Mga Pahina

Lunes, Hunyo 17, 2013

The Stranger

‘ESTRANGHERO’
-jepbuendia-


Dalawampu’t tatlong taon na kitang kasama,
ngunit di pa rin lubos na magkakilala.
Napakadalang nating mag-usap,
hindi nga rin magawang mayakap.

Alam kong sa trabaho, ikaw ay abala.
Kami rin naman kasi ang iyong inaalala.
Sa iyong pagsisikap, marami kaming natatanggap,
ngunit higit pa dun ang aking hanap.

Sa iba, di ko maiwasang mainggit.
Sila, na sa kanilang ama’y malapit.
Iniisip ko kung paano kaya madarama,
ang pagmamahal ng isang ama.

Araw-araw man tayong nagkikita,
di naman natin madama ang isa’t isa.
Maraming kwento ang lumipas na,
mga tagpong di man lang kita nakasama.

Ayokong isipin na ang ama ko
ay para bang isang estranghero.
Sana’y magkakilala pa tayo,
ako na anak mo, ikaw na ama ko.

x-0-x-0-x

P.S.
                Father’s Day, pero di ko man lang mabati ang aking ama. Hindi ko alam kung bakit di ako naging close sa kanya. Natatandaan ko pa noong nasa kolehiyo, may binasa kaming akda sa subject namin na World Literature na may pamagat na ‘The Stranger’, sa huli ay inatasan kami ng aming instructor na sumulat ng isang sanaysay patungkol sa kung sino ang itinuturing naming ‘stranger’ sa aming buhay… malungkot man pero ang aking ama ang una kong naisip, pangalawa ay ang sarili ko. Pakiramdam ko, mas naging buo sana ang aking pagkatao kung naramdaman ko rin ang pagmamahal ng aking ama.


                Marahil, sa kagustuhan niyang magkaroon ng maayos na buhay, kinuha na ng trabaho ang mga oras na dapat sana’y inilaan niya sa amin. Gayunpaman, alam kong di naman niya kami pinabayaan. Kung sino man at ano man ang narating ko ngayon, parte siya ng lahat ng mga bagay na yun…

Huwebes, Hunyo 6, 2013

Hiyang-Hiya Naman Ako Sa'yo

“Hiyang-hiya Naman Ako Sa’yo”
-jepbuendia-

                Hiyang-hiya naman sa atin ang sarili nating bansa. Dati halos ubusin na natin ang mga telenovelang di sakto sa bibig ang dialogue na mula sa madalas nating kalaban sa boxing- ang Mexico. Tapus ngayon, mula umaga, hapon at gabi, kulang na lang lahat ng time slot eh may Koreanovela… requirement na ba yun sa isang tv station?

                Ano na bang nangyari sa sarili nating identity? Wala na bang kakayahan ang mga NoyPi na gumawa ng orig?

                Sa pangalan pa lang eh nalalabnawan na ako sa ating pagka-Pilipino. Di naman sa nais kong manatili sa mga makalumang pangalan tulad ng Kurdapia, Procorpio o kaya tulad ng pangalan na Makisig at Mayumi. Ang pinupunto ko lang ay yung bakit OA kung makapag-react ang iba sa pangalan ng kanilang kapwa. Halimbawa, kung ikaw ay isang anak na napag-tripan ng magulang na gawing ‘Junior’ o isinunod ang pangalan mo sa mga butihin mong lolo o lola, malamang na tunog ‘makaluma’ ang pangalan mo, kaya ang iyong gagawin ay gagamit ka ng alyas o nickname na kay layo sa orihinal mong pangalan para lang makasunod ka sa iba na ‘kaybango-bango’ ng pangalan kasi tunog ‘amerikano’ o kaya ‘koreano’. May mali ba sa pangalang makaluma? Mabantot ba pakinggan? Eh bakit naman ang mga taga-Thailand? Halos di na nga mabasa ang kanilang mga pangalan eh at kakaiba pa ang tunog kapag binasa mo na, pero kita mo naman, kapag nakabasa ka ng pangalan na Nattapong Charayvarat o kaya Prathomkrit Sudrasa alam mo na agad na sila ay taga-Thailand. Ganun din ang mga maiikli at parang mga salitang nababanggit lang ng mga bulol o utal pero makahulugan na pangalan na pala yun para mga taga-China o Japan. Pero pag tunog Pilipino, ‘kay-baho-baho’? Ayaw mo? Takip-ilong? Hehe.

                Ganun din sa pagporma. Kapag mas sunod ka sa pormang pang-hollywood, ikaw na ang ‘sosyal’/ ‘glamorosa’/ ‘mayaman’/ tagapagmana lols. Yung mga uma-attend ng red carpet halimbawa sa isang awards night na pampelikula, laging basehan ang mga rumarampang ‘stars’ ng Hollywood. Kapag mas mukha kang mala-hollywood star, ikaw na ang bida! Sa isa pang banda, mayroon ding pormang ‘K-pop’ o kaya ‘J-pop’ at kitang-kita yan sa mga ‘hairstyles’. Kapag pang-korean ang hairstyle mo , ‘wow cool’ ang dating natin niyan hehe. Pero bakit walang ‘P-pop’? O meron na ba? O ginaya na lang din sa iba? Masabi lang na meron. Baka naman pag-isipan ako ng iba na, ‘eh di ikaw na ang gumaya sa buhok ni Rizal!’, naku wag mong mababanggit sa akin yan, dahil nung nasa elementary ako ‘Rizal style’ ang buhok ko haha. Marahil naghahanap lang ako ng sabihin na natin na ‘sariling pauso’ naman natin, hindi yung lagi na lang tayo ang sumusunod sa mga banyagang pauso. At parang nakakainis din kapag nakakakita ako ng all-male-group na akala ko ay mga Korean… yun pala copy-cat lang. ‘Nu ba yan…

                Kaya nga pati na rin sa pagpili ng pakikinggang musika, bentang-benta ang mga di naman naiintindihan na lyrics ng mga K-pop groups. Hindi naman ako against sa pagpunta nila dito at pagko-concert, yung tipong nilalangaw yung local music industry natin kasi mas pinipili nating makisigaw sa nagpeperform na grupo na di mo naman mawari ang sinasabi tapus sa dulo sasabihin mo na ang saya-saya mo dahil ang ga-gwapo nila, yun lang at wala nang iba. Wala naman akong sama ng loob dun lols. Ang sinasabi ko lang, suportahan din natin ang mga kababayan nating musikero. Kasi kapag sila ang pinapunta mo dun at kakanta ng OPM, tingin mo ba makikipagrakrakan din sila sa atin?... Poporma din ba sila tulad ng sa atin?... Wag sana tayong masyadong lamunin ng kanilang ‘trip’, wag kang mag-Gwiyomi ng todo, sige ka nagmumukha ka nang *toot* lols.

                Minsan tuloy kapag nakapapanuod ako ng isang napakagandang pelikulang Pilipino na may temang ‘love story/romance’ o kaya naman ay ‘horror movie’ di ko mapigilang maghanap ng mga nakalipas na korean, thai o american film, kasi baka ‘ginaya’ na naman ang konsepto dun haha. Alam mo yung gandang-ganda ka sa istorya tapus malalaman mo na kinuha lang pala ang konsepto sa isang banyagang pelikula, may binago lang ng kaunti para di halata haha. Parang yung mga remake ng mga ‘soap operas’ ngayon… bago pero dati pa talaga yun. Mabuti pa mga indie films- low budget, high quality. Kapag mainstream, ‘copy-paste concept = dami kita’ lols.

                At marami pang iba na hiyang-hiya na talaga si Inang Bayan ngayon! : )

                Nailahad ko ‘to hindi para insultuhin tayong mga Pilipino.
                Pilipino tayo eh, pero bakit para tayong mga Amerikano, Espanyol, Mexicano o Koreano?
                Tapus sasabihin ng iba, ‘eh kasi nga ang Philippines ay melting pot ng maraming kultura, lahi etc.’

                Pero kahit pa… di yun dapat mangahulugan ng pagkawala ng sarili nating pagkakilanlan.

Martes, Hunyo 4, 2013

Wala Akong ‘Pake’ kay Dan Brown, kay Charice Meron Pa :)

“Wala Akong ‘Pake’ kay Dan Brown, kay Charice Meron Pa”
-jepbuendia-

                Sabi ni Dan Brown, kung hindi man nagustuhan ng iba ang ‘taste’ niya sa pagsusulat- “I cannot do anything about it.” Oo nga naman, may punto siya dun. Dahil kung didiktahan natin siya sa kung ano man ang dapat niyang isulat, eh di sana hindi na lang siya naging manunulat. Gayunpaman, tulad ng kanyang sinabi, wala rin talaga siyang magagawa kung marami ang nag-react sa kanyang isinulat tungkol sa Manila na binansagang “gates of hell” sa kontrobersyal niyang akda na “Inferno”.

                Eh ano ngayon kung sabihan man niyang “gates of hell” ang Manila? Ang librong isinulat niya ay nasa kategorya ng mga akdang “fiction”. Ibig sabihin, likhang-isip lamang at hindi makatotohanan. At kung may nais man siyang iparating na kahit na anong mensahe ukol sa ating bansa… wala akong pakialam. (parang may galit lang? lols).

                Una sa lahat, kung inilarawan man niya sa Inferno ang Manila bilang isang lugar na marumi o mabaho, ma-traffic na umaabot ng 6 hours, larawan ng matinding kahirapan at kung saan nagaganap ang pagbebenta ng ‘laman’, sa tingin ko, wala tayong dapat ipaghimagsik sa mga paglalarawang iyon. Alam natin, at hindi talaga natin maitatanggi, na maaaring nangyayari talaga ito sa kasalukuyang panahon. Ang gusto ko lang puntuhin, wag naman nating angkinin ng sobra at ‘damang-dama’ ang mga ‘paglalarawan’ na kanyang ginawa. Dahil ang katotohanan, hindi lang naman ito sa Manila nangyayari. Kahit pa nga sa ilang mauunlad na bansa ay may mga ganito ring ‘eksena’. Kaya kahit ano pa ang ibigay na paglalarawan sa Manila ng kahit sino pa mang manunulat, inuulit ko, wala akong pakialam lalo na kung hindi pa naman talaga siya nakapunta rito sa ating lugar.

                Pangalawa, bakit ba parang napaka-‘big deal’ ng mga statement ni Dan Brown? (kahit di naman talaga). Na para bang sobrang masisira ang imahe natin dahil sa naisulat niya. Ang ibig kong sabihin, kung talagang kilala na ang ating lugar bilang isang maganda at ligtas para sa lahat, may dapat pa ba tayong ipangamba? Kung confident tayo sa mga lugar sa ating bansa, kahit ano pa mang pambabatikos o panlilibak ang ibato sa atin, di dapat tayo maaapektuhan nang lubos, o baka kasi gumagawa tayo ng isang di makatotohanang imahe para lamang takpan ang hindi dapat makita ng iba sa atin…

                Mas malulungkot pa ako at maapektuhan nang lubos kung mismong ang mga kababayan nating naninirahan sa Manila ang magsasabi na ang lugar kung nasaan man sila ngayon ay para bang isang ‘impyerno’. Dahil nangngahulugan lamang iyon, na sa itinagal ng panahon na pamumuno ng ilan sa gobyerno ay wala man lang silang nagawang tulong para sa pagbabago. Yun talaga ay higit pa sa isang sampal. Di tulad ni Dan Brown (na epal? Joke lang lols).

                At nung mag-tweet naman itong si Paulo Coelho ng- “…your souls lead to the gates of heaven,” parang lahat na lang ay kumampi sa kanya hehe. Nadadaan na ba tayo sa mga pambobola?

                Sa dulo ng mga pahayag na ito, mataas pa rin ang pagtingin ko kay Dan Brown bilang isang manunulat at syempre pati na rin ay Paulo Coelho… sino ba naman ako diba? Kaya ‘no hard feelings, I have nothing against them,’ parang ‘showbiz’ din pala ang mundo ng mga manunulat, at mahirap din talagang magpaka-‘showbiz’!

x-o-x-o-x

                Kung tungkol naman kay Charice, heto may ‘pake’ ako rito. Di naman sa kumakampi ako kay Charice, pero sana hayaan na ng mga mapanlibak na tao ang kung ano man ang pinili ni Charice para sa kanyang sarili. Malay ba natin kung anong ‘laya’ o ‘saya’ ang kanyang nararamdaman sa pinili niyang ‘kasarian’. Hindi natin lubos na nalalaman at nauunawaan ang lahat ng kanyang pinagdaanan. Ang mga nakikita natin sa kanya sa telebisyon ay hindi sapat na obserbasyon para sa isang di makatarungang konklusyon. Pero, kung ‘close’ kayo ni Charice, eh di ikaw na! (ititigil ko na ‘tong sinusulat ko lols).

                Pero hindi. On a serious note, nasaan na ba yung mga taong kung makapag-comment noon sa youtube ng #ProudtobePinoy! nung kasagsagan ng kasikatan ng mga video ni Charice na akala mo kulang na lang gawin na nilang ‘pamato’ si Charice laban sa lahat ng mga singers sa mundo para lang ipagsigawan at ipagmalaki na may ‘Charice Pempengco’ tayo? Yung iba, nagpaka-‘nega’ at umasa na kung pa’no nila nakita ang kanilang ‘idol’ noon ay ganun pa rin ito sa ngayon… hindi na ba pwede ang salitang ‘pagbabago’?

                At sa malalim pang pagtalakay, sumasalamin lamang ito na ang ating lipunan ay hindi pa rin sanay tumingin at tumanggap sa kung ano mang lihis sa inaakala nating ‘normal’. Ibig kong sabihin, ang isyu ni Charice ay nakadikit din sa kung paanong hindi pa rin tanggap ng lipunan ang mga nabibilang sa ‘third sex’ o yung mga LGBT (lesbian, gay, bisexual at transgender). Dahil kung tanggap na nga ito ng marami sa atin, eh di sana hindi na nahirapan si Charice na ipakita ang totoo niyang sarili.

                Sa opinion ko lang naman, ang ‘diskriminasyon’ na ito ay hindi sana mangyayari kung hindi natin inilagay sa kategoryang ‘third sex’ ang mga LGBT. Alam na nga nating ‘makitid’ umintindi ang lipunan, binigyan pa natin ito ng isang konsepto na para bang inihiwalay natin ang mga LGBT sa lalaki at babae. Dahil anu’t ano pa man, talaga namang lalaki at babae lang talaga ang nilikha ng Maykapal. At hindi rin naman nangangahulugan na kung ‘malambot’ ang isang lalaki ay di na siya talagang ‘lalaki’, gayundin naman sa mga babae na ‘matikas’ kung kumilos. Hindi ba natin ito pwedeng tignan bilang parte ng ating ‘pagkakaiba’? Marahil masyado lang tayong napako sa ‘stereotype’ na ideya na ang lalaki o babae ay dapat na ‘ganito’ at ‘ganyan’ kumilos…


                At alam ko naman, na kahit gaano pa kahaba ang isulat ko tungkol dito, ang usaping ito ay di pa rin matatapos. Kaya eto na, tapos na ang pagpapahayag kong ito. Kung meron man akong mga pananaw na hindi naging ‘swak’ sa iba, eh ganun talaga haha!

Lunes, Hunyo 3, 2013

Random Buhay

Ika-29 ng Mayo, 2013
Miyerkules, 6:18 ng gabi

                Madali lang talaga mawala ang buhay. Kanina, habang nasa Obando pa ako, naging usap-usapan ang isang tindero ng manok sa Polo na binaril. Akala ko nung una ay kung sino lang ang pinag-uusapan ng mga tindera nung nagpa-load ako bandang alas-nuebe ng umaga. Tapus, pag-uwi ko ng hapon, nabanggit ng nanay ko ang balitang iyon… saka ko napagtanto na parehas pala sila ng tinutukoy. Kaybilis ding kumalat ang balita mula Polo hanggang sa kalapit na bayan ng Obando.

                Kaya nga ninanais ko na damhing mabuti ang buhay. Kahit na di ko pa lubos na nakukuha o naisasakatuparan ang mga nais ko, sinisiguro ko na bawat araw na lilipas ay magiging masaya ako. Maaring hindi sa buong araw, pero tinitiyak ko na may isang bagay akong nagawa at nakahalakhak ako ng lubos, okay na yun!

                Ikinalulungkot ko ang nangyari sa nabaril. Hindi ko man lubos na nauunawaan kung bakit iyon nangyari, halimbawa kung may kaaway ba siya o ano pa man, hindi ko maisip na di man lang nila nahuli agad ang bumaril. Marami naman sigurong tao ang nasa palengke at di naman ganun kalaki ang palengke ng Polo, maaring maharang pa yun ng mga taong naroon. Nakakahinayang. Nakakatakot.

                Di ko rin lubos maisip na may nakagagawa ng pagkitil ng buhay ng iba. Ano kaya ang nararamdaman niya sa ngayon? Di na ba siya binubulabog pa ng kanyang konsensya? Paano ba sila nabubuhay ng ganun? Bakit kaya nila pinili ang ganung tipo ng pamumuhay?... ang pumatay.

Sa kabilang banda…

                Ano pa bang meron sa buhay ko ngayon?

1. Una, sinabi na June 3 ang pasukan… tapus mauuna pa sa amin ang ilang estudyante na malaman na iniusog na pala sa June 10 ang opening ng klase. Yan ang ilan sa mga bagay na nakayayamot! Mas nauuna pang ma-inform ang mga students kaysa mga teachers. Kahit nga suspension ng klase, minsan mga estudyante pa ang nag-iinform sa amin lols. Minsan kasi sa school namin, kahit nagsuspende na ng pasok ang mga kalapit na lugar, hala sige may pasok pa rin haha. Tsk!

2. Naalala ko lang tuloy ang pagkayamot ko sa PRC! Alam mo yung hindi ka makalalabas ng PRC nang hindi ka haggard! Grabe talaga. Nakaka-stress ang lugar na iyon. Ayoko talagang magpabalik-balik sa PRC. Ang daming maiinit ang ulo, di masyadong epektibo ang mga proseso, siksikan ang mga tao sa isang masikip na palapag, hindi naa-accommodate ang lahat ng may kailangang gawin. Basta, feeling ko, di ako nagmumukhang propesyunal pag pumupunta ako dun, bagkus nagiging dugyot lamang ako lols.

3. Napapadalas ang paggastos ko gayung wala naman masyadong kita. Para kasi akong mahihimatay kapag sobrang nagtitipid, feeling ko nalilimitahan ko ang sarili na mabuhay.

4. Hindi na pala kasya sa akin ang pantalon na size 29! Pilit kong pinagkakasya yung slacks na sinukat ko kanina, sa bwisit ko, di na ako bumili haha. Pakiramdam ko kasi, bakasyon kaya siguro nagkalaman ako, papayat din naman ako sa pasukan kaya magkakasya din sa akin yun. O kaya baka busog pa ako kanina kasi katatapos lang din namin nun kumain.

5. Sana ma-target ko naman ang paglalakbay. Ang sarap sa pakiramdam kapag nakapupunta ka sa iba’t ibang lugar. Pakiramdam ko, tao talaga ako na marunong mag-appreciate ng mga tanawin, ng kultura, ng ibang tao at marami pang iba. Kahit di na ako yumaman, makapaglibot lang, oks na!
-jepbuendia

6:57 ng gabi
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...