Mga Pahina

Linggo, Marso 29, 2015

"Halina sa Luneta!" :)


Ika-29 ng Marso, 2015
Linggo, 1:19 ng madaling araw


            Sabado ng nakaraang linggo.

Noong huling araw ng klase, kasama ko sila Neri at Eldie na naupo maghapon sa Luneta matapos ang isang mahabang araw ng pasahan ng requirements at finals, ang lakaran at nakalilitong pagtawid sa mga ginagawang daan dahil sa mga buradong linya ng pedestrian.

Sa ganung kasimpleng paraan lang namin idinaos ang pagtatapos ng semestre.

Umupo lang at nagkwentuhan.

Apat na taon kong naging kaklase sila Neri at Eldie noon sa kolehiyo. Matapos ang halos apat o limang taon pa na hindi na kami nagkikita-kita, ngayon ko lang ata sila ulit nakakwentuhan ng ganito. Noong sabado na iyon ko na lang napakinggan ang kanilang mga kwento. Yung tagal ng inupo namin sa Luneta pati na mga kwentuhan at tawanan, higit pa ata yun sa apat na taon na naging kaklase ko sila.

Nakuntento na kami sa pagtingin sa fountain, sa saglit na pakikipag-usap sa mga taong lumalapit, mga nag-aalok ng litrato, batang nanghihingi ng pagkain, pati na nanlilimos.

Pwede pa lang ganun lang. Masaya na rin naman.
           
            Sa pagitan ng aming pagkukwentuhan ay ilang saglit na pagkuha ko ng mga larawan, "Halina sa Luneta!" lols - 

Luneta - 03.21.15 / 5:11 pm


Luneta - 03.21.15 / 5:59 pm


Luneta - 03.21.15 / 6:23 pm 

Lunes, Marso 16, 2015

About Compliments and Being Stranded. (Maka-title lang ng english, yey!)


Ika-16 ng Marso, 2015
Lunes, 2:38 ng hapon


            “Ikaw lang ata yung nakita kong haggard na kalmado,” walang kaabog-abog na pagsabi sa akin ni Sir C na klasmeyt ko sa subject P habang abala ako sa pag-aayos ng report at pagsulat ng sagot sa mga task sheets.

            “Pwede bang kalmado na lang?” banggit ko sa kanya, sabay dugtong ng tawa kong awkward lols.

            Yung mga moment na ganito, na di mo alam kung compliment ba o inuuyam ka na hahaha. Kahit saan talaga, lumulutang ang ka-haggard-an ko. Hahaha!

            Anyways…

            Dinagdagan pa ng pagkasira ng LRT nung sabado ang kadukhaan ng aking pagkatao. Uwian pa naman.

Hindi na bago ang pagkasira ng mga tren, pero first time kong na-experience ito pati na ang sumalampak sa sahig habang naghihintay sa paasang tren… at ang ending waley.

 Nung napagdesisyunan naming bumaba na lang, ang daming taong naglisawan sa kalsada, akala mo nawalan na ng direksiyon sa buhay hahaha. Kulang na lang humarang na kami sa gitna ng daan para lang makapagpara ng jeep, pero laging puno ang mga jeep! Yung nasusulasok ka na sa usok ng mga sasakyan at sa sigarilyo ng mga smokers, na kung pwede lang isupalpal yung sigarilyo sa kanilang mga bibig ay ginawa ko na hahaha! Bad. Pero mas bad kasi yung buga ka ng buga buti sana kung bumabalik ang usok sa bunganga nila.

Nakakatuwa nung nakahanap na kami ng jeep na masasakyan sa tulong ni kuyang kumukumpas sa kalsada. Halos lumakad na kami pabalik sa aming pinanggalingan para lang makapag-abang ng sasakyan. Dun ko nasaksihan na tayo pala ay may lahing ninja hahaha. Da best kung umentra ang mga pasahero sa jeep – juma-jump ang peg, ala-beast mode ang mga pasahero. Yun nga lang tumira na kami sa loob ng jeep sa sobrang tagal, bagal at trapik!

Na pag-uwi mo ay a-attend ka pa ng JS. Kaya kaunting pa-fresh at go pa rin… at ang pinakamasayang parte sa lahat ay yung pagdating mo sa skul ay palabas na ang mga dumalo sa prom… at least nakapunta pa rin ako, I’m so proud hahaha!


Ang mga nagpapanggap na 'fresh' habang stranded sa D. Jose -
ako, Neri, Clang at Eldie.


Biyernes, Marso 6, 2015

CRATER :)


Ika-06 ng Marso, 2015
Biyernes, 2:48 ng hapon


            Ang awkward at sarcastic ng lesson ko kanina – The Sun, Earth and MOON.

            Nag-enjoy ako sa pagdi-discuss tungkol sa parts ng sun at sa pagbibigay ng ilang amazing trivia, ganun din naman sa Earth. Pero sa pagdating sa moon… hay naku… hahaha.

            Sa isang klase ko, ang sabi ni Angelo
           
            “Sir di ba may CRATER ang moon?”
           
            Sa isip ko, ito na ang usaping crater, common knowledge naman na ito kaya maikling

“Oo meron. Kasi walang atmosphere na nagpro-protect sa moon na katulad ng sa Earth.”

Sabay tanong ko ng “By the way, how many days nga ulit nagri-revolve ang moon around the Earth?” Segue?! Hahaha.

            Tapus sa isa pang section, si Kyla naman –

            “Sir! Nakita ko yung moon nung nag-telescope kami dati sa school, meron s’yang ano sa gilid *nauutal kaya hindi maituloy*…”

            ***Sa isip ko, “Sige kaya mo yan Kyla, sasabihin mo bang crater?!”

            “…yung ano sir, may LIWANAG siya sa gilid.” dugtong niya.

            ***Sa isip ko ulit, “Ah, ‘kala ko CRATER na naman.” Kaya sinagot ko si Kyla ng –
           
            “Actually, walang sariling light ang moon, niri-reflect niya lang yung liwanag ng sun.”

            Pagkatapos kong magpaliwanag may nagsumbong –    

            “Sir si Christine, may CRATER sa mukha!” pang-aasar ni Ricardo sa klasmeyt niya.

            Tinignan ko muna sila… nakita kong nagningning ang mga mata ng lokong bata na si Ricardo…. kaya lumakad na lang ako palayo sa asaran nila…

            …baka MADAMAY pa ako! Badtrip!

            Tuloy lang discussion.
            Hahaha!!!


Miyerkules, Marso 4, 2015

"Naramdaman mo na rin ba ang ganitong klaseng eksena?"


Ika-04 ng Marso, 2015
Miyerkules, 7:55 ng gabi


            Isang umaga na gumising ka,
            Buhay mo bigla na lang naging parang pelikula.

            Naramdaman mo na rin ba
            Ang ganitong klaseng eksena?

            Parang may ‘narration’ pa nga pagmulat ng iyong mata,
            Ang nakakatawa boses mo pa,
            Syempre meron ding background na musika.
           
Di man nila naririnig,
            Ang pakiramdam na ito’y nananaig.

            Ikaw na ang direktor,
            Ikaw pa rin ang aktor.
            Pero wala namang sinusundang script.

            Buhay na parang dokyu.
            Nakikita mo na,
            Nai-experience mo pa.
           
            Yung malinaw mong naririnig ang ‘klink-klank’ ng kutsara,
Habang parang ‘slowmo’ mong nakikita ang pag-ikot
Ng hinahalo mong kape sa tasa.

Yung ‘chirp-chirp’ ng ibon na di mo naman dati napapansin.
Yung parang ang ‘fresh’ ng mukha mo sa salamin.
Tapus mangingiti ka.
Mukhang tanga! Hahaha!

May ‘zoom in’ at ‘zoom out’ pang effect.
May focus at blur sa mga eksena.
Ano na naman ‘to, jepbuendia?

Yung pakiramdam na habang abala sila,
Ikaw naman ay may sariling mundong pinapagana.

Tapus sa huli may credits,
Ikaw pa rin ang makikita sa ending.

Hay naku…
Epekto ata ito ng caffeine at bioflu.

            

Lunes, Marso 2, 2015

"Ayokong magpaka-super hero."


Ika-02 ng Marso, 2015
Lunes, 6:02 ng gabi


            Paggising ko sa umaga, naiisip ko, magkikita na naman kami ng mga ‘disturbed’ na bata. Papasok na ulit ako sa ‘bahay-kalinga’. Sa pananaw ko ang mga paaralan ngayon, lalo na yung pampubliko, ay di na lang lugar kung saan ang mga bata ay dapat matuto. Nandito na lahat… lahat-lahat!

            Mga matalino, matalinaw… mga may kaya, kinakaya, walang kaya… malinis, madungis… magalang, walang kamodo-modo… masayahin, bugnutin… malusog, malnourished… may magulang, pinabayaan ng magulang… pumapasok para mag-aral, pumapasok para hindi mag-aral… isip bata, mga isip na polluted ng kaisipang pang matanda… mga batang nagabayan ng tama, mga batang ginabayan ngunit walang nagagawang tama… mga pumasa, mga pinapasa na lang.

            Hindi sa nawawalan ako ng inspirasyon para magpatuloy sa pagtuturo. Dapat nga itong mga nao-observe ko ang dapat na magbigay lakas sa akin para ‘go pa rin ng go!’. Pero hindi kasi ako isang super hero!

            Minsan naiinis ako sa mga nakakausap na magulang na parang wala nang lakas at awtoridad na patinuin ang kanilang mga anak, “Ewan ko nga sir eh blah blah blah… hindi ko na alam ang gagawin sa batang yan!” Tinititigan ko na lang sila sa mata. Sa isip ko gusto ko sanang sabihin, “So ano? Eskwelahan ba ang papasan ng obligasyon niyo? Kami pa ba? Ako pa ba? Eh bawal nga naming makanti man lang yang anak ninyo, kasi binibeybi na ang mga bata ngayon!” Pero sa isip ko lang naman yun. Mamumula na lang ako sa pagtitiis sa saloobin ko.

            Alam ko sa aking sarili na hindi ako pwedeng mag-isip ng ganuon. Para saan pa na naging guro ako? Para saan pa ang paaralan na pinapasukan ng mga batang ito?

            May mga bata na parang ‘magic’. Takang-taka ako kung pa’no nakaabot sa level na ito. Di lubos na nakababasa at nakauunawa. Walang disiplina sa pag-aaral. Ayoko magtanong kung bakit nakaabot ang batang ito sa ganitong grade level, dahil parang sinampal ko na rin yung sarili ko. Sa amin pa rin naman ang huling tanong… anong ginawa mo?

            May mga araw na hindi kaagad ako nakapagsisimula ng lesson sa isang klase. Unang-una, naroon yung mga batang tinatawag kong ‘disturbed’… nakakaawa… pero minsan nakauubos din ng pang-unawa. Sinabihan mo na, pinagsabihan mo na, pinakiusapan mo na, ‘puto at kutsinta’ ikaw na lang ang mananawa!

            Inuunawa ko na lang ang mga batang ganun. Kasi baka sa loob nila, durog na durog na. Tapus pagagalitan ko pa ba? Ano na ang mangyayari sa kanila? Sa tingin ko talaga, ang mga batang ganito ay dapat na wala muna sa klasrum. Unang-una, naiistorbo nila yung mga batang hindi naman ganuon ka-‘disturbed’. Pero sila na ‘disturbed’ ay dapat sana nasa counseling para mahilom muna ang nasa loob nila, saka para maihanda muna sila sa pag-aaral.

            Maraming factors kung bakit ganito na ang mga estudyante sa ngayon. Pwedeng dahil sa mga guro na rin, mga magulang, media at kung anu-ano pa. Sa paaralan minsan nakakatawa yung ‘Boom Panes!” saka yung “Eh di Wow!” pero ‘leche flan’ naman, madalas dahil sa mga ganito, puro kalokohan na ang mga bata kapag kinakausap. Mas updated pa sa mga telenovela at Korean popstars kaysa mga aralin! Ang babata pa kung ‘kumire’ kala mo may papakain sila pag nabuntis. Dahil sa bilis at dami ng impormasyon na maibibigay ng internet sa ngayon, mas marami pa silang alam na porn sites kaysa mga mga educational sites. Ang sarap pagsasampalin ng bibig kung makapagmura lalo na mga babae pa naman. At ang mas malupit sa mga estudyante ngayon ay ikaw pa ang KONTRABIDA sa buhay nila kapag itinatama mo ang kanilang pag-uugali! Ayokong sumuko sa pagtutuwid sa kanila, pero ayoko rin ng binabalewala. Ang sakit kaya…

            Bahay-kalinga na ngang maituturing ang paaralan. Sa mga uri pa lang ng estudyante meron sa loob nito, makikinita mo na ang susunod na sakit at problema ng lipunan. Pero sige, bigyan naman daw ng ‘chance’… malay mo magbago. Maraming-maraming ‘chance’… malay mo talaga may magbago.

            Kahanga-hanga talaga yung mga gurong nagpapakadakila. At wala pa ako sa ganuong punto. Hindi sa araw-araw ay dakila kong maituturing ang ginagawa ko. Newbie pa lang ako eh. Naghahanap pa ako ng inspirasyon at katotohanan mula sa iba pang mga guro. Minsan iniisip ko yung mga naging teachers ko. Yung mga iniidolo ko. Sana kung paano nila kami tinuruan noon ng disiplina at tamang pag-uugali ay magawa ko rin ngayon. Mga nagtuturo pa rin naman sila hanggang ngayon, gusto ko sanang malaman kung ganuon pa rin ba sila kasigasig na magturo tulad nung dati, dahil kung malalaman ko na pati sila ay nawawalan na rin ng lakas para magpatuloy sa ganitong lagay o sitwasyon ng edukasyon sa ngayon, baka mawala  na lang din ako sa napakahirap ngunit napaka-fulfilling na propesyong ito.

            Napakadaling magpaka-ideal sa isip. Pero sa katotohanan, magtatalo lang talaga ang iyong ideal na kaisipan sa reyalidad na nagaganap. Mamimili ka. Mamimili ka talaga sa dalawa. Mamamatay ka kapag purong ideal, malulusaw ka rin naman kapag tatanggapin mo ang mga nangyayari ng ganun-ganun na lang.

            Hay… hay naku.

            Masaya na akong malaman na normal lang din akong tao. Ayokong magpaka-super hero.


            Hero lang! Lols.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...