nyuyir


Bago mag-new year (mga 15-20 minutes), ang huli kong ginawa ay ang maglista ng mga libro na gusto kong bilhin at basahin sa 2018:

·         Kahit na anong libro ni Charles Bukowski;
·         The Selfish Gene ni Richard Dawkins (o kahit anong libro niya);
·         The Emperor of All Maladies: A Biography of Cancer ni Siddhartha Mukherjee;
·         The Gene: An Intimate History ni Siddhartha Mukherjee; at
·         The Immortal Life of Herietta Lacks ni Rebecca Skloot.

Hindi ko alam kung mahahanap at mabibili ko itong lahat. (O ang masama pa ay kung anong taon ko ito mababasa).

Sa tingin ko, baka mahanap at mabili ko ang ilan sa mga ito online, pero gusto ko kasi na mahanap at mabili ko ito ng personal sa bookstore. At kahit kelan naman ay hindi pa ako nag-purchase ng kahit na anong item online (yung talagang ako), ang meron lang ay yung nagpasabay ako ng relos ng Love Hope Faith (eh kasi yung proceeds nun ay mapupunta sa mga cancer patients kaya nagpasabay na ako ng order; bale dalawa yun - yung black napigtas na nung minsang siksikan sa LRT, ang ginagamit ko ngayon ay yung kulay navy blue na puro gasgas na pero nagagamit pa rin).

May kakaibang fulfillment kasi kapag personal na nabili ang libro sa bookstore. Parang nung pagkakabili ko sa libro ni Chris Hadfield, wala sa hinagap bigla ko na lang itong nadampot kahalubilo ng ilan pang sale na libro; bumilang rin ng taon ah, mga 3 years bago ko ito aksidenteng nakita pero di ko naman kasi ito direktang hinanap noon at hanggang ngayon di ko pa ito nababasa, siguro makakadami ako sa bakasyon.

Tulad din ng isang kabibili ko pa lang, nakadalawa o tatlong ulit na ata akong tumingin-tingin sa parehong istante, hanggang sa nagtanong na ako sa may customer service, tinanong ko kung may ganun silang title, tapus ang sinabi sa akin ni girl ay meron at sinabi rin niya pati ang presyo nito; tinanung ko kung my kopya pa, meron naman daw at kukunin niya; pero yung mukha niya hindi willing, napilitan siya. Dedma. Di naman siya ang pakay ko eh, yung libro.

At saka nag-thank you naman ako kahit na feeling ko ay ang tanga ko maghanap at ganun din yung feeling nung pagkakaabot niya sa akin ng book, pero lahat yun ay dedma lang ulit kasi at least nabili ko yung libro at ang kapal pala muntik na akong mapaatras; kung maninipis nga ay naipagpapaliban ko pa ito pa kaya (pero nag-improve na rin naman ako dahil tinatapos ko na pag may nasimulan; sa katunayan bago magpalit ng taon nahabol kong tapusin ang Tatlong Gabi Tatlong Araw ni Eros Atalia, ang eksaktong date at oras ay –  2017 12 31 Linggo 7:10 PM). Kaya sa isip ko, sa bakasyon ko talaga ito babasahin... at dadamahin.

Pamilyar na ako sa direktang pagkukwento ni Eros Atalia, yung walang halong palabok o mabulaklak na salita pero liligoy ang kwento nang hindi mo namamalayan na sumusundot pa ng konti sa mga nangyayari sa paligid o lipunan, tapus bigla ka na lang maibabalik sa takbo ng kwento sa paraang connected ang lahat. May flashback o recall sa mga karakter, madaling maintindihan, may impact. Ang kaibahan lang sa Tatlong Gabi Tatlong Araw ay mala-horror at misteryo ang kwento nito. Di ko akalain na kay Eros, pero ang patakbo ng kwento ay siyang-siya, at ang dulo ang feeling ay tulad ng mga pelikula na natapos na pero nag-iisip ka pa rin, yung tipong lumalabas na yung credits at umaasa na sana may susunod pang eksena kasi ayaw kong mag-isip pa. Ganun.

Hindi na ako nanuod ng dokyu bago mag-new year (tulad ng ginagawa ko dati). Pero nagpausok pa rin ako sa terrace sa third floor nung 12 midnight na, tapus nakinuod sa fireworks ng mga yayamaning madlang pipol. Wala kaming pailaw o torotot kasi sapat na yung effort ng mga kapitbahay namin na mag-ingay kahit nga hindi new year! Kapansin-pansin din na hindi na nakakasulasok ang paligid, ibig kong sabihin di na masyadong amoy pulbura at hindi na rin nakakagulantang ang mga paputok ng kapitbahay, baka kulang o di na lang naglaan ng budget para sa mga paputok o baka naman nag-matured na sila.

Nanuod na lang ako ng pelikula matapos ang putukan. Ang pamagat ay 4:30 ni Royston Tan. Isa ring misteryo pero more on a puzzle kasi limitado lang ang karakter sa pelikula (na sapat na para sa isang kakaibang film) at hindi halos nagsasalita ang mga karakter na dahilan para magpokus lalo ang manunuod sa kwento nito. Ayoko nang i-describe o magbigay pa ng kung ano, sa parehas na paraan na feeling ko pinagdamutan ako ni Eros sa dulo ng kanyang nobela hahaha, yung binubuklat-buklat ko na naman yung mga dulong pahina kung iyon na ba talaga; yung gusto ko pa sanang malaman kung ano na ang kinahinatnan ng Magapok o kaya ay ni Mong at Lumen (kahit pa naipahiwatig naman kung anong nangyari sa dulo) dahil hindi ko matanggap na ganun na lang iyon, pero sasapukin na lang nito ang isip ko. Ganun din ang pelikulang 4:30, yung gusto kong hingian ng explanation yung mga karakter para i-explain ng konti kung anong nagyayari dahil ito nga ay mala-silent film, pero nakakatalino pag na-gets mo o baka feeling ko lang.

Basta, basahin. Panuorin. Tatlong Gabi Tatlong Araw. 4:30.



Mga Komento

  1. Gusto ko mag Filipino sa pag-komento sa post na 'to... Pero pakiramdam ko hindi ko kakayanin hahaahaha Madalang na ako makakita ng blog na nakasulat sa Filipino. Pero ayoko na magpanggap, magtataglish na ako hahaahaha

    True, iba and happiness kapag personal na bumili sa bookstore. Pero dahil damatands na aka Hahahaha laging pagod at until past 8 pm ang work, na-appreciate ko na ang online shopping to the highest level. At kahit may shipping fee, na realise ko, okay na din, Hindi na ako namamasahe, wala ng kain kain sa mall at malayo sa temptation. In the end, convenience lang. Oh and minsan pala, yung mga hard to find books... sa online world ko lang nakikita.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Oo nga, parang di ikaw kapag tagalog :)
      Siguro susubukan ko rin ang online na pamimili kapag di ko na talaga mahanap hahaha!

      Burahin
  2. happy new year! haaay mga libro. haaay. tama ka. libro. <3

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento