dagli 20: unang tagay



"Umiinom ka ba?" – nagtanong pero ‘di naman ako nabigyan ng pagkakataon na sumagot. Kinuha niya yung maliit na basong tagayan saka yung bote ng empi; nilagyan niya ang baso ng tinantyang dami ng alak. Iniabot sa akin habang patuloy ang kwentuhan. Kinuha ko naman yung maliit na baso, ‘di ko alam gagawin ko. “Totoo ba iinom ako?” – may kaunting gulo sa aking isip; paano ba? ilalagok lang? Naramdaman ko na lang na gumuhit ang tapang ng alak sa lalamunan ko, ‘di na lang ako nagpahalata na una pa lang itong nangyari sa akin.

Yun ang una kong pag-inom ng alak. Masarap naman pala, mapait lang; lasang alcohol na may kaunting tamis. Sabay kuha ko ng baso ng juice, at tubig.

Nakailang ikot na rin pala ang tagayan, ‘di ko na namalayan. Nalibang na kami, eh may pasok pa bukas.

Ramdam ko na yung tama ng alak. Para sa tulad kong ngayon pa lang natutong uminom, may pagkahilo sa paglakad ko. Di ko pa rin pinahalata, mas inalalayan pa nga nila yung isa. Tiniis ko yung kaunting hilo hanggang sa makauwi ako. Namamanhid yung mukha ko. ‘Di ko nga alam baka amoy alak pa ako. Paano pag-uwi ko?

Pagdating ko sa bahay, ‘di na lang ako masyadong lumapit sa kanila. Basta ang mahalaga eh alam nila na nakauwi na ako. Hindi na rin ako kumain kasi nakakain na rin naman ako bago umuwi, nakainom pa nga.

Hinubad ko ang suot kong uniform, paglapat ng katawan ko sa kama ay simula rin ng himbing ng aking tulog.


- - - - - - -
unang tagay  |  circa 2010



Mga Komento

Mag-post ng isang Komento