March 2, 2024 (4:32 PM)
After a number of years mula noong nagsimula ang pandemya, kahapon lang ako nakapaglinis ng kwarto. Yes. Kahapon lang. Most people would not know or understand kung bakit o paano ako napunta sa ganitong sitwasyon dahil kahit ako hindi ko rin mawari.
Ngayon ko na lang ulit na-appreciate ang kwarto ko kasi imagine yung higaan ko ay punong-puno ng samu’t saring hindi nailigpit na gamit at mga damit. Halos 35-40% na lang ng higaan ko ang nagagamit para sa pagtulog na hindi ganuon kakomportable dahil sa height ko eh halos nasisipa ko na lang o katabi ko na ngang literal ang mga gamit ko sa kama.
Sa natatandaan ko, noong kasagsagan ng pandemya, nakapaglilinis at nakapag-aayos naman ako ng kwarto, hanggang sa inabutan ko na ang sarili sa ganung sitwasyon. Nagkalat ang mga gamit, mga bag at papel sa sahig, yung literal na hindi na ako makapaglakad sa maliit kong kwarto, pahakbang-hakbang na lang sa dami ng nakakalat sa paligid. At sa maraming beses na sinabi at tinangka kong maglinis, walang nangyari. Kahapon lang talaga. Nakaka-amaze na yung itsura ng kwarto ko, kasi nagbalik na ito sa dati, at least 80%. Yung mga gamit sa drawers at bookshelf na lang ang hindi ko pa na-sort, naayos, at nalinis. Pero yung mga agiw at alikabok, mga papel, mga abubot at mga damit na nakasabog sa kama, lahat yun nailigpit ko na. Yung electric fan ko nga halos wala nang hangin na maibuga sa kapal ng alikabok na nauna lang linisan ng tatay ko. Ilang beses din nag-alok yung tatay ko na sya na raw ang maglilinis sa kwarto, pero syempre sabi ko hindi, ako na lang.
And I thought na ganun na lang talaga ang magiging normal kong gawi, hanggang sa nakapaglinis nga ako nang magising ako bigla ng March 1 quarter to 2 ng madaling araw. Naghilamos lang ako, kumain ng tinapay at uminom ng kape para masimulan na magligpit at maglinis. Yan lang ang ginawa ko hanggang mag alas diyes ng umaga. May lima o higit pang trash bag ang naibaba ko sa garahe. Sakto naman ang tapos ko ng pagliligpit dahil papasok naman ako sa eskwela. Kaya pagdating ko sa school, pagod na yung pakiramdam ko at inaantok, pero may sense of fulfillment, pagkamangha, at pagtataka kung paano ako nakatagal sa ganuon kadumi, kasaklap, at kalungkot na sitwasyon. To think na maayos pa rin naman akong tignan sa bahay, kapag lalabas ng bahay, at kapag pupunta ng eskwelahan. Maayos naman yung mga gamit ko sa faculty. Tanging yung kwarto ko lang talaga yung naiwang multo ng pandemya. Lahat naman ng tasks ko kahit paano ay nagagawa ko at nairaraos. Kahit pa halos kaladkarin ko na ang sarili ko literal para matapos yung mga emerut ko sa grad school, at sa tulong na rin ng dalawa kong kaibigan.
Naging stranger na pala ako sa aking sarili. Halos nakalimutan ko na kung ano, paano at sino ako dati. Akala ko, yun na yung bagong ako. Akala ko ganun na lang ang sitwasyon ko. Napaka-cloudy. Napaka-narrow. Iniisip ko nga kung high-functioning depression ba yung naranasan o nararanasan ko? Kasi wala naman akong napabayaan, sa tingin ko, na obligasyon sa pamilya, sa trabaho, o kahit sa ibang tao. Ang napabayaan ko talaga ay ang aking sarili. Hindi man physically, but most probably, mentally at spiritually, socially na rin siguro dahil piling mga tao lang talaga yung nasasamahan ko, at kung wala ngang pasok eh nagkukulong lang ako rito sa mala-dungeon kong kwarto. Pati nga pala pagkain ko ay hindi na rin naging normal. Isang beses lang ako may gana kumain kapag walang pasok. At hindi na rin ako nasanay kumain ng agahan. Hindi ko ma-explain fully. Nagtataka rin ako kung paano ko na-survive o napapanatiling naka-afloat ang sarili sa mga naranasang tagpo. Tapos ni hindi ko makwento sa pinakamalalapit na kaibigan. Hindi rin siguro naiintindihan ng pamilya kahit pa saksi na sila sa naging dungeon kong kwarto.
Ayun.
Hanggang dito na lang muna. Actually, ang gamit ko pa ngang laptop ngayon ay yung bigay sa amin sa eskwela, dahil hindi ko naman nagagamit. Yung personal ko kasing laptop ang gamit ko sa eskwela. At saka nakakaumay naman mag transfer ng mga files. Kaya ito na lang muna ang gagamitin kong personal na laptop, tutal wala pa naman talaga itong laman. At saka para hindi ko naiisip ang trabaho sa tuwing gustong magkwento dahil wala naman talagang laman ang laptop na ito na may kinalaman sa trabaho. Kapag yung personal ko kasing laptop ang gagamitin ko eh napakagulo, at napakadaming files. Baka sa halip na pumayapa yung isip ko habang nagsusulat eh ma-stress lang ako dahil sa mga kumakaway na files ng mga anek anek sa eskwelahan. At saka, ngayon na lang din talaga ako nakapagsulat ng danas ng emeng buhay.
At marami pang mga bagay na hindi ko pa na-process at naintindihan. Hindi ko alam kung ako lang ba yung napunta, nakaranas, at sinusubukan na maalis o ma-improve ang sarili sa kinalalagyan kong sitwasyon.
Sana matapos ko ang thesis ko. Sana makatapos kaming tatlo. Kaming lahat.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento