Mga Pahina

Lunes, Hunyo 30, 2014

"...di na kailangan pa ng starbucks with piktyur-piktyur."


Ika-30 ng Hunyo, 2014
Lunes, 7:43 ng gabi


            May lagnat at sipon… ganyan ang drama ng kalusugan ko noong Sabado at Linggo… hanggang ngayon. Yung naluluha ang iyong mga mata kahit di ka naman nanunuod ng drama, yung ang init ng singaw ng hangin sa ilong mo at ramdam mo yung nanunuot na sipon sa dulong itaas na bahagi ng iyong ilong na nagpapabangag sa iyong mata at nakapagpapa-ngongo sa iyong pagsasalita.

            Gusto ko man gumawa (o pabor rin na di ako makagawa? haha), wala akong choice kundi ang magpahinga. Noong linggo, hindi ko talaga alam kung paano ko uumpisahan ang lunes na ito… wala ako sa mood (lagi naman ‘pag lunes)… wala akong lakas kumilos… wala ako sa tamang wisyo para mag-isip.

            Hindi ko alam kung pa’no ko iha-handle ang mga bata gayong napakahina ko ngayong araw. Akala ko lalo lang akong maha-haggard kapag nakita ko na sila… pero sa di ko malamang dahilan, sila pa yung naging daan para kahit paano ay magkaroon ako ng kaunting lakas. Masokista ba ang tawag dito? Hahaha. Naalala ko tuloy yung kaklase ko.

            Hindi ko rin mawari kung paano ako haharap sa mga nagpapanggap na bata o mga malalaki na pero isip bata hehe, hindi ko alam kung mage-gets ba nila ako ngayong araw o baka pauupuin na lang nila ako dahil baka hindi nila gustong makita akong nanghihina. Pero bigla na lang din, hindi ko rin inasahan, na parang na-enjoy ko pa ang makipag-usap at makipag-tawanan sa kanila.

            Ang weird. Bigla ko na lang nakalimutan yung sakit ko.


x-o-x-o-x


            Pag-uwi, dumaan muna ako sa isang tindahan para bumili ng instant noodles (no cook just add hot water lol). Pero hindi Yakisoba ang binili ko (tulad nung nakagawian namin nung magkakasama pa kami), ang binili ko ay Yakiudon Chili Crab!

            Damang-dama ko dati ang pagkain ng Yakisoba with chicken neck at balot! Ganun kasi yung ginagawa namin matapos ang maghapon na trabaho. Ganun lang kasimple ang pampatanggal namin ng pagod, di na kailangan pa ng starbucks with piktyur-piktyur hahaha. Idagdag mo pa ang kwentuhan at tawanan, wala ka nang hahanapin pa.

Pero sa ngayon ako muna ang gagawa nun mag-isa, saka na lang ulit daragdagan ng chicken neck at balot ‘pag nagkasama na ulit kaming lahat.

            Masakit pa rin ang lalamunan ko ngayon kaya mas pinili kong bilhin ang Yakiudon, di ko pa kasi kaya sa ngayon ang alat ng Yakisoba hahaha.  At least yung Yakiudon parang lantang noodles lang na may kaunting lasa at maanghang, swak na ito sa kalagayan ko bilang may karamdaman lols.

            Hindi ko sinasabing napakasaya ko ngayong araw, pero may mga tagpo na naging masaya ako. Okay na yun! Choosy pa ba? Hahaha.



Linggo, Hunyo 29, 2014

"... alibi." ng buhay


Ika-29 ng Hunyo, 2014
Linggo, 12:37 ng tanghali


            Sa umaga pagkagising ko, ang unang tanong ko sa aking sarili ay “Anong oras na ba?”. Di naman ako makatingin sa wall clock, hindi naman kasi kalakihan, at isa pa ay malabo ang aking mga mata. Wala naman sigurong natutulog ng nakasalamin, kahit nagawa ko na yun nung mga haggard days ng aking buhay hahaha.

            Kapa ng kapa… para mahagilap ko ang cellphone sa aking kama. Minsan di ko alam na nadaganan ko na pala, o kaya ay sumuot na sa ilalim ng sapin kama. Kapag nakita ko na nagising ako ng mas maaga sa itinakda kong oras, matutulog ulit ako… at ang kasunod ay paggising ng huli. O kaya kapag sakto naman ang gising, hihirit pa ako ng “… mga 20 minutes pa,” sabay tulog ulit. At minsan, ‘super-bwisit’ (super? lol) kapag late ka na talaga nagising.

            I don’t wanna caught myself… mmm… you know lol.

 Ayokong makita ang buhay ko sa paraan na araw-araw na lang ay tatanungin ko ang sarili ko ng “Ano bang gagawin ko ngayon?”… Ayokong mabuhay para magtrabaho lang… o hindi ko gustong makita ang buhay na puro trabaho lang. Alam kong masaya kapag nakikita mong nagbubunga ang lahat ng effort mo sa iyong trabaho… pero may mas malalim pa akong dahilan na pinaniniwalaan kung bakit ako narito sa mundo. You know!

Ang gusto kong itanong sa sarili ko pagkagising ay ang mga sumusunod:

“Ano ang gustong-gusto kong gawin ngayon?”

Parang katulad lang naman nung una, nadagdagan lang ng “gustong-gusto” haha. Gusto ko talaga ang magbasa at magsulat. Pero ‘like na like’ din ako ng katamaran.

“Ano kayang bubuo sa araw ko ngayon?”

Tulad halimbawa nung nagpagawa ako ng Art Folio na sa di ko malaman na kadahilanan, bukod sa alam kong hunyango lang ako sa usaping sining hehe, di ko talaga lubos maisip na nagkakasakit na pala ang sining, imbes na Art Folio ang ilagay na pamagat sa kanilang portfolio, ang mahuhusay na bata ay inilagay ang ART POLIO o kaya ng ART FOLOIamazing! Lols. Gusto ko sana ilagay ang larawan ng mga gawa nila hahaha, kaso ang hard ko naman kung ganun. Yung bigla na lang nawala yung pananakit ng likod ko sa pagbubuhat ng mga bagay na iyon, dahil may ‘surprise!’ pala akong makikita.

“Sino kayang mami-meet o makakausap ko ngayong araw?”

Mas marami na ngayon ang nakakasama ko. At hindi sapat ang maghapon para lang mabigyan ko sila ng pagkakataon na kausapin ako. Alam mo naman, napaka-busy kong tao hahaha. Kaya alam ko na may punto o tagpo talaga na nakalaan kung kailan mo sila makakausap, yung hindi lang “hi and hello”, yung something meaningful, deep and sensible than that haha, at masaya ako na kahit pa’no I get to know them, one at a time.

“Ano naman kaya ang bagong matututunan ko ngayong araw?”

Na madalas ay kinakalimutan ko lang din, o di ko ina-absorb mabuti. Baka hindi pa ako ready haha.

Minsan sa sobra kong mapag-isip gusto ko na orasan ang lahat ng aking mga galaw, para lang magawa ko lahat ng sa tingin ko’y kailangan at gusto kong gawin. Halimbawa;

30 minutes lang sa pagbabasa ng libro sa umaga o kaya 1 chapter a day na hindi ko pa rin nagagawa hahaha,

5 to 10 minutes na stretching habang nakahiga sa kama lol,

2 hours na work preparation sa morning bago pumasok,

1 hour na pagkain at ‘me time’ sa umaga,

30 minutes na ligo, 15 minutes na pag-aayos, at 30 minutes before time sa pagpasok sa trabaho,

1 hour na pahinga pag-uwi, 2 hours na paggawa sa gabi para sa iba pang tasks,

7 hours na tulog ngunit dapat may 30 minutes to 1 hour na pagbabasa ng mga blogs o pagsulat kung hindi nasasabaw.

Lahat ng yan ay ‘waley’! Sinusunod ko pa rin ang ‘random oras’ ng buhay ko hahaha. Pakiramdam ko mas mamamatay ako ng maaga kapag ganyan ang buhay. Ayokong orasan ang aking buhay, gusto kong damhin ang mga oras na ako’y nabubuhay.

Yan ang alibi.



Sabado, Hunyo 21, 2014

"..lagi mong ikagugulat kung ano ang nasa loob ng bawat isa."


Ika-21 ng Hunyo, 2014
Sabado, 1:03 ng madaling araw


            Iniiwasan ko na ang magkape tuwing Lunes hanggang Biyernes. Nakakaihi kasi… mabuti sana kung malapit lang ang CR kung saan ko hinahanap ang buhay ko ngayon hahaha… pero nalalayuan ako eh… lalakad, bababa ng hagdanan at lalakad ulit. Isipin mo na lang kung maraming beses akong maiihi dahil uminom ako ng kape, malamang hindi ko mako-conserve ang aking energy sa maghapon, dahil yung pagpunta pa lang sa CR effort na.

            Kaya ‘pag Friday at nakauwi na ako sa bahay, excited na ako magkape! Kaya eto gising pa…

            Nagsisimula na ang panahon ng tag-ulan. Lumalamig na ang paligid. Hudyat na ito para mag-emote ang langit. Uso na ang makaramdam ng lamig… na naunuot sa balat, tumatagos sa buto at binabaon mo sa iyong puso. Magagamit ko na ulit ang mga linyang “lumuluha na naman ang langit para sa akin” hahaha. Maitataklob ko na sa nanlalamig kong katawan ang aking kumot… mayayakap ko na ulit ng mahigpit ang isa ko pang unan.

            Paano ba talaga ang maging masaya? Marami akong nakikitang mga nakangiting tao at humahagalpak ng tawa. Minsan naiisip ko bakit sila tumatawa ako hindi, korni ba ako o sila? Lol.

            Ang alam ko lang madalas lang akong mag-smile, ganun lang. Alam kong masaya ako kapag di ko na alam kung hanggang saan umaabot ang ngiti ko, tapus nararamdaman ko ang bilis at parang may lundag ang tibok ng puso ko, ganun… Masaya na ba ang tawag dun? Ano pa ba ang pakiramdam ng higit pa sa masaya?

            Hay… natulala na lang ako bigla. Inaantok na ko. Itutulog ko na lang ito…


Pagpapatuloy…
9:51 ng umaga


            Sa mga oras na ito, kahit pa tirik ang araw, kasalukuyan akong nagkakape hahaha. Naging parte na ata ng buhay ko ang pag-inom ng kape (pero ngayon tuwing weekends na lang)… kahit 3-in-1 lang ang iniinom ko, oks na yan!

            Sa tv ipinapalabas ang tagalized na pelikulang ‘Chinese Zodiac’… wala lang. Nabanggit ko lang. Nakabukas ang tv pero hindi ko naman ito pinapanuod, pinakikinggan ko lang kasi ito yung inaatupag ko. Pero mas gusto ko nung nakaraang linggo dahil ipinalabas nila ang tinagalog na ‘3 Idiots’… gustong-gusto ko talaga ang mga bitaw ng linya sa pelikulang iyon… yung damang-dama mo ang ilang tagpo dun na gusto mo sana itong ipanuod sa mga taong hirap kang paliwanagan. Kasi nga minsan, sabi nga nila, nakikinig man tayo ngunit ito ay para may masabi rin sa ating napakinggan hindi dahil ito ay iyong naintindihan. Kaya marahil medyo tahimik (o tahimik talaga hahaha) akong tao, eh kasi alam ko naman na di lahat ay marunong makinig at makaintindi (parang ako lang din lols)… baka masayang lang ang effort ko sa pag-i-explain.

            Nung nakaraang araw, nagsalita ako tungkol sa emosyonfeeling ko ang plastik ko nung araw na iyon dahil isa akong taong walang emosyon hahaha. Kailangan kong mag-isip ng mga senaryo na common sa marami kahit pa hindi ito common sa akin para lang maiparating ko na ‘nakaka-relate ako you know’ hahaha, pero hindi talaga. Mahirap maging isang aktor… kailangan ko pa ng maraming workshops hahaha. May sarili rin naman akong emosyon pero feeling ko kaunti lang ang mga species na katulad ko.

            Minsan naisip ko biniyayaan naman tayo lahat ng utak, pero hindi pa rin natin laging nagagawa ang tama. Siguro kasi hindi lang utak ang batayan sa paggawa ng tama o pati na rin ng mabuti.

            Nakatutuwa ang ibang tao. Para silang mga regalo. Maaring yung iba nakabalot sa isang magara at magandang gift wrapper o maaaring simple lang… pero lagi mong ikagugulat kung ano ang nasa loob ng bawat isa.




Linggo, Hunyo 15, 2014

DARK ROOM




DARK ROOM

Animo’y larawang nakabitin,
Ang pagmamahalan natin.
Sa mga tagpong nakuhanan,
Nakakubli ang nararamdaman.

Mabuti pa ang mga larawan,
Pagkatapos sa dilim ay masisilayan.
Di tulad ng ating damdamin,
Nagtatago’t namamalagi sa dilim.


x-o-x-o-x


#shorTULA

Huwebes, Hunyo 12, 2014

"11. Oh ayan nakainom na ako."


Ika-12 ng Mayo, 2014
Huwebes, 5:19 ng hapon


1. Nakaka-miss ang gumising ng alas-singko ng madaling araw para abangan ang pagsikat ng araw. Nakaka-miss yung experience na nakikita kong unti-unting lumiliwanag sa aking kwarto… yung katahimikan… yung pakiramdam ng bagong simula… yung feeling hopeful (parang fb status lng haha) at yung magbasa ng libro na parang kinukwentuhan ka ng sumulat kahit sa loob lang ng isang oras.

2. Ang manuod ng downloaded movie sa gabi… Naka-earphone… yung volume na sapat na para wala ka na ibang marinig kundi yung pinapanuod mo. Yung damang-dama mo ang pelikula na para bang isa ka sa mga karakter o kakampi ng mga pangunahing tauhan. Yung hindi ka nagwo-worry kung gaano ito kahaba o kung anong oras ka matatapos sa iyong pinapanuod… at kapag matutulog ka na gusto mong ipagpatuloy ang kwento ng pelikula sa iyong panaginip kasi sobra kang na-touch / naka-relate / na-hook sa pelikula lols.

3. Yung makinig ng radyo kaysa manuod ng mga overrated tv programs. Mga ingles na musika na hindi mo alam kung kailan naipatugtog o kung sino ang kumanta. Basta patok sa tunog na nais ng iyong kaluluwa… nakagiginhawa.

4. Ang magbasa ng mga blogs at mag-iwan ng komento dahil nakaka-relate ka at damang-dama mo rin ang sinulat niya. Na minsan, naiisip ko sana hindi lang basta pag-iiwan ng comment ang magagawa ko, yung pakiramdam na natutuwa ka kung gaano katotoo ang kanyang ipinapahayag na gusto mo na rin maging ‘super close’ ang mga taong nagsusulat sa blog na iyon. Na kung humihinto lamang ang oras habang ikaw ay nagbabasa ay magagawa mo sanang basahin at maging updated sa lahat ng mga isinusulat nila… pero hindi kasi ganun hahaha, minsan kailangan pigilan ang sarili kasi may iba ka pang gawain.

5. Minsan naisip ko napaka-diktador ng mundong ito hahaha. Minsan may mga araw na bawal huminto sa pag-iisip at paggawa ng mga preparasyon na kailangan mong gawin para maka-survive ka at kahit pa’no ay masabi mo na parte ka sa ‘galaw’ ng mundong ito… para maramdaman mo na kasabay ka rin ng mainstream current kung saan naroon ang karamihan ng populasyon sa mundo lols. Kaya nakakahanga ang may ‘sariling agos’ at ‘sariling galaw’… sila ang tunay na malaya.

6. Niresetahan na naman ako ng ferrous sulfate dahil anemic na naman ako. Dati ko pa naman itong kondisyon, proud to be laking Tiki-tiki at Incremin ako hahaha. Lumalaklak din ako ng vitamin C nung elementary, at nung college haggard days, hindi pwedeng mawala ang maliliit na tableta ng ferrous sulfate dahil kung hindi baka pulutin na lang ako kung saan lols. Bumalik na naman ang pagiging anemic ko… ramdam ko ang pamamanhid ang mukha ko, pamumutla kasabay ng para bang ramdam ko ang agos ng dugo sa aking bungo lols. Idagdag mo pa na napakahilig kong magpuyat…

7. Nakakatawa na nakakaasar. Paano ko ihaharap ang sarili sa marami para sa sinasabing ‘physical fitness’. Pinagkaisahan ako ng tadhana, parang pang-asar naman ako sa aking kinalalagyan… kung may awkward situation na tinatawag, itong-ito na yun! Grabe! Lols. Kung meron mang misfit / accident / sarcasm / oxymoron ito na yun… ako na talaga yun! hahaha. Isa na akong malaking joke, hindi ko kinaya hahaha.

8. Nung nakaraang dalawang linggo, robot-mode muna ako. Bawal makadama o intindihin ang nararamdaman. Kasi ‘pag ginawa ko yun, masisira ang schedule ng obligasyon mo sa diktador na mundong ito. Ganun.

9. Ang sarap sa pakiramdam habang nagsusulat ako dito sa aking kwarto at nakikinig sa radyo. Makulimlim ang paligid kaya medyo malamig. Gusto ko yung mga moment na ganito, na pang-asar din kung ako ay hihiling na “sana di na ito matapos” kasi alam mo naman na hindi humihinto ang oras, hindi ka maaaring mamalagi sa iisang lugar… hindi ka maaaring mag-stay sa iyong mundo…

10. Sa mga adik din sa ferrous sulfate, isang oras bago kumain o dalawang oras pagkatapos ang pag-inom nito… 6:06 na, sakto halos isang oras bago kumain ng hapunan… iinom na muna ako ng paborito kong tableta lols.

11. Oh ayan nakainom na ako.


x-o-x-o-x


“Make one person HAPPY each day, even if it’s yourself.”
-Anonymous


x-o-x-o-x


Papemelroti Question: What do you most often DREAM about?

My Answer: I dream about my dreams hahaha.



x-o-x-o-x


#MgaKwentoSaTagUlan
#IMissMyself
#ThisIsLife


Biyernes, Hunyo 6, 2014

"Isa lang naman talaga ang gusto ko..."


Ika-28 ng Mayo, 2014
Miyerkules, 1:04 ng hapon


            Dati, nagkaroon kami ng isang in-house seminar, isang madre ang naging speaker namin. Natural lang na maging medyo madilim sa audio-visual room para makita ang powerpoint presentation. Pero ayaw n’ya daw kasi ng madilim, kaya pinagilid niya ang ilan sa mga kurtinang nakatabing sa bintana, medyo lumiwanag naman. Ayaw n’ya daw kasi ng gloomy dahil nakalulungkot at nakawawala ng positive vibes.

            Sabi niya kapag punong-puno na ang ating isip ng mga negatibong bagay, ‘wag daw mag-stay sa isang lugar dahil lalo lamang ito mananatili sa iyong loob. Lumabas daw at mag-enjoy sa araw, huminga ng hangin mula sa labas, tumingin sa paligid nang mapalitan ng positive energy ang pagiging nega mo…

            …Madalas akong mag-stay sa aking kwarto. Lumalabas lang ako ng bahay kapag kailangan, halimbawa kung may bibilhin o may lakad o may pasok o kaunting gala. Hindi rin maiiwasan na nakukulob din ang isip ko ng mga worries at negative thoughts kapag namamalagi lang ako sa kwarto. Kung di na naiibsan ng pagbabasa o pakikinig ng musika, bumababa ako sa sala para kausapin ang nanay ko… ng kahit ano… basta may makausap ako. Minsan gusto ko na yakapin ang nanay ko… kasi kahit di namin direktang pinag-uusapan ang mga gumugulo sa isip, puso at pagkatao ko (lahat na? haha), sa pamamagitan lamang ng mga kwentuhan namin gumagaan na ang nararamdaman ko. Kaya minsan di ko lubos maisip kung paanong binabalewala ko ang mga kwento ng nanay ko… lalo na nung mga panahon na para bang okay lang ako… na feeling ko kayang-kaya ko… pero ano man ang mangyari… tagumpay man o kabiguan… ang iyong pamilya pa rin ang iyong babalikan.

            Minsan kapag nagugulumihanan ako para bang kumikitid ang isip ko… para bang ang hina-hina ko. Na ayokong makita ako na ganun ng nanay ko kasi baka akalain niya na nagkamali siya ng pagpapalaki sa akin, mas gusto kong makita ako ng nanay ko na fighter tulad niya.

            Sa isip ko, may pananaw ako na sa ganitong edad dapat ‘ganito’ na ang mga na-accomplish ko… pero kung titignan ko ang sarili ko sa punto ng reyalidad, marami na nasa isip ko ay hindi natupad. Hindi ko rin naman masasabing nabigo… ang alam ko lang may mga nangyari rin na wala sa aking hinagap.          

            Tinatanong ko yung sarili ko kung nahuhuli na ba ako sa destinasyon na gusto kong puntahan… kapag ang sagot ko ay ‘oo’…  ang hirap matulog sa gabi kasi ayaw mo ng pakiramdam na para bang ‘stagnant’ ka lang sa higaan. Pero sa tuwing nakakakita ako ng mga halaman, humahanga ako sa kanila. Bawat isa ay may sariling paraan ng paglago at pamumuhay. Naisip ko ganun din naman sa buhay ng tao... darating din ang panahon kung kailan ka sisibol.

            Madalas kapag nakararanas tayo ng kabiguan, ang hirap maniwala sa mga sarili mong paniniwala, kasi hindi mo alam kung binobola mo lang ba ang sarili mo o gumagawa ka lang ng mekanismo para mas madali mong matanggap ang mga ayaw mong mangyari. Pero maniwala ka… kapag wala ka na makapitan, paniwalaan mo ang mga katotohanan sa iyong puso… maaaring mahirap kasi nakadududa, pero saluhin mo naman ang sarili bago ka saluhin ng iba.

            Tinanong ni Santa si Jack Frost ng “What is your center?” sa pelikulang Rise of the Guardians. Sabi niya, mayroon man tayong iba’t ibang katangian, pag-uugali o personalidad, lahat tayo ay may pinaghuhugutang “center”. Ang sa kanya ay ang mga matang laging namamangha (eyes that can see the wonder in everything) mula sa kanyang mga nakikita. At sana mahanap ko rin ang sa akin.

            Gusto kong maging honest at maging vulnerable as a person para wala na akong dahilan para hindi pa kapitan kung ano ang meron ako. Sa mundong ito na bawal i-display ang mga kahinaan mo kasi it will make you less of a person(?)… na para bang negatibong puntos iyon sa iyo tulad ng wala namang nagpo-post sa fb ng kanilang mga kabiguan at miserable nilang buhay because as much as possible gusto natin i-project ang pinkamaayos at hindi mapipintasang sarili natin at wala rin namang mali doon, yun din naman ang nais nating makita sa ating sarili.

            Natutunan ko na hindi sabay-sabay natutupad ang mga pangarap, na yung iba kailangang tahakin ang ibang ruta o daan para matunton nila ito. Minsan mas mabato at mahabang daan… pero sige lang, bawat isang hakbang kahit pa matinik makalalapit ka rin.

            Maaaring tinatanong natin si God kapag tayo ay nasa ‘down moment’ ng ating buhay. Halimbawa, nagkulang ba ako sa panalangin? Nagkulang ba ako sa paggawa ng mabuti?... Pero ang pananampalataya ay walang binibilang na ‘kota’… higit sa lahat manalig ka lang.

            Naiintindihan ko na hindi talaga ako ‘malakas’ na tao, hinuhugot ko rin ang mga kalakasan ko mula sa aking mga kahinaan. Iniisip ko, ayokong biguin ang nanay at tatay ko sa pagpapalaki sa akin, gusto kong malaman nila sa aking mga gawa at pamumuhay na ‘astig’ silang magulang para magkaroon ng tulad kong anak. Di ko alam ang lahat ng detalye ng pagtitiis at paghihirap nila para mapalaki kaming magkakapatid… pero yung alam kong kami ay may tahanan, may damit, may pagkain na pinagsasaluhan… alam kong katiting pa lang ito ng kanilang lubos na pagmamahal.

            Hindi ko alam kung paano ko pa ii-express ang mga nararamdaman ko sa ngayon, kung pwede mo na lang ako hawakan at automatic na mahahawa ka sa aking nararamdaman siguro maiintindihan mo ako lubusan. Parang lagnat lang. Ganun. Nakakahawa. Lols.

            Masaya akong buong bakasyon akong namalagi dito sa aking kwarto. Maraming mahihirap na pagmumuni-muni sa buhay ang naranasan ko. Maraming pagkakataon na kung pwede mo lang balatan ang iyong sarili para sabihin mong ikaw ay talagang nagbago.

            Iniiwasan ko na ngayong lumingon sa nakaraan. Anu’t ano man ang mga nangyari ay wala ni isa na akong mababago doon. Lagi ko ngayong pinapaalalahanan ang sarili ko na kung ano man ang ginagawa mo ngayon ay ang syang makakaapekto sa akin bukas. Kaya kailangan kong maging conscious sa aking mga ginagawa.

            Inaamin ko isa akong daydreamer. Dun lang kasi madaling matupad ang lahat ng mga ideya mo sa buhay. Isa rin akong manlalakbay sa nakaraan. Pero ngayon, itutuon ko na lang ang mata ko sa aking harapan.


            Isa lang naman talaga ang gusto ko…Gusto kong mangarap ng may puso.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...