huling post para sa 2016: kung bakit kami kahanga-hanga sa "kapit lang" at "humopia", at oo masaya yung bula-bula na blue :)


                Sa itinagal-tagal, akala ko ay napaka-problemado ko na. Pero, mas nahihirapan pa pala ang ilan sa aking mga kaibigan. Inakala ko na nahihirapan na talaga ako, pero mas mayroon pa pala silang pinagdaraanan kaysa sa akin. May mga panahon na dapat sana ay inilaan ko na lang para masuportahan ko man lang sila. Naipakita ko sana na ako rin ay may simpatya, na ako rin ay nakararamdam at naiintindihan din sila.

                Kung alam ko lang…
                Kung nalaman ko lang…
                Siguro ay kung nag-reach out pa ako.
                Siguro ay kung kahit saglit ay pinatahimik ko muna ang ano mang nasa loob ko.

                Etong mga kaibigan ko, minsan kahalintulad ko rin ng pag-iisip. Di bale nang may dinadala, wag lang makaperwisyo ng iba. Naisip ko, siguro nga sa mundong ito, may mga pinipili tayong labanan nang tayo lang… ng ating mga sarili lang.

                Ipinagpapasalamat ko yung mga taong naging malapit sa kanila nung mga oras na sila’y nasa mahihirap na tagpo. Kahit na hindi man ako, mahalaga para sa akin na malaman na may kahit na isang tao na umalalay sa kanila. At sana ay may magawa naman ako at ang bawat isa sa amin sa mga susunod pang pagkakataon.

                May kani-kanya kaming pinagdaanan sa taong ito – 2016. May mga ibinunyag, mayroon ding hindi. Kahanga-hanga ang bawat isa sa amin. Patuloy na nabubuhay sa ilalim ng araw kahit pa may kaunting pag-ulan. Nagsasama-sama kahit di man sa lahat ng tagpong mahihirap; pinagbubuklod pa rin ng paniniwala na “masaya” ang buhay (lalo na kapag may kainan hahaha).

                Hindi maipapangako sa kahit sino na mas magiging magaan o masagana ang susunod na taon -2017. Pero para saan pa ang “kapit lang” at sanay na rin naman tayong laging “humopia” sa mga bagay-bagay sa ating buhay.

                Tatlo lang muna ang naisip kong importante sa ngayon – pamilya, mga kaibigan, at pananampalataya. Happy new year everyone!


P.S. Wag nating kaibiganin si Anghela (Seklusyon). Pero pwede nating gayahin yung bula-bula sa bibig nya na kulay blue, masaya kaya! Hahaha.



Mga Komento

  1. Wala pa kong nappanood kahit sa mga MMFF entries. Nakakalula kasi at ang dami laging tao kahit sa mall. Antay ko na lang sa torrent. Lols

    TumugonBurahin
  2. May mga pagkakataon na ganyan ako. Laban na akin lang walang ibang damay. Kaya madalas ko maisip one-man-team ako..

    TumugonBurahin
  3. Eto pala yun, at ang tanong ng huling hirit ng taon. Sasagutin ko ulit: kalusugan, pamilya at pakikipag-kaibigan.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. oo, ito nga yun sir Jo; ang napaka-impulsive kong tanong sa fb hahaha :)

      Burahin

Mag-post ng isang Komento