Mga Pahina

Sabado, Disyembre 31, 2016

huling post para sa 2016: kung bakit kami kahanga-hanga sa "kapit lang" at "humopia", at oo masaya yung bula-bula na blue :)


                Sa itinagal-tagal, akala ko ay napaka-problemado ko na. Pero, mas nahihirapan pa pala ang ilan sa aking mga kaibigan. Inakala ko na nahihirapan na talaga ako, pero mas mayroon pa pala silang pinagdaraanan kaysa sa akin. May mga panahon na dapat sana ay inilaan ko na lang para masuportahan ko man lang sila. Naipakita ko sana na ako rin ay may simpatya, na ako rin ay nakararamdam at naiintindihan din sila.

                Kung alam ko lang…
                Kung nalaman ko lang…
                Siguro ay kung nag-reach out pa ako.
                Siguro ay kung kahit saglit ay pinatahimik ko muna ang ano mang nasa loob ko.

                Etong mga kaibigan ko, minsan kahalintulad ko rin ng pag-iisip. Di bale nang may dinadala, wag lang makaperwisyo ng iba. Naisip ko, siguro nga sa mundong ito, may mga pinipili tayong labanan nang tayo lang… ng ating mga sarili lang.

                Ipinagpapasalamat ko yung mga taong naging malapit sa kanila nung mga oras na sila’y nasa mahihirap na tagpo. Kahit na hindi man ako, mahalaga para sa akin na malaman na may kahit na isang tao na umalalay sa kanila. At sana ay may magawa naman ako at ang bawat isa sa amin sa mga susunod pang pagkakataon.

                May kani-kanya kaming pinagdaanan sa taong ito – 2016. May mga ibinunyag, mayroon ding hindi. Kahanga-hanga ang bawat isa sa amin. Patuloy na nabubuhay sa ilalim ng araw kahit pa may kaunting pag-ulan. Nagsasama-sama kahit di man sa lahat ng tagpong mahihirap; pinagbubuklod pa rin ng paniniwala na “masaya” ang buhay (lalo na kapag may kainan hahaha).

                Hindi maipapangako sa kahit sino na mas magiging magaan o masagana ang susunod na taon -2017. Pero para saan pa ang “kapit lang” at sanay na rin naman tayong laging “humopia” sa mga bagay-bagay sa ating buhay.

                Tatlo lang muna ang naisip kong importante sa ngayon – pamilya, mga kaibigan, at pananampalataya. Happy new year everyone!


P.S. Wag nating kaibiganin si Anghela (Seklusyon). Pero pwede nating gayahin yung bula-bula sa bibig nya na kulay blue, masaya kaya! Hahaha.



Martes, Disyembre 20, 2016

cherie encounter 02


Si Cherie, Neri, Eldie at Ako. (2016 12 19 - Dalandanan, Valenzuela City)

o-O-o

Ako: Ang ganda ng uniform n’yo Che!
Cherie: Oo, para kaming taga-munisipyo.

Cherie: Last year pa ‘to, tumaba na ako…
Ako: Di naman, baka lumiit lang yung damit, nag-shrink…

Ako: Bakit di ka sumali ng chorale?
Cherie: Bakit mukha ba akong baboy?

:)

o-O-o

2016.12.19
Christmas Party
Valenzuela City Astrodome


Narito ang link para sa 'biglaan with cherie'.


Huwebes, Disyembre 15, 2016

full time


                “Full Time” ang napili kong tema para sa susunod na taon – 2017! Ang korni, pero parang nakagawian ko na ang magtakda ng tema para sa bawat taon. At oo, madalas ay wala naman talagang kinalaman ito sa buhay ko sa araw-araw, o sa bawat buwan. Parang automatic na kapag mga huling buwan na ng kasalukuyang taon ay bigla na lang akong nakakaisip ng tema kuno ng aking buhay. Idagdag pa na kahit pala bawat buwan ay meron din hahaha; ganun kalala! Pero at least di ako tulad ng iba na puro *insert month here* be good to me ang peg. Ito na marahil ang subconscious na pamamaraan ng aking isip kung paano ko nai-envision ang life for the next year (o kahit pa nga every month).

                Pero epic pa rin sa aking memorya ang tema kong “chasing dreams” hahaha. Sobrang korni! At saka, sa lahat ng naisip kong tema, ito lang ang di ko nalimutan; nalimutan ko man kung anong taon ko ito ginawa, pero yung mismong tema hindi; kasi, chasing dreams, pero parang wala naman akong na-chase lol!

                Bakit “full time” para sa 2017? Na-realize ko lang na napaka-half-hearted ko sa mga bagay na itinuturing kong uncertainties in life, wow hahaha. I mean, kung susubukan lang din, wala namang mawawala, instead I gain experience and wisdom pa nga.

                Gusto kong mag-full time; ibig sabihin ay maglaan ng panahon para sa mga bagay na kailangan kong gawin, lalo na sa mga bagay na nais kong gawin. Marami pa. At unti-unti nang lumalabas ang mga platform para maisagawa ko ang mga bagay na ito. Ano ba yung platform? Na-type ko lang eh lol. Saka paniwala ko lang naman yun na meron na; na may mga pag-aaksayahan na ako ng oras, mind conditioning lang ito hahaha.

                Pero marami talaga akong nais na i-look forward sa susunod na taon. Na dapat ay kakaiba o ibang-iba (pwede ring iba’t iba, maidagdag lang).

                Natutuwa ako dahil meron na akong instagram! Ngayon ko lang ito na-appreciate. Siguro dahil bago pa lang ang aking account kaya payapa pa ang effect o dating nito sa akin. Hindi katulad ng fb na napaka-palasak, maingay at maraming mema. Feeling ko, sa instagram ko mailalabas ang aking creative juices sa photography hahaha. Kung meron. Parang napaka-mainstream na ng fb para sa gawaing pang-blog, pagbibigay ng opinyon at pagkuha ng larawan. Ang fb ay parang isang river… isang body of water… na polluted. Kumbaga sa isang workplace, ito ay toxic na tagpo. Lalo pa nga’t ang dating personal ko lang naman na account ay connected na rin sa aking trabaho. Hindi naman yun masama, pero hindi ko na makita ang linyang naghahati, naghihiwalay o tumutukoy sa kung ano ba ang facebook –  ukol pa ba ito sa akin? O ukol pa rin sa aking trabaho? Ang gulo, pero gets ko ang sarili ko lol. Maaari naman akong gumawa ng isang mas personal na account, pero hindi ko ma-gets ang lohika o kahit meron pang valid reason ang paglikha ng pangalawang account. Sa isip ko kasi, isa lang naman ako, so dapat isa lang ang fb ko hahaha. Ganun.

                Masaya rin ako sa aking twitter! Mas akma para sa sarili kong mga opinyon ang twitter. Mas malaya. Mas hindi nagmumukhang nagpi-fish ka lang for likes hahaha. Ang tanging ayaw ko lang sa twitter ay yung mga random na account na nagpa-follow at nagla-like, tapus pag-chineck mo naman ang account nila ay mga taga-ibang bansa na hindi nga marahil nakakaintindi ng kahit na anong tagalog.

                Ang blogger ay isa rin sa mga alternative kong virtual na mundo. Dito ay mas may kakayahan akong i-expound ang wala namang significance kong mga ideya hahaha. Pakiwari ko ay nasa blogosphere ang mga tunay na nagbabasa nang nakakaintindi (kumpara sa fb?).

                Isang mahalaga pa rin namang tool ang facebook sa mundo ng social media. Ito ang malakas, ito ang popular, ito ang sikat! Ito ang ulam na paulit-ulit na kinakain ng madla, parang noodles ganun. Kaya ito pa rin ang mukha nating lahat .

                Marahil ang paggamit ko ng blogger (o blogspot ba ang tama?), twitter at instagram ay reliever ko sa nakakaumay na mundo ng fb. Ganun lang. At oo, nag-fb pa rin naman ako.

                Ang pinakamahirap talagang part ay ang ending. Tulad nang kanina lang ay mas mabilis pa sa pagtipa ko ang aking mga mema ideas, tapus bigla na lang nawala. Parang natapon, nag-evaporate, nablangko. Kumislap-kislap na kanina pa ang cursor sa akin bago masundan, pero di ko talaga malagayan ng ending.



Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...