Mga Pahina

Sabado, Enero 28, 2017

'snob'


                “…all you have to do is call, and I’ll be there, you’ve got a friend.”

                - ang kinakanta ng matandang bulag na lalaki malapit sa may Central Station ng LRT.

                Natigil ako bigla sa paglalakad sa gilid ng UDM, hindi kasi ako mapakali. Naisip ko, bakit hindi ako naghulog ng pera sa donation box ng matandang bulag? Bakit ko siya nilampasan?

                Sa mga ganitong pagkakataon, lagi kong iniisip na gawin kung ano ang makapagpapanahimik sa aking saloobin, kaya humugot ako ng isandaang piso para maihulog sa donation box ng matandang bulag. Naglakad ako pabalik.

                Kaso nakita ko na marami rin pala ang namamalimos sa daan. May mag-asawang matanda ang madaraanan ko bago makapunta sa matandang bulag na kumakanta at naggigitara. Tapus sa likod ng poste kung saan sila nakapwesto, naroon naman ang dalawang lalaki na marungis. Nakaupo lang sila doon, mukhang hindi naman sila namamalimos.

                Nang malapit na ako sa matandang bulag, biglang natigil ang kanyang pagkanta. Hindi ko na rin nagawang ihulog yung dapat sana ay ibibigay kong pera. Nakita ko kasi si ate sa may gilid, may bangkito sa tabi niya at payong. Hinuha ko, siya ang kasama at tagabantay ng matandang bulag.

                Hindi ko nagawang ihulog ang pera sa donation box.

                Bigla na lang kasing sumulpot sa isip ko ang mga ito –

                Bakit ang matandang bulag pa ang kailangang maghanap-buhay sa pamamagitan ng kanyang pagkanta, gayong may kasama naman pala siyang mas ‘abled’sa kanya? Bakit hindi ang kasama niya ang magtrabaho?

                Idagdag pa na kung bibigyan ko ang matandang bulag, paniguradong maaawa rin ako sa mag-asawang matanda na namamalimos din malapit lang sa kanya. Hindi ko matitiis na hindi rin sila bigyan.

                At nalungkot ako bigla. Nalungkot ako kasi kahit na makapagbigay ako ng pera sa matandang bulag, alam kong hindi sapat ang gagawin ko para matapos na ang kanyang kalbaryo. Alam kong babalik pa rin siya sa kanyang pwesto hangga’t may nakukuha siya doong donasyon.

                Nalungkot ako dahil napaka-temporary lang ng maibibigay kong tulong.

                Kung meron lang sana na mas pang-matagalan na solusyon.

                Nakaramdam din ako ng pagkahiya. Bakit yun lang ang naisip kong gawing tulong sa matandang bulag? Paano bukas? O sa mga susunod pa?

                Tinawid ko ang kalsada. Naglakad pabalik sa may Central Station. Ibinalik ang perang hinugot ko sa bag. Na-realize kong walang silbi ang naisip kong gawin.

                Marahil may punto ang kasabihang “…teach him how to fish”; sa isang banda, baka tama rin si Gang Badoy sa pagsasabi na may pagka-‘snob’ ang ating kultura. Pinagmasdan ko ang mga tao sa paligid habang naglalakad ako pabalik sa istasyon ng LRT. Ang dami nila. Ang dami-dami namin. Ang dami natin. Pero bakit ini-snob lang natin ang mga taong ito na nangangailangan ng tulong? Paano natin naaatim na magpatuloy sa paglalakad habang nilalampasan lang ang iba na naghihirap?

                At oo, nagpatuloy nga lang ang lahat sa kani-kaniyang lakad.



2017 01 14


Linggo, Enero 22, 2017

"Siguro nga ay tama si Morrie."


                Siguro nga ay tama si Morrie.

                Hindi naman talaga titigil ang mundo para sa kahit na ano pa mang pinagdaraanan o nangyayari sa’yo. Kahalintulad nang malaman ni Morrie ang kanyang sakit. Malalang uri ng sakit.

                Hindi naman titigil sa kani-kaniyang buhay ang mga tao para lang sa kanya… sa’yo at pati na rin sa akin. Iinog pa rin ang lahat nang normal. Tuloy lang ang buhay.

                Sabado noon; lunes ay ang pagbubukas ng school year 2016-2017. Hindi ko naman mauusog ang pasukan kahit pa nagbabantay ako sa ospital noong mga panahon na iyon. Tuloy pa rin ang pasok kahit pagod, medyo puyat at may kaunting emotional stress. Haharap pa rin ako sa unang araw ng klase.

                Na noong Christmas party naming magkakaibigan ay nakita kong nakakatawa pa rin naman si Ma’am A kahit pa halos buong araw niya kailangang bantayan ang may sakit niyang ama. Magsasaya pa rin ang lahat sa aming Christmas party. Kahit saglit, makakatawa rin si Ma’am A sa kabila ng kanyang problema. Ganun din si B…

                Minsan, napakahusay nating magdala ng problema. Idinadaan sa tawa. Ikinukubli sa ngiti.

                Kasalukuyan kong binabasa ang Tuesdays with Morrie (sa e-book). Madalas ay binabasa ko ito tuwing break ko sa klase; minsan habang nasa byahe.

                Isa sa mga paborito kong nabasang linya –

                “So many people walk around with a meaningless life. They seem half-sleep, even when they’re busy doing things they think are important. This is because they’re chasing the wrong things.”

                Kaya, ano nga ba ang mga dapat nating pinagkakaabalahan sa ating buhay?

                Anu-ano ba ang mga kinakailangang gawin upang magkaroon tayo ng purpose at meaningful life?

                I-comment below! (Linyang youtuber lang, lol).



Huwebes, Enero 19, 2017

"Daig pa hangover sa inuman."


                Ipinagsangag kami ng kanin ng nanay ni Tina, at ipinagluto pa ng bagong huling alimango. Dapat sana ay paalis na kami noon ni Olan, pero ipinaghain pa kami ng almusal bago umalis.

                Tig-dalawang tasa ng kape, otap at chicharon. Yan ang pinagsaluhan namin sa magdamag na kwentuhan at panggugulo sa bahay nila Tina, mula pasado alas-dose ng hating gabi hanggang alas-singko ng umaga. Ang tatag naming tatlo; walang tulugan. Napag-kwentuhan na mga ‘ganap’ namin sa buong araw, at kung anu-ano pa wag lang matulugan.

                Nakita na lang namin na may dalang malaking alimango ang tatay ni Tina; kuha sa kanilang palaisdaan. Agad naman itong niluto ng nanay niya, at yun na nga nagsangag pa.

                Hindi na kami nakatanggi. Nang-abala na nga kami magdamag, ipinaghain pa kami ng almusal. Mabuti na lang, mababait ang pamilya nila Tina. Dahil kung sa iba, malamang naipagtulukan na kaming umuwi sa aming bahay.

                Nahiya ako kasabay nang na-appreciate namin ang pamilya nila Tina. Hindi namin naramdaman na nagambala namin sila sa biglaang pagpunta namin na yun (kahit pa ‘paggambala’ talaga ang ginawa namin); na-feel kong welcome kami kahit pa hindi na tama sa oras ang pagpunta at pagtambay namin sa kanila. Isang beses pa lang naman itong nangyari. At malay naman namin, baka maulit!

                Umuwi kaming maliwanag na. Putok na ang sikat ng araw. Naghugas naman ako, pero may kaunting amoy alimango pa rin ang mga daliri ko habang nasa byahe lol. Pero ‘oks’ lang, ‘sogbu’ naman. Ang sakit nga lang ng ulo ko nung araw na yun; baka epekto ng dalawang tasang kape, otap, chicharon tapus alimango sa almusal, dagdag pa ang walang tulugan! Daig pa hangover sa inuman.


2016.12.31



Lunes, Enero 16, 2017

"Sa isip ko ay ‘epal’ lang talaga ang batang ito."


                Gutom ang inabot ko sa mahabang byahe pauwi.

                Magti-take out na lang sana ako sa kainang nasa tapat ng Ever, kaso nang banggitin ko ang aking order, hindi raw ito available. At hindi na rin ako nakapag-isip pa ng iba. Idagdag pa na matagal mag-prepare ng pagkain doon, tapus blockbuster pa ang bilang ng mga kumakain noong araw na yun.

                Sumakay ako ng trike para doon na lang kumain sa Bhoogle Mac (branch ng Mc Domeng). At least doon, alam kong kaunti lang ang customer. Umorder ako ng liemposilog at cheeseburger na pang-take out.

                Habang naghihintay, sa harap ko ay may isang batang lalaki. Nanghihingi ng barya. Hindi naman siya marungis. Hindi naman mukhang pulubi. Sa isip ko ay ‘epal’ lang talaga ang batang ito. Hindi ko siya pinapansin dahil wala nga ako sa mood. Tinignan ko na lang siya ng matalim para malaman niya na hindi ako natutuwa sa ginagawa niya, lalo pa’t gutom ako sa mga oras na yun hahaha! (Ang bad ko pala minsan, pero dulot lang naman ito ng gutom).

                Hindi ko inasahan na matatagalan din pala ang order ko, samantalang kaunti lang naman ang kumakain. Biglang mayroon ulit na lumapit. Nauna siyang pumunta sa table kung saan naroon ang isang grupo ng mga kabataan. Patapos na silang kumain. Nanghihingi ang matandang ale ng pera pambili niya raw ng tinapay. Walang naibigay ang mga bata. May isang babae na naghihintay din ng kanyang order ang nagbigay sa kanya. Tapus ay sa lamesa kung saan ako naroon siya pumunta.

                Hindi ko matiyak kung amoy mapanghi ba at/o amoy alak. Napansin kong nagsusugat-sugat din ang mga daliri niya sa kamay. Parehas ang kanyang sinabi sa akin; barya para pambili niya ng tinapay.

                Hindi ako nakapagbigay.

                Umalis na ang matandang ale sa kainan. Itinulak ang kariton niya.

                “Pa-take out na lang po ng order ko,” banggit ko sa kahera.

                “Ay eto na yung order mo inaayus na lang,” sagot niya.

                “Take out na lang po,” pag-uulit ko.

                Bitbit ko ang liemposilog na dapat sana ay doon ko kinain, at ang tatlong cheeseburger na take out ko (para sa mga kasama ko sa bahay).

                Luminga-linga sa daan. Pero wala akong masakyan. Naisip ko ang matandang ale. Baka hindi pa siya nakalalayo kasi nga alam kong may tulak pa siyang kariton. Naglakad ako.

                Sa may madilim na bahagi ng kalye, nakita ko siyang nangangalakal ng basura. Kinuha ko ang isang cheeseburger sa plastic. Iniabot ko sa kanya.

                “Nay ito po.”

                “Uy, salamat. Kanina pa ako di kumakain eh.”

                Tumuloy na ako sa paglakad matapos kong iabot sa kanya ang pagkain. Ni hindi ko na nga nalingon kung kinain niya agad iyon; isa pa madilim kasi dun sa may poste kung saan siya nangangalakal.

                Habang naglalakad, naalala ko ang batang ‘epal’… sa isip ko, mas deserving naman na bahagian ko ng pagkain ang matandang ale kaysa sa kanya hahaha. (Ang bad ko talaga sa bata).



Biyernes, Enero 13, 2017

'pagpag'-kain


Nakagawian nang manuod ng kahit na anong dokyu tuwing new year’s eve.
Para lang hindi mainip habang naghihintay na maghating-gabi.

Ang napanuod ko ay dokyu tungkol sa mga mahihirap na pamilya na kumakain o nagbebenta ng ‘pagpag’. Mga parte lamang ng magkakaibang dokumentaryo ang napanuod ko; humigit-kumulang tig-sampung minuto. Magkakapareho ang paraan ng pagpo-proseso nila ng pagpag –

1. Kinukuha ang mga tirang pagkain mula sa mga itinapon na ng mga fast food o restaurant.
2. Pinipili ang mga tirang pagkain tulad halimbawa ng manok na may mga laman pang natitira.
3. Hinuhugasan ang mga naipong 'pagpag' at saka ito pinakukuluan.
4. Inilulutong muli ang mga napakuluang 'pagpag'.
5. Sa iba ay hindi lamang ito basta panglaman-tiyan; ibinibenta rin nila ito at pinagkakakitaan.

Ang pagkain ng ‘pagpag’ ay maaaring magdulot ng malnutrisyon at sakit (tulad ng pagtatae, pagsusuka, cholera at hepatitis). Ngunit nakalulungkot na dahil sa kahirapan ay napipilitan ang ilan sa ating kapwa na manguha, mag-proseso, kumain at magbenta ng ganitong uri ng pagkain.



Sabado, Enero 7, 2017

talsikan festival :)


1. Kung may matalsikan man, dedma na lang.
2. Pulutin at ibalik sa bibig.
3. Bigyan ng plus 5!

Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan sa mga maaaring gawin kapag tumalsik ang iyong laway habang nagtuturo ka hahaha.

Ito ay naitala mula sa kwentuhan naming magkakaibigan sa isang kapehan.

o-O-o

1. Pupunasan nang palihim.
2. Matalim na pagtingin.
3. Dedma na lang din.

Ang mga ito naman ang ginagawa ng mga estudyanteng natatalsikan ng laway .
At oo, ito talaga ang isa sa mga naging usapan namin; it’s so interesting! Lols.



Martes, Enero 3, 2017

dagli 18: mema-chicken thought


                Tinawid namin ang highway para makasakay ng jeep pa-Malanday. Habang naghihintay ng masasakyan, dumaan ang dalawang maliit na delivery truck na lulan at napupuno ng mga kulay puting manok. Bukas nga pala ay new year’s eve na, kaya malamang sa katayan ang diretso nila.

                Nung media noche, hindi ko malaman kung bakit napapatingin ako sa kinakain kong fried chicken. Naalala ko ang eksenang pagdaan ng delivery truck. Gaano kalaki ang posibilidad na ang kinain ko ay isa pala sa kanila?

                Hmm… Sarap!



Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...