay ng masasakyan, na nakabukas ang gilid na gate ng San Sebastian Church na dati namang nahaharangan lang ng mga nakaparadang sasakyan. Kaysa naman tulalang creature lang ako sa gilid ng kalsada, doon na lang muna ako nagpunta. Doon ako dumaan sa noon ko lang nakitang bukas na gate sa gilid ng simbahan.

                Kaya naman pala, sa gilid kasi nakatayo ang isang pop-up library (ng The Book Stop Project) at dali-dali pa akong naglakad papunta doon na akala mo ay mauubusan ako ng espasyo at pwesto samantalang isang babae lang naman yung nakaupo at nagbabasa sa pop-up library nung mga oras na iyon. Hindi ako nagmadali nang dahil kay girl, nagmadali ako dahil excited akong makita kung anu-anong mga libro ang naroon hahaha. Sad to say, ang kaunti na lang ng mga libro, naisip ko naunahan na akong mamiyesta ng iba. Ang sabi, maaari kang kumuha ng librong nagustuhan mo pero dapat ay magdo-donate ka ng kapalit, o kaya naman ay pwede ring hiramin at ibalik. Ang tanging dala ko lang na libro sa aking bag ay ang “Erick Slumbook” na hanggang ngayon ay tinatapos (o tinatago na lang hahaha) ko pa rin – nasa mga dulong pahina na rin naman ako, kaunting sipag na lang, mapipirmahan ko na ang dulong pahina (pinipirmahan ko kasi na may kasamang date ang pinakahuling pahina ng bawat libro na matatapos kong basahin… yun ay kung matapos ko ngang talaga lols).

Sa madaling sabi, hindi ko nagawang ipagpalit ang “Erick Slumbook” ko sa alin mang libro na naroon. Dagdag pa, kung may nakita man akong interesting na science book eh luma na (yung tipong hard-bound at brown na ang kulay ng mga pahina); at saka may sentimental value na sa akin ang libro kong iyon – para ko na ngang naging kapitbahay sila Fanny at Roli, at animo’y nasubaybayan ko na rin ang paglaki at pag-develop ni Erick. Kaya matapos ang ilang pagtingin sa mga titles ng book (at hindi kay girl hahaha) ay nagtungo na lang din muna ako sa loob ng simabahan para kahit paano ay makapanalangin ng world peace. Char-mander.

                Unang pwesto ko sa loob ng simabahan ay sa bandang dulo na mga upuan. Kaso di naman ako makapag-concentrate dahil sa init at saka mas marami ang mga taong nauupo sa bandang likod kaysa unahan; kaya naisipan kong lumipat sa bandang gitna kung saan nakabukas ang malaking pintuan sa magkabilang gilid kaya tagusan ang hangin! Ikalabing-tatlong row ng upuan mula sa pinakauna sa harapan – yan ang bilang at eksaktong pwesto ng fresh na fresh na spot sa loob ng simbahan. Natakot lang ako dahil pagtingala ko ay umuugoy ang chandelier na halos nakatapat na sa akin. Dahil sa ginhawang dulot ng hangin, di na ako umalis pa sa aking pwesto… pero nakakabahala rin ang bawat “klink-klank” ng mga piraso na glass ng chandelier. Ang ipinag-aalala ko talaga ay yung masabihan akong “tanga” kapag tuluyan na nga itong bumagsak hahaha; alam ko na ngang malakas ang hangin at umuugoy ang chandelier pero dun pa rin ako pumwesto, nasaan ang aking logic?! Pero dahil matibay naman ang tension force ng tali/kordon na sumusuporta sa chandelier at bilang di naman sapat ang torque na nililikha ng hangin bilang unbalanced force na nagdudulot ng pag-ugoy nito kaya safe and sound pa rin naman ako hanggang ngayon.

                Ang ikinairita ko lang ay hindi ko matapus-tapos ang panalangin kong may kinalaman sa world peace, dahil una nadi-destruct ako sa dalawang lalaking nasa unahan ko na akala ko ay nagko-confess sa isa’t isa pero yun pala ay nag-uusap tungkol sa mga principal nila hahaha (o baka mali rin ako ng pag-intindi sa aking narinig). Dagdag pa na sa mismong likod ko ay may mag-jowa rin na kwentuhan nang kwentuhan at ginawang park ang loob ng simbahan. Pinag-uusapan nila ang kanilang midterm, mga schedule ng bayarin sa eskwelahan, kanilang mga kagustuhan o preference sa buhay, ang kanilang buhay-estudyante at marami pang iba. Kaya in-enjoy ko na lang ang hangin (pati na yung pag-klink-klank ng chandelier… oh sige pwede na ring idagdag yung pakikinig ko sa usapan nila, no choice eh!).

                Alas-kwatro na ng hapon nang lumabas ako ng simbahan, at nakita ko na mas marami nang tao sa may pop-up library; kukunan ko sana ng picture kaso nahiya naman akong magmukhang stalker ni girl (na nakaupo pa rin doon at nagbabasa).

                At nagpunta akong mag-isa sa SM Manila. Habang patungo ako sa BookSale ay sinalubong ako ng mga nag-aabot ng kung ano mang paraphernalia na hindi ko na mabasa dahil kulang na lang ingudngod nila ito sa bawat tao na makakasalubong nila. To appreciate their effort, kumuha ako ng isa, akala ko kasi parang mga flyers lang na kapag kinuha mo sa kanila ay solve na! Yun pala may sulat-sulat pang event. Inabutan ako ng pulang bolpen ng isang agent (na lang ang itatawag ko sa kanya) at sulatan ko daw muna. Ginulo-gulo ko ang sulat ko, kunwari ay cursive na pang-doktor. Alam ko na rin naman ang susunod na mangayayari, sasabihin na ito ay raffle-thingy tapus hahanapan ka ng ID pati na ATM. Sa sarili kong pananaw, hindi dapat hinahayaan ang ganitong mala-harassment na pagbibigay ng info, at saka bakit ako magbibigay ng info sa tulad nito na hindi ko naman lubos na naiintindihan. Pinakita ko na lang ang student ID ko, sinabi kong wala akong dalang ATM o kahit na ano pang ibang ID; echos kong pinirmahan ang pirasong papel na sinulutan ko nung una. Iniwan niya sa akin ang mas malaki pang bahagi, sinulat nya ng kanyang numero, i-text ko raw siya pag nanalo ako… nye!

                Lumakad at umakyat na ako gamit ang escalator para hanapin ang Department Store. Tapus, hindi ko mabalanse sa isip ko (kung meron man) kung bakit kapag mayaman ay bagay sa kanila ang magpunta ng mall kahit pa nakapambahay lang – may nakita akong nakasuot ng lumang sando, naka-shorts at tsinelas, pero dahil halata naman sa kutis at itsura na may sinasabi sa buhay itong si kuya ay parang okay lang na ganun syang magbihis at magpunta sa pampublikong lugar gaya ng isang mall. Kasi inimagine ko na kung ako yung may suot ng outfit nya baka di ako papasukin ng guard! Hahaha.

                Nilibot ko ang section ng Men’s Wear para maghanap ng kakulay at halos kaparehas na design na polo-barong na uniform namin ngayon. Meron naman nung kulay white na hinahanap ko, yun nga lang wala nang ibang size kundi large (naubos na raw agad). Meron din nung hinahanap kong off-white… pero gusot-mayaman lang ang tela. In other words, bigo ang nararapat na salita.

                Ang tanging tagumpay ko lang nung araw na iyon ay nang magawa kong magpunta, maglibot at magtanung sa sales clerk nang mag-isa – ito lang naman talaga ang nais kong ipabatid sa aking istorya.



Mga Komento

  1. sa manila ka pala nagwowork.
    i remember taga valenzuela ka, right?
    vice versa tayo pala.

    ay btw. hello pala. ang tagal ko na din di nag babrowse.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. hindi, sa manila ako nag-aaral (aralan hahaha) tuwing sabado
      pero sa may beloved valenzuela city pa rin ako naninirahan at nagtatrabaho

      kamusta na rin pala? ang tagal mong nawala...

      Burahin
  2. gusto ko 'yong ganitong kuwento, pakiwari ko ay nasa likod mo akong nag-stalk sa mga ginawa mo nung araw na 'yon.

    Bukod sa sanay ako sa mga solong lakad na ganito. Wala ako gaanong issue magsolo lalo's wala naman gaanong mabigat na plano. Hahaha

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. salamat!

      buti ka pa, nasanay kasi akong laging may kasama...

      Burahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

pagiging nocturnal; paggawa ng to-do-list

  22 August 2025 (1:22 AM)      Nagpapaka-nocturnal na naman akong tao, lalo na kapag walang pasok. Parang ayoko na pala gumawa ng to-do-list. Nakaka-frustrate kasi kapag hindi ko nagagawa [lahat]. O baka marami kasi ako maglista, tapos di naman kasya sa isang araw. O kaya baka iniisip ko na kapag naglista ako ng mga gawain ay dapat kong tapusin lahat sa araw na iyon. Ang ending, after ko maglista ng mga gagawin [at na-overwhelmed ako sa dami] ay itutulog ko na lang, hahaha. Tapos, cram. Iyak.

Wonder Pets, Wer N Kau? :)

Gusto ko nang hingin ang tulong ng Wonder Pets sa mga ka-busy-han na nangyayari sa buhay ko, parang konti na lang, mauubusan na ako ng pasensya at tiyaga lol :) "sa telepono, may tumatawag. ang telepono, sagutin natin! sa telepono, may tumatawag! may humihingi ng tulong, may humihingi ng tulong,  may humihingi ng tulong kung saan." hindi malalaki at hindi malalakas, pero pag nagtulungan, lahat malulutas. goooooo wonder pets, yaaaaaay! Punuin Natin ang Board: Ang gulo lang ng sulat di ba? Matapos ang aming activity about 'free fall egg' (yung ihahagis yung itlog mula sa third floor tapus dapat 'wag mabasag, gamit lamang ang ilang materials), tinanong ko yung mga students to think of factors na sa tingin nila ay nakaka-affect sa rate of fall ng isang object... I ask them na isulat ang kanilang mga naisip sa board... nakakalurkey lang yung iba, nakaka-apekto na rin pala ngayon sa rate of fall ang beauty, hope, pain, faith at enthu...

68.95

  11:16 PM 1/3/2025 Kanina, nag-combine na lang ng mga sections dahil sa sobrang kaunti ang pumasok. Yung ibang students nga ay nagpasundo na lang para makauwi. Nag-request naman ang grupo ng TDC na sa January 6 na lang sana i-resume ang face-to-face classes. Ayun, walang naging tugon. Inakala ba nila na nagkaroon ng saysay yung pag-resume agad ng klase? Hindi. Excited na talaga akong maayos at malinis ang mga gamit ko sa kwarto. Yung commitment na lang talaga yung wala. Gusto ko na ayusin yung collection ko. Nakaka-eme naman na itong taon na ito, baka maging tulad lang din ng maraming lumipas na taon. Sana maiba. Last year, may personal achievement naman, lalo na nung makatapos kaming tatlo nila Eldie at Neri ng MAEd namin (na para bang hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos dahil hindi pa kami nakapag-bind, umay na hahaha) . At dati, inakala ko, kapag nakapagtapos na kami eh okay na ang lahat, pero bakit feeling empty pa rin ako? Ewan. Sa isip ko, ang dami pa ring pwedeng ...