"Sa isip ko ay ‘epal’ lang talaga ang batang ito."


                Gutom ang inabot ko sa mahabang byahe pauwi.

                Magti-take out na lang sana ako sa kainang nasa tapat ng Ever, kaso nang banggitin ko ang aking order, hindi raw ito available. At hindi na rin ako nakapag-isip pa ng iba. Idagdag pa na matagal mag-prepare ng pagkain doon, tapus blockbuster pa ang bilang ng mga kumakain noong araw na yun.

                Sumakay ako ng trike para doon na lang kumain sa Bhoogle Mac (branch ng Mc Domeng). At least doon, alam kong kaunti lang ang customer. Umorder ako ng liemposilog at cheeseburger na pang-take out.

                Habang naghihintay, sa harap ko ay may isang batang lalaki. Nanghihingi ng barya. Hindi naman siya marungis. Hindi naman mukhang pulubi. Sa isip ko ay ‘epal’ lang talaga ang batang ito. Hindi ko siya pinapansin dahil wala nga ako sa mood. Tinignan ko na lang siya ng matalim para malaman niya na hindi ako natutuwa sa ginagawa niya, lalo pa’t gutom ako sa mga oras na yun hahaha! (Ang bad ko pala minsan, pero dulot lang naman ito ng gutom).

                Hindi ko inasahan na matatagalan din pala ang order ko, samantalang kaunti lang naman ang kumakain. Biglang mayroon ulit na lumapit. Nauna siyang pumunta sa table kung saan naroon ang isang grupo ng mga kabataan. Patapos na silang kumain. Nanghihingi ang matandang ale ng pera pambili niya raw ng tinapay. Walang naibigay ang mga bata. May isang babae na naghihintay din ng kanyang order ang nagbigay sa kanya. Tapus ay sa lamesa kung saan ako naroon siya pumunta.

                Hindi ko matiyak kung amoy mapanghi ba at/o amoy alak. Napansin kong nagsusugat-sugat din ang mga daliri niya sa kamay. Parehas ang kanyang sinabi sa akin; barya para pambili niya ng tinapay.

                Hindi ako nakapagbigay.

                Umalis na ang matandang ale sa kainan. Itinulak ang kariton niya.

                “Pa-take out na lang po ng order ko,” banggit ko sa kahera.

                “Ay eto na yung order mo inaayus na lang,” sagot niya.

                “Take out na lang po,” pag-uulit ko.

                Bitbit ko ang liemposilog na dapat sana ay doon ko kinain, at ang tatlong cheeseburger na take out ko (para sa mga kasama ko sa bahay).

                Luminga-linga sa daan. Pero wala akong masakyan. Naisip ko ang matandang ale. Baka hindi pa siya nakalalayo kasi nga alam kong may tulak pa siyang kariton. Naglakad ako.

                Sa may madilim na bahagi ng kalye, nakita ko siyang nangangalakal ng basura. Kinuha ko ang isang cheeseburger sa plastic. Iniabot ko sa kanya.

                “Nay ito po.”

                “Uy, salamat. Kanina pa ako di kumakain eh.”

                Tumuloy na ako sa paglakad matapos kong iabot sa kanya ang pagkain. Ni hindi ko na nga nalingon kung kinain niya agad iyon; isa pa madilim kasi dun sa may poste kung saan siya nangangalakal.

                Habang naglalakad, naalala ko ang batang ‘epal’… sa isip ko, mas deserving naman na bahagian ko ng pagkain ang matandang ale kaysa sa kanya hahaha. (Ang bad ko talaga sa bata).



Mga Komento

  1. Nauunawaan kita. I found myself in the same situation nung umuwi ako sa Pilipinas. Nakaka konsenysa naman din kasi kapag hindi ko binigyan. Nung inabutan ko ang isang bata, ayun, isang baranggay pala ng mga bata ang nasa malayo na naghihintay. Pucha naman! Nasa hitsura ko ba ang isang gubernador na hitik sa pork barrel?

    Tinaboy ko na silang lahat. Besides, it is not my fault if they are hungry, and it is not my duty to feed them. Nasan ba ang mga magulang nila? Nasaan ang mga tanyag na pinuno nang bansa na nagmula sa mga matataas at pinagpipitagang pamantasan, na kung magsalita'y puno ng dunong na papawi sa mga suliranin ng bayan?! Nasan ang mga punyetang yan?! Bakit kelangan ako ang magdusa at makonsensya habang kinakain ko ang fishball ko? Naknampucha tong mga to! Langya talaga! gutom nako!

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Parang di ikaw 'to Mr. T! Nasanay kasi ako sa pag-i-ingles mo :)
      Parang Mr. T na may interpreter sa tagalog, ganun hahaha (i-konek kay Maxine sa Miss U).

      Parehas tayo ng sentimyento. Minsan iniisip ko, bakit yung mga lider natin na nagtapos sa mga kilala, mahusay, at prestihiyosong mga unibersidad kapag naluklok na sa matataas na posisyon ay nagiging corrupt at 'trapo' rin naman?... Nakakapanghinayang lang.

      Burahin

Mag-post ng isang Komento