Hello March! Malapit na Matapos ang Pagiging Guro Ko :)



Ika-08 ng Marso, 2014
Sabado, 11:27 ng umaga

            Habang naliligo kagabi bago matulog, bigla ko na lang naalala sa gitna ng paliligo ko yung naging usapan namin ng isa sa mga co-teacher ko sa jeep dalawang taon na ang nakalipas… very timely ang memorya ko di ba hahaha, di ko alam bakit sa ganung tagpo ko pa yun naalala… siguro kasi Marso na… at unti-unti na nanunuot sa akin ang mga gawain tuwing dumarating ang nakakapikon na buwan na ‘to hahaha.

            Habang nasa jeep kami nun pauwi, sabi niya bakit ko daw binagsak si Frank, ano daw bang malay ko kung siya ang susunod na Presidente. Tandang-tanda ko pa ang sinabi ko noon sa kanya, Eh baka hindi siya maging Presidente kung di ko siya ibabagsak!… at nagtawanan na lang kami lols.

            Sa apat na taon ko ng pagtuturo… palagay ko mas nagkaroon na ako ngayon ng puso na nakauunawa di lamang sa propesyong pinasukan ko kundi pati na rin sa kalagayan ng mga estudyante ko. Dati, di ako nagdadalawang isip sa pagbibigay ng bagsak na grado, hindi dahil sa naniniwala akong bobo yung bata na yun, hindi ko tanggap ang ganung konsepto. Natatandaan ko kasi yung nabanggit sa amin nung instructor namin sa psychology, sabi niya, iba-iba ang paraan ng pagkatuto… ang ilan ay mas pinipiling matuto ‘the hard ways’ dahil hindi sila nakukuntento sa mga payo o paalala lang… kaya ang pagbibgay ko ng bagsak na marka ay para ipaalam sa estudyanteng yun na kulang pa ang kanyang ginagawa… na kailangan niyang matutothe hard way’… na ngayon na bagsak siya ay wala na siyang ibang patutunguhan kundi pataasin ang kanyang marka.

            Dati yun… di na ngayon.

            Ngayon, nakakaawang magbagsak ng estudyante. Di rin naman karangalan ang ibagsak sila, at hindi rin naman naging ganun ang pananaw ko. Pwera na lang sa mga super kapal ng mukha na di naman talaga nagsisikap mag-aral na nagagawa pang mag-cutting na animo’y kaytataas ng mga scores na puro pagpapaganda, pag-aayos ng buhok at pagdutdot sa cellphone ang inaatupag!!! hahaha. Kapag pasok sa ganitong kategorya ang estudyante mo… may karapatan ba silang pumasa?!!! Nasaan ang katarungan?!!! Lols.

            Naaawa ako hindi sa mga estudyanteng ipinagwawalang bahala ang kanilang pag-aaral. Naaawa ako sa kanilang mga magulang o sino mang nagsasakripisyo para makatapos sila ng pag-aaral. Kung ang mga tamad na estudyante ay parang mga karakter lang sa isang ‘play’ na maaaring palitan ano mang oras ng mga nais makapag-aral, mas naging makabuluhan pa siguro ang panantili nila sa eskwelahan.

            Pero, ang katotohanan- iba’t ibang uri ng bata ang makikilala sa mo sa paaralan. Hindi mo makukuha ang hinihingi mong mga karakter sa kanila. Marami sa kanila ay perfectly imperfect (tulad ko) na marahil kaya kami nasa loob ng paaralang ito ay upang sabay-sabay na lumago bilang mga indibidwal… mga taong magdudulot ng pagbabago… sa aming sarili at pati na rin sa iba.

            Marami na ang nagbago sa takbo ng paaralan ngayon at ito ay batay lamang sa apat na taon ko ng pagtuturo, maaaring hindi ito totoo sa iba, maaaring isolated case rin ang obserbasyon kong ito. Di ko inasahan na ang eskwelahan pala ay magiging ‘showbiz’ din. Nung nag-aaral pa ako, laging ipinapaalala sa amin ng aming guro na respetuhin at tratuhin ng maayos ang lahat ng aming mga guro, maging mabait man o masungit. Kaya ganun na lang din ang naging respeto ko sa mga naging guro ko, lalo na sa mga masusungit na sa iilang tagpo ay nakakikitaan ko rin ng kalambutan ng puso (tao rin pala sila hahaha).

            Ngayon, hindi mo na ito makikita o maaaring bihira mo na itong makita. Pinipili na ng mga estudyante ang kanilang mga rerespetuhin at pakikitunguhan ng maayos. Di dahil ang mga gurong ito’y di dapat irespeto, ito’y dahil maaaring hindi lang nila ‘type’ o ka-‘good vibes’ ang mga gurong ito. Showbiz na showbiz kung ‘plastikin’ ng mga estudyante ngayon ang kanilang mga guro. Mabait kung may kailangan, umaangil kung mapagsabihan o mapagalitan na para rin naman sa kanilang ikabubuti. Personal kong ikinalulungkot ang mga bagay na ito. Gayong alam kong sa bawat puso ng sino mang guro ay kabutihan at positibong pagbabago lamang ang hinahangad nila para sa kanilang mga mag-aaral.

            Kung ito man ay maituturing mong social skills… mukhang mahirap atang makita ang katotohanan sa hinaharap, at baka puro pagbabalatkayo na lang ang iyong masasaksihan.

            Kapag nakakakita ako ng ganung tagpo, kulang nalang madurog ang aking puso.

            Ngunit sabi nga, baka hindi pa umuusbong ang mga naitanim naming binhi. Malay mo nga naman, paglipas ng panahon ay hindi na rin tulad ng kahapon.

            Sabi nga ng isang child prodigy programmer na si Santiago Gonzalez, “Learning should be as essential as eating.” Sana nga ganoon. Pero, mukhang literal na pagkain lang ang mahalaga sa ngayon.

            Ang isang pinanghahawakan ko na lang na pag-asa ay ang kanilang mga natatanging husay at talento. Na kahit sila ay pasaway o makukulit sa klase, kung nakikita mo namang ang batang ito’y may talent sa pagsulat, pagguhit, pakanta, pagsayaw at husay sa paglalaro ng sports, mas gumagaaan ang aking kalooban. Kasi naniniwala pa rin akong baka nga ‘bata’ pa lang sila ngayon, baka nga ‘immature’ pa ang kanilang attitude sa ngayon.

            Kung kaya ko lang silang ilagay kung saan sila dapat pumaroon, marahil ginawa ko na iyon. Pero may sarili silang buhay. At kailangan mong hayaan na sila ang pumili kung saan o ano mang landas ang nais nilang tahakin. Bitbit ang lahat ng kanilang natutunan mula sa paaralan pati na rin ang kanilang mga natatanging kakayahan, umaasa ako sa magandang kapalaran na kanilang kahihinatnan.

            Totoo nga… ang paaralan ay di isang perpektong lugar. Maging mga guro ay di rin perpekto. Dahil ito ang totoo. Matuto tayong mabuhay sa katotohanan at hindi sa isang ideyal na lugar na wala kahit sino man ang naninirahan. Minsan, isang araw magugulat ka na lang na lahat ng nakita mong mabuti at hindi maganda ay magdudulot din pala ng kakaibang resulta, higit pa sa iyong inaasahan. Surprise! ika nga.

            Masaya akong naging guro sa loob ng apat na taon. Masaya hindi dahil puro kasiyahan lang ang naramdaman ko. Masaya ako kasi nagkaroon ako ng pagkakataon na ma-frustrate, mainis, mabigo, magalit kasabay ng pag-ngiti, pagtawa at di pagbitiw na umasa. Kaya hanggang sa muli nating pagkikita!

_JEPbuendia
12:44 ng hapon

P.S.


            Teka, mabalik nga pala tayo kay Frank. Ayun, hanggang ngayon ay di pa rin naman siya Presidente ng ating bansa at baka malayo namang mangyari yun hahaha. Pero, sa kabila ng pagbibigay ko sa kanya ng bagsak na grado (isang quarter lang naman yun, noong third year pa siya) minsan ay nasasalubong ko pa rin naman siya sa labas ng eskwelahan. Malaya na niya ngayong napapahaba ang kanyang buhok with blonde color dahil siya ngayon ay nag-aaral na sa kolehiyo kumukuha ng kurso na may kinalaman sa computer na kinahihiligan din naman niya noong siya’y nasa high school pa. Nakangiti at laging bumabati tuwing magkakasalubong kami. Wala akong naramdamang bigat ng loob sa kanya… magaan ko siyang nakikita bilang siya.



Mga Komento

  1. hay relate ako sa showbiz. totoo ang observation mo lalo na ngayon na balik estudyante ako.

    Sanay ako sa set up sa classroom na kapag nandiyan na ang guro at nagtuturo/nagsasalita dinig na dinig mo ang pagbagsak ng papel sa sahig dahil sa sobrang tahimik pero ngayon kahit libro ang mahulog sa upuan di mo mapapansin sa sobrang daldal na nakikipagsabayan sa mga guro...

    Ngayon parang terror na guro na lang ang dapat irespeto nila.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. nakalulungkot din minsan na hindi na kusa ang magkaroon ng disiplina sa mga students... idagdag mo pa na kailangan pang maging terror o masungit para lang mapasunod sila lols... ang hirap kayang magsungit kasi nakakapangit :)

      iba pa rin ang may kusang disiplina :)

      Burahin
  2. Very well thought of essay. I can totally relate kasi for once in my life I was once a teacher too. Nagturo ako sa isang private school south of Manila. At lahat ng mga tinuran mo dito ay damang dama ko rin - hehe.

    Sabi nga ng kumpare kung isang social and humanitarian advocate "We don't just teach kids how to learn, we teach them first how to love learning". I believe him when he said that.

    Wala naman talagang "bobo" na bata or kung sinuman. Sabi mo nga at sabi din ng nakararami - iba-iba lang talaga ang paraan kung paano natututo ang isang bata. Siguro, isa rin ito sa dapat matuklasan ng isang guro para alam niya kung paano niya turuan or pakisamahan ang isang bata.

    At tama ka rin na lahat ng guro ay hangad na maging maayos or mapabuti ang hinaharap ng kanilang mga estudyante.

    Ang alarming lang sa akin ngayon ay ang gradual decline in observance of our cultural values. Dahil sa ating laging paggaya sa Westerners - they way they are and they do - nalilimutan na ng mga batang ito na isalang-alang ang mga magagandang bagay na dapat sana ay nai - inculcate sa kanilang murang isipan. Perhaps, it is due to their massive exposure to the media. It's not that media is bad - but it's how the media reach to children that in some cases - sensitive issues that shouldn't be exposed yet to them are openly available already.

    There is timing in everything. There should be timing really in acquiring knowledge. If one isn't ready yet to a certain idea or situation one must refrain from entering into it. There are stages our life. A step by step process is essential in order to build a strong foundation in life.

    We cannot rush things pero with the advent of fast-paced technological world, people particularly students tend to cope up in a faster way too. What they are missing is the moment - enjoying the moment.

    And one thing more, I hope parents would exert extra effort in guiding their children. A constant communication at home is a vital key. A family that communicates with family through a fun and engaging activity without the presence of distracting gadgets are more united than those who just let their children do their own thing.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. iba na nga po talaga ang panahon ngayon, marami na silang iniidolo o ginagaya na di nila alam ay hindi ganun kaganda o kabuti para sa kanila...

      at hindi na rin masyadong patient ang mga bata ngayon para matuto, dahil dulot ng modernization parang lahat gusto nila ay instant o madalian na lang...

      and i strongly agree na malaki talaga ang part na ginagampanan dito ng mga magulang sa kung paano nila ginagabayan ang kanilang mga anak... na nakalulungkot na may mga nagiging pabaya sa kanilang mga anak, lahat na lang ipinasa sa eskwelehan... iba pa rin ang gabay na nagmula sa mismong tahanan...

      Burahin
  3. ERRATUM: It should be: "There are stages in our life" and. A family that communicates with family members through a fun and engaging activity without the presence of distracting gadgets are more united than those who just let their children do their own thing.

    TumugonBurahin
  4. Wala akong issue sa masungit na teacher. I guess, a teacher can only be masungit to a student if pasaway ang student. Otherwise, a teacher's masungit attitude might their pretext only so that they can tend to their student in a controlling way. Being stern maybe their only way to maintain order in the class as I know a number of rowdy students can be found in a class - especially now na ang kapal kapal na ng mga mukha ng mga students to the point na parang it borders to disrespect na rin.

    TumugonBurahin
  5. With regards to whether I'd fail a student or not - it all depends on how a student's class behavior and performance has been. I think, I will still do that BUT I will first have a one on one talk session with the student and I'd use my psychological skills to really dig deeper on the student's personal life so that I'll be able to understand where the student is coming from - in relation to how the student's been treating his schooling. There might be a deeper issue why a student is behaving rowdy, performing very slow and low. So, to show my utmost care, I would first do just that - mag imbestiga muna hehehe!

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. tama po ang sinabi ng inyong kumpare- "... we teach them first how to love learning," dahil kapag natutunan na ng bata na mahalin ang proseso at kalayaan na matuto, tiyak na higit pa ang matututunan niya habangbuhay :)

      at natuto na rin po akong gawin ang nabanggit niyo sir jay... ang kausapin muna ang bata para malaman kung bakit hirap siyang makapag-focus sa pag-aaral, dahil dun mas nakikita nila na higit sa mga grades ay importante rin sila :)

      Burahin
  6. Showbiz? Hindi lang, ang paaralan ay isang battlefield. Araw-araw. Pero bakit tayo pumapasok? Dahil sa mga bagets :) Andami ko ding realizations sa unang taon ko ng pagtuturo. Pagnagkaron ako ng sapat na oras para magmuni-muni, sana maisulat ko din.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. tama ka mam yccos, giyera ang pinasok natin :)
      aabangan ko po ang inyong mga realizations, excited na akong makakuha ng words of wisdom mula sa isusulat mo :)

      Burahin

Mag-post ng isang Komento