Mga Pahina

Miyerkules, Abril 24, 2013

KALIWETE


Ika-21 ng Abril, 2013
Linggo, 10:59 ng gabi

‘Ano ang pinanuod mo ngayong gabi?’

            Katatapos ko lang panuorin ang isang lumang documentary, na walang copyright kaya di ko alam kung anung taon ito pinalabas, na tumatalakay sa pagiging ‘left-handed’ ng isang tao.

            Matagal na akong nagtatanong at napapaisip kung bakit o paano nagiging kaliwete ang isang tao. Gusto kong makakuha ng mas komprehensibong sagot bukod sa madaling i-rason na ang kanang bahagi ng utak ay naging dominante kaya nagiging kaliwete ang isang tao.

            Kung babalikan ang nakalipas, mabuti na lang at hindi ako nabuhay noong mga panahong ang pagiging isang ‘kaliwete’ ay katumbas ng pagiging isang ‘kriminal’. Ito yung mga panahon na masyado pang makitid ang pang-unawa ng mga tao kaya’t ganun na lang ka-negatibo ang pagtingin at pagtrato nila sa mga tulad kong kaliwete.

            Gusto ko sanang ipaliwanag yung tungkol sa napanuod ko, kaso parang sasakit ang utak ko pag ipinaliwanag ko pa ang maraming ideya na binigay nun sa akin, lalo na’t English yun haha. Pero inaantok na kasi ako kaya di ko maiayos nang mabuti ang kung ano man na nasa pagkakaintindi ko (alibi).

‘Bakit ka naman curious tungkol sa left-handedness?’

            Siguro parang naging espesyal lang sa akin ang ganitong kondisyon dahil nga sa isa rin akong kaliwete. Baka umaasa lang ako na mapabilang sa mga kaliweteng biniyayaan ng galing tulad ni Leonardo Da Vinci at marami pang iba.

            Yung naiisip mo na astig pala maging kaliwete dahil parang may kung anong characteristic ka na marami ang wala, dahil nga sa karamihan ng populasyon ay ‘right handed’.

            Sabi nila, at ayon sa mga napanuod ko, karaniwan ay may taglay na ‘talino’ ang mga taong left-handed. Maaaring sila ay creative, magaling sa math lalo na sa geometry dahil nga mataas ang kanilang spatial intelligence, may bentahe sa sports at marami pang iba.

            In other words, isa lang akong ‘ambisyosong’ nilalang na umaasang nagtatagalay din ng kahit alin sa mga kakayahang nabanggit tungkol sa mga kaliwete hehe.

‘Anu-ano ang iyong mga kwento sa pagiging kaliwete?’

            Alam ko, lalo na noong mga nakalipas na panahon, ay pinagbabawalan ang mga left-handed na gamitin ang kanilang kaliwang kamay tulad halimbawa sa pagsusulat kaya mabuti na lang talaga ay hindi ako umabot sa mga panahong iyon. Pero sa isang banda mahirap din maging kaliwete sa mundo na puro right handed. Halimbawa;
            1. Natatandaan ko na noong tinuturuan pa ako ng nanay ko na magsulat, pilit niya akong pinapagamit ng kanang kamay. Pero dahil mas komportable ako sa kaliwang kamay, lagi ko siyang sinusuway, hehe. Kapag di na siya nakatingin inililipat ko na yung matabang itim na lapis mula sa kanan papunta sa kaliwa at pag natapos ko na isulat yung pangalan ko ibinabalik ko na ulit ang lapis sa kanan.

            2. Nung grade 1 ako, lagi akong ‘shunga’ sa pagtukoy sa kaliwa at kanan. Akala ko kasi noon ‘kanan’ ang tawag sa kamay na ginagamit mo sa pagsusulat at ‘kaliwa’ naman yung isa na di ginagamit sa pagsulat. Kaya minsan, parang may drill kami noon, iniutos ng teacher namin na itaas ang aming kanang kamay. Confident pa ako sa tinaas kong kamay na kaliwa at laking pagtataka ko kung bakit ako lang ata yung naiiba, kaya nakigaya na lang ako, pero litong-lito talaga ako nung mga oras na yun.

            3. Kahit sa pagsabi ng direksyon, madalas din akong malito. Nahihirapan ako, kahit ngayon na malaki na ako, na tukuyin kung alin ang kanan sa kaliwa. Kaya kapag nakasakay ako sa trike at itatanong ng driver kung saan liliko, itinuturo ko na lang yung daan kaysa sabihin kung sa kaliwa o sa kanan ba.

            4. Sa buong buhay ko sa eskwelahan, never ako naka-experience ng ‘left-armed chair’. Hindi naman kasi ako nag-aral sa private school na pwedeng mag-request ng left-armed chair. Kaya buong buhay akong nangangawit tuwing magsusulat habang yung mga kaklase ko ay relax na relax lang mga mga kamay. Sila na ang may patungan ng siko habang nagsusulat habang yung akin ay nakalutang lang sa ere. Kaya madalas akong naka-de-kwatro nung estudyante pa ako, na parang naging mannerism ko na rin ngayon, kasi sa ganuong posisyon ko lang maipapatong ang siko ko sa aking mga binti para di ako agad mangalay sa pagsulat.

            5. Kapag naman kumakain, kasabay halimbawa ang mga kaklase o kahit pa mga kasama ko sa trabaho ngayon, madalas akong maupo sa panulukan o sa pinaka-kaliwang bahagi. Doon lang kasi ako walang makakasanggang kamay habang kumakain.

            Sa tingin ko, itong lima lang naman ang madalas kong ma-encounter noon hanggang ngayon. Marahil yung ibang experiences ko bilang isang left-handed ay di naman na ganun kahirap.

            Yung iba ay tulad lang ng kalituhan sa paggamit ng computer mouse kasi kanang kamay ang dapat gamitin pero nasanay na rin naman ako. Sinubukan kong kaliwa ang gamitin kaso mas sumasakit lang ulo ko. Nakakalito yung orientation.

            Isa pa sa mahirap kong matutunan ay yung pagtugtog ng gitara. Gustuhin ko man, pero nalilito talaga ako kung kaliwa ba o kanang kamay ang gagamitin ko. Kasi parang mapipilitan akong mag-kanan dahil right-handed yung magtuturo sa akin at ginawa naman talaga yung gitara para sa right-handed people. Kaya, madalang kong subukan mag-gitara.

            Bukod dun, feeling ko isa akong espesyal hehe. (child?)

Martes, Abril 16, 2013

Panunuod ng pelikula, pangungumusta at ang public school.


Ika-13 ng Abril, 2013
Sabado, 5:25 ng hapon

            Ito na naman yung isa sa mga tagpo sa buhay na wala kang maka-usap kundi ang sarili. Kaya ito, dating gawi, buksan ang netbook para magtype at kausapin ang sarili.

            Sabihin na natin na nung isang linggo ay kuntento na ako na araw-araw nakakaalis sa bahay sa loob ng lima o anim na araw. Tapus ngayon, nakakulong na naman ako sa bahay mga dalawa o tatlong araw na.

            Na-miss ko na talaga ang internet, kasi kahit wala ka sa labas pwede kang makipag-usap sa mga kaibigan at kakilala mo sa facebook, maki-update. Pero ngayon, gusto ko na lang isipin na baka ito yung mga oras na binibigay sa akin para ilaan sa sarili. Kunwari na lang self-interview…

‘Anung pinagkakaabalahan mo ngayon?’

            Inuubos ko ang aking oras sa maghapon sa pakikinig nang paulit-ulit na mga music video. Bale, mga cover songs ang madalas kong pakinggan. Karamihan Boyce Avenue at minsan kahit na yung medyo OA na si Tyler Ward. Pati na rin yung iba na di naman masyadong kilala. Mukha na akong cover songs ngayon, ewan ko ba kung bakit mas pinipili ko yun kaysa mga original songs. Siguro kasi nagustuhan ko lang yung ideya na pwede pa lang kantahin yung kanta na yun sa ganung paraan na minsan nga eh mas maganda pa kaysa original version. Pero di lahat ng cover songs ay maganda. Yung iba sobrang binago na nawala na yung ‘ganda’ ng kanta. Naging OA o sobra sa pagkaka-revive.

            O kaya, manuod ng mga pelikula, mga short films na animated, at documentaries. Basta kahit na ano na pwedeng kumuha ng atensyon ko at wag lang mabagot sa maghapon. Bale kung anu-ano nang mga pelikula ang napanuod ko tulad ng wirdong ‘Maniacs Scream of Field’, yung pambatang ‘Ice Age 3 and 4’, yung dramatikong love story na ‘Doremifasolatido’, yung korni ang ending na ‘The Extinction: GMO Chronicles’, yung nakakasuka na ‘Chromeskull 2’ at marami pang iba. May mga inuulit lang din akong panuorin tulad thai movie na ‘First Love’, ‘Slumdog Millionaire’ pati na ‘Avengers’. Pag paulit-ulit mo palang napapanuod ang mga pelikula ay mas naiintindihan mo sila, lalo na yung mga naka-subtitle lang. Mahirap atang manuod habang nagbabasa. Tulad ng isa sa mga paborito kong cartoon na ‘Detective Conan’. Nakakuha ako ng kopya ng kumpletong episodes (sana nga), yun nga lang sa japanese ito naka-dubbed, pero ok lang may subtitle naman.

‘Kamusta na ang mga college friends mo?’

            Ewan ko lang kung yung dalawa ko bang kaklase na nakakabasa ng blog na to ay nagagawang pang dumalaw dito. Di ko na rin sila ma-chat o mai-message sa fb dahil nga sa kawalan namin ng net. Di ko na rin sila sinasadyang i-text. Minsan mag-gm ng quotes, paalala lang na buhay pa ako J. Minsan nga lang yung iba ay magre-reply pa ng ‘Cnu to?’, kaya ibig sabihin may ilan sa kanila na kung hindi nagpalit ng cellphone o sim ay talagang kinalimutan na at minabuti na lang na burahin ang number ko, kung sabagay eh di naman ako madalas mag-text.
            Sa tingin ko lang, kung mababasa lang nila ang blog ko, ito na lang yung least na paraan para malaman nila kung ano na bang lagay ko kahit na di na ako magkwento.

            Nalulungkot ako sa kaklase ko na namatayan ng kapatid. Kung hindi ako nagkakamali yun yung kapatid niya na may espesyal na condition. Sana man lang naipahatid ko ang pakikiramay ko sa kanila.

            Kahit yung close kong kaibigan na madalas tumawag sa amin sa landline, na ngayon ay di na niya magawa dahil wala kaming telepono, ay di ko na rin masyadong nabibigyang pansin. Siguro kasi gusto ko munang magpakalayo-layo. Tatlong taon pa lang naman ang nakalilipas mula ng kami ay magsipagtapos. Ayoko lang na paulit-ulit naming pagkwentuhan ang nakaraan dahil pakiramdam ko mas mahihirapan lang akong mag-move on. Namimiss ko sila. Pero alam ko naman na darating din ang panahon na magkikita-kita kaming muli. Kaya sa ngayon, hahayaan ko munang magkanya-kanya. Basta.

            Natutuwa ako sa ibang kaklase ko na patuloy na nangungumusta. Pasensya na, kung di ko sila narereplyan sa text.

‘Bakit di ka pa nag-aapply sa public?’

            Marami na akong kaklase pati na rin dating mga co-teachers ang nagtuturo na ngayon sa public school. Bale, 3 taon na akong  nasa private school. Kaya heto ngayon, nga-nga tuwing bakasyon. Walang pasok. Walang sahod.

            Di ko nga rin alam kung bakit narito pa ako sa private school na ‘to. Pakiramdam ko kasi meron pa akong ‘unfinished business’. At saka nitong nakalipas lang na school year ko naramdaman ang maraming pagbabago. May mga nagawa ako nitong school year na noong unang dalawang taon ko sa pagtuturo ay di ko naman ginagawa. Sabihin na natin na baka ito yung ‘growth’ na tinatawag nila. Parang gusto ko munang ma-experience at i-enjoy ang mga nangyayari. Malay mo, kapag nagpa-rank na ako sa public eh makatulong ito sa akin (sana nga).

            Mga 55% lang siguro last school year ang pagnanais kong umalis. Una, dahil siguro di pa ganun kabuo ang loob ko. Pakiramdam ko may kulang pa. Pero ngayon, kinakabahan ako dahil kapag nagawa ko ng maayus ang mga plano at expectations ko sa darating na school year, feeling ko ready na ako mga 95% or more, aalis na talaga ako. Dahil baka yung ibang ‘growth’ na hinahanap ko ay nasa public school na o baka sa ibang work naman. Sana lang umayon ang lahat.

            Naiinis lang din ako sa ‘palakasan system’ na meron sa ranking para makapasok ka sa public school. Marami na akong natunghayan na mga kuwento ng mga co-teachers o mga kaibigan ko na nagpa-rank na pero nabigo. Saksi din ako kung pa’no ito kinakagat ng iba. Bakit nga naman hindi, kung iyon ang mabilis na paraan.

            Hindi naman sa napaka-fair kong tao. Pero kung ‘palakasan’ ang labanan eh di para saan pa yung ranking system di ba? Kahit pala mas mataas ang nakuha mong rank sa iba, eh dahil sa siya ang may kapit, siya ang pasok sa banga. Kaloko.
            Isa rin siguro yan sa mga kinatakot ko. Pa’no kung magpa-rank ako ‘all by myself’? Yung walang ‘kapit system’, walang ‘sipsip to impress mode’ at kahit na anong ‘recommendation from the above’? Tatalab kaya ako?

            Kaya, nais kong siguruhin na bago ako sumabak sa may ‘dungis’ na sistema, dapat ay handa at buo na ang loob ko para sa ano mang mangyayari.

            Tulad nga ng sabi ko, hindi naman sa napaka-fair kong tao, pero sana ibinibigay natin ang dapat sa mga nararapat.

            Kaya sa tingin ko ang mga darating na araw ay preparasyon para sa lahat ng mangyayari. Sana maraming surprises.

Miyerkules, Abril 10, 2013

Hapag-Kainan


“HAPAG KAINAN”
-jepbuendia-

            Kung nakapagsasalita lamang itong aming hapag-kainan, marahil di sapat ang isang maghapon para sa lahat ng nasaksihan nitong mga tagpo. Ang mga selebrasyon, tawanan, kwentuhan, galit, pangaral pati na mga pagbubunyag at marami pang iba, lahat ng mga ito ay  nangyari dito sa aming munting hapag.

            Bilang isang ina, maligaya ako na napagsisilbihan ko ang aking pamilya. Ang araw-araw na pagluluto at paghahain sa kanila ay naging parte na ng aking buhay.

            Isang pahabang lamesa itong aming hapag. May tig-isang upuan sa magkabilang panulukan, at tig-tatlo naman sa gilid. Naging saksi ako kung paanong unti-tunting napupuno itong aming hapag ng mga umuupo’t kumakain sa paglipas ng panahon. Dati ay ang aking asawa lamang ang nakaupo sa panulukan at ako naman sa kanyang kanan. Hindi nagtagal mayroon na akong katabi sa aking kanan na nadagdagan pa muli ng isa. Makalipas ang ilang panahon, ang kabilang gilid na may tatlong upuan ay mayroon na ring gumagamit. Nagbunga ang pagmamahalan namin ng limang makakasalo sa pagkain.

            Malaki ang kaibahan ng mga tagpong aking nasaksihan sa bawat paglipas ng panahon. Dati’y kailangan ko pang iabot o di kaya’y ilagay mismo sa kanilang mga pinggan ang ulam at kanin. Na habang kumakain, di lamang sarili kong pinggan ang binibigyan ko ng pansin, nariyang kailangan ko pa silang subuan para lang maubos nila ang kanilang kinakain. Simple lang noon ang mga usapan, mga usapin sa gusto nilang laruan, ang pagbili ng kendi pati na ang pagpapaalam para makapaligo sa ulan. Simple lamang noon ang  mga kasalo namin sa hapag. Ang pagkabasag ng baso o kahit pa ng pinggan ay naiintindihan ko pa dahil sadya lamang silang makukulit. Ang makalat na pagkain at ang mga tunog ng kutsara at tinidor sa pinggan habang kumakain, ang malulutong na tawanan at minsang pagkakapikunan, lahat ng mga iyon ay malinaw kong nakita’t narinig. Masaya ang panahon na iyon.

            Ilang taon pa ang lumipas, unti-unti na ring nagbabago ang lahat. Ngayon ay kaya na nilang umabot ng sariling pagkain, nabawasan na rin ang mga tunog ng kutsara at tinidor sa pinggan, medyo naging seryoso na rin ang mga usapan. Ang pag-uusap ukol sa pag-ibig, ang pangangaral at mga kwento ng kanilang karanasan sa eskwela, ang kanilang mga kaibigan at ang paglalahad ng kanilang mga pangarap, lahat ng mga ito ay malinaw kong narinig. Sa tagpong ito, nahaluan na rin ng pagkabigo at luha ang aming pagsasalo. Ang pagkabasag ng pinggan ay di na nangangahulugan ng kapabayaan dahil sa kalikutan, ang pagkabasag na iyon ay tanda ng matinding pagkadismaya at galit. Ang pag-alis sa upuan ay di na nangangahulugan ng paglalaro’t paghahabulan, ang pag-alis sa upuan ang naging tanda ng poot at pagtatampo. Anu’t ano pa man ang mga nangyari, ang pagluha sa harap ng hapag-kainan ay di laging nangangahulugan ng kalungkutan, minsan ito ay tanda ng pagpapatawad at pagkakaunawaan. Masaya pa rin ako sa panahon na ito. Ito ang mga paunang hakbang nila tungo sa pakikipagsapalaran. Ito ay tanda ng kanilang paglaki.

            Kung paano ko nasaksihan na ang bawat isa ay natutong umupo at makisalo sa hapag, ganun din naman ang kanilang pagkawala. Ang una kong nakatabi sa aking kanan ay ang siyang una ring nawala bilang pagsunod sa kanyang mga pangarap. Mula sa pito ay anim na lamang kaming nagsasalo. Hindi nagtagal, ako na lamang mag-isa ang nakaupo sa isang gilid. Gayunpaman, patuloy pa rin ang aking ginagawang paghahain. Masaya pa rin akong nakikita sa aking harapan ang tatlo pa sa lima naming kasalo sa hapag-kainan pati na rin ang aking mahal na asawa. Bagamat alam ko, na darating ang panahon, silang tatlo ay kailangan ding lumisan.

            Unti-unting nababawasan ang mga plato, baso, kutsara at tinidor na kailangan kong ihanda tuwing kakain. Hanggang sa tig-dalawa na lamang ng mga nabanggit ang inilalagay ko sa aming hapag. Pinili ko pa ring maging masaya sa piling ng aking asawa.

            Mas nangibabaw ang saya kaysa lungkot kahit pa dalawa na lamang kami ngayon na nagsasalo. Alam namin, na ganito ang mangyayari. Lahat sila ay may kaniya-kaniyang laya upang sundan at tuparin ang kanilang mga pangarap. Alam namin, na darating din ang panahon na sila’y magbabalik.

            Kasabay ng paglipas ng maraming taon ay ang maraming pagbabago. Naging marupok na ang mga paa ng aming hapag dahil sa katagalan. Ang dating malakas naming pangangatawan ay humina na rin. Kung pa’no namin nasaksihan ang kanilang paglago’t paglakas ay kabaligtaran naman ang inihatid nito sa amin.

            Ang pinakamasayang araw na aking nasaksihan ay ang kanilang pagbabalik. Nung araw na yun hindi lamang lima ang bumalik sa amin. Muli akong nakarinig ng mga tawanan, walang humpay na kwentuhan, pagbabatian at nasilayan ko ang mas maraming mga ngiti. Masaya kami na sila’y muling nagbalik.

Lunes, Abril 8, 2013

ROOMMATE


“ROOMMATE”
-jepbuendia-

            Kinailangan kong manirahan sa mala-dorm na apartment na ito mula nung mag-aral ako ng kolehiyo. Mas malapit sa eskwelahan, mas okay yun para sa akin, menos din yun sa gastos. Kaya nga pinilit ko sila tita at kanyang asawa na nagpapa-aral sa akin dito sa Maynila na hayaan nila akong magrenta ng matutuluyan para di ako masyadong mahirapan, at saka nahihiya rin ako na makihalubilo sa kanilang pamilya, mas lalo ko lang nami-miss sila mama.

            Kakaiba ang apartment building na ito. Mala-dormitoryo para sa mga estudyante ang itsura. Iba-iba rin ang laki ng mga kwarto, depende kung ilan ang kayang ilagak nito o depende sa kakayahang magbayad ng uupa. Halimbawa, kung may pambayad ka, pwede mong upahan ang isang buong kwarto para sa iyo, kung hindi naman, maaari kang makisalo sa iba, parang bedspacer, hati-hati na lang kayo sa bayad ng upa.

            Naisip ko, dahil pinag-aaral lang naman ako ng aking tita, kailangan kong magtipid, ngunit gusto ko sana ng sariling matutuluyan kahit maliit lang. Tinanong ako ng landlord kung anu daw ba ang gusto ko, dahil ilang kwarto na lang naman daw ang bakante. Hiniling ko sa kanya ang isang maliit na kwarto, hangga’t maaari kasi ayokong may makasamang iba. Sabi naman niya ay meron pang isang kwarto sa may third floor, sa pinakadulo ng pasilyo. Pandalawahan nga lang yun dagdag pa niya. Mabuti na lang yung nauna sa akin dun ay payag din namang magkaroon ng kasalo sa kwarto. Gustuhin ko man ang mag-isa, wala na akong mahahanap na iba, wala na akong iba pang mapupuntahan. Ito na ang pinakamalapit na lugar sa pinapasukan kong eskwelahan. Tumango na lamang ako sa landlord, kinuha ko na ang susi at pumunta na ako sa bago kong tutuluyan.

            Maliit lang talaga ang kwartong ito, mga ilang dipa lang ang laki, parihaba ang hugis. Pagbukas mo ng pintuan, bubungad agad sa iyo ang isang double deck na kama, dun ako sa taas na bahagi natutulog, sa baba naman yung kasama ko. Sa kanan, mula sa pagkakatayo sa pintuan ay isang maliit na lamesa kung saan pwede akong mag-aral at paghainan ng pagkain kung meron mang dapat pagsaluhan. Halimbawa, kung napagkasunduan namin ng kasama ko na magluto para sa aming dalawa o kung may namamahagi ng kanilang handa tuwing may birthday o kung anu mang okasyon kahit pa tulad lang ng inuman. Sa dulong kanan na bahagi ng parihabang kwarto na ito, dun mo makikita ang kaisa-isang bintana ng kwarto, dun na rin namin naisipang maglagay ng mga kasangkapan na pangluto para mabilis makasingaw ang init sa tuwing magluluto ang isa sa amin. Ang kagandahan lang sa kwartong ito ay may sarili itong banyo. Kaya di ko kailangan pang lumabas ng pasilyo para lang maligo at bawas din sa abala sa pakikisama at paghihintay sa mga gumagamit ng communal na cr.

            Iba’t ibang uri ng tao ang nasa building na ito. Kaya hinalintulad ko ito sa dorm dahil marami ring estudyante tulad ko ang pansamantalang namamalagi rito. Yung iba mga barkadang magkakasama, meron ding tulad ko na kailangang mamuhay mag-isa. May mga maliliit ding pamilya na ilang taon na rin dito naninirahan. O kaya’y mga magkakasama sa trabaho tulad ng isang grupo ng mga call center agents na nangungupahan sa isa sa malalaking kwarto. Meron ding mga nagtatrabaho sa construction at pati na rin mga security guard, pamilyado ang iba sa kanila, na lingguhan kung umuwi sa kanilang naiwang pamilya.

            Ang kasama ko sa kwartong ito ay si Mang Victor. Isa siyang security guard sa isa sa mga unibersidad. Sabi niya mas pinili niya ang magrenta ng matutuluyan kaysa naman daw umuwi siya sa kanyang pamilya sa Bulacan araw-araw. Saka bawal daw ang ma-late sa kanilang trabaho kaya mas pinili niya dito, mas malapit at mas tipid sa pamasahe. Sinabi ko sa kanya na halos parehas lang kami ng dahilan kung bakit din ako narito.

            Sa umaga ay walang naiiwan sa aming kwarto, kaya madalas lang itong naka-kandado. Halos buong araw akong nasa eskwelahan at gabi na kung umuwi, ganun din naman si Mang Victor, sa umaga kasi ang kanyang duty at gabi na rin siya kung umuwi.

            Kahit pa ‘roommate’ kami ni Mang Victor, kanya-kanya kami sa lahat ng bagay. Di namin pinakikialaman ang isa’t isa. Tulad halimbawa ng paggising sa umaga, kahit alam namin na pareho kaming kailangan pumasok ng maaga, hindi namin gigisingin kung sakaling masyadong napahimbing ang tulog ng isa. Ayaw na rin niyang intindihin kung kumain na daw ba ako sa tuwing uuwi ako sa gabi, kaya lagi ko daw siguruhin na naka-kain na ako bago pa umuwi dahil siya ay laging sa labas na lang kumakain para pagpapahinga na lang ang kanyang aatupagin pagbalik. Sinabi ko sa kanya na wala siyang dapat alalahanin sa akin. Sanay na rin naman akong asikasuhin ang sarili.

            Hindi nagkukwento ang matandang ito tungkol sa kanyang buhay. Minsan, kapag nababagot na ako sa pag-aaral, nakikipagkuwentuhan muna ako sa kanya. Madalas, siya ang nagtatanong ng kung anu-ano tungkol sa akin, ang aking pag-aaral, ang pamilyang kinabibilangan ko pati na rin ang mga pangarap ko sa buhay. Pero kapag siya na ang aking tinatanong, di niya ito direktang sinasagot. Ang mga kuwento tungkol sa mga nakakasalamuha niyang estudyante araw-araw ang ibinabahagi niya sa akin, yun lang at wala nang tungkol sa personal niyang buhay.

            Tuwing linggo, ako lamang ang narito dahil lingguhan kung umuwi si Mang Victor sa kanyang pamilya sa Bulacan. Laging may bitbit na pasalubong itong si Mang Victor tuwing siya ay uuwi. Sinisiguro niya na nakapamili siya ng groceries para sa kanyang pamilya at may kasama pang mga laruan at ilang matatamis na pagkain na para marahil sa kanyang mga anak. Sa isip ko, wala mang nabanggit si Mang Victor ukol sa kanyang pamilya, isa siyang mabuting ama. Makikita mo na bakas sa kanyang mga ngiti ang kasiyahan tuwing darating ang araw ng Linggo. Marahil dahil sa muli niyang masisilayan ang kanyang mahal na asawa at mga anak. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit paulit-ulit niyang binabanggit na mapalad ang aking mga magulang dahil ako ang kanilang anak at kapag nasabi niya na yun ay saka niya isasara ang pinto at aalis. Laging ganun ang kanyang sinasabi tuwing makakauwi siya ng Bulacan.

            “Daniel, napakapalad ng iyong mga magulang dahil ikaw ang kanilang anak…” yan ang madalas niyang sinasabi sa akin.

            Tuwing lunes ng umaga, ako lang ang nagigising mag-isa sa kwartong ito. Dumideretso na si Mang Victor sa trabaho mula sa Bulacan, at sa gabi na lang ulit kami nagkikita. Kung anung saya ng ngiti ang masisilayan mo tuwing siya ay aalis pabalik sa kanyang pamilya, kabaligtaran naman nito ang makikita mo pag-uwi niya tuwing Lunes ng gabi. Naisip ko, marahil malungkot lamang siya na isang linggo na naman ang kailangang lumipas bago ang muling pagkikita nila ng kanyang pamilya, o kaya ay pagod sa mahabang byahe at sa trabaho. Pero laging ganuon, nakakapagduda ang laging pagbabalik niya na akala mo’y walang mabuting naidulot ang pagkikita nila ng kanyang mga mahal sa buhay. Ako nga na isang beses lang isang buwan kung makadalaw kila tita at sa kanyang pamilya ay parang sapat na yun para maging masaya ako sa susunod na buwan kahit pa di ko sariling pamilya ang aking nasisilayan. Ang ganung mga kilos ni Mang Victor ay naging isang malaking palaisipan sa akin.

            Tulad nga ng sabi ko, kahit pa ‘roommate’ kami ni Mang Victor ay di namin masyadong pinakikialaman ang bawat isa. Naging okay na rin ang ganun para makapag-focus ako sa pag-aaral at tulad nga ng sinabi niya ay ayaw niya rin naman akong idagdag pa sa kanyang mga iisipin.

            Sabado. Pasado alas-otso na ng gabi pero wala pa ako sa aking tinutuluyan. Inaasahan kong aabutan kong abala si Mang Victor sa pag-aayos ng kanyang mga bibitbitin pauwi sa Bulacan kinabukasan. Naisip ko na dumaan sa convenience store para bumili na rin ng ilang matatamis na pagkain para idagdag sa iuuwing pasalubong ni Mang Victor sa kanyang mga anak. Masaya ako na para bang di na rin iba sa akin ang pamilya ni Mang Victor dahil alam kong mapalad din sila tulad ng madalas niyang sabihin sa akin, dahil alam ko na isa siyang mabuting ama.

            Nung narating ko na ang apartment building, hindi ko alam kung bakit parang napakabigat ng aking mga paa paakyat sa third floor. Bukas naman ang mga ilaw sa pasilyo pero ako ay nangingilabot pa rin. Medyo mainit ang panahon pero pinagpapawisan ako ng malamig. Hindi ko na lang masyadong inintindi ang mga nararamdaman ko. Naglakad na ako patungo sa inuupahang kwarto.

            Pagbukas ko ng pinto, napansin kong walang kahit na anong pinamili ang nakakalat sa higaan ni Mang Victor na kanyang inilalagay sa isang kahon tulad ng kanyang nakagawian. Wala rin yung bag na lalagyan ng kanyang mga inimpakeng damit. Malinis ang kanyang kama. Walang kahit na anong gamit.

            Tanging lagaslas lang ng tubig sa banyo ang aking naririnig. Sa isip ko, baka ginabi rin ng uwi si Mang Victor at nagpasyang maligo muna bago bumili ng mga iuuwing pasalubong. Naupo muna akong saglit dahil sa biglang panghihina ng aking mga tuhod. Inilagay ko muna sa ibabaw ng lamesa ang aking pinamili. Napansin ko na wala doon ang kanyang baril na lagi naman niyang iniiwan sa lamesa. Bigla na lang akong nakaramdam ng matinding kaba.

Dali-dali akong nagtungo sa banyo, nang buksan ko ang pinto kasamang umaagos ng tubig ang kanyang dugo. Sa kaliwang kamay ay ang kanyang baril. Humingi ako ng tulong sa mga kalapit na kwarto, binuhat namin ang lupaypay at duguang katawan ni Mang Victor. Alam kong kahit umabot pa kami sa ospital ay mukhang di na namin siya maaagapan…

            Di ko lubos na naiintindihan kung bakit niya yun nagawa. Ang alam ko lang, naniniwala pa rin akong isa siyang mabuting ama.

Miyerkules, Abril 3, 2013

(5/5). Isang maagang kuwento, ang mahapding papaya soap, at isang mahabang araw.


Ika-01 ng Abril, 2013
Lunes, 6:15 ng umaga

            Kagigising ko lang ngayon. Yung tipong nanlilimahid pa sa mantika yung mukha ko pero eto muna yung inuna kong gawin pagkagising J.

            Dalawang bagay lang ang dahilan, una yung bumuo sa araw ko kahit kagigising ko pa lang, pangalawa yung parang sisira ng araw ko eh kagigising ko nga lang.

            Naging maganda ang panimula ng araw ko dahil sa maliwanag na bintana na katabi ng aking higaan, sarap ng feeling kapag nakikita mong unti-unting nagliliwanag ang langit. Tapus yung weirdong poster na di ko alam kung payaso ba yun na nakangiti na nakadikit sa pinto. At nung nanghiram ako ng cellphone ng tatay ko, nakita ko sa sent items ang “ANLI 30”J. Hindi ko balak na pagtawanan ang tatay ko na ganun pala siya mag-register ng unlitxt service, ewan ko lang kung meron ba talagang ganun, baka ako naman ang mali. Wala lang, natuwa lang ako nung makita ko yun, nakitext kasi ako sa kanya, buti nga siya laging may load eh, samantalang ako napakadalang.

            Yung mga nabanggit ko, ok na sanang panimula para makangiti ako buong araw.

            Hanggang sa ayun, may nagbabadyang sumira sa mga plano ko. Sabihin na natin na yung gagawin ko ngayong araw ay personal na interes na gusto ko talagang ginagawa, samantalang yung sa kanya ay may kinalaman sa trabaho. Pero kailangan naming gawin yun gamit ang isang bagay, una-una lang sa paggamit ika nga. Ewan ko lang pero mahirap para sa akin na laging mawala o di magamit yung isang bagay na personal ko ngang gamit. Ayokong pag-isipan ng pagiging madamot kasi sa kabilang banda ayoko rin ng konsepto ng abusado. So, ayun. Lilipas din to. Siguro di ko lang maatim na may mga piling panahon na nga lang para magamit ko yun ng lubusan pero di ko pa makuha ang lahat ng oras para dun, na sa kabilang banda ay ayoko namang panghinayangan lalo na’t alam mo namang makatutulong ka rin naman sa iba… ang malungkot lang ay ang matapos ang itinakdang panahon sa araw na yun na di ko nagagawa yung gusto ko, yun lang marahil ang ayoko, dapat ‘fair share’.

            O sya, kailangan ko nang kumain, maligo at mag-ayos ng gamit. Iisa lang ang banyo, 3 kaming gagamit, kailangan nandun na ako before 8:00AM… eh pasado ala-sais na ng umaga.

            Kwento na lang later J.




Ika-02 ng Abril, 2013
Martes, 2:30 ng hapon

            Katatapos ko lang maligo. Mabuti naman at medyo makulimlim kaya medyo malamig na rin. Di tulad dati na paglabas ko ng banyo ay tumatagaktak na naman ang pawis ko. Ang hapdi sa balat ng ginagamit kong papaya soap… ‘tiis pagpapaputi’ ang tawag dito J.

            Dapat kagabi ay ikukwento ko na ang kabuuan ng nangyari kahapon, pero sa kasamaang palad di na kinaya ng utak at mga daliri ko ang pagtipa sa keyboard. Yung kahapon na simpleng pagrereport lang sana sa faculty ay naging ‘super haggard’ at nakaka-dehydrate na araw!

            Di ko naman alam na at least 6:30 AM ay dapat na pala kaming magreport sa faculty para mapirmahan ang mga ‘long forms’. Eh nung mga oras na yun kahapon ay katatapos ko lang magtype ng paunang kuwento. Sakto, pagka-shutdown ko sa netbook ay may tumawag sa akin dahil kailangan na ang pirma ko (parang executive lang) at mahuhuli na sila sa dapat nilang puntahan. Kaya kumaripas na lang ako ng paligo kumuha ng kahit anung madampot na damit, nagtsinelas at lumipad patungo sa school- wet look mode. At pagdating ko dun, symepre alam mong medyo ‘bad mood’ na ang ilan sa mga kasama mo dahil kanina ka pa nila inaantay at kanina pa sila dapat nakaalis. Nagtext naman pala sila bago ang araw na yun, di nga lang sa number ko… kaya wala talaga akong alam.

            Nung matapos na ang ‘pirmahan session’ kaunting kwento muna sa ilan sa mga maaagang kaguruan na nandun, tapus nun umuwi na rin ako. Kumain at naligo ulit, kasi nga di ako satisfied sa mabilisang paligo. Biglang may nagtext na kailangan kaming sumunod sa isang malayong lugar dahil bukod pala sa aming pirma ay kailangan din ang aming presensya. This time, nag-ayos na ako ng mas matino at fly away ulit papuntang school para makisabay papunta sa malayong lugar na yun. Nakakaloko talaga ang araw kahapon.

            At dahil kahapon ay unang araw matapos ang semana santa, malamang salubungin namin ang lahat ng papauwi na galing probinsya at mga ginagawang kalsada pa ang kailangan naming tahakin. Kulang na lang ay mag-marathon na kami sa sobrang traffic, di na talaga kami umuusad. Halos 2 oras na kaming paunti-unti lang ang daloy. Nakakagutom, nakaka-stress at nakakapagod na byahe. At dahil nauubos na ang aming oras at mukhang di na kami aabot, napilitan kaming lakarin ang kahabaan ng kalsada habang tirik ang araw at bumubuga ng maiitim na usok ang mga sasakyan… yun ang nakaka-haggard. Sayang naman ang epekto ng mahapdi kong papaya soap J.

            Ang mas nakakapanghinayang pa matapos ang buong araw naming paghihintay ay di naman pala kami kailangan pang pumunta dun… nanlumo lang kaming lahat. Yun dapat sanang inilagi ko na lang sa faculty para maksagap ng wifi ay di ko na nagawa. Nasayang ang isang araw na pagkakataon para lumibot sa mundo ng internet L, lalo pa’t wala kaming internet ngayon sa bahay. Gayunpaman, isa pa rin yung adventure na nakakaasar at pwede na ring di makalimutan.

            Ngayong araw ay wala kaming report sa school dahil sa kung anong idiniklera na ewan. Kaya bukas na lang ulit ang pagkakataon ko para makapag-internet… sana ok na. J

(4/5). Panis na kanin, pagtatapos ng 'Da Perks', pagsisimba at ang mga misa sa tv.


Ika-31 ng Marso, 2013
Linggo, 12:19 ng tanghali

            Di pa ako kumakain. Sabi kasi ng tatay ko, napanis daw yung sinaing kong kanin kagabi. Ayoko na magsaing ulit. Nagluto ako ng kanin para sa aming tatlo, pero ako lang ata ang kumain kagabi, ayun dahil sa init ng panahon, mas marami ang nasayang kaysa nakain. Kaya mamayang hapon na lang siguro ako kakain.

            Katatapos ko lang basahin ang ‘The Perks of being a Wallflower’. Tinapos ko na yung huling part ng libro para maisunod ko naman yung ‘The Alchemist’.

            Kahit alam ko na kung paano matatapos ang kuwento ng ‘da perks’ siniguro ko lang na makukuha ko ang mga detalye ng istorya sa libro.

            Sa isip ko, parang alam ko na kung bakit nakaka-‘relate’ ako kay Charlie. Sabihin na natin na tulad ng buwan, isang mukha lang nito ang nakikita natin sa gabi, yung parte lang na nagbibigay liwanag sa atin… yun lang ang ating nakikita. Yung ‘dark side’ ng buwan, dahil di naman ito umiikot sa axis, sana tama ako, yun ang di natin nakikita… at lahat tayo ay may ganung parte sa buhay… yung ‘dark side’ natin na di nakikita ng lahat.

            O kaya sabihin na natin na lahat naman tayo, kahit pa si Charlie na isang karakter lang sa libro, ay may nakaraan na maaaring hanggang ngayon ay di natin maintindihan o matanggap kung bakit yun nangyari. Ganun lang. O sa mas madramang paraan ay yung ‘nakaraan’ na ayaw na nating maalala pero parang multo na bumabalik-balik sa atin.

            Di naman kasing sama nung kay Charlie yung sa akin. Ayoko ding isipin na tulad yun sa kanya. At sa tingin ko di naman ako aabot sa punto, tulad niya, na madadala sa ospital at kakailanganin pa ng psychiatrist. Naiintindihan ko na yun ngayon, sana nga.

            Sabi nga eh, di natin mapipili kung saan tayo nanggaling pero may pagkakataon tayo para marating kung saan man natin gustong mapunta mula sa ating pinanggalingan… basta parang ganyan… di ko na naman ma-recall yung English version J.

            Dahil natapos ko na ang ‘da perks’ at halos tapus na rin ang semana santa dahil ngayon ay pasko ng pagkabuhay, pakiramdam ko bukas babalik na ulit sa normal ang lahat. Pupunta ako ng faculty para mag-report sa school at makisagap ng wifi. Excited na ako sa internet.

            Linggo ngayon pero di ako nakapagsimba. Ewan ko ba kung bakit di na ako nakakapagsimba. Dati ako pa ang nag-aaya sa nanay ko tuwing linggo para magsimba kami, pero ngayon sya na ang nag-aaya sa akin at ako na ang madalas tumanggi.

            Nagising ako kanina dahil sa naririnig kong misa… sa tv. Tuwing linggo, inuubos ata ng tatay ko ang mga misa sa tv. Pag tapus na ang misa sa isang istasyon, ililipat niya yun sa ibang channel na may misa pa. Laging ganun. Pero di rin naman siya pupunta sa simbahan tulad ko. Pwera na lang kung aayain siya ng nanay ko. Pero ngayon, alam kong di siya makakapagsimba, dahil sa lunes o martes pa ata uuwi ang nanay ko galing sa probinsya.

            Ayoko talaga kapag nag-uusap sila sa cellphone. Di ko alam kung nag-aaway ba sila o ano. Laging nakataas ang boses nilang dalawa. Kahit sino pa ang nasa bahay, si mama o si papa, basta kausap nila ang isa’t isa sa cellphone, parang laging may diskusyon, parang nag-aaway. Basta, ewan ko kung ganun lang  talaga sila.

            Nagugutom na ako. Walang nagluto dahil wala nga si mama dito. Baka mauwi na lang to sa pancit canton dahil nasira yung kanin. Kahit ano pa yan oks lang.

            Ang init. Videoke mode na naman ang butihin naming kapitbahay. Buti pa sila.

(3/5). Pagbabasa ng 'Da Perks', panunuod ng Convergence, ang sirang keyboard at ang buhay na 'no internet'.


Ika-30 ng Marso, 2013
Sabado, 12:07 ng tanghali

            Ang init. Katatapos ko lang kumain.

            Nasa ikaapat na bahagi na ako ng ‘The Perks of being a Wallflower’. Pakiramdam ko kahit pa’no pang pagtitipid sa pagbabasa ang gawin ko ay matatapos ko pa rin ng mabilis ang libro na yun. Pinapatagal ko talaga para maalala ko rin ng matagal-tagal ang kwento. Ewan ko kung bakit trip na trip ko yung takbo ng kuwento. Siguro nga kasi nakaka-relate ako kay Charlie. O baka ‘feelingero’ lang talaga ako.

            Nagugustuhan ko na ulit ang panonood ng ‘Convergence’. Bukod sa panunuod ng ‘press conference’ sa channel 04, isa yun sa mga dati ko pang pinapanuod na ngayon ko na lang ulit nagagawang panuorin… o sabihin na nating ma-appreciate muli. Si Nikki pa rin naman ang host, tapus kasama na niya si Charlie ba yun o Charles, nalito ako, di ko pa ma-check dahil wala namang internet dito, at saka yung si Kyle. Nakakatuwa si Nikki, parang mali ata yung pagkakaalala ko sa pangalan niya, basta yung babaeng host, bukod sa pagiging host ng Convergence, isa rin syang instructor ng English sa college- sa New Era University, at graduate ng UP. Si Charles naman (o Charlie ewan) basta yung isang lalaking host na mas maliit, isa ring prof sa college, photography naman ang kanyang tinuturo, at masscom graduate. Pero yung si Kyle, ang alam ko lang dati ata s’yang dj sa radio, tapus di ko nasubaybayan yung segment tungkol sa kanya. Siguro nagbanyo ako nun or kumain J. Naastigan lang ako sa mga ganung ka-busy mga tao. Saka, well-rounded (makagamit lang ng ganun haha) sila as a person. Ang sarap sigurong maging katulad nila. Nagtatrabaho pero enjoy pa rin. Pero mas masaya pa rin ang maging tulad ko J (pambawas lang ng insecurity lol). Wala lang, natutuwa lang ako sa mga taong ganun. Naalala ko tuloy yung isang co-teacher ko na aalis na, akala ko nung una, ay ganun-ganun na lang siya, pero wag ka, nangungulekta yun ng mga lisensya J registered nurse, licensed teacher, pasado rin ata siya sa midwifery at civil service. At ngayong bakasyon, sabi niya ay mag-eenrol siya sa TESDA para matuto ulit. Natuwa ako sa kanya. Kitang-kita ko ang pagkauhaw niya sa kaalaman. Siguro nga totoo na kapag marami kang alam, mas malalaman mong mas marami ka pang di alam (parang ganun, di ko kasi ma-recall yung English eh).

            Bukod sa nakakainis mag-type ng tagalog sa netbook dahil kung makapag-correct ng mga tagalog words ay wagas, kahit di naman dapat itama, nakakadagdag pa sa perwisyo ang keyboard ng netbook ko na ‘to. Laging ‘double A’ ang nangyayari tuwing pipindutin ko ang ‘A key’, sa halip na dirediretso lang sana ako sa pagtipa sa keyboard, binabalikan ko pa tuloy ang ilan sa mga letter A. Sa tingin ko nasira ko na yung ilang keys sa keyboard kakalaro dito J. Kung may internet lang sana, eh di normal pa siguro yung keyboard.

            Kamusta ba ang semana santa?

            Heto ayos lang. Tuald nga ng dati, di naman ako nakaranas ng kahit na anong seremonya o kung anu mang tradisyon na sinusunod tuwing dumarating ang panahon na ito. Pero, sa isang banda, maipagpapasalamat ko rin na wala kaming internet ngayon sa bahay, at hinihintay ko na ang lunes para makasagap ng wifi sa faculty J. May mga magandang naidulot din ang pagkawala ng internet. Una, mas na-enjoy ko ang isang linggong tambay sa bahay sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsusulat ng kung anek anek sa buhay. Nabubuklat ko na yung mga libro na binili ko dati na isinantabi ko na lang nang walang pakundangan. Mas na-appreciate ko na ang mga libro ko ngayon.

            Tuwing bakasyon, tamad talaga akong bumalik sa faculty. Pero dahil kailangan ko ng wifi parang sinsipag na akong mamalagi at manirahan sa faculty haha.

            Pero ang pinaka ‘da best’ talagang solusyon ay sana matapos na ang bahay namin para makabalik na ako sa aming lungga at ma-enjoy ulit ang buhay na hatid ng wi-fi. Giniba yung bahay namin para maging mas maayos, ayokong gamitin yung term na ‘renovation’ kasi parang pang mayaman eh di naman kami ganun J, ang di ko lang maintindihan ay kung bakit sa paglipas ng ilang linggo na pinapagawa namin ang bahay ay mukha pa rin siyang ‘giba’…

            Makatulog na nga lang…

(2/5). Ang pagsulat ni Charlie, pagpako sa krus, ang pag-iisip ng Diyos at ang wakas ng mundo.



Ika-29 ng Marso, 2013
Biyernes, 3:15 ng hapon

            Tulad ni Charlie ng ‘da perks’, gusto ko rin sanang magsulat. Kaso, di ko rin alam kung tungkol saan ang isusulat ko. Parang napaka-selfish naman kung ang isusulat ko ay ang tungkol lamang sa sarili kong mga kuwento. Di rin naman siguro ako kasing talentado ng mga manunulat tulad nina Matute at Joaquin. Gusto ko sanang malaman kung pa’no at kung saan ba kumukuha ng inspirasyon ang mga manunulat, sa kanila bang mga sarili? Mula sa ibang tao? Sa paligid? Mga karanasan ng mga piling tao? O kaya mga tagpo sa buhay ng iba?

            Marami pang tanong tulad ng isinisilang ba ang isang manunulat? Lahat ba ay maaaring magsulat? May mga kwalipikasyon ba para matawag kang isang tunay na manunulat? O pwede bang sumulat na lang ako ng ganito kalaya?

            Lahat naman ng mga naitanong ko ay alam ko na rin ang kasagutan. Naghahanap lang siguro ako ng iba pang mga ideya na galing sa iba.

Change topic…

            Sa mga oras na ito ay abala ang kapatid at tatay ko sa panunuod ng Passion of the Christ. Mga ilang beses ko na ring napanuod yun, pati na yung ilang mga kahindik-hindik na eksena tulad ng paghagupit kay Kristo ng latigo at saka yung ipinapako na siya sa krus. Madalas kasing gamitin yun tuwing recollection. Totoong nakakaiyak ang mga eksenang yun. Pero, parang kahit ilang beses namang mapanuod yun ng mga tao di pa rin naman sila tuluyang magpapakabanal. Makararamdam lang sila ng sakit at awa habang pinapanuod yun, pero tulad ng sa pagwawakas ng pinapanuod mong pelikula, ganun din naman ang epekto nito sa iba.. pag tapus na, wala na… hanggang dun na lang talaga.

            Iniisip ko lang, bakit kaya di ako isinilang sa mga panahong nangyayari yun? Sadya ba talagang itinakda akong mabuhay sa panahong ito? Yung mga kaluluwa kaya ng mga may kinalaman sa pagpapahirap at pagpapako kay Kristo sa krus ay nasa impiyerno nang lahat? Kasi, pa’no kung di nila ginawa yun, eh di ibig sabihin di rin maiaalay ng Ama ang kaisa-isa niyang anak para maipakita ang lubos na pagmamahal niya sa atin at para mailigtas tayo mula sa ating mga pagkakasala.

            Bakit kaya di naramdaman at nalaman ng mga taong yun na si Kristo na pala ang ipinagsisigawan nilang ipako sa krus. Nabigo ba ang Diyos na ipakilala ang kanyang sarili? O baka naman talagang sarado lamang ang puso at isipan ng mga tao noon kaya di nila iyon napagtanto. At kung ang mga pangyayaring iyon ay naisulat ng mga propeta, kung di man ako nagkakamali, anu kaya ang ginagawa ng mga Pilipino sa mga panahong iyon? O sabihin na nating hindi pa Pilipinas ang lupain kung nasaan ako ngayon, anu kaya ang pinagkakaabalahan ng ibang tao sa ibang parte ng mundo? Nalaman din kaya nila na napako na sa krus ang Anak ng Diyos, muling nabuhay at umakyat sa langit? Nung nangyari ba ang mga bagay na yun ay kumalat ba ang balitang iyon sa buong mundo?

            Sabi nga ni Miriam, mahirap arukin ang isipan ng Diyos. Dahil kung naiintindihan natin ang Kanyang pag-iisip eh di hindi na Siya kaiba sa atin dahil naabot natin ang kanyang kaisipan, kapag nangyari yun, eh di hindi na siya Diyos, kaisa na lamang natin Siya. Kung gayun nga, bakit may mga tao na kung maka-explain ng mga nakasulat sa Bibliya eh kala mo sila ang nagsulat ng mga naitala doon. Na para bang alam nilang lubos ang lahat ng nangyari kahit wala naman sila nung nangyari ang mga yon. Bakit ba ganun na lang ang pagpapanggap nila na maging mabuti gayong alam naman nila sa sila rin ay pwede pa ring magkamali.

            Nahihiwagaan akong lubos tungkol sa relihiyon at maka-Diyos na usapan. Dahil nga wala pa ni isa sa atin ang tunay na nakausap o nakadaupang palad ang Diyos, isa siyang malaking misteryo para sa akin. Pakiramdam ko, napakasarap gumising sa bawat panibagong umaga na may malaking katanungan tungkol sa Kanya. Di naman mali ang magtanong, di naman yun nangangahulugan ng pagsuway o walang pakundangang pagkuwestyun. Dahil kahit ano naman ang gawin ko. Siya ay mananatili pa ring Diyos, at ako ay mananatili pa ring tao na naghahanap ng mga kasagutan tungkol sa kanyang hiwaga.

            Naisip ko nga eh kung mauulit pa ba ang pagpako kay Kristo sa krus? O kung magkakaroon ba ng kahalintulad na pangyayari sa modernong panahon. Ang mundo kung ikukumpara nung mga panahong iyon ay mas naging makasalanan na sa tingin ko. Magkakaroon ba ulit ng pagsasalba para masagip tayong mga makasalanan?

            Inaamin ko na minsan, iniisip ko na sana sa panahon ko mangyari ang wakas ng mundo. Nakakakilabot nga lang, pero gusto kong masaksihan kung paano tayo huhusgahan ng nasa taas. Para ba tayong mga basura na pipiliin isa-isa para ihiwalay ang mga bulok sa hindi? Tuluyan bang impyerno kaagad ang kahihinatnan ng mga makasalanan? Maliligtas din ba ang mga taong walang relihiyon at walang pinaniniwalaan? Kasi paano kung ang isang tao ay walang relihiyon at di naniniwala sa Diyos pero namuhay naman siyang matuwid? Mas masahol pa ba yun sa mga nagsasabing sila’y kaanib ng isang relihiyong sila lamang ang maliligtas, sinasabing naniniwala sa Diyos pero baluktot naman ang pamumuhay? Parehas ba silang mapaparusahan o pareho pa ring tatanggpin dahil sa lubos Niyang pagmamahal?

            Hindi lubos na naiintindihan ng tao ang tungkol sa kanyang buhay. Kaya ipinapagpatuloy na lang niya anu man ang nakagawian. Susunod na lang siya sa mga nakagawian ng marami, kung sabagay, kung katulad ng marami ang iyong ginagawa, aakalain mo na rin itong tama.

(1/5). Pagka-miss sa blog, semana santa, mga pari at ang nakabuburyong na buhay.


Ika-28 ng Marso, 2013
Huwebes, 10:18 ng umaga

            Nami-miss ko na ang blog ko. Iniisip ko kung meron pa bang bumibisita dun, o kung meron bang bagong komento na di ko pa nabibigyan ng reply. O kung meron bang nagtanong kung kamusta na ako, kung bakit na di na ako nagpo-post, o kung wala talagang nakapansin sa lahat ng mga nabanggit ko J.

            Nakakapanibago talaga kapag wala kang internet ngayon sa bahay. Masyado na akong nasanay na laging naka-online at kung saan saan napupunta. Binago na talaga ng teknolohiya ang takbo ng ating mga buhay. Ngayon di mo na kailangan pang lumabas para lang makipag-socialize, dahil pwede mo naman gawin yun basta naka-online ka.

            Sawa na ako na i-save na lang ang mga naisusulat ko sa netbook. Ewan ko pero parang nakagawian ko na rin talaga na kahit paano ay ibahagi kung ano man ang nangyayari sa buhay ko ngayon. Siguro, iniisip ko na para sa pagtanda ko at sana’y uso pa rin ang blogging sa panahon na yun, ay meron pa rin akong mababalikan na mga kwento tungkol sa buhay ko.

            Malaki na rin talaga ang naitulong ng pampalipas oras na pagsusulat. Maraming bagay ang mas naiintindihan ko kapag sinusulat ko. Kaya, nitong holy week, araw-araw akong nakakapagsulat ng tungkol sa kahit na anong nangyari o naiisip ko sa mga oras na yun. Pakiramdam ko lang, parang lagi kong kausap ang sarili kapag nagsusulat. Pwede na rin ang ganun, dahil wala rin naman talaga akong makausap dito sa bahay kahit pa nandito ang nanay, tatay at kapatid ko. Lahat kami may sari-sariling mundo.

            Ramdam ko lang na holy week dahil sa mga palabas sa tv na puro patungkol kay Kristo o anu pa mang programa na may kinalaman sa Diyos. Pero kung wala ang tv… baka di ko rin mapansin na holy week na pala. Hindi naman kasi talaga kami yung pamilya na sarado-katoliko. Katoliko kami pero mahina ang pundasyon namin sa pagsunod sa mga tradisyon o mga relihiyosong gawain. Para bang nasanay na ako, mula pagkabata, na ang holy week ay pinapanuod ko lang sa tv. Ganun lang. Ni hindi ko pa naranasan ang pabasa, visita iglesia… nasabi ko na ‘to dati, pero inuulit ko na namang banggitin, siguro kasi paulit-ulit din naman ang nangyayari tuwing holy week. Bakit ba kasi tuwing semana santa lang nagkakaroon ng mga ganitong palabas sa tv, bakit hindi araw-araw? Ang dating tuloy sa akin eh ang pagiging mabuti at pagninilay tungkol sa kabutihan at pagmamahal ng Diyos ay ginagawa lamang sa naitakdang panahon o oras, matapos nun ay pwede na ulit manumbalik ang lahat sa dati nilang buhay.

            Di na katulad dati ang pagtingin ko ngayon sa mga pari, pero nandun pa rin ang paggalang ko sa kanila. Nung bata pa ako napakataas ng tingin ko sa mga pari, na para bang isinugo talaga sila ng langit para maghasik ng kabutihan at turuan ang lahat ng mabuting pag-uugali. Yung pakiramdam na tuwing makikita ko sila, para bang di sila dumaan sa pagkabata kaya para silang walang bahid kasalanan. Pero ngayon, ang ibang mga pari ay di ko na maikakaila mula sa mga normal na tao. Katulad din naman pala natin sila. Siguro di ako patas sa pag-iisip ko ng ganito, pero di naman ako tumitingin lang sa mga nakikita ko. Hindi ako magkakaganito kung wala naman akong naoobserbahan o nakikita mula sa mga sariling mata ko. Sinasabi ko ‘to hindi para manghusga. Sino ba ako.

            Hindi ako tiyak kung kaya ba nilang bumaba sa kinalalagyan nila para mas magabayan pa ang mas marami tungkol sa pananampalataya. Para bang ang pagiging pari ngayon ay wala na ring ipinagkaiba sa mga posisyong iniluluklok natin sa gobyerno. Ang buong simbahan ay para bang isang uri na rin ng pulitika. Inilalagay din nila ang kanilang mga sarili sa pedestal. Kaya nga parang di sila maabot ng mga karaniwan. Masyado na nilang itinaas ang mga sarili na para bang ka-level na nila ang Diyos. Hindi na sila marunong lumapit.

            Hindi ako kontra sa simbahan. Kailangan ko rin sila bilang parte ng lipunang kinalalagyan ko. Naghahanap lang siguro ako ng mas marami pang pruweba na magpapatunay na mali ang aking sinasabi base sa limitado kong karanasan. Baka meron pa akong di nasisilayan na mas mabuti ukol sa kanila. Baka naging limitado lang talaga ang aking pagtingin. Iba ang pambabatikos sa paglalahad lamang ng kung anu ang nasa loob ko. Ang ginawa ko ay ang huli, kaya wala akong anu mang motibo sa mga inilahad ko. Ipinaliwanag ko lang dahil ayokong magpanggap na mabuti… at ayoko rin ng may kaaway J.

            Tinitipid ko ang pagbasa ng ‘The Perks of being a Wallflower’. Yun yung libro na ini-enjoy kong basahin ngayon na ayokong matapos, kahit pa alam ko na kung anu-ano ang mangyayari pati na ang ending dahil mas nauna ko pang napanuod ang pelikula kaysa basahin ang libro. Mas mahusay nga sa libro, dahil mas detalyado ang takbo ng kwento. Hindi ko naman talaga binili ang librong yun, e-book lang ang aking binabasa. Three hundred plus ata ang libro na yun, di ko pa mabili dahil pulubi pa ako sa mga oras na to J.

            Natatakot ako na baka hindi ko magawa lahat ng nais ko sa buhay. Ayokong isipin na pera lang ang kailangan ko para lang magawa ko ang mga bagay na gusto kong gawin. Nalulungkot ako na baka dumating yung araw na sa isip at imahinasyon ko na lang mangyari ang lahat… hindi sa realidad na parte ng buhay. Sa mga panahon na nakakulong lang ako dito sa kwarto, pakiramdam ko mas lumiliit ang tsansa ko na maisakatuparaan ang lahat. Pero malakas pa rin ang paniniwala ko na baka bukas at sa mga darating pang araw, ang bawat paghakbang ko sa labas ay ilalapit ako papunta sa hinahangad kong landas.

4:09 ng hapon

            Wala akong ginawa maghapon kundi maglaro sa cellphone hanggang sa ma-lowbat na ‘to. Tapus balik ulit sa netbook at magsusulat ng kung anu-ano. Buryong na buryong na ako dito sa kwarto. Nandito naman ang tatay at kapatid ko pero di ko magawang makipag-usap sa kanila. Iniisip ko nga kung kailan ba mapupuno ng kwentuhan ang bahay na ‘to ng kaming tatlo lang. Pag wala ang nanay ko wala nang nag-uusap dito sa bahay. Nakakaloko lang. Di ko man lang narinig kahit isang beses ang boses ko ngayon. Kundi pa ako kakanta ng kahit ano sa CR, aakalain ko na pipi na talaga ako. Kung di pa nakabukas ang tv, wala ka talagang maririnig na kahit ano dito sa bahay. Katahimikan lang…

            Naiinggit ako sa mga napapanuod ko sa mga pelikula. Minsan, gusto ko talaga yung set-up ng pamilya sa ibang bansa tulad ng sa America. Napaka-straight forward ng kanilang pag-uusap, at nasasabi nila yun ng walang pag-aalinlangan. Naisip ko sana ganun na lang din kami. Pero pelikula yun eh… at hindi kami artista… uhm ako lang pala ang artistahin sa amin J, may maibanat lang.

            Ilang araw na akong di humahalakhak ng malakas tulad ng nagagawa ko sa faculty kapag kasama ko ang aking mga kaibigan. Ilang araw na din akong di nakkikipag-kwentuhan. Ang weird. Naisip ko na lang, di bale, semana santa naman. Baka ito na ang aking penitensya.

            Hindi ko alam kung dapat ba akong mainis. O kung dapat ko bang ipaalam kay mama na di ko nagugustuhan ang ganitong saradong linya ng komunikasyon sa aming bahay. Pero kahit ano pa ang aking sabihin, mahirap na ‘tong mabago. Ganito na kami pinalaki. Ganito na talaga ang aming pamilya. Di naman yun miserable para sa kin. Nasanay na rin naman ako. Kuntento na ako sa ganito.

            Kahit itambay ko pa ang pagmumukha ko sa bintana, pakiramdam ko wala pa ring makikipag-usap sa akin. Maaatim ko bang makipag-tsismisan sa mga tao dito sa amin. Syempre hindi. Napaka-weird naman ng kinalalagyan ko. Di ko alam kung pano ako nakakatagal ng ganito. Para lang may magawa, pati yung mga libro na binili ko dati ay pinagtyagaan ko nang basahin. Yun yung mga libro na di ko ipinagpatuloy na basahin kasi akala ko ‘corny’ at baka di lang ako matawa… siguro sa sobrang pagka-bored ay pumatok na rin sa akin ang mga banat ng librong yun, ang mahirap lang, kailangan ko pa ring gawin ang pagtawa ng tahimik, ngiti-ngiti lang… haynaku… malapit na akong masiraan dito. Daig ko pa preso. Daig ko pa nasa seminary. Daig ko pa kumbento. Konti na lang, monastery na tong bahay namin…
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...