“Iba talaga ang mga bata ngayon eh,”



     Kaninang tanghali habang naglalakad ako sa covered court papunta sa faculty, nasalubong ko si student A (na isa sa aking advisory class) kasama ang ipinakilala niyang parent o nanay niya. Pinasunod ko sila sa faculty para maibaba ko muna ang aking gamit at makausap ko silang mag-ina. Ang totoo niyan, hindi lang ang parent ni student A ang pinapupunta ko (last week pa) kundi pati na rin ang ilan sa mga kaklase niya, ngunit laging ang sagot sa akin ng mga bata ay hindi raw makapupunta ang kanilang magulang sa sari-sarili nilang dahilan.

     Ang dahilan kung bakit ko pinatatawag ang kanilang magulang ay dahil sa kanilang pagka-cutting class. Kasagsagan noon ng habagat at kare-resume pa lang ng klase; itong sila student A and company ay hindi pumasok sa eskwela, sa halip ay nagpunta sa mall at sa bahay ng klasmey nila. Ang idinahilan sa akin ng isa ay dahil daw sumakit ang tiyan nya. Wow ang galeng! So, kapag sumakit ang tiyan ay sa mall pupunta?

     Tinanong ko ang nanay ni student A kung naikwento na ba ng anak niya ang ginawa nila, “Oo,” naman sagot ni nanay, tapus ngingisi-ngisi pa si student A. Di ko mawari si nanay kasi wala man lang akong nakitang “pag-aalala” o yung feeling ba ng disappointment sa ginawa ng anak. Wala man lang din akong naramdaman na emosyon sa pangangaral niya sa anak niya, parang feeling ko ay okay lang sa kanya ang nangyari. Sinabi ko na lang kay nanay na delikado ang ginawa ng anak niya (lalo pa at babae siya) na paano na lang kung may mangyaring masama noong nag-cutting sila, yung inakala niya na pumasok sa eskwela ang kanyang anak pero yun pala ay napahamak na sa labas. Pinasulat ko sa papel si nanay bilang katunayan na naipaalam ko sa kanya ang nangyaring ito at pinapirma, hiningi ko na rin ang kanyang contact number para madali ko siyang makontak ulit kapag kailangan.

     “Pagpasensyahan nyo na sir,” banggit ni nanay. Di ko “gets” kung bakit niya yun sinabi, bakit ba siya nanghihingi ng pasensya sa akin, eh hindi ko naman ginawa iyon para sa sarili ko kundi para sa kanilang mag-ina. “Iba talaga ang mga bata ngayon eh,” dagdag pa niya. Tumango na lang ako kay nanay.

     Hindi naman sa gusto kong pagalitan niya ang kanyang anak sa harap ko; siguro hinanap ko lang yung “pwersa” ba sa kanyang pangangaral sa anak tulad ng ibang magulang na nakausap ko, pakiramdam ko kasi yun yung patunay na kaya mong pasunurin at gabayan ang iyong anak.

     Naibulong ko na lang sa aking sarili matapos ang aming pag-uusap – “Oo nga pala, iba na rin ang mga magulang ngayon…”



Mga Komento

  1. Kaya pala ganoon din ang anak. Parang walang paki rin ang nanay.

    May ganyan akong kakilala. Nahuli ni the mister yong anak na sumakay ng tren patungong Rockville, mga kalahating oras din ang layo sa aming lugar. Sa alas 7 ng umaga at alas 5 ng hapon ang byahe ng tren at wala itong byahe kung Sabado at Linggo. Ibig sabihin nag-cutting classes ang anak. Di man lang nagtaka at nagtanong ang nanay sa anak.

    Walang kamalay-malay ang nanay na may kasintahan pala ang anak na babae na isang drug adik doon sa Rockville. Nagreport sa akin ang nakakatandang kapatid na bakla na di daw pinagalitan o pinayuhan man lang.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Nakakalungkot po kapag ganyan ang magulang; at nakakaawa rin po yung mga bata na hindi nagagabayan...

      Burahin
  2. Kung ako yan, pinalabas ko muna ang bata tapos naghomily ako sa magulang. Ididiretso ko ang sanction sa bata unless magtino ang magulang.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Paano ba Sir OP? Na-awkward ako minsan kapag ganyan ang magulang (medyo pabaya), kasi naisip ko mas matanda sila sa akin at saka sila yung may anak na dapat sana ay mas may alam sa paggabay sa mga bata...

      Burahin
    2. Nasa posisyon ka bilang guro. Di ka dapat mahiya. Mahirap tuungan ang bata kung ang magulang o guardian, budol-budol gang ang pananaw, kilos at ugali.

      Burahin
  3. I remember telling my grade 3 kids before..... Kung di sila susunod sa alituntunin ng school, at di mag-aaral at magpapasaway lang sa school, wag na silang pumasok. Papauwiin ko na sila, bibigyan ng pamasahe at magulang na lang nila ang mag-aaral. Tutal, yung magulang naman nila ang gustong sila makatapos ng pag-aaral. Tapos, kung wala namang pakialam sa kanila ang magulang nila, at alam naman na nila yun, malaki na sila para alagaan ang sarili nila. Nanood sila ng mga palabas sa tv na nagsasabi ng tama, at makinig sa teacher kung anong dapat gawin. Kung di kayang makisunod, sabi ko, ako ang maghahanap ng school na tatanggap sa kanila kasi marami namang public schools sa malapit.

    Alam ko ang harsh ko, sobrang harsh para sa mura nilang edad, 9 years old. Pero, I knew that they are also old enough to understand, and would like to be treated responsible for their own actions.

    Iba na rin ang maging magulang ngayon. Lagi kong sinasabi, nakakatakot maging magulang.

    TumugonBurahin
  4. Totoo iba na ang mga bata ngayon na dahilan na din sa magulang. Mahirap i-elaborate pero kung ano man ang ginagawa ng mga bata bukod sa environmental factor eh malaki pa din ang role ng magulang

    TumugonBurahin
  5. From your end, nagawa mo na ang tama at lahat lahat. Gusto ko bigyan ng benefit of the doubt yung magulang. Baka may sarili siyang principles at paniniwala sa pagpapalaki ng anak. Siguro ang takeaway mo na lang, isa ka sa nag-attempt na ituwid ang kamalian nung bata.

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento