bike


                May mabuting dulot din ang mag-bike kahit pa isa o dalawang beses lang sa isang linggo. Dati ay hingal ko pang mararating ang tulay ng Tawiran at haggard na manunuod ng sunset; pero ngayon napansin ko na nakakuha na ako ng tyempo sa pagba-bike, hindi na ganun kahingal o kapagod. Natutunan ko na ring mag-adjust sa kalsada, pamilyar na kumbaga sa mga lubak at sa mga pababa o pataas na daan pati na sa mga tao at sasakyan, pinakamahirap sa bandang palengke ng Paco dahil doon laging maraming tao.

                Malalaman ko na maganda ang makikitang sunset sa tulay kapag narating ko na ang palaisdaan na may matataas na tulos ng kawayan; kapag doon pa lang ay halos humihiwa na sa mga siwang ng ulap ang liwanag ng araw, siguradong dramatic iyon pagdating sa tulay; o kaya naman ay kapag nakita kong namumula na ang langit ay magpi-pedal na ako ng mas mabilis maabot lang ang ganuong eksena sa tulay ng Tawiran.

                Marami rin akong nakakasabay na nagbibisikleta sa daan, pero hindi lahat ay papunta sa tulay. Iba’t ibang grupo rin ng tao ang naroon – may pamilya na nagpapalipas oras o nagpapahangin kasama ang kanilang mga chikiting; may mga lovers in tulay din; mga soloista tulad ko; at magbabarkada. Karaniwan lahat ng nagpupunta roon ay naka-bike rin, meron ding iilang mga nakamotor. Kahit pa nga mga pumapasadang jeep at ibang pang commuters ay binabagalan ang takbo kapag narating na nila ang tulay para lang mapagmasdan ang paglubog ng araw.

                Minsan napakaulap ng langit, minsan maaliwalas. Napakaganda panuorin ng sunset doon, mula kulay orange hanggang sa mamula-mulang langit, at saka naman unti-unting magdidilim.

                Camera phone lang ang gamit ko sa pagkuha ng larawan, minsan sayang yung ibang eksena, kasi hindi ko makunan ng maayos kahit pa naka-lowlight o night mode na ang setting ng camera; epektibo lang ito sa liwanag. Kaya nakaka-challenge rin kumuha ng larawan gamit ang kung ano lang na spec ng cellphone ko.

                Mas okay din sana kung merong handy cam na pang dslr na ang peg tulad nung nababasa ko sa blogger ng “I dreamed of this”, meron siyang review at mga shots nya gamit ang sony RX100 III at ricoh gr II. Ganda! Magkaroon lang ako ng isa dun keri na ang street photography!

                Madalas kong ayain ang grupo sa may tulay, lagi kong sinasabi sa aming group chat sa fb na kung sakali man na pupunta sila ay sa tulay na lang magkikita-kita… pero kahit isang beses, sa buong buwan ng Mayo na ang sipag kong mag-bike ay di ko sila nadatnan kahit isa man lang sa kanila hahaha. Well, busy rin kasi at may iba’t ibang ginagawa ang bawat isa. Bukod pa dun, hindi naman lahat sa amin ay marunong mag-bike (pero sa isip ko pwede namang mag-commute hahaha mahirap nga lang pauwi). Kaya kapag nagka-dslr cam ako, “who u” talaga sila akin hahaha (joke lang).

                Sa pasukan, di ko sigurado kung mapapadalas pa ba ang pagba-bike ko, pero salamat sa buwan ng Mayo, itong pagbibisikleta ang naging physical activity ko.


2017 05 31


Mga Komento