"...kaya naman pala hindi kami nanalo!" (my quiz bee story, pwede ba ito sa Kwentong Jollibee?)


2016 11 20 (Sun, 11:42 AM)

School Year 2012-2013: Una akong nabigyan ng chance na maging coach ng quiz bee sa isang private school kung saan ako nagturo noon. Si Paulo ang una kong na-train para sa science quiz bee ng BulPriSA. First time kong mag-coach sa contest na ito na ang lagi kong sinasalihan noong ako’y estudyante pa. Hindi kami pinalad na manalo ni Paulo.

School Year 2013-2014: Ikalawang beses na naging coach ako sa quiz bee. This time, si Kyle naman. Dahil sa experience ko sa nakaraang school year, kahit paano ay may idea na ako kung ano ang mga dapat na i-review, ang mag-budget ng time at ang maghanap pa ng mga references na pwede maging reviewer. Nagtapos si Kyle sa contest bilang 6th place (masaya ako dahil nagka-medal sya); at kahit paano ay na-improve ang aming rank last year! Ito rin ang huling taon ko sa private school.

Dalawang school year ang lumipas, bago ako ulit nabigyan ng chance na maging coach for quiz bee, this time para sa grade 10 level (nasa public school na ako). Hindi ito tulad noon ng BulPriSA na lahat ng level ay magkakalaban.

School Year 2016-2017: Si Kate naman ang aking na-train. Masasabi ko na si Kate ay kasing bright tulad ni Paulo, at may retentive na learning tulad ng kay Kyle. Sa una pa lang, alam ko na mahusay ang batang ito. Maraming pagkakataon na sa bawat pagtatapos ng review session namin ay feeling dry at haggard na ako hahaha.

Sa una naming pagsabak sa District Level ay nag-2nd place si Kate! Doon pa lang ay masaya na ako; at lalong kakaiba yung experience dahil ang mga coaches ngayon ay halos kakilala ko – mga dati na talagang coach ng quiz bee, mga teachers pa sa pinanggalingan kong high school, mga dati kong kasama sa private school, at ang iba ay mga kaklase ko noong kolehiyo kaya para na rin itong mini-reunion at homecoming! Dahil sa kanyang pagkapanalo ay umusad kami sa Division Level.

Nanalo si Kate ng 1st place sa Division Level, kaya pasok kami sa Regional Level ng science quiz bee. Malaki pa rin ang pag-asa ko kay Kate na maka-pwesto sa regional. Pero naging mahirap ang laban dahil halos lahat ng mga kalahok ay galing sa mga science high school. Nagtapos si Kate bilang pang-siyam sa contest. Masaya pa rin ako, dahil napakahirap din talagang manalo, dahil kung hindi man tabla ay dikitan ang mga score. Kaya salamat pa rin kay Kate sa kanyang husay at tagumpay.

                Sobrang nakaka-inspire na makita ang maraming mahuhusay na bata noong kami’y nasa regional level (noong Nov. 19 sa Marikina HS). Hindi ko naman talaga naisip na magiging coach ako ng quiz bee; ang goal ko nga noon (noong ako’y estudyante pa) ay ang ma-represent ang aming school sa National Quiz Bee ng General Information na pinapalabas sa tv hahaha! (Pero di natupad, naiyak pa ako dahil dun lol).

Sa naging experience ko sa pagiging coach, ang hangad ko ay mas maging mahusay pa at ang makapasok sa National Level! Yun lang. Di man natupad sa akin ang pangarap ko noon, matupad man lang kahit sana sa batang mati-train ko sa quiz bee. At hindi rin naman ako nag-i-expect na maibigay pa sa akin ang task na ito sa susunod na school year, dahil marami rin talagang mahuhusay; ang saya lang ng experience!


2017 02 13 (Mon, 2:23 PM)
Update:

Akala ko ay tapos na ang journey namin ni Kate sa science quiz bee, dahil hindi kami nakakuha ng 1st o kaya ay 2nd place noong regional para umusad sa National Level. Kaya inakala ko na ang kagustuhan kong makasama sa National Level ay baka sa susunod na school year na lang kung papalarin pa. Pero, sa memo na inilabas ng ASEP ay maaaring lumahok sa national level (14th National Science Quest) ang nag-first o second place sa regional o division level. First place si Kate noong division, kaya nagkaroon kami ng chance na lumahok national science quiz bee noong Feb. 11 sa Baguio City Nat’l HS.

Sa isip ko, kaya siguro hindi ko magawang i-post sa aking blog ang nauna ko nang naisulat (noong Nov. 20, 2016 pa) tungkol sa karanasan ko sa quiz bee bilang coach ay dahil meron pa palang isang event na magaganap. Sa madaling sabi, ay nakalahok kami sa national science quiz bee!

Hindi ko maitatanggi na kahit malaking bagay na ang makasama kami sa national level, ay achievement din kung makapu-pwesto kami kahit hindi man first place sa contest. Sa pakiramdam ko ay may chance si Kate, at para na rin sa tagumpay ng school. Umabot sa 96 ang lahat ng bilang ng mga kalahok (36 mula sa private school at 60 mula sa public school) at 5 lang ang magkakaroon ng award. Hindi kami pinalad na maka-pwesto alin man sa lima. Alam ko na agad, dahil umiling-iling si Kate nung makita ko siya  paglabas nya sa room, nasabi ko na lang sa sarili na “Salamat na rin at tapus na.”

Sa bus habang pauwi, nasa isip ko pa rin ang contest. Ang tanong ko sa sarili “Bakit kaya hindi kami nanalo?” at maraming hinuha ang aking naisip -

(1) Marahil ay di sapat ang preparation namin; baka kulang pa yung mga ginamit naming references at reviewer;

(2) Dapat ba ay nag-review kami habang nasa Baguio? Pero mas ok na ma-relax na lang si Kate bago ang contest;

(3) Kinse lang ang naging mga tanong; 5 lang sa bawat category. Sa isip ko ay di sapat ang mga tanong na ito para malaman ang pinakamahusay sa 96 na kalahok; 5-5-5 ang format nila para sa easy, average at difficult round, di tulad noong district hanggang regional na 10-5-5. Labinlimang tanong lang, kumpara sa dami ng nirere-view ng isang kalahok sa quiz bee.

(4) Kung naging mas-organized kaya ang contest ay mas naging maganda ang laban? Exhausted na ang mga kalahok bago pa man ang kompetisyon. Pinagkasya sa isang usual na public classroom size ang 96 na kalahok! May mga nakatayo na sa likod, at may mga nakaupo na sa sahig, hanggang sa magkabilang gilid ng quiz master ay may nakasalampak sa sahig na contestant, at dikit-dikit pa silang lahat. Sa madaling sabi, hindi naging convenient sa mga contestant ang venue. At iisang room lang ang ginamit sa dami ng classroom na maaaring gamitin. Isang room lang mula grade 7-11. Isipin na lang ang hirap sa paglabas at pagpasok ng mga kalahok sa tuwing matatapos ang laban ng isang grade level. Talagang siksikan. Dinaig pa sa pagiging organisado at sistematiko ng district, division at regional science quest ang national science quest na ito.

Sa byahe pauwi lulan ng bus, pinatahimik ko na lang ang aking isip sa pagbabasa ng Tuesdays with Morrie. Ang aral ng ‘detachment’ ang pinaka-natandaan ko sa aking pagbabasa. Kakaiba ang naging paliwanag ni Morrie ukol sa kahalagahan ng detachment. Ayon sa kanya -

“If you hold back on the emotions--if you don't allow yourself to go all the way through them--you can never get to being detached, you're too busy being afraid. You're afraid of the pain, you're afraid of the grief. You're afraid of the vulnerability that loving entails. But by throwing yourself into these emotions, by allowing yourself to dive in, all the way, over your heard even, you experience them fully and completely.” ― Mitch Albom, Tuesdays with Morrie

Kaiba sa literal na pagkakaunawa natin sa pag-’detach’; hindi ito basta lang paghihiwalay ng ating sarili sa kung ano mang bagay. Para kay Morrie, kapag nilunod mo na ang iyong sarili sa ano mang iyong nararanasan (halimbawa ay lungkot, pagmamahal, takot o hindi matanggap na pangyayari) saka mo lang maiintindihan at matututunan na maihiwalay ang iyong sarili sa mga ito.

Parang yung sinabi ni Ma’am Badet sa general psychology class namin noong kolehiyo na kung may kaibigan kang broken-hearted, wag mong sabihing ‘okay’ lang siya, hayaan mo siyang magwala sa sakit na nararanasan niya, dahil pag naubos na ang kanyang pighati ay saka lamang siya makakapag-move on; dahil kung hindi niya mararanasan ang umiyak, magwala, magalit o sumigaw ay maiipon lamang ang ganuong uri ng emosyon sa loob niya, at hindi niya maihihiwalay ang sarili sa pighati niyang nararamdaman.

Kaya, hinayaan ko rin ang isip ko na mag-isip ng kung anu-ano hanggang sa mapagod na ako. At sa dulo ay ang naisip ko na lang ay “better luck next time”. Hanggang sa mabuksan ko nga ulit ang file na ito. Muli kong binasa ang sinulat ko noong Nov. 20 lalo na yung huling paragraph -

“Sa naging experience ko sa pagiging coach, ang hangad ko ay mas maging mahusay pa at ang makapasok sa National Level! Yun lang. Di man natupad sa akin ang pangarap ko noon, matupad man lang kahit sana sa batang mati-train ko sa quiz bee. At hindi rin naman ako nag-i-expect na maibgay pa sa akin ang task na ito sa susunod na school year, dahil marami rin talagang mahuhusay; ang saya lang ng experience!”

Na-ngiti na lang ako kasi natupad naman pala ang goal ko, ang “makapasok sa National Level! Yun lang.” kaya naman pala hindi kami nanalo! Lols.



Mga Komento

  1. Congratulations! Sa susunod ang goal na ay manalo sa National level :D
    Magaling ang bata kasi magaling coach!

    What can I say? I'm so proud of you and what you've done for these kids!
    I look forward to many more stories and detachments realizations! hahaha

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. salamat kay Morrie, sa aral ng detachment :)

      sa susunod pala dapat ay "makapasok sa National Level at manalo!" :)

      Burahin
  2. Marami pang pagkakataon para manalo...ayos lang iyan...

    TumugonBurahin
  3. Still, congrats sa achievement ☺

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento