Mga Pahina

Sabado, Agosto 30, 2014

"Maikli"


Ika-30 ng Agosto, 2014
Sabado, 10:15 ng gabi


            Mula umaga hanggang tanghali ay magkabati pa ang nanay at tatay ko… sa paggamit ng tv. Palibhasa, nasa prime time pa ang kanilang mga panunuorin. Pero ‘wag ka… kapag kumagat na ang dilim… bakbakan na sa tv! Kada komersyal, lipat ng lipat sa ibang channel… basketbol… teleserye… basketbol ulit… teleserye ulit… basketbol na naman… teleserye na naman… hanggang ang tv ay matigbak.

            Mabuti pa ang kapatid ko sa kanyang kwarto… sitting pretty sa harap ng tv sa kanyang silid.

            Mabuti pa ako… hindi na lang ako nanunuod lols.

        Ni hindi ko man lang natunghayan sa tv yung balita na hindi raw pusa sa Hello Kitty! Napakaimportanteng balita pa naman nun, life changing hahaha.

            Hay buhay… kakaiba.

            Maikli.


Linggo, Agosto 24, 2014

Para Kay B (Hindi Ito Tungkol Sa Libro Ni Ricky Lee)


Ika-24 ng Agosto, 2014
Linggo, 9:05 ng gabi



            Ginawa ko ‘to kasi di kita binati nung birthday mo at wala rin akong binigay na regalo… alam mo naman medyo korni na ang dating sa akin ng mga ‘bertdey’ (senyales ba ito na matanda na ako? hehe). Lahat na lang nag-greet sa iyo nung araw ng birthday mo, meron pa silang surprise at regalo… samantalang ako umattend lang tapus ‘nganga’ hahaha.

            Sabi ko na nga ba, isa sa mga ‘special tactics’ mo yung pagbibigay mo sa amin (pati na rin sa iba) ng mga ‘surprise items’, para ‘pag birthday mo ramdam mong maraming makokonsensya kapag di ka binigyan ng regalo hahaha. Pero hindi… napaka-thoughtful mo kasing tao.

            Sabi mo –


            … ayan ang patunay na nahahawa ka na or parehas lang talaga tayong nakokornihan sa bertdey. Ang totoo, di sana ako pupunta nung biyernes kasi lagi akong present sa mga handaan ng kaibigan tapus ako di naman nag-aaya hahaha. Pero, dahil iba kayo (at kahit busy pa sa buhay-artista ko), ayan pinagbigyan ko kayo, mag-thank you ka lols.

            Pa’no ka ba nila makikilala (yun ay kung tyatyagain nilang basahin ang tungkol sa’yo hahaha)… uhmmm ganito –

            1. Siya lang ang bumubulong na nabubunyag din naman. Ang galing niya di ba? Tulad nung binulungan mo si Mary kung pinansin ba siya ni Patty… oh my gulay, pag lingon ko nalaman ko rin naman yung binulong niya hahaha.

            2. At bilang mapanlait ka sa katalinuhan ko, ibubunyag ko na ikaw lang ang nag-top 2 (tama ba?) na naging top 9 hahaha.

            3. Matutuwa ka rin sa mga isinusulat niya dahil siya lang ang gagamit ng linyang "...may sasabihin ako sayo.Sekreto lang to." Di nga? Sekreto nga ba? hahaha.

            4. At ikaw lang ang nagla-launch ng bagong version ng sarili, braver at bolder pa hahaha, at may 2.0 version pa, ikaw na! hahaha.

            Ayoko na nadagdagan baka masira lang ang ating pagkakaibigan hahaha. Tutal nabanggit ko na naman ang iba sa tula na binigay ko sa iyo noon (na itatago mo kasi pipirmahan ko yun ‘pag sikat na ako). Ganyan marahil ang tunay na magkakaibigan, naglalaitan! Lols.

            Bukod sa mga sulat (na nakatupi man o nasa loob ng capsule), maraming salamat sa mga binibigay mo sa amin. Maliliit na bagay na may malalaking kahulugan sa amin.

            Sa lamesa ko pala napadpad ang huling dalawang bagay na naibigay mo sa akin –


'Di na masyadong stressful sa lamesa ko
dahil nariyan na si Orang na laging naka-ngiti.
At ang kulay blue na sand clock ay ginagamit kong
pandagan ng mga papel hehehe.


            At heto naman ang pagbati namin ng hapi bertdey sa’yo –


Si Bayeng...
ang bubwit na bigla na lang sumulpot sa bahay.


Heypi Bertdey!!!


(Galing ako sa sarili kong roadtrip kanina, sinusunod ko kasi yung payo mo na lumabas man lang ako, kaya ayun nagpapaaraw na ako tuwing dapit-hapon hahaha, sobrang init kasi sa umaga o hapon… at pagbalik ko nga ay may bubwit na bumisita sa bahay kaya sinama ko na sa picture hahaha. Wala na itong edit o fan sign di kami marunong nun hahaha. Saka laos na yun sa pag-photobomb ni Bayeng lols.)

            Siya nga pala may ibibigay ako sa’yo… yun ay kung magkikita tayo hahaha.

            Ito ay Para Kay B… Budangzkie!!!


Mula sa iyong idol,
Jepoy hahaha


Biyernes, Agosto 22, 2014

Para kay Rodney...


Ika-22 ng Agosto, 2014
Biyernes, 5:19 ng hapon


            Sa tuwing magbubukas ako ng fb, nadudurog ang puso ko sa mga mensahe ng lahat ng nakakakilala, nakasama at mga kaibigan ni Sean Rodney Alejo. Grabe…

            Nung pumunta ako sa kanyang burol noong miyerkules, hindi ako makapaniwala sa nakikita ko… siya nga yung nakaburol. Hindi ko alam kung maiiyak ba ako o ano. Parang namamanhid ako habang nagdarasal sa harap ng kanyang kabaong (kasama ang dalawa kong kaguro).

            Na bigla ko na lang na-appreciate ang buhay ko. Ang batang ito ay nauna pa sa akin… ang batang ito ay mas nauna pa sa kanyang mga magulang. Gaano kasakit sa kanyang mga mahal sa buhay ang kanyang pagkawala? Gaano kahirap sa isang magulang ang maghatid sa huling hantungan ng kanyang anak?… hindi ko alam… hindi ko kayang ilarawan.

            Proud ako na naging guro niya ako noong 4th year high school siya. Nag-uumpisa pa nga lang ang kanyang mga pangarap sa buhay-kolehiyo, heto’t dahil sa di inaasahang pangyayari, bigla na lang naglaho ang lahat.

            Mahusay sumayaw.

            Magaling na manlalaro ng volleyball.

            Palakaibigan.

            Palangiti.

            Makulit.

            May angking talino.

            Ganyan ko nakilala ang isang  Rodney. Tandang-tanda ko pa nung isang seatwork namin sa physics na ginawa kong isang game / group activity, nakita ko siya na nagdarasal pa para lang humiling na sana tama ang kanyang sagot kasama ng kanyang mga kagrupo, bigla akong natuwa, naisip ko, “Gumagana rin kaya ang prayer kahit sa seatwork?”… maya-maya pa, nung sinabi ko na ang tamang sagot sa problem-soving, natuwa ang grupo ni Rodney dahil tama ang kanilang kasagutan, may puntos na sila J. Kinilabutan ako. Ibang klase, ang lakas manalangin. J

            May pananalig.

            Marami na ang sumasaludo sa kanyang kabayanihan ngayon. Niligtas ang iba bago ang sarili. Tatak ng isang tunay na bayani.

            Kinikilabutan pa rin ako hanggang ngayon. Kahit nasa klase ako, habang nagtuturo, bigla na lang magpa-flash sa utak ko ang nakahimlay na si Rodney, tapus napapatingin ako sa mga kasalukuyang estudyante ko, naisip ko na sana alam nila kung gaano sila ka-bless na may pagkakataon pa silang mabuhay at mangarap, na sana hindi sila maging biktima ng di inaasahang pangyayari o kapabayaan nino man.

            Ilang beses ko na rin sinabi sa sarili ko na wag muna mag-fb, kasi pusong-bato lang ang hindi maaantig sa lahat ng nagdadalamhati sa kanyang pagkawala. Kahit hindi mo kilala si Rodney, kung mababasa mo lang ang mga mensahe nila para sa kanya, animo’y nakasama mo na rin ang batang ito, parang nakilala mo na rin ang batang tinutukoy ko.

            Hindi mo talaga masasabi kung hanggang kailan lamang ang buhay mo. Kaya mas natutunan kong mahalin ito habang may pagkakataon.

            Rest in peace Sean Rodney Alejo…


Martes, Agosto 19, 2014

"Boyfriend mo 23?”


Ika-16 ng Agosto, 2014
Sabado, 9:32 ng gabi


            Gusto ko mang magpahaba ng buhok, hindi naman pwede. Una, dahil sa trabaho… pangalawa, hindi naman bagay dahil ang ayos-ayos ng buhok kong wavy. At ang matinde nagkaka-alopecia pa ako kaya ayoko rin ng sobrang ikli kasi makikita naman yung bald spot ko hahaha. Badtrip!

            Kawawa naman si Aling Dionisia… nung binalita sa tv na may boyfriend siya, nagngangalit ang reaksyon ng isang matandang lalaki na may ari ng pagupitan kung saan ako nagpagupit kanina. Nag-agree pa ang babaeng nagpapaunat ng buhok sa kaliwa ko; ang bata naman daw ng bf ni Aling Dionisia, “…porty!”

            Napa-react din tuloy ang naggugupit sa akin, pero kampi siya kay Mommy D…

            “Eh anong gusto mong kunin niyang bf, 65 din tulad niya? Ano makukuha niya dun? Ako nga boyfriend ko 23!”, pagmamalaki ni Goldilocks (hahaha di ko alam ang pangalan niya, eh bilang dilaw ang kanyang buhok kaya Goldilocks na lang).

            “@#$%^&* mo! Boyfriend mo 23?”, pagkwestyun ng bitter na may-ari ng pagupitan… wala sigurong lovelife tulad ko hahaha.

            “Ganun talaga, ‘pag may pera nilalanggam!”, pagtatanggol ni Goldilocks sa sarili. Nagmamatamis.

            Nang magsaboy pala ng lovelife ang Diyos, nakasalo (o nakiagaw?) si Goldilocks at Mommy D ng isa! Sige kayo na! Hahaha. Dahil ang daming kwento at reaksyon ni Goldilocks sa mga binabalita sa tv, inaantok na talaga ako habang ginugupitan niya ako.

            At nung makita niya yung bald spot ko –

            “Ay oh stress! Stress ka sa work ‘no? Di bale babalik din yan. Ano yan eh, ang tawag d’yan AL-PA-SYA, ay hindi ano pala ALS-PE-SYA.”, salamat kay Goldilocks at ibinunyag niya sa buong paligid ang bald spot ko lols.

            “…alopecia po.”, pagtatama ko. Ang bait ko.


Linggo, Agosto 17, 2014

"Si Manong-Vibrato..."


Ika-15 ng Agosto, 2014
Biyernes, 8:22 ng umaga


Dear Neighborhood,

            Hindi ko alam kung sino-sino (o kung meron ba) ang nag-request para sa repeat ng inyong “all-star-weekend-outraging-videoke-performance”. Grabe pati weekdays nakopo niyo na, ang taas-taas na ata ng ratings at public demand sa inyo… kaya di na ako magtataka, madedemanda na talaga kayo hahaha.

            Kagabi di ako makatulog, sulit na sulit nga naman kapag kayo ay nag-perform. Kahit walang sumisigaw ng “more” aba “many-many-more” pa talaga ang peg niyo. At hindi lang yan, naunahan niyo pa ako sa paggising ngayong umaga dahil napuyat ako sa sapilitang pagtangkilik sa inyo. Wala na talaga akong masabi, ‘pag umaga rehearsal? ‘Pag gabi full-blast-hurricane-performance? Astig!

            Minsan, nagpapaka-positibo na lang ako sa ginagawa ninyo. Kahit nga hindi ko makita ang mga mukha ng nagsisipagkanta, memorize ko na ata ang mga dumadagundong ninyong tinig. Si Biriterang-Girl na kahit anong taas ng tono ay tiyak na aabutin… ipagsisigawan nyang abutin hahaha! Si Manong-Vibrato na daig pa ang kinukumbulsyon sa nginig ng kanyang boses. At si Nanay-Emo na punong-puno ng drama ang tinig at umaalon-alon pa ang tono. Kung ang pag-awit ni Nanay-Emo ay maituturing na isang cover, tagong-tago na talaga ang orihinal na bersyon ng kanta hahaha. Minsan pa nga may mga guests pa kayo, yung tipong “aba-ngayon-ko-pa-lang-ito-narinig-ah”.

          Sa kabilang banda, nakatutuwa rin minsan kapag naririnig kong nag-i-improve na ang inyong mga boses; binibigyan niyo ako ng pag-asa na baka gumanda rin ang boses ko kapag sumapi ako sa inyong club.

            Hanggang sa mga oras na ito ay puspusan pa rin ang pagri-rehearse ninyo. Kailan ba ulit ang susunod? Mamayang gabi? O para ba ito sa sabado at linggo? Nakaka-excite naman ang kagilagilalas, punong-puno ng gilas, kulang na lang maglaslas hahaha!

            O siya… die-hard-fan niyo na ako. Di na ata kayo malalaos. Taon na rin ang itinagal ng bisyo niyong ito… and still counting many years! Forever and ever!

            Videoke ba ka’mo? It’s MOREST (superlative form ng more hahaha) fun in the Philippines!


Your neighbor,
Korta Bista  (with love and hatred)


Biyernes, Agosto 15, 2014

"kung ako ay isang bumbilya..."


Ika-12 ng Agosto, 2014
Martes, 7:52 ng gabi


            Madonna and Child ang pamagat ng ikatlong kabanata ng Ligo Na U, Lapit Na Me ni Sir Eros. Hindi ko alam kung shunga lang ba ako para hindi mabatid kung bakit yun ang title ng chapter hahaha. Mas nag-focus kasi ako sa nilalaman nito. Sa bahaging ito ng libro ay unti-unti na ang pagbibigay ng mas detalyadong paglalarawan kung sino sina Intoy at Jen… basta ang natandaan ko sila ay… friends with benefits.

            Hindi ko alam kung paano ko natitiis ang mga kakulitan at kaaningan ng mga bubwit na hinaharap ko mula lunes hanggang biyernes… sa totoo lang gusto ko na silang dagukan isa-isa lols. Pero syempre bawal, mahirap na baka ma-TV patrol hehehe.

            Ang aga ko naman antukin… namimikit na ang mga mata ko habang ginagawa ko ‘to. Nga pala, kumakain ako ng comfort food kong potato chips at nagkakape para dagdag panunaw sa kinain.

            Animo’y isang himala na kapag may isang estudyanteng tamad o pala-absent ang nakuhaan ko ng output sa isang araw, iba ang feeling hahaha. Yung excited ka na matsekan ang papel niya para may maidagdag sa walang bahid dungis niyang score. Parang kaparehas ng pakiramdam ng pagkapanalo ng UP sa basketbol… kahit isa lang, okay na kaysa wala.

            Tinanong ko si Lawrence kung bakit napakatagal niyang lumiban sa klase, sa katunayan sa araw ng pagsusulit lang siya ulit pumasok, at kung hindi man mag-cutting, parang ganun din naman kahit nasa loob siya ng klase. Parang wala lang… tulad kanina.

            “Bakit ang tagal mong absent?”, naitanong ko sa kanya. Ang tagal bago sumagot. Nung makaisip na ang sabi – “Nagbakasyon po!”… aba matinde! Hahaha. Simula pa lang ng klase bakasyon na. Kaya itinuon ko na lang kay Vincent ang atensyon ko, isa rin ‘tong batang ‘to, kung ako ay isang bumbilya, punding-pundi na ako sa batang ito.

            “Vincent… hindi ka ba napapagod sa mga sumasaway sa’yo?”
           
            “Sir may sakit ako eh…”, hindi niya direktang sinagot ang tanong ko.

            Inulit ko ang tanong, “Hindi ka ba napapagod?”. Di ko na rin masyadong sinasaway ang batang ito dahil pakiramdam ko bugbog na ito sa mga pagsaway, mga salita at kung ano-ano pa… to the point na parang manhid na nga ito sa lahat ng sasabihin sa kanya.

            “Kailan matatapos yang pagsasaway namin sa’yo?”

            “Sa Monday sir, ay bukas Miyerkules!”, ay leche flan, naglolokohan na naman kami ni Vincent.

            “Alam mo matalino ka naman eh, kaso sinasayang mo”, yan na lang ang nabanggit ko (na labas sa ilong hehehe). Walang anu-ano’y biglang kumuha ng papel si Vincent, pumunta sa unahan at kinopya sa pisara yung pinapagawa ko (kinopya lang, hindi ko nakita at nasigurado kung sinagutan lols).

            Tinopak na naman ang batang si Vincent. Nagmaamo ngayong araw. Tignan natin bukas.


            Ayokong umasa. Baka ako’y ma-disappoint lang. Hahaha.

Miyerkules, Agosto 13, 2014

"Hanggang kailan may bukas?"


Ika-11 ng Agosto, 2014
Lunes, 7:46 ng gabi


            Kaninang umaga ay katatapos ko pa lang basahin ang ikalawang kabanata ng libro ni Sir Eros na Ligo Na U… ang pamagat ng chapter two ay – Got to Believe in Ethics.

            Sa totoo lang hindi pa masyadong nagsi-sink in sa akin ang karakter ni Intoy… kasi sa mga pahayag niya pakiramdam ko si Sir Eros pa rin ang nagkukwento… napakanatural lang kasi ng daloy. Hindi ka maninibago, parang dati mo na ring kakuwentuhan ang nagsasalaysay.

            Nakakatuwa kung paano niya diniscribe ang karakter ni Ma’am Ethics… na malayo naman sa naging prof namin noon sa BioEthics. Mas malaya kami kay Ma’am BioEthics kumpara kay Ma’am Ethics ni Intoy.

Masaya yung subject namin na yun, lalo na kung may debate na nagaganap. Nakakaaliw panuorin ang mga klasmeyt ko na nagtatalo sa kanilang mga ideya. Minsan parang kuntento na akong makinig sa kanila, lalo na dun sa mga klasmeyt ko na noon ko lang din naringgan ng opinyon o ideya, yung mapapabilib ka na “aba may punto siya” na di mo inakala hahaha.

Ang paborito ko sa kabanatang ito (Got to Believe in Ethics) ay yung iba’t ibang social issues na nabanggit dahil lamang sa usaping “himala”. Da best yung part na bakit nga ba walang nagra-rally para pigilan ang mga pagra-rally? Lols. Napa-“oo nga ano” ako… kaso ano naman ang ipinagkaiba nila sa mga nagra-rally eh nag-rally din naman sila, yun nga lang ang punto ng kanilang pagra-rally ay para pigilan ang pagra-rally hahaha… ewan.

            Saka yung bakit walang mga atheist na nagtitipon tuwing linggo at magbabahay-bahay halimbawa para magpatotoo kung paano nabago ang kanilang buhay mula nang sila’y maging atheist hahaha… ilan lamang ito sa mga makukulit na ideya ni Sir Eros.

            Oh siya… sa ibang araw na lang ulit ako magbabasa.

            Ang ikinaiirita ko lang ngayon ay ang walang katapusang “bukas” ng mga estudyante sa pagpapasa ng dapat nilang maipasa. Hanggang kailan may bukas?...


Lunes, Agosto 11, 2014

“Nong ideal d8 mgsuicide?”


Ika-10 ng Agosto, 2014
Linggo, 7:57 ng umaga


Pamagat:          “LIGO NA U, LAPIT NA ME”
Ni:                      Eros S. Atalia


            Unang kabanata pa lang, na-hook (or nahayok hahaha) na agad akong basahin nang tuloy-tuloy ang libro, pero pinigilan ko ang sarili ko, ayoko matapos agad ang binabasa ko. Naisip ko, mas mabilis ako magbasa ng tagalog kumpara mga ingles na babasahin. Lalo na sa estilo ng pagsusulat ni Sir Eros, simple lang at madaling maintindihan at nakaka-relate ang madlang pipol tulad ko. Kapag ingles kasi, naiinis ako kapag may salitang noon ko pa lang na-encounter hahaha, kahit pa alam ko naman ang kahulugan sa pamamagitan ng contextual clues (na turo ng English teacher ko nung high school), hindi ko matiis na hindi hanapin ang eksaktong kahulugan niya kay Merriam.

            Ngayong araw, unang kabanata pa lang ang binasa ko – Himagsik at Lantik ng Physics. Bilang science major (daw), naka-relate agad ako sa unang parte ng kwento… ang paggamit ng “index card” para sa mga formula na magsasalba sa iyo sa exam. Naalala ko kapag exam namin sa Physics, bukod sa lamang ang may nabasa at talino, yamado ka rin kapag kumpleto ang set of equations ng index card mo! Hahaha.

            Saka yung moment na kapag tapos na yung exam, bigla na lang susulpot ang “tanungan-here-tanungan-there” portion na pagkukumpara ng mga sagot, na matutuwa ka na kapag may kaparehas ka ng sagot, basta parehas kahit di muna tama hahaha. Ang saya ng unang kabanata, parang nakita kami ni Sir Eros nung nag-i-exam kaming mga magka-klasmeyt at bigla na lang niya ikinuwento. Ganun.

            “Nong ideal d8 mgsuicide?” – tanong na Jen kay Intoy. Na ang daming rason ang ibinigay ni Intoy, na lahat na lang inirason, pero wala naman siyang na-rekomendang araw o buwan. Di ko alam kung sadyang ganun para pahagip na mapigilan ang balak ni Jen.

            Excited na ako sa next chapter. Sa mga nakabasa na. Kayo na. Lols.


Sabado, Agosto 9, 2014

"Gray Matter"


Ika-09 ng Agosto, 2014
Sabado, 9:08 ng gabi


Pamagat:          “GRAY MATTER”
Ni:                    David I. Levy, MD with Joel Kilpatrick

            Ito ang unang libro na natapos kong basahin ngayong taon whahaha. Bakasyon pa nung nabili ko ang libro (sa Booksale, P155 lang), pero dahil sa ubod ako ng sipag magbasa, ngayon ko lang siya natapos (mga 30 minutes pa lang ang nakalipas) pati mga footnotes at epilogue!

            Ito ay hango sa totoong-buhay. Mga pangyayari sa isang neurosurgeon na si Dr. David I. Levy. Nagkaroon ako ng interes na basahin ang libro dahil sa linya nito na – “A neurosurgeon discovers the power of prayer… one patient at a time.”

            Nakaka-amaze basahin kasi para ka na ring nanuod ng mga “medical drama” tulad ng Grey’s Anatomy (minus the mahaharot part dahil walang ganun sa libro hahaha) o kaya ng House MD.

            At nakakatuwa kung gaano ka-detalye yung mga procedure na ginagawa kapag halimbawa ay may aneurysm ang isang tao; ang daloy ng kwento ay hindi nagmu-mukhang textbook na pang-medisina. Aliw na aliw din akong sa pagme-memorya ng mga medical conditions/terms na nababanggit sa libro. Sa mga unang chapter kasi buo pa ang pagkakasulat sa mga termino pero sa mga sumunod na kabanata ay naka-abbreviate na ito.

            Para siyang koleksiyon ng mga na-encounter na pasyente ni Dr. Levy. Mula mga bata hanggang matatanda, ‘from different walks of life’ ika nga. Damang-dama ko ang drama mula sa buhay ng mga pasyente at sa loob ng operating room. Ang pagiging matagumpay ng bawat operasyon at ilang pagkabigo. Mga pagdududa at pagkapit sa pananampalataya mo sa Diyos. Yung nari-realize mo kung gaano ka-diverse ang buhay ng mga tao. Lahat ay may pinanggagalingan, lahat ay may kanya-kanyang tadhana at kwento.

            Ang pinakamaganda marahil sa libro ay kung paano ginawang parte ni Dr. Levy ang pagdarasal para sa kanyang mga pasyente. Na yung bawat isa sa kanila, pati na rin siya, ay gumaling (although meron ding hindi) mula sa kanilang pisikal sa karamdaman kasabay ng kanilang paglago sa kanilang espirituwal na buhay.

            Parang “siyensya plus pananampalataya”. Ganun.





Martes, Agosto 5, 2014

"Iba pa rin kapag..."


Ika-05 ng Agosto, 2014
Martes, 11:09 ng gabi


            Matutulog na sana ako… kaso sa di ko malamang dahilan, bigla ko na lang naalala ang mga “kowtabol kowts” ni nanay nung nasa ‘hiskul’ pa ako.

            Kapag nakikita niyang naha-haggard na ako sa pagri-review para sa exam (at mukhang parte na ata ng buhay ko ang maging haggard hahaha) sasabihin niya –

            “Hay naku! Bukas ka na mag-review, gabi na! Wala nang papasok d’yan sa utak mo. Gumising ka na lang ng maaga, para fresh pa yang memorya mo; madaling-araw ka mag-review.”

            Tapus babanatan pa niya ng –

            “Ako nga nung nag-aaral ganun ginagawa ko!”

            Sa isip ko, “Weh? Hindi nga Ma?” hahaha. Pero sinusunod ko rin naman ang payo niya, at effective din naman. Kaya ngayon, lagi kong iniisip na mas okay na yung matulog ng maaga at gumising na lang din ng maaga kung marami kang gagawin. Mahirap kasing sundan ang panibagong araw ng puyat.

            At mahilig pang mang-asar ang nanay ko kapag naaaligaga na ako sa mga projects. Ilan sa mga linya niya ay –

            “Oh ano? Bakit ngayon mo lang ginagawa yan? Wala ka talaga! Ang haba-haba ng tinulala mo tapus ngayon nagkukumahog ka. Lagi kang LAS-MI-NIT gumawa.” *with ngiti at tawa niyang nang-aasar lols*

            Naiinis talaga ako noon kasi nagmamadali na nga akong tapusin yung mga ginagawa ko, tapus parang nadi-discourage pa ako sa mga sinasabi ng nanay ko hahaha. Pero ‘pag natapos ko naman at mataas pa rin ang nakuha kong grade sa project, ipinapakita ko yun sa kanya at sa loob ko gusto kong sabihin na “Kala mo ah!” hehehe.

            Wala lang. Siguro na-miss ko lang na pagsabihan ako ng nanay ko. Ngayon kasi na may trabaho na syempre ikaw na ang may hawak ng iyong oras, at hindi na rin naman ako bata (feeling lang). Ako na lang ang nagagalit sa sarili ko sa aking mga katamaran hahaha.

Iba pa rin kapag si mudra.


Linggo, Agosto 3, 2014

"Wala bang ano? You know..."


Ika-03 ng Agosto, 2014
Linggo, 8:42 ng gabi


            Ngayong oras pa lang ako kakain ng hapunan… bale dalawang empanada (chili beef at tuna mula sa Yumpanada lols) at isang mug ng malamig at namumuong inumin na Milo! Napagod ako sa alay-lakad namin ni mudra… na medyo nakakainis mula umpisa hanggang gitna, bandang huli na lang ako medyo natuwa hahaha.

            Sa pagod ko, parang di ko na ramdam pa ang kumain ng ulam at kanin.

            Wala namang espesyal na nangyari sa aming lakad. Maliban na lang sa pagka-soplak ko sa mukha ng isang bata, syempre di naman sadya. Hindi ko naman kasi siya napansin habang naglalakad ako sa gitna ng maraming tao… bilang animo’y zombie ako kung maglakad, tumama ang aking galamay sa kanyang face, nung nilingon ko mukhang nasaktan siya kaya binilisan ko na lang ang paglakad hahaha. Bad!

            *ngumunguya habang naghihintay ng susunod na ita-type…*

            Ang masasabi ko lang… masarap naman ang tuna at chili beef flavor na empanada ng Yumpanada! Hindi ko alam kung gutom lang ako pero swak naman ang lasa, lalo na’t mainit-init pa. Pasok din ang Milo pampatanggal suya o pambali ng lasa.

            Food blogger na me? Lols…

            Wala lang… damang-dama ko lang na… ngayon ay nakikinig din ako sa “Different Sunday on Jam 88.3”. Try niyo… emote-emote ang peg… pero sa akin kasi nakaka-relax at nakakapag-muni-muni. Isa ito sa mga dahilan kung bakit parang ayokong matapos ang Sunday night!

            Ang dami ko na na-promote. Yumpanada. Milo. 88.3!

            Wala bang ano? You know!... kahit kaunting bagyo ng biyaya hehehe.


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...