Mga Pahina

Miyerkules, Nobyembre 30, 2016

Kahit saan mapunta, may magsasabing “Hi Sir!”.


                Nasalubong ko si Jasper (dati kong estudyante) sa footbridge. Nagkamustahan ng kaunti. Saglit kaming tumigil sa mismong hagdanan, mabuti na lang at kaunti lang yung dumaraan. Tinanong ko kung saan na siya nag-aaral; sa pagkakatanda ko kasi ang sabi niya sa akin noong nagpi-fill up siya ng form para sa senior high ay magti-TESDA siya. Ang sagot niya, siya raw ay nag-aapply na ng trabaho. Hindi ko na nausisa pa, dahil nasa hagdanan kami ng footbridge at baka kami ay makaabala, ‘good luck’ o ‘ingat’ ba ang huli kong nabanggit sa kanya, hindi ko maalala eh.

                Ang awkward o nakakatawang part ay yung mismong nagkasalubong kami. Sanay ang mga ka-batch na estudyante ni Jasper magmano sa mga teachers nila, pero sa kung anong dahilan hindi niya naituloy yung akmang magmamano sana siya sa akin, di ko na rin naiabot ang kamay ko kasi magmumukha na naman akong matanda, eh bata pa naman ako lol.

                Parang nung kailan lang, sa parehong lugar hindi nga lang sa footbridge; dahil nung araw na yun ay mas pinili kong tumawid na lang sa kalsada kaysa mapagod sa pag-akyat at pagbaba sa footbridge para lang makasakay ng jeep, samantalang ilang lakad lang kung sa mismong kalsada tatawid (pasaway); may bigla na lang ako nakasabay sa daan.

Natawid ko na ang kalahati ng kalsada, saglit akong tumigil sa gitna dahil marami pang sasakyang dumaraan, nang biglang may nag-“Sir!” na isang babae sa gilid ko sabay nagmano. Estudyante na siya sa kolehiyo, hindi ko alam kung tama ba yung pagkatanda ko na Datamex yung nasa id lace nya, at hindi ko na rin nabasa yung pangalan niya sa id, kaya “Oh kamusta?” na lang ang nabanggit ko sa kanya. Pero sa totoo lang di ko talaga siya matandaan hahaha.

                Ang daming mga tagpong ganito ang maaring mangyari at nangyari na; mga “unexpected-encounter-with-my-former-students”. Karamihan, ay may moments ng pagkabigla, pagkagulat na masaya, pero hindi lahat ay masaya.

                May ilang ‘patago-effect’ kahit na nakita mo na sila, yung kulang na lang paliitin nila ang kanilang sarili para di mo lang sila mapansin, nagtataka naman ako kung bakit ganuon lol.

May ‘pa-dedma-effect’ tulad nung minsan ay may inihatid akong current student ko na may sakit; sa daan ay napansin ko ang dati kong estudyante, noong nahagip ko siya ng tingin bigla namang iwas niya na para bang bawal niya akong makita. Lumilingon-lingon kung saan, kaya di ko na rin pinansin pa, at saka yung may sakit kong estudyante ang concern ko noon.

                At ang first time at kaisa-isahang encounter na di ko malilimutan ay yung tignan ako ng masama ng isang dati kong estudyante na samantalang yung isa nya pang kasabay noong araw na yun na ka-batch niya ay magiliw at abot-ngiti akong binati, tapus sya tinaliman ako ng tingin, pashneya! Lol.

Nagbalik tuloy sa alaala ko na sana ay hindi ko na lang siya pinasa; sana pala hindi ko na lang siya inintindi na tawagin at papasukin sa klase sa tuwing mas pinipili nyang maglaro ng volleyball sa labas during class hours; sana pala ay hindi ko na lang ni-recognize na may husay din sya kung hindi nga lang siya nagkukulang ng atensyon sa pag-aaral; sana pala ay hindi ko na lang siya binigyan ng chance na ma-prove muli ang kanyang sarili nung nakita kong parang hindi na siya kasing-sipag tulad noong unang markahan.

At sana ay may marating siya sa ‘attitude’ niyang ganun. Dahil ang saklap naman na ma-attitude na nga siya, di pa nga siya tapus ng senior high ay ang taas na ng tingin niya sa kanyang sarili. Kahit di na niya ako guro, hangad ko ang kanyang tagumpay (#charot! Haha).

Sa kabuuan, masaya namang lahat ang mga encounters na ganito with my former students. At habang tumagatagal ata ang isang guro sa kanyang propesyon, mas lalong dumarami ang ganitong tagpo. Kahit saan mapunta, may magsasabing “Hi Sir!”.



Miyerkules, Nobyembre 23, 2016

09 at 23


2016.11.09

     Kung hindi ako mag-i-enroll ngayong sem, anu naman kaya ang gagawin ko tuwing sabado?
…tatambay sa national library para doon magbasa, at mag-blog.
…tumambay sa luneta o kahit saan pa sa maynila para mangalap ng istorya.
…makitulog sa bahay ng iba tuwing byernes ng gabi at uuwi ng sabado ng gabi.
…magpagala-gala sa malls?
…mag-bike kaya sa umaga at tumambay sa tulay sa may Bulacan?
…manuod ng movies? documentaries?
…gumawa ng art crafts.
…magtanim ng halaman at itala ang paglago nito bawat linggo.
…magkulay gamit ang color pencils.
…maglakad nang maglakad, kung saan man mapadpad.

     Naalala ko ang klasmeyt kong si Steph na nag-aaya sa pag-attend ng The Feast, tuwing sabado raw iyon. Kaso lang, hindi ko alam kung bakit kapag nasimulan ko na ay di nagtatagal ang pag-attend ko sa mga ganito. Ano bang mga ayaw ko? Una ay yung cell group na tinatawag. Tapus meron kang cell group leader. At bawat isa sa mga myembro ng cell group ay maaaring maging potensyal na leader sa hinaharap na siya namang magha-handle at bubuo ng sarili niyang cell group. Parang recruitment ang dating. Parang clan.

     Mag-jogging sa UP?... Tutal yun naman ang laging bukambibig ni Dreb. Kaso ang layo naman kung para sa pagja-jogging lang. Pwede naman akong mag-jogging dito sa lugar namin, na minsan maputik kung maulan at madalas mausok dahil sa mga trak at sasakyan.

     Sumagi rin sa isip ko yung maki-‘sit in’ sa klase na nabasa ko sa isang post ni Pete. Pwede kaya akong maki-sit in kahit di naman ako dun kasalukuyang nag-aaral? Gusto ko rin ma-feel na ma-inspire ng marami pang iba. Kung mabasa man nya, sana ay ayain nya kami nila Eldie at Neri. Naalala ko, parang field study lang namin noon, nakiki-observe sa klase ng mga teachers.

     Tapus itong si Jord, na nitong nakaraan lang ako na-add sa fb ay nakikita kong laging may isini-share na tungkol sa mga NGO’s (kung hindi ako nagkakamali), basta tungkol sa mga social works ganun. Anu kaya kung maging parte ako ng isang NGO? Maging volunteer? Naalala ko tuloy yung isunulat ni cher Kat sa isa sa mga post sa kanyang blog; ang sabe nya ang ilan sa kanyang mga post ay naglalaman ng mga “what-ifs, could-have, at would-have” thingy. Nung nai-type ko ang “Anu kaya…” bigla na lang rumehistro sa isip ko yung nabasa ko sa kanyang blog. At na-realize ko (sa marami nang pagkakataon) na “ako rin pala ganun”.

     Nung isang araw, sa seksyon na pinakapaborito ko sa lahat; pinaka-peyborit ko sanang pag-walk-out-an hahaha; ang sabe ng isang bata – “ang bilis pala ng oras kapag alam mo yung lesson kasi nakinig ka”shet, gusto kong mag-celebrate! Isa sa mga di palakinig sa klase, naringgan ko ng ganun, gusto ko nga sanang batukan pa eh kasi patapos na ang 2nd quarter, ngayon nya lang yun na-realize?... Paano kung nakita nyang bagsak pa rin ang kanyang marka? Kasi ang tamad nya. Madi-discourage kaya sya?... Tapus “ang sarap daw sa feeling ” na makatapus ng activity, palibhasa minsan lang magawa ng gawain. Na-observe pa nga nila na noong araw na iyon ay first time nilang nakita na makapal ang hawak kong mga output, ibig sabihin maraming nagpasa. Saglit lang naman ang “celebrate-life-feeling” na yun, kasi subok ko na ang seksyon na ito, minsan nagsisipag, madalas mga tamad. Pinayuhan ko ang sarili kong ‘wag umasa’ dahil ningas-kugon lang nila yan.

     Gusto ko pa ring patuloy na sungitan ang ilang mga estudyante. Paminsan-minsan, o madalas para sa iba. Para matanggal naman ang apog ng kaangasan at ka-“feeling close attitude” nila sa mga teachers. Hindi ko gusto ang ilan sa mga ugali ng kabataang mag-aaral ngayon, dagdag pa, very distracted sila sa pag-aaral dahil sa kung anu-anong social media, games or apps o iba pang gawain na pinag-aaksayahan nila ng oras. Gusto kong ibalik yung attitude/ugali ng mga estudyanteng may galang, may sipag at tiyaga sa pag-aaral. Hindi mga pabaya. Hindi yung mga makapag-aral lang.


2016.11.23

Nag-enroll pa rin ako this sem. At oo, mukhang walang matutupad sa mga nailista ko sa itaas. So, good luck sa haggard kong pagkatao.


Miyerkules, Nobyembre 16, 2016

"and"


Sa photocopy-han…

…may nagtanong ng presyo ng ink ng printer –
“Magkano yung ink na BLACK and WHITE?”

Nag-‘kru-kru’ ang paligid. Di ko siya ‘gets’.
                Deo ba un, or anu?
               
Pero ‘peyborit’ ko pa rin yung –

                “Pa-photocopy nga, BACK and FORTH.”

Kasalanan talaga yan ng “and”.



Miyerkules, Nobyembre 9, 2016

umaasa-kind-of-thinking


2016.10.02

Nagsusulat ako dahil halos isang buwan na hindi ko na rin nagagawa ang pampalipas-oras na gawaing ito. Sa sobrang dami ng nangyari noong nakaraang buwan ng Setyembre, hindi ko magagawang sabihin yung madalas i-post ng iba sa fb na “September, be good to me!” Lumipas na ang Setyembre at hindi ito naging mabuti sa akin hahaha. Ang naging mabuti lang ay kung paano ako naka-survive sa mga moments ng pagka-haggardness. Siguro, sanayan lang... at nasanay na lang siguro akong maging haggard. Tutal ang sabe, base sa nabasa ko nuon tungkol sa ating perceived self-efficacy, kung mas marami ka nang nalampasan na mahihirap na tasks o mga gawain na nahirapan kang tapusin ngunit napagtagumpayan, tumataas ang paniniwala natin sa ating sarili na malalampasan ang kasalukuyang mahirap na gawain. Kumbaga, kung ang mga “iyon” nga ay nalampasan mo, ang mga “ito” pa kaya. Kaya kahit maraming factor ang humahadlang para maka-survive, maging hopeful tayo sa theory na iyon ni Albert Bandura.

                At hindi naman talaga natatapos ang mga gawain. Anu pa bang bago? Kaya sana ay nasa mabuti kayong kalagayan, at hangad ko ang inyong kaligayahan, sana ganun din kayo sa akin lol.


2016.11.09

Isa marahil sa maituturing na negatibong epekto (parang nag-backfire lang) ng paniniwala ko sa theory of self-efficacy ay ang mismong paniniwala ko na matatapos ko rin ang mga gawain. Ang resulta, kakapaniwala ko, wala na tuloy ako maumpisahan, o kung meron man pahirapan pa. Parang false hope; parang umaasa-kind-of-thinking. Pero kapit tayo sa motto ng Maynilad - “dadaloy din ang ginhawa.”


Lunes, Nobyembre 7, 2016

...ang titik M.


2016.09.25

Mabuti na lang, kahit paano ay napilit ding gumana ang ilan sa mga sirang keys dito sa keyboard ko. Nasira ang huling mouse na ginagamit ko dahil nabagsak ko ito nang hindi sadya noong mga araw na may problema ang kuryente dito sa bahay. Nakabili naman ako ng bago, yun nga lang, maliit lang siya, sa laki ng kamay ko hirap akong hawakan ito; nakakangalay gamitin. Kung naabutan ko lang sanang bukas ang cd-r king eh di sana ay nakapili pa ako ng mas akmang mouse kesa sa ginagamit ko ngayon; at kung di ko lang talaga kailangan, eh di sana ay di muna ako bumili. Napakabilis ng paggalaw ng cursor, paano ba ito pabagalin? Pag binago ko naman yung setting parang sa touchpad lang applicable at hindi sa nakakabit na mouse. Kaunting galaw lang kung saan-saan na napupunta ang cursor sa screen… ganito siguro talaga ang mouse na tig-150 lol.

Na-miss ko na ang pagsulat ng kahit na anek-anek lang at saka ang magbasa ng mga blogpost. Pero sa dami ng mga gawain na nakakaumay nang gawin, di ko na nagagawang magbasa ng mga blogs. Dagdag pa na ngayon ay kapag umuulan ay nawawala ang signal ng internet dito sa bahay.

Gusto kong magpakulay ng buhok… yung dark copper brown.


2016.11.07

1. Nakasanayan ko na lang din na gamitin itong maliit na mouse na may effect pang kulay blue na LED light kapag ginagalaw. Ang lakas maka-jejemon ng mouse na ito tuwing ginagamit ko lol.

2. Sa kabutihang palad, nabalik na ang ulirat ng anim na pasaway na keys ng keyboard ng primitibong netbook ko na ito. Ngayon ay maginhawa na ang pagtipa. Yun nga lang may bagong nagloloko, isa lang naman at hindi pa malala… ang titik M.

3. Hindi pa rin ako nakapagpapakulay ng buhok ng dark copper brown. Itim at puti pa rin ang mga hibla. At hindi ko na rin naman balak pa.


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...